Chapter 18

1312 Words
Medyo nakakaramdam na ng pagod si Sophia nang mapansin niyang pasukal na ng pasukal ang nilalakaran nilang magkaibigan na nasa likurran niya lang. Nakakailang liko na rin sila sa masisikip na daanan pero wala pa rin yung batis na dati niyang napuntahan. Ang pagkakaalam niya ay wala pang limang minuto ang nilakad niya noon mula sa dulong hilera na kubo pero ngayon ay mahigit kinse minutos na yata sila sa gitna ng matataas na damong nadadaanan nila pero hindi pa niya naririnig ang lagaslas ng tubig mula sa nasabing paliguan. "Dito lang 'yun eh." Malakas na bulong niya sa sarili na umabot sa pandinig ng kaibigan. "Alam ko dito lang yun sa malapit." "Sophia, naliligaw na ba tayo?" Nilinga niya ang kaibigan at bahagyang inilingan. "Dito lang 'yun. Alam kong malapit lang yun sa kubong nasa dulo, yung dinaanan natin bago tayo pumasok dito sa kakahuyan. Pakinggan mo nga ng maayos kung may naririnig kang lagaslas ng tubig." "Wala akong marinig." Malakas na wika nito. "Baka naman hindi 'yun dito." "Hindi. Dito lang 'yun." Aniya habang payuko-yuko dahil sa mga baging na nakasabit sa mga punong nadadaanan nila. Nakakita siya ng palikong daan pakaliwa at dahil sa umaasa siyang makikita na nila yung batis na kanilang sadya ay pinasok niya iyon na sinundan ulit ng kaibigan. "Ano ba kasi ang naisip mo at gusto mong puntahan yung batis na 'yun? Wala ka namang sinabi kanina habang papunta tayo rito sa farm." "Kailangan ba may dahilan yung pagpunta ko doon? Ngayon lang ako ulit nakapunta dito sa farm na libre ako ng ilang oras. Sayang naman kung wala tayong gagawin. Mamaya pa naman ang tanghalian kaya pumasyal muna tayo doon." "Ay kambing! Ayyyyy!!!!" Tili ni Emma na nakapagpatigil sa kanya. Tamang-tama na paglingon niya ay yumakap ito sa kanya kaya pareho silang bumagsak, ilalim siya. "Awww! Emma!" Sinapo niya ang kanyang ulong tumama sa isang mahabang ugat ng puno na may maliliit na sanga ng kung ano na tumusok sa may tainga niya. Hindi lang iyon dahil pakiramdam niya ay may nadaganan din silang mga nabaling maliliit na sanga na ngayon ay tumutusok sa likuran at kanyang balakang. "May ano doon, Sophia... mahaba nandoon-" Hindi na madugtungan ni Emma ang sasabihin habang nakaturo ang kamay sa may likuran nito at ang mga mata ay takot na takot na nanlalaki. "Ano!?" Kinabahan din siya sa naiisip niya lalo pa at nasa lupa sila. "Mahaba nandoon! Nakita ko Sophia-" nahihimigan na niya ang panginginig sa boses ng kaibigan na mas nagbigay ng nerbiyos sa kanya. Unti-unti niyang sinilip ang itinuturo ng kaibigan habang tinatalasan din ang pandinig sa mga kaluskos sa paligid. "Wala naman..." "Nandiyan... parang may brown tapos may yellow tapos may green... Sophia makamandag yun di ba?... Balik na tayo." Tumango siya. Hindi gumalaw si Emma sa pagkakadagan sa kanya kaya niyugyog niya ito. "Emma, tayo ka na diyan at para makatayo na rin ako." Ilang sandali pa bago ito tuluyang kumilos. Nang makatayo ay humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya nang mapatingin sa inaakala nitong ahas na nakapulupot sa isang sanga ng puno. "Ayun yun Sophia..." Pinakatitigan niya ang itinuturo nito at maya-maya pa ay nakahinga din siya ng maluwag. Tuyot na dahon ng saging ang nakikita niya na pumulupot sa isang baging. "Dahon naman yan..." Ganoon pa man ay pumutol siya ng sangang nahigaan niya kanina at inabot niya ang itinuturo ni Emma. Nang hindi iyon gumalaw ay doon na sila tuluyang nakahinga. Hindi niya alam kung anong mangyayari sa kanila kung ahas nga talaga ang nakita ng kaibigan lalo na at siya ang nagsama-sama dito. "Halika na. Balik na tayo." Hinawakan niya ang kamay ni Emma at tinahak nila ang daang pinanggalingan nila kanina. Ang pagkakamali niya lang ay hindi niya tinandaan ang bawat likong ginawa nila papasok doon dahil sa pag-aakalang mabilis lang silang makakabalik sa kanilang pinanggalingan ngunit iba ang nangyari. Sa bawat liko nila ay parang mas lumalayo sila hanggang sa narating nila ang dulong bahagi na yata ng lupain ng mga De Vera dahil sa bakod na alambreng nakatali sa mga punong nasa bahaging iyon. Bigla siyang nakaramdam ng pangamba. Narating na nila ang dulong bahagi ng farm pero ang pakay niyang batis ay hindi niya pa nakikita. Diyata't hindi nga talaga sa bahaging iyon naroroon ang pakay niya at hindi pa niya naaabot ang bahaging iyon ng lupain. Tiningnan niya ang kaibigan ng may pag-aalala. "Naliligaw na tayo?" Parang batang tanong nito. Tumango siya at kinagat ang mga labi. Hindi siya mahina sa direksyon at kaya niyang tuntunin ang lugar kahit na isang beses niya pa lang napupuntahan pero hindi niya akalain na makakalimutan na niya ang kinaroroonan ng batis na dati na niyang nabisita. Ang malala pa ay hindi niya ngayon alam kung pakanan ba o pakaliwa ang tatahakin nila pabalik. Sa lawak ng farm ng mga De Vera ay hindi niya alam kung makakabalik ba sila bago ang tanghalian na ibinilin ni Mr. Augusto sa kanila. Kapag nalaman din ng Inay niya ang nangyari ay pihado siyang mapapagalitan siya nito kasama si Emma. "Dinala mo ba yung cellphone mo?" Tanong ni Emma maya-maya. "Hindi." "Nakalimutan ko rin yung sa akin." Anitong tumingala sa itaas. Dahil matataas ang punong nakapaligid sa kanila ay bahagya lang silang naabot ng sinag ng araw na nagbigay ng hilakbot sa kanya. Kapag kasi inabot sila ng hapon roon ay paniguradong madilim na sa bahaging iyon dahil sa lilim ng mga puno. Hindi niya na rin alam kung gaano na sila katagal na nagpapaikot-ikot sa bahagi ng kasukalang iyon. 'Alam kaya nilang naliligaw na kami?' Bigla niyang naisip at napaupo pasandal sa malaking punong mahabang-mahaba na ang katawan at walang mga sanga. Si Mr. Augusto ang inaasahan niyang makakapansin sa pagkawala nila ni Emma pero umaasa rin siyang sana mapansin ni Aling Delia ang pagkawala nila. At dahil sa kasama rin naman nila si Dolfo sa pagpunta roon, sana rin ay maisip nitong wala pa sila para tumulong sa paghahanda ng tanghalian. Hindi na siya umaasang mapapansin ni Virgil ang pagkawala ng presensya nila ng kaibigan pero kung sakali man na napansin nito ay sana magsabi ito sa ama. "Halika na, Sophia. Balik na tayo." "Hindi ko na alam ang daan pabalik..." Nahihiya niyang wika dito. Tumango ito. "Okay lang. Halika, hanapin na lang natin." Nilapitan siya nito at inilahad sa harapan niya ang isang palad. "Halika na. Baka hinahanap na nila tayo. Walang maghahanda ng pagkain nila." Inabot niya iyon at nagpahila dito patayo. Kung kanina ay siya ang nangunguna sa paghahanap ng daan nila pabalik, ngayo ay si Emma na ang sinusundan niya habang bitbit niya ang sangang binali niya kanina ngunit dahil sa pare-parehong laki ng punong nadadaan nila ay hindi rin nila malaman kung saan ba talaga sila dapat na pumunta. Kapag may nakikita silang paliko ay pinapasok nila iyon pero parang bumabalik lang sin sila sa kanilang pinanggalingan. "Emma, di ba galing na tayo dito kanina? Bakit pabalik-balik lang tayo dito sa bahaging 'to?" "Ano bang sinasabi mo? Hindi no." "Nandito tayo kanina. Ayan o, yang punong yan na may malagong dahon, yung guhit sa puno, ginuhit ko yan kanina gamit 'tong sangang ipinangtutungkod ko. Di ba lumiko-liko na tayo? Bakit bumabalik parin tayo dito?" "Huwag mo ngang takutin ang sarili mo." Pinanlakihan siya nito ng mata. "Kung ano-ano ang sinasabi mo." "Hindi naman... pero tingnan mo..." Muli niyang turo sa puno. "Shhhh. Tumigil ka nga. Halika na at umalis na tayo rito. Mahahanp din natin yung daanan, huwag kang mag-alala." Inabot na nito ang kamay niya at mahigpit siyang hinawakan. Hindi man nito sabihin pero alam niyang natatakot rin ito sa sinabi niya. Hindi naman kasi kaila sa kanilang dalawa ang mga sabi-sabi tungkol sa mga engkantong lumiligaw sa mga tao lalo na at nararansan nila ngayon ang maligaw pabalik. Nagpahila siya dito. Sa isip niya ay sana nga hindi sila nae-engkanto. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD