Mula sa pagkakasandal sa bakal na barandilya ng kamalig kung saan naroon ang inahing baka at kasalukuyang inaabangan ni Doc Alvin ang pagputok ng panubigan ay inilinga ni Virgil ang paningin sa kubong kinaroroonan kanina nina Sophia at Emma.
Nakita niyang umalis ang dalawa dahil nagpaalam ito sa kanyang Papa na kanina ay kasama rin niya doon sa kamalig pero dahil sa init ay nagpasyang pumasok muna sa pinaka-opisina ni Doc Alvin upang magpahinga at sandaling umidlip. Madaling araw pa kasi ito roon sa farm nila at sa katunayan nga ay hindi niya ito nadatnan sa bahay noong pagkagising niya.
Hinanap niya ng tingin si Dolfo. Nakita niya ito na nasa may bandang likod ng kubong kinainan nila kanina at naninigarilyo pero ang dalawang kasama nila ay hindi niya nakita roon.
"Kuya Alvin, si Liksi po?" Tanong niya. Ang pinapatungkulan niya ay ang kanyang kabayo na hindi pa niya nadadalaw sa araw na iyon.
Mula sa pagkakatanghod nito sa bakang nakahiga ay tumayo ito at lumapit sa kanya. Kahit nakasuot ito ng tila plastic na damit ay halata ang pagiging batak nito sa trabaho na bumabakat sa suot nitong uniporme. May nginangatnagt itong tila pinutol na sanga ng kugon pagkatapos ay namewang sa harapan niya.
"Nasa kwadra. Bakit?"
"Kunin ko muna."
"Magpaalam ka sa Papa mo."
"Huwag na. Nagpapahinga 'yun doon sa kubo mo kaya huwag na. Saglit lang naman ako." Tumalikod na siya rito at tinungo ang kwadrang kinaroroonan ng kabayo niya. Hindi niya namalayang nakasunod pala ito sa kanya.
"Hinahanap mo ba si Sophia? Doon ka pumunta sa bahaging 'yun. Doon sila pumunta kanina." Inginuso nito ang dulong bahagi ng mga kubo kung saan ay kakahuyan na ang nasa likuran. Kumunot siya ng noo at rumihistro sa mukha niya ang pag-aalala.
"Bakit hindi mo sinaway kanina? Alam mo namang masukal yung bahaging yun?!"
Tinaasan siya nito ng kilay. "Gusto mo bang ako ang humanap sa kanila?"
Sinamaan niya ito ng tingin at diretso niyang tinungo ang kinaroroonan ni Liksi. Pagkabukas sa pintuan ng kwadra nito ay sumakay na siya kaagad at hindi na nagpaalam sa kausap. Umiiling-iling itong sumunod ng tingin sa kanya.
Mabilis niyang narating ang bahaging itinuro ni Alvin at pumasok sa masukal na daanan. Hindi niya alam kung anong pakay nina Sophia sa bahaging iyon pero alam niyang hindi maganda ang ideyang ginawa ng dalawa. Ilang buwan na ang nakakalipas ay may namataang mga hindi kilalang lalaki ang nakapasok sa lupain nila kaya naman ay nagpalagay na ang Papa niya ng mga alambring bakod sa hangganan ng lupain upang hindi na maulit ang nangyari.
Bukod pa roon ay hindi rin dapat na ipagsawalang bahala na maaaring may ahas ang bahaging iyon dahil sa sukal niyon at iyon ang mas ipinag-aalala niya.
Natigil nga siya sa mabilis na pagpapatakbo kay Liksi dahil sa sikip ng daan at maliban pa roon ay mabaging ang paligid. Nag-aala din siyang biglang sumabit ang paa nito at mapatid kaya nagtiyaga na lang siya sa halos palakad na lang nitong takbo habang ang kamay ay sumasalag sa mga sanga at baging.
"Sophia!" sigaw niya. Kanina pa niya hindi nakikita ang dalawa kaya baka nasa malayong bahagi na ang mga ito ng kakahuyan at hindi siya naririnig kaya mas nilakasan niya ang pagtawag dito. "Sophia!!!"
"Liksi, yah!!!" Mando niya rito ng may makitang medyo malaking daanan paliko sa dulo ng napasok niya. Sumunod naman ito at tinulinan ang takbo pero kaagad din niya itong pinigilan ng maging masikip ulit ang daan pagkalikong-pagkaliko lang nila."
Hindi niya kabisado ang bahaging iyon at kung hindi niya napigilan si Liksi ay baka natumba na ito.
Luming-linga siya sa pag-asang masususlyapan sa kahit saan sa bahaging iyon ang hinahanap pero hindi iyon nangyari. "Sophia!"
Iginiya niya si Liksi pa-deritso. Katulad kanina ay mabagal ulit ang lakad nito dahil sa masikip na daanan samahan pa ng mga baging at sangang nakaharang sa paligid.
Lumakas ang pagbangon ng kaba sa dibdib niya ng sa dulo ng tinatahak niya ay magkasangang daan ang bumungad sa kanya. Sa kanyang inis ay naiwaksi niya ang sangang nakaharang sa paningin niya. "Saan na tayo?" Tanong niya sa sarili pagkatapos ay tumingin siya kay Liksi.
Ngayon tuloy siya nagsisi kung bakit siya nainis kay Alvin sa halip na magpasama dito. Alam niyang kabisado nito ang mga daanan na iyon dahil katulong ito palagi ng ama nitong si Mang Simeon sa pamamahala ng farm nila.
Ngani-ngani siyang bumalik upang magpatulong dito pero naalala niya ang ipinabibigay ng Inay ni Sophia dito. Hindi pa niya iyon ibinibigay sa lalaki at hindi niya iyon balak na ipaalam pa. Muli niyang iwinaksi ang sanga ng muli iyong humarang sa paningin niya.
"Yah!!!" Mula sa bandang likuran niya ay narining niyang wika ng pamilyar na boses. Paglingon niya ay si Alvin nga iyon sakay ng isa sa mga kabayo nila. Kapatid iyon ni Liksi at katulad ng alaga niya ay matikas rin iyon bagama't medyo mas mababa. Awtomatikong nag-iwas siya ng tingin dito.
"Ano wala?" Tanong nitong hindi tumitingin sa kanya.
"Wala pa."
"Hmmm." Umanyo itong nag-iisip na hinimas-himas ang baba habang tinitingnan ang magkasangang daan. "Kabilaan tayo. Magkatagpo naman yang dalawang daan na yan sa dulo."
Pagkarinig niyon dito ay walang paa-paalam na pinatakbo niya si Liksi at tinahak ang nasa gawing kaliwang daan. Naiiling na lang nitong tinungo ang daan sa kabila hanggang sa tuluyan din itong nawala sa pandinig niya.
"Sophia!!!" Sigaw niya. May kakaibang kurot sa dibdib niya ang pagsambit sa pangalang iyon. Nag-echo ang tinig niya sa paligid pero lamang ang lakas ng kabog sa dibdib niya. Lumipas ang mga sandaling wala siyang ibang narinig kundi ang kanyang paghinga at ingay ng yabag ni Liksi at ang ingay ng mga sanga ng puno na nasasagi nito.
"Sophia!"
Masukal na ang bahaging tinatahak niya. Kung nagpunta sa bahaging iyon ang dalawang hinahanap ay maaaring nahirapang makalabas ang mga ito dahil sa halos pare-parehong punong nadadaanan nila.
Nang marating ang tila madilim na bahagi ng gubat ay kusang bumagal ang takbo ni Liksi na parang nakaramdam ng takot sa bahaging iyon. Inabot niya ang likod ng ulo nito at hinimas iyon.
"Shhhh." Aniya rito ng bigla itong pumilig-pilig. Tiningnan niya ang paligid pero wala siyang makitang palatandaan na may nagawi roon. Walang putol na sanga sa mga puno sa unahan nila. Walang mga damong naapakan at walang kahit na anumang tunog siyang naririnig maliban sa huni ng mga ibon na marahil ay nabulabog nila.
"Sophia!!!" Muli ay sigaw niya.
Hinyaan niyang umalingaw-ngaw iyon sa paligid. Kung naroon lang ito sa malapit ay siguradong madidinig nito iyon dahil kahit ang mga ibon ay nagliparan sa sigaw niya.
Ngunit wala pa ring sagot.
Magtatanghaling tapat na at halos wala ng isang oras ay tanghalian na ng mga trabahante sa farm. Kung hindi sila makakabalik kaagad ay baka makagalitan sila ng ama niya.
"Sophia!!!" Diniinan niya pa ang pagtawag sa pangalan. Kasabay iyon ng pipi niyang dalangin na marinig na sana iyon ng dalawa at ng makauwi na sila.
"Yaahhh!!!" Kasunod niyon ay humawak siya ng mahigpit sa renda ng kabayo. Wala namang pag-aalinlangan sa galaw ni Liksi na kaagad tumakbo sa kabila ng masukal na daanan ng marinig ang hudyat niya. Sa isip niya ay kailangan niyang mahanap ang dalawa sa lalong madaling panahon.