Chapter 1

1265 Words
Habang nakatayo sa gilid ng pintuan papasok sa malaking bahay ng mga De Vera ay ibinaba ni Sophia ang paningin upang hindi niya makasalubong ang parati ay masamang titig ni Virgil na noon ay kakababa lang ng sasakyan nito at humahakbang paakyat ng hagdanan patungo sa malaking tarangkahan ng bahay kung saan siya nito naabutan. Tanggap na niyang mababa ang trato nito sa kanya dahil sa pagiging anak katulong niya na ayon dito ay nagsasamantala sa kabutihan ng ama nitong siya ring nagpapa-aral sa kanya sa mamahaling eskwelahang pinapasukan rin ng binata. Nang tumapat ito sa kanya ay mas lalo niyang ibinaba ang kanyang mukha. Ngayon ay tanging sa suot na tsinilas niya siya nakatingin dahil pakiramdam niya'y kahit tingnan ang suot nitong sapatos ay hindi karapat-dapat para sa kanya. Matayog ito masyado at hindi dapat masilayan ng dukha niyang pagkatao. Ilang sandali itong nanatili sa kanyang harapan. Saglit niyang nasipat ang mamahalin nitong itim na sapatos na gawa sa balat pero kaagad niyang binawi ang tingin doon at dinala sa tsinilas niya. Ang ipinagpapasalamat na lang niya ay, dahil nakatungo siya ay hindi niya nakita kung gaano kasama ang tingin nito sa kanya noong mga oras na iyon. Kanya na iyong nakikini-kinita dahil ganoong klase lamang ang tingin na ibinibigay nito sa kanya kahit saan man sila nito magpang-abot... ...tingin ng disgusto na may kasamang pangmamata at galit... Hindi niya maisip kung bakit ganoon na lang ang pagkamuhi sa kanya ni Virgil samantalang minsan naman ay naging magkaibigan naman sila. Iyon ay noong mga panahong nangangailangan pa ito ng kalaro at nakikipaghabulan pa sa kanya. Tila kailan lamang iyon pero sa paglipas ng mga araw ay unti-unti itong nagbago hanggang sa hindi na siya nito tapunan man lang ng tingin at ngayon nga ay may kasama ng galit ang mga sulyap na ibinibigay nito sa kanya. Mula sa pagkakatungo niya ng ulo ay hinintay niyang humakbang ito papasok ng pintuan at nang masiguradong nakalayo na ito ay saka siya malungkot na nagtaas ng ulo. Mababa na ang tingin niya sa sarili dahil sa pagiging anak kasambahay niya pero sa harapan ni Virgil, pakiramdam niya ay para siyang nagiging basahan na pwede nitong pamunasan ng sapatos anumang oras na gustuhin ng lalaki. Ilang beses muna siyang huminga ng malalim at lumunok ng laway bago niya tinungo ang malaking pinto upang isara iyon. Nagbago na ang isip niya. Nang maisara niya ang pintuan ay lumakad siya paikot ng malaking bahay at tinungo ang maliit na pintuan sa likuran niyon. Ang sadya lang naman niya ay ang kanyang Inay na alam niyang nasa kusina pa sa mga oras na iyon kaya didiritso na lang siya roon upang matulungan ito sa ginagawa nito at ng sa ganoon ay makauwi rin sila ng maaga-aga at makapag-pahinga ito sa maghapong pagta-trabaho sa napakalaking bahay ng mga De Vera. Nadaanan niya sa likuran ng bahay si Emma na isa rin sa mga kasambahay roon na mas matanda lang sa kanya ng ilang taon. Ito ang taga-linis sa bahay. Kasalukuyan itong nagbabanlaw ng mop na tumitilamsik pa sa suot nitong apron na nakapatong sa kulay asul nitong blusa na pinarisan ng hapit na palda ng madaanan niya. Katulad ng araw-araw niyang kita rito ay pusturang-pustura ito na kinagigiliwan niya. "Sophia! Narito ka?" Masaya nitong turan nang malingunan siya. Nginitian niya ito at nilapitan. "Parang ngayon mo lang ako nakita. Lagi naman akong narito a." Tumawa ito. "Alam ko. Natutuwa lang akong makita ka ulit. Magkwentuhan naman tayo minsan, madalas ka na kasing abala sa eskwela mo eh." "Oo naman. Pero huwag muna ngayon. Tutulungan ko pa ang Inay, eh. Nasaan ba siya?" Inginuso nito ang pasilyong papunta ng kusina. "Sa kusina siguro. Anong oras na eh. Pihadong abala na iyon sa pagluluto ng hapunan." Tumango siya. "Sige salamat. Puntahan ko na ha." Kabisado na niya ang bahaging iyon ng bahay kahit pa siguro nakapikit siya. Ang maliit na pasilyong iyon na ang tagos ay ang dirty kitchen ay mayroon ding tatagusan papunta sa pinaka-gilid na bahagi ng bahay kung saan siya madalas naglalagi noon habang hinihintay ang ina kapag ginagabi ito ng uwi sa bahay nila. Ngayon, bagaman at hindi na siya naghihintay sa kanyang inay sa bahaging iyon ng bahay ay nagagawi pa rin siya roon upang umiwas kay Virgil kapag nagkakataong nasa kusina ito pag pumupunta siya na sa hindi niya malamang dahilan ay galit palagi kung tumingin sa kanya. Napangiti siya nang matanaw ang kanyang Inay. Nasa lababo ito at naghuhugas ng bigas base sa kalderong hawak nito. Tahimik siyang lumakad papunta sa likuran nito at nang masiguradong hindi siya nito napansin ay niyakap niya ito sa bewang. "Inay!" Aniya niyang panggugulat dito. "Ay! Are kang bata ka!" Tumigil ito sa ginagawa at pinalo siya sa kamay. "Ginulat mo ako! Muntikan ko ng maitapon ito." "Sobrang nagulat ko ba kayo?" Natatawa niyang silip sa mukha ng ina. "Aba'y hindi. Akala ko'y may kung ano ng yumugyog sa akin eh." "Ang Inay naman... Parang hindi na kayo nasanay. Ako lang naman ang yumayakap sa inyo eh. May iba pa bang yumayakap sa inyo rito?" Linga niya sa paligid nila. Muli siya nitong pinalo sa likod ng kanyang kamay. "Tumigil ka nga riyan." Hinigpitan niya ang yakap dito at inamoy ito. "Amoy kare-kare kayo Inay. Iyon po ba ang ulam nila?" "Ganoon na ba ako kababad dito sa kusina para mangamoy pagkain?" "Mabango kayo Inay, huwag kayong mag-alala. Maliban sa kare-kare ay amoy..." Sininghot niya ito. "Amoy... langis din kayo." Napakunot noo siya. "May masakit po ba sa inyo?" Alam niya ang langis na nabibili ng Inay niya sa isang manghihilot ay espesyal lamang para sa matitinding sakit na nararamdaman nilang mag-ina. Paano ay mamahalin rin iyon at galing pa raw sa halamang gamot na hindi raw pangkaraniwang makikita sa lugar nila o sa mga karatig bayan kaya tipid na tipid ang Inay niya sa paggamit nila niyon. Miminsan na siyang napahiran nito niyon at iyon ay noong isang beses na napasukan siya ng hangin at halos hindi makahinga na. Naging maagap naman ang amo ng Inay niya na maipadala siya sa hospital sa bayan pero habang nasa sasakyan sila papunta roon ay unti-unti naman siyang nakahinga matapos siyang mapahiran at mahilot ng Inay niya sa kanyang tiyan kaya alam niyang espesyal talaga ang langis na naamoy niya sa Inay niya ngayon. "Magsabi kayo ng totoo, Inay. May masakit sa inyo ngayon ano?" "Shhhtt. Wala. Ito naman parang bago ng bago sa akin. Mukha ba akong may sakit? Nanakit lang yung katawan ko. Siguro ay dahil sa pagluluto ko kahapon nung kakanin. Di ba kailangang haluin yun ng haluin? Kaya ayun, nanakit yung mga balikat ko at likod." Napalabi siya. "Pinagluto na naman kayo ni Virgil ng pagkadami-daming pagkain tapos wala namang kakain? Pinapahirapan ka lang talaga ng taong iyon, Inay." "Hindi. Si Augusto ang nagpaluto niyon at hindi si Virgil. May mga bisita kasi sila kahapon hindi ba?" Nabalitaan nga niya na may mga bisita sa dairy farm ng mga ito at prospect buyer yata ng mga produkto, para pala sa mga iyon ang niluto ng Inay niya. "Sige na at bumitaw ka na sa akin at ng maituloy ko na itong niluluto ko... At ng makauwi na tayo." "Ako na ho ang magluluto, Inay." Bumitaw siya rito ng yakap at inakay ito papunta sa mahabang upuan na naroon. "Pahinga muna kayo. Pagkatapos ko ay uwi na tayo?" Tumango ang Inay niya at ngumiti ng pilit matapos itong makaupo at maiunat ang likod. Siya naman ay dumiritso na sa harap ng lababo at ipinagpatuloy ang ginagawa ng ina kanina. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD