“Sky,” malambing na tawag ko sa kanya.
Naningkit kagad ang mga mata n’ya nang tingnan n’ya ako. Hindi siya tumayo sa pagkakaupo n’ya sa kama n’ya at tinuloy lang ang ginagawa n’yang pagtipa sa laptop n’ya. Naglakad ako papalapit sa kanya. Bago pa ako tuluyang makalapit sa kanya ay binaba n’ya na ang screen ng laptop n’ya at hinarap na ako.
“Ano’ng ginagawa mo dito?” walang ganang tanong n’ya.
“Ano na naman ba ginawa ko?” malungkot na tanong ko. “Ang cold mo na naman sa akin. Sorry na, Sky.”
“Akala ko ba hindi mo alam kung ano ang ginawa mo, bakit ka nag-so-sorry?” seryosong sabi n’ya.
Tumayo na siya at naglakad palabas ng kuwarto n’ya. Nang makarating siya sa pinto ay saka ko lang napansin na wala pa lang siyang pang-itaas. Nakita ko na naman ang hindi makatarungan n’yang katawan. Masyadong pinagpala ang katawan ni Sky. Para siyang sculpture na perpekto ang pagkakagawa sa bawat curve nito. Pati ang isang balot ng malaking monay sa tiyan n’ya, talaga namang mabubusog ka.
“CK, naglalaway ka.”
“H-huh?” Napapunas ako sa gilid ng labi ko. “Wala naman, e! Tss.” Tumayo na rin ako at inunahan na siyang lumabas. “Mag-t-shirt ka nga! Nagkakasala ako, e,” inis na sabi ko at nagdere-deretso na pababa papunta sa salas nila.
Nakailang buntong hininga na ako pero hindi ko pa rin alam kung paano ko nagawa `yung ginawa ko. Hindi na talaga ako mapapatawad ni Sky nito. Dapat talaga hindi ko na siya dinamay, e. Letse kasi `yung nag-comment na `yon, e.
You need to take the risk to get the biscuit? Tss. Ano `tong nangyari sa akin ngayon? Nag-take nga ako ng risk, pero ang ending si Sky ang makaka-date ko at si Jonathan ay doon sa mukhang hipon na cheerleader na ex ni Sky. Letse talaga.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko sa harapan ko ang pinagpalang katawan ni Sky. Hindi siya nagsuot ng t-shirt. Pinalitan o baka ay pinatungan n’ya lang `yung suot n’yang boxer kanina ng jogging pants.
“`Yung totoo, Sky? Gusto mo ba akong torture-in?” tanong ko sabay iwas nang tingin sa kanya.
“Gusto mo rin ba akong torture-in, CK? Alam mong ayaw ko nang makita si Celestine, pero bakit kailangan ko siyang makita?”
“Hindi ko naman kasi alam na sila pala ni Jonathan, e. Huli na no’ng malaman ko. Natanong ko na siya kung gusto n’yang lumabas kasama natin,” mahinang sagot ko.
“`Yan pa! Lalabas na lang kayo, ba’t kailangan mo pa akong idamay?”
Seryoso na talaga si Sky. Galit talaga siya sa akin. Maiiyak na ako. Kaunti pa, iiyak na talaga ako.
“Ano ba kasi nangyari sa inyo ni Celestine at bakit ayaw na ayaw mo siyang makita? Pati, manonood lang naman tayo ng sine, e. Kung ayaw mo talaga silang kasama, after no’n umuwi na tayo o kaya humiwalay na tayo sa kanila.”
“Ayaw kong pag-usapan.” Naiinis na ginulo n’ya `yung buhok n’ya. “Isang beses lang `to, CK, ha?”
Huminga muna siya nang malalim bago tumayo at bumalik sa kuwarto n’ya para mag-ayos.
Gusto kong matuwa kasi pumayag siya kahit na napilitan lang, pero kasi alam kong nainis talaga siya sa ginawa ko. Kaya hindi ko na talaga dapat ulitin pa `to. Baka hindi na ako pansinin ni Sky sa susunod. Baka ayawan n’ya na ako.
PIPINDUTIN ko na sana ang post button nang tina-type kong blog nang may biglang tumawag sa cellphone ko. Si Sky tumatawag. Mabilis na sinagot ko ang tawag.
“Tara, kain tayo ng maming gala. Labas ka na, napagpaalam na kita kay Tita.”
Hindi na n’ya hinintay ang sagot ko, pinatay n’ya na kagad ang tawag. Tiningnan ko `yung tina-type ko na blog. Hindi ko muna p-in-ost at s-in-ave ko na lang muna bilang draft at mabilis na lumabas ng kuwarto ko.
Pagdating ko sa labas ay inabutan kaagad ako ng helmet ni Sky. Ito ang paborito naming gawin. Kapag malungkot siya o ako, aayain n’ya akong lumabas. Mag-iikot kami sa buong village gamit ang motor n’ya at pagkatapos ay kakain kami sa may gate ng maming gala ni Aling Pasing.
Pagkasakay ko sa likuran n’ya at inikot ko na ang kamay ko sa bewang n’ya. Ganito kami ka-close ni Sky. Hindi ako nahihiya na ipulupot ang kamay ko sa isang balot na monay n’ya sa tiyan. Wala rin naman siyang keme kaya, dedma na lang.
“CK.” Nag-hmm lang ako sa kanya. “Wala, saan mo gusto pumunta?”
“Sa hide out?”
Hinawakan n’ya ang kamay ko na nasa bewang n’ya at inayos `to. Hinigpitan n’ya pa lalo ang pagkakapulupot nito sa kanya. Diniinan n’ya muna ang pagkakahawak n’ya sa kamay ko bago n’ya tuluyang binitawan.
“Kapit nang maigi, okay?”
PAGDATING namin sa hide out namin, inabot kagad sa akin ni Sky ang white board marker at ang permanent marker. Ganito ang ginagawa namin kapag may ganitong pangyayari. Pupunta kami dito sa abandonadong bahay sa dulo ng village at isusulat namin sa napakalaking salamin kung ano `yung nangyari.
White board marker kung pangyayaring gusto naming kalimutan. Isusulat namin at saka buburahin pagkatapos. Permanent marker naman kung pangyayaring gusto naming alalahanin tuwing babalik kami dito. Kahit anong gawin naming bura hindi siya mawawala.
Binuksan ko ang permanent marker. Nakita ko ang pagkunot ng noo ni Sky. Alam kong white board marker ang ini-expect n’yang gagamitin ko dahil ang nangyari ngayong araw ay dapat nang kalimutan, pero hindi naman lahat `yon ay dapat talagang kalimutan.
141117: Salamat, Sky. Paano na lang ako ngayong araw kung wala ka? :)
Naramdaman ko na lang ang kamay ni Sky na nasa ulo ko at ginugulo ang buhok ko. Pinigil ko ang kamay n’ya at inalis sa ulo ko. Humarap ako sa kanya at hinatak siya para sa isang yakap. Napangiti ako. Nagulat yata siya dahil ramdam ko sa pisngi ko ang mabilis na pagtibok ng puso n’ya.
“Thank you, Sky.”
Blog Post #58: Date? Disaster!
P’wede bang pumatay na ang dahilan ay dahil nalandian ka sa isang tao? Kung alam ko lang na magiging disaster itong date na `to sana hindi ko na talaga ginawa noong una pa lang.
Bakit kailangang maghalikan sila sa loob ng sinehan? At ginagawa talaga nila `yon kahit alam nilang katabi ko sila at makikita sila. Paano pa kaya kung wala ako doon? Baka kung ano pa ang ginawa nila? E, kulang na lang ay kumandong na si Hipon kay J para lang… Ugh!
Buti na lang ay nandoon si S. Hinatak n’ya `yung ulo ko pasandal sa balikat n’ya at hinarangan ng kamay n’ya ang mata ko para kahit subukan kong lumingon ay hindi ko na makita. Comedy `yung pinapanood namin pero hindi napagilan ng luha ko na lumabas mula sa mga mata ko.
Kahit ano’ng gawin kong pagpigil kanina sa luha ko hindi ko talaga magawa. Kasi alam kong… kasi umalis sila nang hindi pa tapos ang movie. Hindi naman ako tanga. Alam kong nalilimitahan kasi `yung ginagawa nila.
Pero bakit kahit ang sakit sakit nitong nararamdaman ko… hindi ko magawang… gusto kong kamuhian siya pero iniisip ko pa lang ay…
Hay. Masyado ba akong outdated? Ganoon na ba talaga ngayon? Masyado yata akong idealistic pagdating sa relasyon. Hindi ganoon ang iniisip ko. Hindi ganoon ang ini-imagine ko na maaaring mangyari sa amin ni J kung magiging kami.
Hindi ba dapat… ano nga ba ang alam ko? Wala naman akong experience sa pakikipagrelasyon. Ang alam ko lang ay kung paano mang-stalk. Panoorin siya sa malayo.
Salamat kay S, dahil pinagaan n’ya ang pakiramdam ko. Gusto ko sanang burahin ang unang parte ng blog na ito, pero huwag na lang. At least kahit papaano nailabas ko. Pero ngayon, medyo okay na ako. :)
PAPATAYIN ko na sana ang laptop ko nang may biglang lumabas ang notification icon.
Commenter commented on your Blog Post #58.
Commenter: There’s always a rainbow after the rain. :)
Hindi ako nag-disagree sa sinabi n’ya this time. Tama siya at si Sky ang forever rainbow at best friend ko.