“CHARITY Keight O’connor.”
Nagising ang diwa ko nang tawagin ako ng professor namin. Mabilis na tumayo ako nang maayos at tumingin sa kanya.
“Can you repeat the question, Sir?”
Nagtawanan ang buong classroom sa hindi ko malamang dahilan. Napailing si Sir Catacutan at saka sinenyasan akong umupo. Tinanong ko `yung katabi ko kung bakit, nakita lang daw ako ni Sir na hindi nakikinig sa kanya kaya ako tinawag.
Pagkatapos ng klase ay pinaiwanan ako ni Sir Catacutan. Pinagsabihan n’ya ako na isa pang beses na makita n’ya akong hindi nakikinig sa klase n’ya o kaya ay late hindi na raw n’ya ako ulit tatanggapin. Hindi naman ako nagreklamo dahil may mali naman talaga ako.
“Sky, p’wede ba akong magtanong?” tanong ko sa kanya nang makarating kami sa students’ park.
“Hindi,” mabilis na sagot n’ya sabay upo sa isang bench.
“Ayaw mo bang balikan si Celestine?” tanong ko pa rin kahit sabi n’ya hindi ako p’wedeng magtanong.
Kumunot ang noo n’ya nang tiningnan n’ya ako. “Bakit mo tinatanong `yan?”
Naging malikot lang ang labi ko. Gusto kong magsalita pero walang lumalabas na boses mula sa bibig ko. Gusto kong sabihin na kasi kung magkakabalikan sila ni Celestine, e, `di may pag-asa na ang pagsinta ko kay Jonathan.
“CK, tigilan mo `yang naiisip mo. Hindi maganda `yan,” seryosong sabi n’ya. Huminga siya nang malalim at bahagyang yumuko. “Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa iyo na hindi ka mag-iisip ng ibang kahulugan. Hindi pa ba sapat `yung nakita mo noong isang araw para ayawan mo siya? Matino kang babae, CK. Hindi ka katulad ni Celestine. Hindi ikaw `yung tipo ni Jonathan.”
“I’m going home.”
Mabilis na umalis ako sa puwesto namin. Naiintindihan ko `yung sinasabi ni Sky, pero hindi ko alam kung bakit ayaw tanggapin ng utak ko. Tama naman siya at kailangan kong tanggapin `yon.
PAGDATING ko sa bahay ay nagpalit lang ako ng damit at dumeretso na ako sa bakeshop sa loob ng village. Bumili muna ako ng isang mini cake na may strawberry sa ibabaw at saka ako dumeretso sa hide out namin. Nagulat ako nang may nakalagay ng for sale sign sa labas nito. Pumasok kagad ako sa loob pa tingnan kung nandoon pa `yung malaking salamin.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong nandoon pa. “Buti naman nandito ka pa.”
Binasa ko ang ilang nakasulat doon.
111111: Happy birthday, CK! Salamat sa masayang araw kasama ka.
111225: Merry Christmas! Salamat sa pag-uwi, Sky. Ikaw ang pinakaespesyal na regalo na natanggap ko ngayong pasko. Huwag ka na ulit aalis, ha? :)
120101: Happy New Year! Tayong dalawa na naman ang magkasama ngayong New Year! Sana next year ulit. Ang ulap ng buhay mo, Sky.
Napangiti ako sa nabasa ko. Sino pa ba ng aba ang iba ko pang ulap? E, malamang siya lang naman talaga.
120214: Congrats sa inyo ni Celestine! Masaya ako para sa iyo. :)
120215: Yes! Break na kami ni Celestine! Masaya ako para sa sarili ko. >:D
Napakunot ang noo ko. E? Isang araw lang ba naging sila ni Celestine? Bakit hindi ko maalala kung ano nangyari sa kanila noon?
“Hindi naman talaga kami naging mag-on ni Celestine.”
Napatingin ako sa nagsalita sa likod ko. “Sky.”
“Nagtapat siya sa akin noon, pero ni-reject ko siya dahil sabi ko may iba akong gusto. Pero dahil ma-pride na tao si Celestine, ni-request n’ya na kung p’wedeng kahit isang araw lang sabihin n’ya na naging kami at kinabukasan ay sasabihin n’yang nakipaghiwalay na siya.”
“May iba kang gusto? Bakit hindi ko alam `yon? Sino `yon?” sunod sunod na tanong ko. “Kilala ko ba siya?”
Ngumiti lang siya at may tinuro sa salamin.
131119: Happy birthday, Sky! Babawi ako sa iyo next year! Ako naman ang bibili ng cake para sa iyo. Hindi ko na makakalimutan, promise! Kapag nakalimutan ko, i-ga-grant ko ang tatlong kahilingan mo. Deal? :)
131119: Deal. :)
“Paano ba `yan? Mukhang nakalimutan mo na naman siya ngayong taon,” nakangising sabi n’ya sa akin.
“s**t! November 19 na ba ngayon?” gulat na tanong ko sa kanya.
Biglang lumungkot `yung mukha n’ya. “Nakalimutan mo nga? Para saan pa ba `tong salamin na `to? Kinakalimutan mo rin naman `yung mga nakasulat dito.” Halata ang pagtatampo sa boses n’ya.
Naramdaman ko ang pagtulo ng luha ko. “Sorry!” sigaw ko sa kanya at pumasok ako sa CR.
Inilabas ko na `yung mini cake na binili ko sa bake shop kanina. Itinusok ko na rin `yung kandila na ginamit n’ya noong nakaraan sa cake ko. Cute kasi `yung kandila na `yon, naka-mold siya ng ‘Happy Birthday’ kaya hindi ko na kinailangan pang palagyan ng message `yung mismong cake. Hindi ko rin naman kasi talaga mapapalagyan dahil walang space. Okupado ng strawberries.
“CK, binibiro lang kita, e,” mahinahong tawag n’ya sa akin sinabayan n’ya pa ng marahang pagkatok sa pintuan. “Sorry na, hindi naman ako galit, e. Labas ka na d’yan.”
Sinindihan ko ang kandila gamit ang dala kong lighter at saka ko in-unlock at pintuan. Hinayan ko na siya ang tuluyang magbukas ng pinto. Nang may pumasok ng liwanag mula sa labas ay sinimulan ko na ang pagkanta ng ‘Happy Birthday’ song.
Napapangiti ako habang kumakanta dahil nakita ko ang ngiti sa labi ni Sky.
“Akala mo ba nakalimutan ko talaga? Ako pa ba? Si CK kaya `to!” mayabang na sabi ko sa kanya. “Mag-wish ka na! Gagamitin pa natin next year `tong kandila.”
Tinitigan n’ya ako saka ngumiti. Bumuka ang bibig n’ya. Parang may m-in-outh siya sa akin pero hindi ko naintindihan. Sinasabi n’ya ba sa akin ang wish n’ya?
“Thank you, CK,” narinig ko na lang na sabi n’ya at saka hinipan ang kandila.
“Ano hiniling mo?” curious na tanong ko.
“Hindi mo ba narinig?” Umiling ako. “Buti naman. Sasabihin ko sa iyo kapag natupad na,” natatawang sabi n’ya.
“Madaya!”
Kinuha n’ya ang isang strawberry at sinubo kagad sa bibig ko. “Sarap, `no?”
Hindi na ako nagreklamo. Masaya ako dahil alam kong masaya si Sky dahil sa surpresa ko sa kanya. Maaaring nakalimutan ko noong nakaraang taon ang birthday n’ya, pero nangako akong hindi ko na makakalimutan `yon. Never na ulit.
141119: Thank you, CK. Hindi ko `to makakalimutan. :)
Blog Post #60: Birthday ni S!
Dahil birthday ngayon ng aking best friend, s-in-urprise ko siya. Yey! Hahaha. Masaya ako dahil nasurpresa talaga siya sa ginawa ko. Aaminin kong nakalimutan ko talaga ang birthday n’ya kanina, nakita ko lang sa desk calendar ko na birthday n’ya kaya bumili ako kagad ng cake.
Hindi naman n’ya malalaman siguto `to? Tutal wala namang ibang nagbabasa nito. Hahaha. S, sorry. Kung malalaman mo `to, sana mapatawad mo ako. Hahaha. Aylabyu, S. Alam mo naman `yon, `di ba? Hahaha.
Ngayong araw na ito, bukod sa birthday ni S. Nag-decide ako na kalimutan na ang pagsinta ko kay J at mag-focus na muna sa kung ano ang importante. Bata pa naman ako, kaka-19 ko lang. Kailangan ko pang magseryoso sa pag-aaral. Third year college na ako. Dalawa’t kalahating semester na lang ay magtatapos na ako ng kolehiyo. Hindi ko dapat iniintindi sa ngayon ang love life. Kung darating siya. Darating siya.
Saka tama siguro si S, na hindi ako `yung tipo ng tao ni J. Masyadong malayo ang ugali ko kung ikukumpara kay Hipon. I’m way better than her. As in. Mga isang milya ang layo ko sa kanya. Hahaha. Pero seryoso. Hindi ako ganoong tao. Hello? Magkasing edad lang kami, pero malamang siya kung sino-sino na ang nakahalik, e, ako? Wala pa ang first kiss ko.
Gusto ko kapag dumating na `yung tamang lalaki sa buhay ko sa kanya ko ibibigay lahat ng una ko. Hahaha. Oo na, hopeless romantic na ako. Ano’ng gagawin ko sa ganito talaga ako?
Commenter commented on your Blog Post #60.
Commenter: Hope he really had a happy day. I guess, I won’t be reading another heart break post about you and J. Good for you, then. :)
Tss. Nag-comment na naman siya. Won’t be reading? Sino ba kasi nagsabi sa kanya na i-follow n’ya ako at basahin lahat ng post ko? Baliw yata `to, e. Tsk.