"Saan ka ba nanggaling?!" tanong ko kay Wendy na siyang pumasok sa may pintuan.
Nakauwi ako ng apartment matapos ihatid ni Stephen. Mabuti na lang at umalis din siya agad dahil wala akong planong makipagkwentuhan nang matagal sa kaniya o kahit na nga makipagkita pa.
"May nakilala akong gigolo sa bar at ang pogi!!!" natitilihang bulalas ni Wendy.
"Tapos?" matamlay kong turan.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo saka lumapit sa refrigerator para kumuha ng tubig na maiinom.
"Ba't parang matamlay ka yata? Wala bang nangyari sa inyo ng gwapong bartender na nakasama mo?" mapang-asar na tanong sa'kin ni Wendy.
"Bartender ba talaga siya?" wala sa loob kong tanong.
Sa ganda ng sasakyang sinasakyan nito ay hindi masasabing bartender lamang ang kaniyang trabaho. Ang mahal niyon at kahit pa pagsamahin lahat ng sahod ko sa buong isang taon, sa palagay ko ay hindi sasapat upang makabili ng ganoong sasakyan.
"Aba, malay ko! 'Di ba kayong dalawa ang magkasama? Bakit hindi mo siya in-interview kanina? Sana tinikman mo na rin siya para hindi ka nanghihinayang ngayon.”
Inirapan ko siya bago dinala sa lababo ang basong ginamit ko sa pag-inom. Hinugasan ko iyon saka ibinalik sa lalagyan.
“Talaga bang ‘di mo siya tinikman?” pabulong na tanong sa’kin ni Wendy na nasa likuran ko na pala.
"Alam mo, matulog na tayo! Masakit na ang ulo ko dahil sa tama ng alak," turan ko.
“Yay! Umiiwas!” Halakhak niya ang sunod kong narinig dahilan para muli ko lamang siyang irapan.
Naiiling na naglakad ako papasok sa loob ng kwarto at saka dumiretso sa may cabinet upang kumuha ng damit pantulog.
Masakit na talaga ang ulo ko dahil sa alak na aking nainom. Idagdag pa ang nakakapagod na eksenang kinaharap ko kina Anton at Stephen, na kapwa walang tapon kung katawan lamang nila ang pag-uusapan.
Ngunit kung pasarapan ang usapan ay mas nakahihigit ang huli kumpara sa una. Maginoo, mabango, magaling sa kama at higit na gwapo si Stephen.
Pumasok ako ng banyo para mag-half bath. Kahit lasing ako, ito ang hindi ko pwedeng kalimutan lalo’t mainit at maalinsangan ang pakiramdam ko sa tuwing nakakainom ng alak.
"Becky!" rinig kong tawag ni Wendy mula sa labas.
Pinatay ko muna ang gripo at saka sumigaw pabalik sa kaniya. “Bakit?"
"Aalis muna ako!" paalam niya.
Kinuha ko ang tuwalyang nakasabit sa pader para itapis sa’king katawan. Binuksan ko ang pintuan ng banyo upang labasin si Wendy.
"Kauuwi mo lang, ‘di ba?" tanong ko sa kaniya.
"Pinauuwi ako ng mahal kong ina at importante raw," aniya.
“Ano raw bang meron?” patuloy kong tanong.
“Hindi ko rin alam,” kibit-balikat niyang tugon.
"O siya, ingat na lang sila sa’yo!" Isang tango ang itinugon niya sa sinabi ko, saka lumabas na siya ng kwarto.
"Paki-lock mo ang pintuan!" Pahabol kong bilin.
Narinig ko ang pagsara ng pintuan. Isa-isa kong dinampot mula sa kama ang damit pantulog at saka isinuot.
Matapos kong magbihis ay humiga na ako sa kama at nagsaklob ng kumot sa aking buong katawan.
Ang mga mata ko ay tuluyang pumikit dahil sa pinaghalo-halong kalasingan, pagod at pagkaliyo.
Nakaidlip na sana ako ng ilan minuto nang marinig ang pagbukas ng pinto mula sa labas ng kwarto.
Naisip kong baka bumalik si Wendy at mayroon siyang nakalimutan. Ngunit, nakapagtatakang hindi man lang siya nag-iingay.
"Wendy?" nakapikit ang isang mata kong tawag.
Hindi siya sumagot kaya naisip ko na baka may kalokohang isinasagawa ito. Pinakiramdaman ko naman siya.
Nagkibit-balikat na lamang ako saka muling nagsaklob ng kumot sa buong katawan ng wala na akong narinig na anumang kilos o galaw mula sa may labas.
"Sh*t!"
Tuluyang nagising ang diwa ko nang marinig ang baritonong tinig ng kung sinumang tao mula sa labas ng kwarto.
Nilundag ko ang pagbaba mula sa kama at agad dinampot ang matigas na bagay na pwedeng ipamalo para pang-depensa sa aking sarili kung sakali man na may gawing hindi maganda ang taong iyon mula sa labas.
Dahan-dahan akong naglakad palapit sa may pinto saka mahigpit na hinawakan ang doorknob. Marahan kong pinihit iyon upang tuluyang bumukas. Wala akong maaninag dahil sobrang dilim ng paligid. Nakiramdam ako at saka sinubukang pakinggan kung saan posibleng naroon ang taong pumasok.
Lumapit ako sa may upuan para sumilip doon. Napansin kong mayroong anino ng taong nakahiga roon kaya pinagpapalo ko iyon.
"Agh!" hinaing ng taong napalo ko.
Tuloy-tuloy pa sana ang gagawin kong pagpalo sa taong nakahiga nang salagin na niya ang kamay ko.
Tumakbo ako sa may pintuan kung saan nakalagay ang switch ng ilaw para pindutin iyon. Ganoon na lamang ang panggigilalas ko nang mapagsino ang taong pinalo ko.
"Stephen?" nandidilat ang mga matang bulalas ko. "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ko pa sa kaniya.
"Makikitulog," nakangiwi niyang sagot habang hinihimas ang kaniyang braso na sa palagay ko'y napuruhan ng palo.
"Ano?!” Pakiramdam ko'y lumaki bigla ang ulo ko sa narinig na kaniyang sinabi. “Anong makikitulog?"
Hindi kami close para makitulog pa siya rito. Kanina ko nga lang siya nakilala sa bar tapos ngayon makikitulog na rito sa inuupahan kong apartment. E ‘di wow!
Muli ko siyang hinampas ng malakas sa braso. "Hoy lalaki, hindi tayo close para rito ka matulog! Umuwi ka na at huwag mong abalahin ang pagtulog ko!"
"I dropped my key." Inayos niya ang kaniyang sarili sa pag-upo at sinalag muli ang gagawin ko sanang paghampas sa kaniya.
"Nawala mo ang susi ng bahay mo, pero meron kang susi ng apartment ko? Ano ka miyembro ng akyat bahay gang?!" Tumikwas ang isa kong kilay.
"Ang kaibigan mo ang nagbigay sa'kin ng susi. Sinabihan pa nga akong i-lock ang pinto dahil iyon daw ang habilin mo sa kaniya." Itinuro niya ang susi ng apartment na nakapatong sa lamesa.
Lihim akong napamura dahil sa isipin na ginawa iyon ni Wendy. Hindi ko alam kung ano ang naisipan niya para ipagkatiwala sa lalaking kaharap ko, ang susi ng apartment gayong kanina lamang namin ito nakilala sa may bar.
"Umalis ka na at hindi ka pwedeng dito makitulog. Baka kung ano pang gawin mo sa’kin. Layas!" Pagtataboy ko sa kaniya.
Nginitian niya lang ako. Iyong ngiting may hatid na pagpapaalala sa huling pagsasama namin kanina.
Pinandilatan ko siya ng mga mata ko sabay irap. Mukhang hindi ko siya makukumbinsing umalis dahil muli niya lang inayos ang kaniyang sarili sa paghiga sa upuan.
“Hoy! Umalis ka na!” Hindi niya ako pinansin, bagkus pumikit lamang siya para ipabatid na matutulog na siya.
Nagdadadabog na pumasok na lang ako sa loob ng kwarto at saka kinuha ang aking telepono upang tawagan si Wendy.
“Yes?” maaarteng tugon nito mula sa kabilang linya.
Alam na alam talaga nitong tatawag ako dahil wala akong mahimigang kainosentehan sa kaniyang tinig.
“Wendy!!!” natitilihan kong bulalas. “Anong naisipan mo at ibinigay mo ang susi ng apartment ko sa taong hindi mo kilala?!” asik ko pa sa kaniya.
“Ang tining ng boses mo, girl. Lakas makasira ng eardrums!” maktol nito.
“Hindi ko maintindihan kung bakit ibinigay mo ang susi ng apartment sa lalaking iyon, gayong kanina lamang natin siya nakilala!” nagngingitngit sa inis kong tugon.
“Nakiusap kasi siya na makitulog diyan dahil nawala raw ang susi niya. Naisip ko dahil wala ka rin namang kasama riyan ay mabuti pang siya na lang ang makasama mo.” Animo ba’y simpleng bagay lamang ang kaniyang ginawa kung kaya cool na cool pa rin niyang ipinapaliwanag sa akin ang lahat.
Ang higpit ng kapit ko sa telepono at doon ibinuhos ang lahat ng aking inis.
“Hindi mo ba naisip na kanina lang natin siya nakilala at kanina lang din natin siya nakasama sa may bar?”
“Correction... Kayong dalawa lang ang matagal na nagkasama.” Ipinaikot ko ang mga mata ko na animo’y kaharap ko lamang siya.
“Bukas na bukas din ay papalitan ko ang susi ng pinto!” eksaherada kong bulalas.
“If I were you, titikman ko na muna si pogi. Ikaw rin, baka pagsisihan mong hindi mo pa siya tinikman.” Malakas niyang halakhak ang dahilan kung kaya ipinasya kong patayin ang linya.
Hindi ko na hinintay pang magsalita muli si Wendy dahil naiinis lang ako sa kaniyang ginawa. Napakahirap isipin na kaybilis niyang magtiwala sa taong kanina lamang namin nakilala. Lalaki pa!
Umingay ang telepono dahilan para mauntag ang anumang iniisip ko. Si Wendy ang tumatawag at wala sana akong planong sagutin iyon nang maalalang may hindi pa pala ako nasabi sa kaniya.
“Hindi ka naman lugi riyan sa bisita mo, bukod sa gwapo ay may kahawig pang sikat na basketbolista. Kung ‘di nga lang siya bartender ay iisipin ko talagang siya iyon,” wika ni Wendy pagkasagot ko pa lamang sa telepono.
“Mali ka pa rin nang ginawa!” asik ko sa kaniya.
“Sorry. Pagsamantalahan mo na lang siya!” Malakas niyang halakhak ang sunod kong narinig bago pinatay ang linya ng aming tawagan.
Nagngingitngit man sa inis ay wala na rin akong magagawa. Hindi ko naman mapapaalis ang taong walang planong umalis!
Hindi na lang ako masyadong matutulog, para kung may gawin man siyang hindi maganda sa’kin ay makapanlaban agad ako.