KABANATA 24
Litong-lito si Chaaya at hindi niya malaman kung bakit hila-hila siya ni Lucius ngayon paakyat sa mansyon at palayo sa dalampasigan. Pero bago pa sila tumuntong sa unang baitang paakyat ay pwersahan niyang inalis ang kanyang kamay sa pagkakahawak ng binata. Napalingon si Lucius kay Chaaya dahil sa kanyang ginawa at hindi niya maiwasan ang magtaka sa biglaang pag-alis ng dalaga sa kanyang kamay.
“Bakit niyo po ako hinihila, Senyorito?” pagtatanong ni Chaaya kay Lucius. Hindi niya maintindihan ang binata. Ayaw niya rin na maging usap-usapan na naman siya sa mansyon at maging sa labas ng mansyon kapag nakita ulit nilang hila-hila siya ni Lucius.
Nagsasawa na rin kasi siya sa balita na may namamagitan sa kanila ng Senyorito. O kaya naman ay ginagawa lang siyang pampalipas ng panganay na Agravante. O kaya naman ay nakakarinig din siya ng ibang mga masasakit na salita tungkol sa kanya sa mga kapwa niya babae at sa mga kasing-edad lang din niya halos na may gusto kay Lucius. Hindi siya nagkakaroon ng payapa na paglalakad sa daan kapag papunta silang mansyon ng kanyang ina o kaya naman ay pauwi na sila sa kanilang tahanan dahil sa mga usap-usapan tungkol sa kanila ng nakakatandang anak ng Senyor. Kaya naman gusto niya sana na mawala na rin iyon dahil napapaaway pa ang kanyang ina sa ibang tao na may sinasabing masama tungkol sa kanya.
Biglang natahimik si Lucius at natauhan dahil sa tanong ng dalaga. Hindi niya alam kung ano ang idadahilan niya at hinatak niya ito paalis sa kanyang pinsan. Hindi niya lang naintindihan ang kanyang dibdib kung bakit nakaramdam siya ng kirot habang pinagmamasdan niya kanina ang dalawa na masayang nagkukuwentuhan. Hindi niya pa nakitang tumawa ng ganoon si Chaaya kapag siya ang kasama niya. Mas ramdam niya pa ang kaba ng dalaga keysa sa tawa nito. Para bang may iginuhit na linya ang dalaga kapag kausap niya ito pero ang pinagtataka niya lang ay kung bakit parang normal lang naman sa kanya na kausapin ang kanyang pinsan?
Dahil ba gusto niya si Ethan? Gusto niya ba talaga si Ethan? May puwang pa rin sa puso ni Lucius na umaasa na sana ay wala lang siyang ibang masabi na pangalan kaya sinabi na lang niya ang kanyang pinsan o kaya naman ay nahihiya siyang sabihin nito ang pangalan niya sa harapan niya at sa harapan mismo ng Senyor kaya si Ethan ang sinabi niya pero mukhang nagkamali siya ng hinala dahil mukhang natitipuhan nga talaga ni Chaaya ang kanyang pinsan.
“Ah, ano,” napakamot sa ulo ang Senyorito Lucius dahil hindi niya alam kung ano ang idadahilan niya. “Ilagay na raw sa lagayan iyong mga ano ah, kalat.” Pagpapalusot niya. Kumunot ang noo ni Chaaya na tila hindi kumbinsido sa pagpapalusot ng binata sa kanyang harapan. “Pinapasabi lang ni Mang Bert.” agap nito dahil nahalata niyang hindi naniniwala si Chaaya kaya ginamit niya na lang ang matanda nilang trabahador sa kanyang pagpapalusot.
“Talaga?” Pagtatanong ni Chaaya na hindi pa rin kumbinsido sa sagot ni Lucius lalo na at kinakamot niya ang kanyang ulo na tila nahihiya at hindi siya makatingin ng deretso sa kanya. Kaya naman nagtataka si Chaaya na baka may ibang dahilan ang binata kung bakit bigla niya na lang itong hinatak.
“Oo, kukunin na raw kasi ng truck ang basura ngayon.” agap ni Lucius tiyaka na niya binaba ang kanyang kamay nang mahalata niya na masyado siyang halatado na kinakabahan dahil sa kanyang pagsisinungaling. Tumayo rin siya ng tuwid tiyaka niya binigyan ng tipid na ngiti ang naguguluhan pa rin na si Chaaya na lalong hindi naging kumbinsido sa palusot ni Lucius.
“Kukunin na ang basura ngayon?” pagtatanong ni Chaaya habang ang kanyang daliri ay nasa kanyang baba na tila nag-iisip at inaalala niya kung kailan ang pagkuha ng truck ng basura sa mansyon. “Hindi ba bukas pa lang kukunin ang basura?” pagtatanong niya tiyaka niya tiningnan si Lucius na muling natigilan dahil nahuli siyang nagpapalusot lang.
“Ah,” hindi malaman ni Lucius kung ano ang isasagot pa niya dahil naalala niyang bukas nga ng Sabado pa darating ang truck ng basura para hakutin ang lahat ng basura na nakalap ng mansyon sa buong Linggo. Bakit niya nakalimutan ang bagay na iyon?
“Si Mang Bert talaga tumatanda na,” umiiling na wika ni Chaaya habang nakangiti pa. Agad na ngumiti si Lucius dahil mabuti na lang at hindi siya pinaghinalaan ni Chaaya.
“Tama!” halos pumalakpak pa si Lucius nang sinabi niya iyon. Kumunot ang noo ni Chaaya sa pagtataka habang nakatingin sa binata dahil sa naging reaksyon niya kaya naman nabawasan ang malawak na ngiti ni Lucius tiyaka siya naiilang na tumawa na lang.
“Bakit mo ako hinatak?” pagtatanong ni Chaaya sa kanya kung nautusan nga talaga siya ni Mang Bert. “Bigla ka nalang pong naghahatak, kausap ko pa po ang pinsan mo.” sambit ni Chaaya tiyaka niya tinuro si Ethan.
Kumunot ang noo ni Chaaya habang pinagmamasdan si Ethan maging ang isang kasambahay ng Senyorito Lucius na tila may pinag-uusapan at base sa pagkunot ng noo ni Ethan ay hindi maganda kung ano man ang usapan nila. Maamo lang ang mukha ng babae na tila siya ang may kasalanan at para bang siya ang nagsususamamo. Hindi niya maintindihan kung bakit parang may pakiramdam siya na magkakilala na ang dalawa pero malabo naman iyon diba? Hindi naman taga-Isla si Ethan kaya malabong magkababata ang dalawa. Pero kung titingnan niya talagang mabuti ang dalawa ay parang magkakilala sila at may pinagtatalunan sila na bagay.
Kumunot ang noo ni Lucius dahil biglang nanahimik ang babae kaya sinundan niya ng tingin ang dalaga at napadpad ang tingin niya kina Ashley at Ethan na daig pa ang aso at pusa kapag nakikita niya. Napailing na lang siya dahil wala namang bago roon. Pero mukhang kuryoso si Chaaya sa dalawa dahil nga naman bigla na lang silang nag-usap.
“May kausap na siyang iba,” Sambit ni Lucius. Tinutukoy niya ang kanyang pinsan, iginaya niya pa ang kanyang kamay para ituro ang kanyang pinsan sa dalaga na kahit hindi namna niya gawin ay alam naman niyang nakikita sila ni Chaaya dahil nakatingin na ito sa dalawa.
“Magkakilala ba sila?” hindi maiwasan na itanong ni Chaaya iyon dahil para bang may kung anong enerhiya ang nabubuo sa kanilang dalawa kaya nasabi niya iyon. Napatingin sa kanya si Lucius. Mukhang interesado nga siya sa kanyang pinsan.
“Bakit ka ba interesado kay Ethan?” hindi mapigilan na itanong ni Lucius. Biglang natauhan si Chaaya sa sinabi ni Lucius.
Ayaw naman niyang magmukhang interesado sa lalaki. Curious lang siya kung bakit parang kakilala na nila ang isa’t-isa gayong hindi naman laki sa Isla Vida si Ethan dahil iyon ang sinabi niya kaninang nagkukuwentuhan sila.
“Talaga bang gusto mo ang pinsan ko?” pagtatanong ni Lucius habang na kay Chaaya na ang kanyang tingin at pinagmamasdan nito ang dalaga kung ano man ang magiging reaksyon niya.
Umayos ng tayo si Chaaya at bahagyang nababahala sa tingin na binibigay sa kanya ni Lucius. Iniwas na niya ang kanyang tingin sa dalawang mukhang aso at pusa kapag sa malayo sila titingnan dahil sa itsura ng mga ito.
“Hindi ah!” agad na pagtanggi niya dahil iyon ang totoo. “Hindi po ba pwedeng na-curious lang po ako kung paano sila nagkakilala gayong hindi naman laki dito sa Isla si Ethan?” pagtatanong ni Chaaya sa Senyito na dahilan ng pag-awang ng labi ni Lucius.
“Ethan na ang tawag mo sa kanya?” pagtatanong ni Lucius. Baliwala ang lahat ng sinabi ni Chaaya at tila ba iyon lang ang narinig niya—na para bang iyon lang ang sinabi ni Chaaya sa kanya. Sa dami ng sinabi ng dalaga ay iyon ang pinaka-tumatak sa isipan ng dalaga.
“Opo?” pagsagot ni Chaaya na hindi sigurado dahil baka magalit sa kanya ang Senyorito Lucius dahil hindi niya tinatawag na Senyorito ang kanyang pinsan. Baka ang akala niya ay hindi niya ito ginagalang. “Iyon po ang sinabi niya sa akin na tawagin ko na lang daw po siya sa mismong pangalan niya.” Agad na sambit ni Chaaya. Nagpaliwanag na agad siya bago pa man siya masermunan ni Lucius.
“Araw-araw ba kayong nag-uusap noong wala ako?” muling tanong ni Lucius dahil kung araw-araw silang nag-uusap ay talaga namang mararamdaman niyang parang pinagtrayduran siya ng kanyang pinsan.
Habang nasa opisina siya at nangungulila sa mansyon ay nandito ang kanyang pinsan at kinakausap na pala si Chaaya. Hindi lang siya sigurado kung kausap lang ba talaga ang ginagawa ng kanyang pinsan sa dalaga. Lalo na’t magaling magpaikot ng babae ang kanyang pinsan magsimula noong nawasak ang kanyang puso.
“Ha? Hindi po!” agad na tanggi ni Chaaya dahil baka ang akalain ng Senyor ay nakikipagdaldalan lang siya sa oras ng kanyang trabaho. Mabilis niyang nilibot ang kanyang mga mata kung may nakaligtaan ba siyang kalat. Mabuti na lang at nalinis na niya lahat bago siya nagpahinga at bago siya nilapitan kanina ni Ethan para kausapin.
“Bakit alam mo na hindi laking Isla Vida si Ethan?” hindi alam ni Chaaya kung dapat pa ba niyang sagutin ang tanong ni Lucius o hindi. Pero para hindi na lang maghinala ang binata ay mas pipiliin na lang niyang sagutin ito.
“Nakwento niya po kanina,” sagot niya.
Hindi rin maintinidihan ni Chaaya ang kanyang sarili kung bakit gusto niya namang magpaliwanag sa Senyorito. Ayaw niya na may isipin itong kakaiba sa kanilang dalawa ng kanyang pinsan. Hindi niya rin maintindihan ang kanyang sarili, ano naman kung may isipin ang Senyorito sa kanilang dalawa ng kanyang pinsan? Alam naman din niya sa kanyang sarili na wala naman.
Pero may nag-uudyok sa kanya na linisin niya ang pangalan niya sa Senyorito. O isguro ay ayaw niya lang din magkaroon pa ng panibagong isyu.
“Anong meron sa inyo ng pinsan ko?” halos mapangaga si Chaaya sa tanong ng Senyorito dahil hindi man lang niya ito dinahan-dahan, bagkus ay binigla niya ito at hindi pa handa si Chaaya.
“Wala po! Magkaibigan lang po kami at muhang kailangan lang po ng kausap ng pinsan niyo ngayon kaya nagkausap po kami at inalok niya lang po ako na maging kaibigan dahil mukhang wala naman siyang masyadong kilala sa Isla dahil hindi naman nga po siya laki dito ay pumayag na lang po ako tutal wala rin naman po akong kaibigan dito.” Mahabang lintanya ni Chaaya.
Umusbong ang multong ngiti sa labi ni Lucius habang pinagmamasdan niya ang dalaga na sunod-sunod ang kanyang pagsasalita at hindi man lang siya huminto o pumreno. Hindi niya maiwasan na mapangiti dahil hindi niya maiwasan na mamangha habang nagpapaliwanag ito. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang epekto sa kanya ng dalaga lalo na kapag nababali pa ang kanyang dila na animo’y hindi siya sanay magsalita ng tagalog at dahil sa bilis ng pagsasalita niya kanina ay muntiks iyang mabulol sa kanyang tagalog. Iyon din ang isang pinagtataka ni Lucius, kung bakit mukhang hindi sanay na magtagalog ng tuloy-tuloy si Chaaya. May iba pa kayang diyalekto ang mag-anak na Santos?
“Chaaya!” pagtawag ni Ethan sa dalaga habang dala-dala nito ang sako na may lamang basura at ang kanyang walis. Papalapit na ngayon si Ethan sa dalawa habang si Ashley naman ay nakayukong naiwan doon sa dalampasigan.
“Oh!” sambit ni Chaaya nang marealize niya na hindi niya bitbit ang kanyang mga gamit at baka mapagalitan siya kay Mang Bert o kaya naman ay kay Manang Amelia kapag iniwan niya lang nang ganon-ganon sa dalampasigan.
Mabuti na lang pala at nagpapigil siya sa hila ni Lucius kung hindi ay mawawala talaga sa isip niya ang kanyang kagamitan at mabuti na lang din ay nandoon si Ethan para kuhanin niya ito at ibigay sa kanya.
“Salamat!” ngiti ni Chaaya nang maabot na sa kanya ni Ethan ang kanyang kagamitan.
Tiningnan ni Ethan ang kanyang pinsan habang nawala naman ang ngiti sa labi kanina ni Lucius. Tinapik naman ni Ethan ang balikat ng kanyang pinsan na si Lucius bilang pagbati niya. Tinanguan lang naman siya ni Lucius at tamad niyang tinitingnan ang kanyang pinsan na mukhang ayos naman.
“Hatid na kita, saan ka?” pagtatanong ni Ethan kay Chaaya. Hindi na lang niya pinansin ang kanyang pinsan at masaya rin naman asarin ang pinsan niyang si Lucius lalo na at masyadong halata ang kanyang pagtingin sa dalaga.
“Ako na,” wika ni Lucius sa kanyang pinsan.
“Ah diyan lang, tatapon ko lang basura.” sambit ni Chaaya. Hindi na lang niya pinansin ang dalawa tiyaka na siya nagpaalam. “Tapon ko muna ang basura,” paalam niya tiyaka na siya tumalikod sa dalawa. Hindi niya alam kung bakit parang nakaramdam siya ng tensyon sa sa dalawang magpinsan.
Pinilig niya ang kanyang ulo dahil sa kanyang naiisip. Sinundan ng tingin ng dalawa ang paakyat na si Chaaya tiyaka sila nagtinginan at sabay na sinundan ang dalaga. Para pa silang mga bata na nagkakabungguan ang kanilang balikat dahil ayaw nilang magbigay ng daan sa isa’t-isa dahil na rin gusto nilang sundan ang dalaga. At dahil may nadadaanan silang masikip dahil sa mga puno ay hindi pa rin nila pinagbibigyan ang isa’t-isa kaya naman nagsisiksikan sila sa maliit na espasyo.
Ramdam naman ni Chaaya na nakasunod sa kanya ang dalawa pero hindi niya alam na halos magtulakan at magbanggaan na ng balikat ang dalawa na nasa likuran niya. Hindi niya lang pinansin dahil iisa lang naman ang dadaanan paakyat sa mansyon kaya ang akala lang niya ay uuwi na sa mansyon ang dalawa. Ang hindi niya lang alam ay sinusundan talaga siya nang mga ito.
“Oh, Haya,” pagtawag ni Susan sa kanyang anak nang makasalubong niya ito.
Pupuntahan na niya sana ito sa dalampasigan para tingnan kung maayos lang ang kalagayan nito dahil nagtagal siya ngayon keysa sa mga naunang araw na lagi rin siyang umaakyat at mabilis lang siyang maglinis. Ang inaalala ng matanda ay baka nahimatay na ang kanyang anak at wala man lang tao sa dalampasigan kaya mas pinili niya nang tingnan at puntahan ito keysa mag-alala siya kung bakit ang tagal ngayon ng kanyang anak.
Dahil sa biglaang paghinto ni Chaaya ay hindi inaasahan ng dalawang nakasunod sa kanya iyon kaya naman halos madapa silang dalawa mahinto lang sila at hindi nila mabunggo ang likod ng dalaga. Nagtatakang lumipat ang tingin ni Susan mula sa kanyang anak hanggang sa dalawang binata sa kanyang likuran na muntik madapa dahil sa biglaang paghinto nila sa mabilis an paglalakad. Nagtaka naman si Chaaya sa kanyang ina kaya sinundan niya ito nang tingin at nakita niya ang dalawang lalaki sa kanyang likuran na may ilang na ngiting ibinigay sa kanya at sa kanyang ina.
“Magandang umaga po,” pagbati ni Ethan at rinig naman ni Chaaya kung gaano
“Good morning, Aling Susan!” Masayang bati rin naman ni Lucius sa matanda kaya marahan na napatango ang matanda kahit na nagtataka pa rin siya sa kinikilos ng dalawang Senyoito.
“Magandang araw din po mga Senyorito,” pagbati ni Susan tiyaka niya marahan na binaba ang kanyang ulo para magbigay galang sa dalawang Senyorito.
Hinintay niyang umalis ang dalawang Senyorito para makausap ang kanyang anak pero mukhang walang balak na umalis ang dalawa kaya nagtataka niya ulit itong tiningnan. May ngiti pa rin sa kanilang mga labi at nagmistula silang body guard na nasa likod ng kanyang anak dahil nakatayo silang pareho ng tuwid.
“Ano hong maipaglilingkod ko sa inyo?” pagtatanong ni Susan dahil baka may gustong iutos sa kanya ang dalawang Senyorito.
“Ah, wala naman po.” Si Ethan agad ang sumagot kaya agad siyang sinamaan ng tingin ni Lucius pero ngumiti rin ito nang bumalik ang tingin niya sa matanda.
“Ganon po ba?” naiilang na tanong ng matanda. “Ah may gagawin pa po ba kayo?” pagtatanong niya dahil hindi pa rin kumikilos o umaalis ang dalawang Senyorito sa kanilang kinatatayuan. Maging si Chaaya ay nagtataka na niyang pinagmamasdan ang dalawa.
“Ihahatid ko po si Chaaya,” si Lucius na ang sumagot dahil baka unahan pa siya ng kanyang pinsan na hindi niya alam kung nang-aasar ba siya o ano.
“Ako na po ang mahahatid sa anak niyo,” si Ethan naman iyon kaya agad siyang sinamaan ng tingin ni Lucius pero nakangiti lamang si Ethan.
“I will drive her home,” matigas na sambit ni Lucius sa kanyang pinsan.
“No, ako na.” pilit naman ni Ethan.
“You don’t know where she lives,”
“She can tell me,”
“Ako na, Ethan.”
“Ayoko. Gusto ko ako.”
“Don’t be a kid.”
“I’m not.”
“Stop acting immature, asshole.”
“You’re the one acting immature, jerk.”
“You're really testing my patience, huh.”
“Where is the long patience Lucius?”
“You ashhole!”
“Jerk!”
“Senyorito!” medyo tinaasan ni Susan ang kanyang boses nang sa gayon ay makuha niya ang atensyon ng dalawang Senyorito na mistulang mga bata sa kanyang tapat. Kinuha niya ang gamit na panlinis ng kanyang anak tiyaka niya muling hinarap ang dalawa.
“Salamat po sa inyong pag-aalala pero sabay na po kaming uuwi ng anak ko.”