KABANATA 26
Maagang nagising kinabukasan ang magkapatid dahil magtitinda sila ngayon ng nahuli ng kanilang ama sa dagat. Kanina pang madaling araw pumalot ang kanilang ama kaya naman may lutong ulam na at kanin nang magising sila. Ang ina naman nila ngayon ang tulog dahil gising siya kanina para magluto at para ayusin ang gagamitin ng kanilang ama. Kaya naman ang dalawang magkapatid lang ang kumakain sa lamesa, madaldal si Suzzie pero kapag bagong gising siya ay tahimik lang siya kagaya ngayon.
Mag-aalmusal muna kasi sila bago nila salubungin ang kanilang Ama sa pampang mamaya. Sigurado naman na pumapalaot pa ang kanilang ama sa mga oras na ito. Alasais y media ang usapan nila na magkikita sila sa may pampang. Wala mang cellphone si Chaaya kaya ang kanyang kapatid at ang kanyang ama ang mayroong komunikasyon.
Bumuntong hininga si Chaaya para tanungin niya ang kanyang kapatid tungkol sa kanyang pagkokolehiyo.
“Saan mo gustong mag-college?” pagtatanong ni Chaaya sa kapatid niya sa kalagitnaan ng kanilang pagkain kaya naman nagulat si Suzzie sa biglaang tanong ng kanyang ate.
“Ha?” takang pagtatanong niya tiyaka siya bahagyang natawa. “Ate, ang choice ay para lang iyan sa mga may kapangyarihan o para lang iyan sa mayayaman.” kumunot ang noo ni Chaaya sa sinabi ng kanyang kapatid.
“Bakit naman hindi pwede sa ating mahihirap?” takang tanong niya.
Huminga ng malalim si Suzzie dahil mukhang kahit bago na ang katayuhan sa buhay ng kanyang tinuturing na kapatid ay nakaakibat pa rin sa kanya ang tunay niyang pagkatayo—iyon ang may kaya sa buhay. Sigurado siya na kung hindi mayaman ang kanyang tinuturing na kapatid ngayon ay may ibbuga pa rin sila sa buhay. Sa kutis pa lang niya ay malalaman mo na agad na hindi man lang pinadapuan ng lamok. Kaya bahagya siyang malungkot kay Chaaya dahil sa mahirap na pamilya pa siya napunta. Ang mabuti na lang ay madali siyang mag-adjust o baka dahil wala lang siyang maalala at ito na ang buhay na tinanim niya sa kanyang isipan.
“Kung saan ang libre ay iyon ang pipiliin natin—iyon lang ang available na para sa atin.” pagpapaliwanag ni Suzzie sa kanyang ate.
“Bakit hindi sa mga may kalidad at kilalang universities?” litong-lito na tanong ni Chaaya. Muling natawa si Suzzie dahil mukhang inosente ang kanyang kapatid tungkol sa usapin na ganito.
“Mahal ang tuition ate,” malungkot na ngumiti si Suzzie sa kanyang kapatid. “Ang tuition sa isang semester ay hindi lang isang buong taon na pagkain kung hindi maari ka pang magtayo ng bahay sa mahal.” at tila ba nagising si Chaaya sa katotohanan.
Bakit nga ba niya nakalimutan na kakailanganin ng malaking pera sa mga sikat na unibersidad at sa kolehiyo? Bakit niya nakalimutan ang iniisip niya lang noong isang gabi nang makita niya ang papel ni Suzzie sa mga kilalang unibersidad sa Maynila.
“Pero free tuition naman sa UP, hindi ba?” pagtatanong niya dahil iyon ang nakita niya sa papel. Walang babayaran na tuition basta pasok ang grado at nakapasa ka sa entrance examination nila ay pwede ka ng makapag-aral sa kilala at nangungunang unibersidad sa bansa.
“Wala man branch ang UP dito sa Isla.” wika ni Suzzie. Napabuntong hininga si Chaaya dahil para bang kinokontra lagi ng kanyang kapatid ang kanyang naiisip pero hindi niya ito masisisi dahil iyon ang reyalidad.
“Pero pwede ka sa Maynila,” sambit ni Chaaya tiyaka niya pa tinuro ang kanyang kapatid. “Kaya mong mabuhay mag-isa, marunong kang magluto at maglaba na siyang pangunahing kailangan kapag bubukod ka.” pagpuri niya sa kanyang kapatid.
“Mahal ang gastusin sa ganoon, ate.” sambit pa ni Suzzie dahil ayaw niyang bigyan pag-asa ang kanyang sarili na makakapag-aral siya sa mga sikat na unibersidad sa bansa dahil mahirap lang sila.
Kahit na mangarap ay para bang hindi pwede kapag mahirap ka. Dahil kapag nangarap ka ay pinapaasa mo ang sarili mo sa isang bagay na hindi mo naman maisasakamay. Masakit umasa sa wala. Mahirap mangarap kapag isa kang mahirap.
“Ako!” presenta ni Chaaya. “Ako ang bahala sa gastusin mo,” wika pa niya sa kanyang kapatid. Naalala niya kasi ang usapan nila noon tungkol sa kanyang pangarap at kita niya sa mga mata ng kanyang kapatid na iyon ang gusto niyang trabaho o iyon ang pangarap niyang trabaho.
“Huwag na ate,” wika ni Suzzie kaya bahagyang nalungkot si Chaaya sa pagtanggi ng kanyang kapatid. “Nakakahiya na sa’yo.” dagdag pa niya dahil nakikita niyang may ginagastos ang kanyang kapatid sa bahay at nagbibigay na rin ito ng pera sa kanilang mga magulang gayong hindi naman dapat ito ang buhay niya.
“Ano ka ba? Huwag mong isipin iyon, kapatid mo kaya ako. Ako ang panganay sa ating dalawa pero kung umasta ka parang ikaw ang matanda.” pagbibiro ni Chaaya kaya natawa si Suzzie.
Ngayon lang naramdaman ni Suzzie ang pakiramdam na magkaroon ng isang kapatid at ganto pala kasarap sa pakiramdam na magkaroon ng isang kapatid at hindi lang iyon: ng isang nakakatandang kapatid.
“Ayos lang ate at may malapit naman na kolehiyo sa atin tiyaka iskolar din ako ng Senyor dahil nagtatrabaho si inay sa mansyon,” wika pa nito. “Makakatipid na may monthly allowance pa na galing sa Senyor.” wika ni Suzzie bilang isang praktikal na estudyante na galing sa mahirap na pamilya.
“Kaya ko naman sigurong paggastusan ang pag-aaral mo,” wika pa ni Chaaya. Hindi niya maintindihan kung bakit gustong-gusto niyang mag-aral si Suzzie sa gusto niyang unibersidad. Siguro ay dahil na rin sinabi ng kanyang mga magulang na hindi man lang siya tumuntong sa kolehiyo kaya ganoon.
“Ayos lang ate, isa pa, ayos naman ang kolehiyo dito.” wika ni Suzzie habang may malungkot na ngiti sa kanyang labi. “Ang mahalaga, makapagtapos ng pag-aaral.” iyon ang lagi niyang sinasabi sa kanyang sariili nang sa gayon ay gumaan pa rin kahit papaano ang kanyang pakiramdam.
“Pero wala naman ang kursong gusto mo sa kolehiyo dito,” nag-aalalang sambit ni Chaaya.
“Hindi naman lahat ng gusto nating kurso ay makukuha natin. Hindi lahat ng tao nakukuha ang gusto nilang kurso, ate. Pero ayos na rin ang meron keysa sa wala.” wika nito. “Iyon palagi ang linya natin na kapos palad: mas maayos na ang meron keysa sa wala.”
Tumango si Chaaya sa kanyang kapatid tiyaka sila nagpatuloy ng pagkain nila. Kahit na hindi tinanggap ni Suzzie ang kanyang alok na papag-aralin niya ito sa Maynila ay mag-iipon pa rin siya ng pera nang sa gayon ay kapag nagbago ang isipan ng kanyang kapatid ay mayroon pa rin siyang pera na mailuluwal.
Nang matapos na sila ay nagpresinta na si Suzzie na maghugas ng pinggan, aayaw sana si Chaaya ang kaso nga lang ay inunahan na siya ng kanyang kapatid sa maliit nilang lababo kaya wala na siyang magawa kung hindi maghilamos at magbihis para mkapunta na sila sa pampang at makuha na nila ang kanilang paninda.
“Oh! Senyorito Lucas!” bati ni Chaaya nang makita niya ang batang Senorito sa may pampanga habang tumutulong siya sa mga mangingisda. Agad silang kinawayan ni Lucas at lumapit na rin sina Chaaya at Suzzie sa kanila dahil kasama na ni Lucas ang kanilang ama.
“Hindi ba aalis ka ngayon? Bakit ka nandito?” pagtatanong ni Suzzie kay Lucas kaya bahagyang napaawang ang labi ni Chaaya. Hindi na nagpapa-po ang kanyang kapatid sa Senyorito.
“Old habits don’t die,” wika ni Lucas. Mukhang naintindihan naman niya kung ano ang ibig sabihin ng Senyorito doon. Mukhang lagi silang magkasama ng kanyang kapatid sa pagtitinda kaya nasanay na lang din si Lucas na samahan ang kanyang kapatid.
Tumulong si Chaaya kahit na hirap na hirap na siya, mabigat ang kanilang binibitbit papunta sa palengke. Yumuko siya para subukin na buhatin muli ang isang batya na may lamang mga isda pero hindi na niya kayang tumayo kapag binubuhat niya dahil masyadong mabigat para sa kanya. Kanina niya pa sinisipa-sipa at nahuhuli na siya sa kanyang kapatid at sa Senyorito Lucas na mukhang sanay na sanay na silang magbuhat.
Kung tutuusin nga ay mas mabigat pa ang dala-dala ng kanyang kapatid keysa sa kanya kaya hindi niya maintindihan kung bakit nahihirapan siyang magbuhat. At para bang sumasakit ang kanyang puson kapag sinusubukan niyang buhatin muli ang batya niya na may laman na isda.
Habang umiinom ng tubig si Lucius ay tinignan niya muna kung nakaalis na ang kanyang kapatid. Kahit na hindi magpaalam ang kapatid niya ay alam na niya kung saan ito pupunta lalo na at wala namang pasok. Isa tao lang naman ang magpapaalis sa lungga nito. Kaya noong narinig na niya ang kotse nila ay naging senyales na ito na umalis na ang kanyang kapatid.
Nagmamadaling tumakbo si Lucius papasok sa kanyang kwarto para magbihis ng pag-jogging niya at kinuha niya rin ang isa niyang hoodie dahil medyo malamig sa Isla lalo na at umaga pa. Bago siya bumaba ay napadaan siya sa tapat ng kwarto ng kanyang pinsan na kagabi ay hindi sumabay sa hapunan nila. Napabuntong hininga siya tiyaka niya kinatok ang kwarto nito.
“Dude, are you awake?” pagtatanong ni Lucius pero wala man lang siyang nakuhang kahit anong ingay sa loob ng kwarto nito kaya naman ang hinala niya ay tulog pa ito. “We’re going out later, okay?” sigaw niya mula sa labas dahil baka nagtutulug-tulugan lang si Ethan.
Binilin din niya kay Manang Amelia ang kanyang pinsan at nagpaalam siya na mag-jogging lang siya saglit. Kinuha na niya ang kanyang tumbler sa ref na may laman tubig at muli siyang nagpaalam sa Ginang at kumaripas na ng takbo palabas ng mansyon. Kailangan niyang magmadali dahil may lakad pa siyang pupuntahan.
Nakabisado na niya ang agenda ng kanyang kapatid t’wing Sabado nang umaga kaya naman nang malapit na siya sa pampang ay binagalan niya ang kanyang pag-jog habang tinitingnan ang lahat ng mga tao na naroon. Isang tao lang naman ang hinahanap ng kanyang mga mata. Ang kaso nga lang ay hindi niya ito agad nahanap.
Narinig niyang nagtatawanan ang tatlong tambay sa isang tindahan kaya sinundan niya ito nang tingin. Kumunot ang kanyang noo nang makita niya kung ano ang pinagtatawanan nila. Nagtiim ng bagang si Lucius para pakalmahin ang kanyang sarili pagkatapos ay tumayo siya sa harapan ng tatlong tambay para siya na ang makita nang mga ito. Biglang nawala ang ngiti sa kanilang labi at tumayo sila ng tuwid para magbigay galang sa kanya.
“Stop it,” sambit ni Lucius dahil nag-iinit talaga ang kanyang dugo pero kailangan niyang pakalmahin ang kanyang sarili kung hindi ay mapapaaway siya nang gantong kaaga. Bakit ba kasi may mga tao na walang ginagawa sa buhay nang gantong kaaga kung hindi mambastos?
“Anong pinagtatawanan niyo?” muling pagtatanong niya kahit na alam naman niya kung ano ang pinagtatawanan ng mga ito. Hindi naman alam ng tatlo kung paano sasagot sa kanya.
“Ah eh,” nauutal na wika ng isa at hindi alam kung ano ang tamang salita na sasabihin niya. Bahagya niyang siniko ang kanyang kasama para humingi ng tulong pero wala rin naman alam na gawing palusot ang kanyang kasamahan.
“Isa pang makita ko kayong nambabastos ng babae, humanap na kayo ng bahay na lilipatan niyo.” seryosong sambit ni Lucius tiyaka na siya tumalikod sa tatlong ugok na takot na takot sa kanya.
Suminghap siya dahil mukhang wala man lang kamalay-malay ang babae na binabastos na siya. Ang tanging pinoproblema niya lang ay kung paano niya bubuhatin ang batya na may lamang mga isda. Uminom muna siya ng tubig sa dala-dala niyang tumbler para pakalmahin ang kanyang sarili bago siya naglakad papunta sa dalaga. Napapikit siya ng mariin dahil nasusulyapan nga ang kanyang dibdib dahil sa suot nitong duster at sa paraan pa ng pagyuko niya kaya namna hinubad niya ang kanyagn hoodie at pinatong niya ito sa magkabilang balikat ng dalaga.
Nagulat si Chaaya nang may dumamping tela sa kanya kaya bigla siyang napaayos ng upo. Umawang ang kanyang labi dahil nasurpresa siya. Hindi niya inaasahan na makikita niya ngayon si Lucius. Pero bago pa siya makapagsalita ay inayos ni Lucius ang hoodie niya sa kanya, walang nagawa si Chaaya kung hindi suotin iyon pagkatapos ay sinarado ni Lucius ang zipper sa gitna hanggang sa kanyang leeg na siyang ikinagulat ni Chaaya.
“Ba-bakit po?” nagtataka at inosenteng tanong ni Chaaya. Napasinghap si Lucius tiyaka niya tinuro gamit ang kanyang ulo ang tatlong tambay na takot na takot pa rin sa kanya.
“Pinagpipiyestahan ka na kanina, hindi mo pa alam.” sambit nito sa dalaga. Kumunot ang noo ni Chaaya na tila hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng binata sa kanyang sinabi.
“Pinagpipiyestahan?” nagtatakang tanong nito.
Gusto tuloy balikan ni Lucius ang tatlo at suntukin niya isa-isa dahil sa pambabastos nila sa dalaga. Wala man lang ginagawa si Chaaya pero nabastos na siya ng mga manyakis na iyon. Hindi niya kasalanan kung medyo kita ang kanyang dibdib kanina at namroblema pa ang babae kung paano niya bubuhatin ang dala-dala niya imbis na tulungan ay nakuha pa nila itong bastusin.
At ang lalong kinainis niya ay halatang walang kaalam-alam si Chaaya na nababastos na siya. Masyado siyang inosente para doon. Doon napatunayan ni Lucius na talagang gago ang mga lalaki dahil kahit na wala namang kabastos-bastos sa ginawa ng babae ay nakuha pa rin nila itong bastusin.
“Nakatingin sila kanina sa,” hindi alam ni Lucius kung paano niya sasabihin sa dalaga iyon nang hindi naiilang ang dalaga.
“Sa?” pagtatanong ni Chaaya dahil hindi tinuloy ni Lucius ang kanyang sasabihin. Napansin din ni Chaaya ang mabilis na paglunok nito base sa galaw ng kanyang adam’s apple.
“Sa,” napakamot sa ulo si Lucius dahil nahihiya siyang sabihin sa dalaga. Paano kayang nakayanan bastusin ng tatlong lalaki ang hindi nila kakilalang babae gayong siya ay nahihiya na sabihin na nakatingin ang mga gago sa kanyang dibdib?
“Sa? Saan po?” muling pagtatanong ni Chaaya.
Tiyaka niya naamoy ang hoodie ng binata, ang bango nito kahit na mukhang nag-jogging ang binata ay hindi man ito nag-amoy pawis. Mabuti na lang at umaga rin kaya hindi masyadong mainit kahit na suot niya ang hoodie ng Senyorito. Hindi niya lang maintindihan kung bakit pinasuot iyon ng Senyorito sa kanya.
“Saan mo ito dadalhin? Sa palengke?” pag-iiba ng topic ni Lucius dahil hindi niya talaga alam kung paano sasabihin. Siya pa ang nahihiya sa kabastusan na ginawa ng tatlong ugok. Talaga naman ang mga walang respeto ay hindi pa marunong mahiya,
“Opo,” pagsagot ni Chaaya pero hindi niya pa alam kung bakit bigla na lang lumitaw sa kanyang harapan ang kanyang lalaki at binigay nito ang kanyang hoodie. Hindi lang iyon dahil siya pa ang nagsuot!
“Pe-pero bakit niyo po binigay sa akin itong hoodie?” pagtatanong ni Chaaya. Mukha pa namang mamahalin ang hoodie dahil sa tela nito. Alam niyang mamahalin dahil wala man lang siyang damit na ganito ang tela.
Hindi naman siguro bigla na lang nagbibigay ng pa-hoodie ang Senyorito? O sadyang nagbibigay talaga siya ng hoodie bigla sa mga nakakasalubong niya t’wing umaga?
Napahinto si Lucius sa pagyuko para kuhanin ang batya na naglalaman ng isda dahil sa tanong ni Chaaya. Ang akala niya ay tagumpay na niyang nalihis ang topic pero mukhang nagkamali siya.
Tutal ay nakayuko naman na siya ay sasagutin na niya ang dalaga.
“Nakatingin sila sa dibdib mo,” mabilis na sabi nito pero naintindihan namna agad iyon ni Chaaya.
Umawang ang labi ni Chaaya tiyaka niya tinakpan ang kanyang dibidb gamit ang dalawa niyang kamay kahit na nakasuot na siya ng hoodie. Napakagat siya sa kanyang labi dahil sa kahihiyan na natamo.
Nang mabuhat ni Lucius ang batya ay tiningnan niya ang dalaga na nakakagat sa kanyang labi at yakap-yakap niya ang kanyang sarili. Nilagay niya sa kanyang beywang ang batya nang sa gayon ay isang kamay na lang niya ang nakahawak dito. Dahil sa naging reaksyon ng dalaga ay lumalakas ang pag-udyok sa kanya na balikan niya ang tatlong lalaki pero sa halip na pagsuntok niya ang kanyang kamao ay kinuha na lang niya ang kamay ng dalaga.
Mukhang nagulat si Chaaya sa biglaang pagkuha niya dahil sa bahagyang pagtalon nito. Ngumiti si Lucius kay Chaaya para kumalma siya tiyaka siya nagsalita.
“Don’t worry, as long as I’m here, you’re safe.”