"Busy nga 'yon, " pag-iwas ko kay Ira na pinipilit ako papuntahin si Joaquin para mag-badminton.
Kanina pa niya ako pinipilit na papuntahin si Joaquin dito pero kanina ko pa rin siya tinatanggihan dahil nakakahiya naman kay Joaquin! Wala naman siyang ginagawa ngayon dahil kanina ko pa siya chat at bored na raw siya, pero nakakahiya naman na papuntahin pa siya rito para lang mag-badminton. Besides, tatalunin na naman niya ako! Ayoko na!
"Tanong mo muna, Ate! Malay mo hindi, katulad nung isang araw! "
"Hay nako, Ira. Kung gusto mong----" naputol ang sasabihin ko nang biglang nag-ring ang cellphone ko. Lumapit ako rito at nakitang tumatawag si Joaquin. Tumingin muna ako kay Ira na ngayo'y nakatingin sa akin na parang naghihintay at sinagot ang tawag.
"Hello? "
"Nica! Sorry tumawag na ako, ah! China-chat kasi kita 'di ka nag-re-reply. "
"Ay, sorry. May ginagawa kasi ako. Pero ano ba 'yon? "
"Nandito kasi ako sa apple tea, dalhan ko kayo ni Ira diyan ng milktea, anong gusto niyong flavor? "
Nagulat ako sa sinabi niya. "Huy! 'Wag na, ayos lang kami rito, 'wag ka na mag-abala, " pag-tanggi ko.
"Si Kuya Waks ba 'yan? " sabat ni Ira at lumapit sa akin. Agad kong iniwas ang cellphone sa kaniya dahil paniguradi'y kukulitin niya ito na pumunta rito.
"Hindi, " pagsisinungaling ko.
"Si Ira ba 'yon? Bakit mo sinabing hindi ako ang kausap mo? " singit naman ni Joaquin sa kabilang linya.
"Kuya Waks! Hello! Tara dito badminton tayo! " sigaw ni Ira na pilit inaabot ang cellphone ko.
"Tsk, Ira, ang kulit! " pagsuway ko sa kaniya habang iniiwas pa rin ang cellphone sa kaniya.
"Tama ba ang rinig ko? Osige punta ako diyan ngayon, " sabi ni Joaquin na agad ko namang tinanggihan.
"Waks, 'wag na! "
"Order-an ko na lang kayo parehas ng cheesecake oreo ha? "
"Waks, 'wag na nga----" hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang bigla siyang nag-bye at pinatay na ang tawag. Bwisit talaga 'yon.
"Ano sabi ni Kuya Waks? " ani Ira pagkababa ko ng cellphone. Nilagpasan ko siya at bumaba sa sala. Ala-una na ng tanghali at kakatapos lang naming mag-lunch. Buti nga nagluto na sila ng ulam at ininit na lang namin ito. Kaming dalawa na naman kasi ang naiwan sa bahay dahil pumasok si Mama at Papa sa trabaho, habang si Tita Annette naman ay abala pa rin sa pag-asikaso ng lupa.
"Ate, anong sabi ni Kuya Waks? " pangungulit pa rin ni Ira na nakasunod sa likod ko.
"Pupunta siya, " tamad kong sagot at humiga sa sofa.
"Yes! " tuwang sagot ni'to at bumalik na ulit sa taas.
Maya maya lang ay nag-ring ang cellphone ko mula sa tawag ni Joaquin dahil nasa labas na raw siya. Dali dali akong tumayo at tumakbo palabas ng gate.
"Tsk, masasanay ako niyan, " bungad ko sa kaniya.
Natawa siya. "Sinasanay talaga kita. "
Binuksan ko ang gate at sabay kaming pumasok sa loob. "Ira, nandito na si Waks, " sigaw ko mula sa baba.
Dumiretso kami sa kusina ni Joaquin at ibinaba doon ang mga milktea na binili niya. "Babayaran ko 'to ah. "
Agad siyang umiling. "Nope. Ibabalik ko 'yang bayad mo kapag nagbayad ka, " sabi niya habang umuupo sa upuan.
Napa-irap ako at umupo sa tabi niyang upuan. "Kahit kailan ka talaga! Bahala ka. Anyway, kumain ka na ba ng lunch? "
Tumango siya. "Kanina pa, bago ako magpunta rito. "
"Hello, Kuyaaa! " masiglang bati ni Ira kay Joaquin pagkapasok niya ng kusina.
Bumaling sa kaniya si Joaquin at kumaway. "Hello, bunso! Milktea ka muna, " ngumiti siya at tinuro ang milktea na binili niya.
Umupo si Ira sa tapat namin. "Woah. Thanks, Kuya! Badminton tayo mamaya, ha? "
"Oo ba! "
Tumingin sa akin si Ira at ngumiti ng nang-aasar. Agad ko naman siya sinamaan ng tingin.
"Ay, sa taas na lang pala muna ako! May pinapanood kasi ako. Bye po! " biglang sabi niya at nagmamadalig umalis.
"Ira----" hindi na niya ako pinansin at tumakbo na papunta sa taas.
"Sorry kay Ira ha, ang kulit, " I said apolegitically.
"Ayos lang 'yun. Nakakatuwa nga siya, e, " he gave me an assuring smile. "Ilang taon na pala siya? "
"10 ata? Or 11? Something like that. "
Tumango-tango siya. "I wanna ask something. "
"What? " I looked at him.
"Bakit Amy tawag niya sayo? " he asked curiously.
"Akala ko naman kung ano 'yung tanong mo, kinabahan naman ako! " I laughed. "Diba second name ko ay Amethyst, pinaikli siya mula sa pangalang 'yon. Amethyst to Amy. 'Yung Lola ni Ira, si Tita Annette, siya nagbigay sa'kin ng nickname na 'yon dahil maganda raw pakinggan at para daw'ng babaeng galing America, " I explained.
"Ahhh. Amy na lang din itatawag ko sa'yo, " kaswal niyang sabi.
My brows furrowed. "Ha, why? "
"Wala, para sa school ako lang ang tatawag sa'yo no'n. Para special, " he said in an amusing smile.
Natatawa kong tinapik ang mukha niya. "Corny mo. "
Halos dalawang linggo na ang nakalipas at halos araw-araw na nandito si Joaquin. Kung minsan ay nag-fu-food trip kami, naglalaro ng badminton or cards, o minsan nama'y nanonood ng movie. Hindi naman siya naabutan nila Mama dahil laging gabi na sila umuuwi at ganoon din naman si Tita Annette. Sinusulit na rin namin ni Ira ang mga araw dahil uuwi na sila sa isang araw. Maiiwan na naman akong mag-isa sa bahay at wala na naman akong kausap.
"Gumayak kayo, punta tayong mall, " bungad sa amin ni Tita Annette isang hapon na umuwi siya ng maaga.
Agad kaming tumayo mula sa pagkakahiga at dali-daling gumayak. Buti na lang at nakaligo na ako kanina kaya hindi na kami mag-uunahan ni Ira sa banyo. Nagpalit na lang ako ng damit at hinintay si Ira na matapos gumayak.
Nagkataon din naman na may pupuntahan daw sila Joaquin kaya wala siya ngayon. Buti na lang din dahil paniguradong maabutan pa siya ni Tita Annette kung nandito siya ngayon. Alam ko namang hindi tama ang ginagawa ko dahil para na rin aking nagsisinungaling sa ginagawa kong hindi pagsasabi sa kanila na madalas dito si Joaquin, pero ayoko lang munang lagyan ng malisya ang sa aming dalawa lalo na't hindi pa namin napag-uusapan ang tungkol dito.
"Tara na, Ate! " ani Ira ng matapos na siyang gumayak. Sabay kaming bumaba at naabutan namin si Tita Annette sa sofa na nag-ce-cellphone habang nakaupo sa sofa at halatang hinihintay kami.
Ni-lock ko muna ang pinto ng bahay at sumunod sa kanilang sumakay sa sasakyan. Sa likod ako umupo dahil si Ira ang nasa passenger seat at si Tita Annette naman ang nasa driver's seat dahil siya ang mag-ddrive.
Makalipas ang dalawampung minuto ay nakarating din kami sa mall. Sabi ni Tita Annette ay susunod daw sa amin si Mama at Papa dahil dito kami mag-di-dinner.
Dumiretso kami sa department store dahil bibili raw si Tita Annette ng mga damit nila ni Ira. Ako naman ay tumingin na rin ng mga pwedeng bilhin dahil may dala naman akong pera ngayon.
"Ate bagay sa'kin? " pinakita sa akin ni Ira ang isang denim dress.
"Hmm, mas maganda 'yung isa, isukat mo, " sagot ko na agad naman niyang tinanguan.
Nang mapili kami ng mga damit ay sabay kaming nagpunta ni Ira sa fitting room habang si Tita Annette naman ay nagpa-iwan dahil hindi pa raw siya tapos mamili.
"Ate tara nga dito, zipper mo 'to, " pakikisuyo ni Ira na nasa kabilang fitting room.
"Okay, be, wait lang, " sagot ko naman habang tinatapos ibihis ang isang damit na napili ko.
Nang maisuot ko na ito ay lumabas na ako mula sa fitting room ko at kumatok sa kaniya na agad naman niyang pinagbuksan.
"Taba mo na kasi kaya hindi na ma-zipper, " biro ko sa kaniya habang ikinakabit ang zipper sa likod.
Sinimangutan niya ako. Nang matapos ako ay humarap siya sa akin at ipinakitang suot niya.
"Hmmm, dapat mas malaking size kinuha mo diyan para magamit mo ng mas matagal. Pang-6 months mo lang 'yan magagamit kapag 'yan ang kinuha mong size. "
"Sige, Ate. " bumalik na ulit ako sa fitting room ko at nagsukat na ng mga damit na pinili ko.
Lumipas ang mga oras at nang matapos na kami namili ay nagtungo na kami sa isang restaurant kung saan kami mag-di-dinner dahil nandoon na raw sila Mama at Papa.
Sa Kenny Rogers ang napili nila dahil nag-ccrave daw si Papa sa roasted chicken. Pagkarating namin ay tumawag agad si Papa ng waiter para um-order.
"Solo A Honey Bourbon Rib plate sa akin, " sagot ko nang tanungin ni Papa kung ano ang order ko.
Nang matapos na kaming maka-order lahat ay umalis na ang waiter. Bumaling naman sa amin si Papa at tinanong kung anong mga pinamili namin.
"Puro damit lang 'tong pinamili namin. Mamaya dadaan ulit akong department store para tumingin ng sandals, " sagot ni Tita.
"Ikaw, Nica? Ano binili mo? Nagkasya ba pera mo? " tanong ni Papa sa akin.
"Ah, bumili lang akong dalawang damit, Pa. Nagkasya naman pera ko, " magalang kong sagot.
Nawala na ang usapan tungkol sa mga binili namin dahil nagkwentuhan na sila tungkol sa isang bagay na hindi naman naming maiintindihan dahil pang-matandang usapan lamang ito. Tumutok na lang kami ni Ira sa kani-kaniyang cellphone habang naghihintay dumating ang order namin.
“Ate...” biglang bulong ni Ira sa gilid ko kaya sumulyap ako sa kaniya.
“Hmm?”
“Si Kuya Waks ‘yon ‘di ba? “ sambit niya kaya napalingon ako sa tinuturo niya. Tumingin ako sa glass window at nakitang papasok si Joaquin sa isang coffee shop. Napangiti ako ngunit agad ding naglaho iyon ng makita ko kung sino ang kasunod niya… si Celine.
Napaawang ang labi ko sa nakita ng aking dalawang mata. Pinagmasdan ko sila mula sa pwesto ko at nakitang hinintay ni Joaquin makahabol sa kaniya si Celine sa paglalakad para sabay silang makapasok sa coffee shop. Pinagbuksan siya ng pinto ni Joaquin at pinauna niyang pumasok ito na agad din naman niyang sinundan. Hanggang sa maglaho sila sa paningin ko ay hindi ko pa rin inalis ang tingin sa coffee shop. Halo-halo ang emosyon na nararamdaman ko at parang biglang sumikip ang dibdib ko dahil sa nakita. Sabi niya aalis sila ngayon ng family niya, family niya na ba ngayon si Celine? Wala akong karapatan pero… pero… oo nga pala, ‘yun na ‘yon. Wala ng pero o kung ano man, wala akong karapatan.
“Huy, Ate! Sino kako ‘yung kasama ni Kuya Waks? “ tanong ni Ira na nagpabalik sa akin sa ulirat.
“H-ha? Ahhh, pinsan. Pinsan niya ‘yon, “ wala sa sarili kong sagot. Napatango siya sa sagot ko at bumalik na lang ulit siya sa pag-ce-cellphone. Sana nga totoong pinsan niya na lang ‘yung kasama niya ngayon para hindi ko nararamdaman ito.
“Here’s your order po, “ biglang sabi nung waiter at inilapag isa-isa ang mga order namin.
Inilapag ni Mama ang order ko sa tapat ko ngunit tulala ko lang na tinitigan ‘yon. Nawalan ako ng gana kumain sa nakita ko. Parang gusto ko na lang umuwi at magkulong sa kwarto ko.
“Nica, kumain ka na, “ biglang sabi ni Papa kaya napabalik ako sa katinuan.
“O-opo, Pa. “
Halos hindi ko maubos ang pagkain ko ngunit pinagalitan ako ni Mama kaya wala akong choice kun’di ubusin ang in-order ko. Hanggang sa pag-uwi namin ay tulala lang ako at hindi kumikibo. Wala na rin akong oras para intindihin ang mga sinasabi nila dahil sa halo-halong emosyon na nararamdaman ko ngayon. Basta tango na lang ako ng tango sa mga sinasabi nila, bahala na kung ano ‘yon.
Pagkarating namin sa bahay ay dumiretso agad ako sa banyo para mapag-isa. Hindi ko madalas ginagamit ang bath tub ko pero nagamit ko ito ngayon para makapag-isip-isip at magkaroon ng katahimikan. Hindi ko magagawa ito ngayon sa kwarto ko dahil kasama ko si Ira at paniguradong mahahalata niya agad na may mali sa’kin.
Isinandal ko ang ulo ko sa bath tub at napatulala sa kisame ng banyo. Namuo ang tubig sa mga mata ko at isa-isang tumulo ang luha sa aking pisngi. Hindi ko alam kung saan ako umiiyak. Dahil ba nakita ko silang magkasama, o dahil kung makita ko man silang magkasama, e ano naman? Gaya ng sabi ko, wala naman akong karapatan. Ano nga ba naman kami ‘di ba? Magkaibigan. Hanggang doon lang naman kami mula pa noon. Ewan ko ba naman kasi. Ang tanga tanga ko talaga kahit kailan. Pinakilig ka lang, akala mo, mayroon nang something? Akala mo agad gusto ka na? Tanga ka, Nica. Kahit naman gawin niya ang lahat ng iyon, kailanman ay hindi niya naman sinabi na gusto ka niya. Above all things that he did for you, the most important part is telling you that he likes you. But he never once did it. So, what’s the point? Isa pa, hindi ba’t kasalanan ko naman ang lahat ng ‘to? Ni hindi ko man lang nga naisip na kaka-break lang nila ni Celine at nagpadala ako sa emosyong nararamdaman ko. Ni hindi ko man lang naisip kung anong mararamdaman ni Celine once na nalaman niya ito. Tinuring niya akong kaibigan, pero alam ko sa sarili ko na tinalo ko si Joaquin. Oo, ako ang naunang nagmahal sa kaniya, pero hindi rason ‘yon para gawin ko ang mga ito. Dahil si Celine lang ang may karapatan. Si Celine lang ang binigyan niya ng karapatan. So kahit anong mangyari, walang kwenta ‘tong nararamdaman ko.
Lumipas ang mga araw at kinailangan nang umalis nila Tita Annette at Ira. Pinipilit nga ako ni Ira na papuntahin si Joaquin bago siya umalis pero nasabi ko na ata lahat ng dahilan para lang hindi siya mapapunta rito. Magmula ng araw na iyon ay hindi ko na ni-re-reply-an ang mga chat at tawag niya. Kapag sinasabi niya pupunta siya at may dadalhin ay sinasabi kong aalis kami. Isipin niya kung anong isipin, wala na akong pakeelam. I am so done with this phase of my life.
“I’m gonna miss you, Ate! “ Ira said while hugging me.
“I’m gonna miss you as well, baby! Pakabait ka ha? “ I hugged her tightly.
“Yes, Ate! “
Kumalas kami sa yakap ng tinawag na siya ni Tita Annette mula sa labas.
“Ate paki-bye na lang ako kay Kuya Waks, ha? Alis kasi siya ng alis, ‘di na tuloy kami nag-abot! “ she pouted.
Napahawak ako sa batok ko at umiwas ng tingin. “I will. “
Nang makaalis na sila ay umalis na rin sila Mama at Papa para magtrabaho kaya ako na naman ang naiwan mag-isa. Ibinagsak ko ang katawan ko sa kama at napatulala sa kisame.
I’m all alone again, in this four-corner room, that is full of unsaid thoughts and unsaid feelings.