#LivingWithYou CHAPTER 67 Nasa dining room sila Bryan at Eros. Magkatabi ang kanilang inuupuan. Nakahain na sa mesang nasa harapan nila ang mga pagkaing niluto ni Bryan para sa hapunan. Napapangiti si Eros habang nakatingin sa pagkain. Hindi pa nila ito nilalantakan dahil iniintay pa nilang dumating si Celine na kasalukuyang nasa kwarto nito para magbihis dahil kararating lang nito galing sa trabaho. Nakatingin naman si Bryan kay Eros. Napansin niya ang pagngiti nito. “Bakit ka nangingiti diyan?” nagtatakang tanong ni Bryan. Napatingin si Eros kay Bryan. Mas lalo itong napangiti. “Habang tumatagal kasi pasarap ng pasarap ang luto mo,” sabi ni Eros. Natawa naman ng mahina si Bryan. “Ganun ba? Siguro nagagalingan ka na sa akin noh?” tanong nito.

