Sa hapag ay naging maingay si Mommy, umaalingawngaw ang mumunti niyang pagtawa sa apat na sulok ng kusina. Samantala ay ganoon din si Daddy na sinasabayan ang kakulitan ni Mommy. Naging tahimik naman ako habang nakikinig lang sa kanila. Pasalit-salit ang tingin ko kina Mommy at Daddy, saka ko lilingunin si Melvin na naroon sa tabi ko at paminsan-minsa'y malakas na tumatawa. Hindi ko pa mawari kung sino ba ang tunay na anak nina Mommy at Daddy dahil mukhang kinalimutan na nila ako, tila ba wala na lang sa kanila ang presensya ko ngunit imbes na mainis ay mas natutuwa pa ako. Masaya ako na pinapanood kung paano madaling nakapagpalagayan ng loob ni Melvin ang magulang ko, gayong nakilala siyang mailap sa mga tao. Hindi ito marunong makisalamuha, pero heto siya at dinaig pa ang ini-expect k

