CHAPTER TWENTY-ONE
Sa gitna ng nagkakasiyahang gabi, sa hindi inaasahang lugar at pagkakataon, muli na ngang nagtagpo ang landas namin ni Martyn. Walang nakaaalam na mangyayari ito, kahit sino ay walang ideya.
Nang mga sandaling lumapat ang aking paningin sa pamilyar na mukha at presensiya ni Martyn ay tila tumigil ang pagproseso ng aking sistema. Literal na bigla lamang nahinto ang lahat sa aking katawan at maging ang magiging reaksyon ay hindi ko na maisip.
Paanong ang lalaking nakipag-break sa akin over a text message, ngayon ay kaharap ko na at ngayon ay nagpapakilalang nobyo ni ma’am Fritz? Isa sa mga taong may malaki akong kagustuhan makausap ngunit kailanman ay hindi pinalad na mabigyan ng pagkakataon.
I scoffed. The world is ironic indeed. Alam ko at alam niya kung gaano ka-walang kaayusan niyang tinapos ang matagal naming relasyon ngunit ngayon ay nagkita kami kung kailan hindi kami handa. Hindi rin ito ang tamang oras para magalit o umiyak dahil hindi naman talaga namin ito oras. Dahil ang totoo, nasa magkaibang mundo na kami. Hindi lang talaga namin nagawang isara nang maayos ang oras naming magkasama.
Nang mga pagkakataong dahan-dahang nag-zoom out ang mga ingay at gulo ng paligid at tanging mukha na lamang ni Martyn ang nakikita ko at ang tunog na lamang ng mabibigat kong paghinga ang naririnig ko ay nagsimula ang aking pagkataranta. Ginusto kong tumakbo at lumayo dahil alam kong hindi pa ako handang harapin siya at all. Subalit ginusto ko ring manatili dahil ito na ang pagkakataon ko magkaroon ng kalinawan.
Ilang hakbang pa ang ginawa niya habang ang braso ni ma’am Fritz ay kaylambing at kaytamis na nakapulupot sa kaniya. Ang mga kasamahan namin ay nag-umpisang magtilian at kantiyawan si ma’am Fritz na kinikilig din naman. Si Martyn naman ay hindi pa ako nakikita. Nakangiti siya at masayang hinaharap ang mga tao.
Maya-maya pa ay huminto sila ilang hakbang mula sa kinauupuan ng lahat at ngumiti nang mas malawak. Inilibot ni Martyn ang kaniyang paningin at nang sandaling lumapag sa akin ang kaniyang mga balintataw ay namasdan ko kung paano gulat at dahan-dahang bumagsak ang magkabilang dulo ng kaniyang labi. Literal na bakas sa kaniya ang matinding pagkagulat at pagkawala sa sistema ng katinuan. Halata rin ang biglaang pagkataranta niya dahil nagsimulang siyang hindi mapakali.
“Okay, guys, listen up, y’all. He is my boyfriend, Martyn, introduce yourself to them, love,” nangiting sabi ni ma’am Fritz at hinawakan sa braso si Martyn.
Ang lahat naman ay nagsimulang magkagulo at kiligin. Kung susumahin ay naiintindihan ko ang dahilan ng matinding kilig nila sa presensiya ng ma’am Fritz at Martyn nang magkasama dahil hindi maitatanggii ang malakas na dating nilang dalawa. Kapwa sila matangkad, maganda ang balat, hubog ng pangangatawan at pag-model ang datingan.
Tumingin ang lahat kay Martyn at nag-aabang ng kaniyang pagpapakilala. Si Martyn naman ay tila walang balak na magsalita dahil ang kaniyang buong atensyon ay nakatuon sa akin. Nakatingin siya sa mga mata ko na gayundin ay nakatitig sa kaniya. Kapwa namin hinahanap ang mga sagot sa mga tanong na hindi mabigkas ng aming mga bibig sa pagkakataong ito.
“Love?” tawag ni ma’am Fritz sa atensyon ni Martyn.
Hindi pa rin nag-aalis ng tingin sa akin si Martyn. Maang din naman akong nakikipagpalitan ng titig sa kaniya.
“Okay, mukhang gusto niya pa ng magandang introduction,” nakangiting sambit ni ma’am Fritz habang sinusubukang saluhin ang hindi niya maintindihang ginagawa ni Martyn. “So, guys, he’s my boyfriend, three years na kami together.”
Nagsimulang umugong ang malakas na tilian dahil sa panimula ni ma’am Fritz.
“Uhm, kaunting story lang, dapat siya ang kasama ko sa wed themed photoshoot before but he was not able to make it kaya sina Airon at Aeshia na lang ang nag-proxy, they did well though. Anyway, he’s actually a dream man of mine, you all know why?”
“Why?” sabay-sabay na sabik na tanong ng lahat maliban sa amin ni Martyn.
“Kasi he is my first boyfriend and I am his first girlfriend, sabi niya.” Doon ay literal na lumaki ang mga mata ko sa sinabi niya. “And guess what, we are now planning our wedding! This party is our engagement party and I want you all to witness how we are called by the stars to come to each other’s lives, isn’t it sweet?”
Lahat ay gulat na napatakip ng bibig saka nagsimulang humiyaw at magpakalakpakan. More than anyone, sa buong lugar na iyon ay ako ang pinaka-nagulat. Grabe.
Silang lahat na aming kasama ay malugod na binati sina ma’am Fritz at Martyn. Si ma’am Fritz na masayang nagbahagi ng ideyang iyon ay hindi magkamayaw sa pagtanggap ng pagbati. Ang mga ngiti sa magkabilang mata ay ang indikasyon ng purong kalugurang nadarama niya. Si Martyn, sa kabilang banda ay hindi gumagalaw sa kinatatayuan niya, ni hindi nagpapakita ng kung anong reaksyon. Alam kong napapansin iyon ng mga kasama namin, maging ni ma’am Fritz ngunit lahat naman ay hindi na rin naglakas loob na alamin kung bakit.
No one knew how broke I was at that very moment. Walang luhang lumabas sa mga mata ko ngunit pigang-piga ang puso ko sa mga narinig ko. Gusto kong umalis, gusto kong tumakbo ngunit hindi ko nagawa. Pinili kong pakinggan kung ano nga ba ang dahilan na iniwan niya ako kaysa magalit sa kaniya at magtanim ng galit nang hindi inaalam ang kaniyang panig.
“Lastly, guys,” muling anunsiyo ni ma’am Fritz. “Prepare yourselves.”
“Wow, mukhang imbitado tayo lahat sa kasal!” sigaw ng isa na ikinatawa ng lahat.
“Yes, of course. But there is something more than that. Magkakaroon tayo ulit ng bond for we will have our second photoshoot!” sabik niyang sabi at pumalakpak pa.
Natuwa naman ang lahat at nagpalakpakan dahil sa ini-anunsiyo niya.
“Uy, bongga!” sabi ng isa.
“Same staffs, same team with stronger bond, but under a different company. Yes, hindi na siya under Rouge Magazine because this photoshoot will be my prenuptial photoshoot.”
Mas lumakas ang palakpakan at lahat ay tuwang-tuwa.
“And to top up all your excitements, I’ll tell you the last surprise yet definitely not the least. It will not just be a prenuptial photoshoot, it will also be my…” putol niya para panabikin lahat. “…my pregnancy photoshoot! Guys, I’m pregnant!”
Sa mga narinig ko ay tila binuhusan ako ng malamig na tubig. Kinilabutan ako sa mga nalaman ko at hindi ko magawang tanggapin.
Natagpuan ko na lamang ang sarili ko na tumatakbo sa labas ng bahay nina ma’am Fritz at nakahawak sa bumibigat kong dibdib. Para akong dinurog at pinagsasaksak ng mga nalaman ko. Sobrang sakit. Hindi ko alam ang gagawin ko sa sobrang bigat ng nararamdaman ko.
Patuloy lang akong tumatakbo kahit ang paningin ko ay sobrang labo na dahil sa walang tigil na pagpatak ng mga luha ko. Para itong ilog na hindi nauubos ang dumadaloy na luha. Sobrang bigat. Walang mga salitang makapaglalarawan ng bigat na nadarama ko. Parang gumuguho ang mundo ko at unti-unti nang dumidilim ang lahat.
Ramdam ko na ang pagod ngunit gusto kong makalayo. Gusto kong maiwaksi ang imahe ng lahat ng tao kanina na masayang nagpapalakpakan dahil walang dapat ikatuwa. Sa bawat ngiti at palakpak nila ay may isang nasasaktan. Hinang-hina na ako. Hindi ko na alam.
Malayo na rin ang natakbo ko nang hindi sinasadyang mapahinto ako. Sa kung anong dahilan ay huminto ang mga paa ko sa pagtakbo. Gusto ko pa mang tumakbo ay tila hindi na kaya ng katawan ko.
Habol-habol ang hininga, nagpatuloy ang matinding pag-iyak ko. Hindi ko na maramdaman ang ibang bahagi ng katawan ko ngunit wala na akong pakialam. Gusto kong umalis, gusto kong tumakas at lisanin ang lahat ng sakit.
Bumigay ang mga tuhod ko at bumagsak ako sa kinatatayuan ko. Ginusto ko mang tumayo ay tila hindi na talaga kaya ng katawan ko. Nanatili lamang ako sa ganoong kalagayan at ibinuhos ko ang lahat ng sakit sa pag-iyak. Wala akong ginawa kung hindi umiyak.
Ilang sandali pa ay napahinto ako nang may tumigil na lalaki sa aking harapan. Hindi ko siya makilala dahil nakayuko pa rin ako at patuloy sa pag-iyak. Sapatos lamang niya ang nakikita ko. Nang walang anu-anoy ay nagwika siya,
“You don’t have to cry alone; my shoulder is free.”