Chapter 1 - Ang Pagkamatay
Sabi nila, baliw raw ako. Kahit ang mga magulang ko ay iniisip din na may sira na ang utak ko.
That I was mentally ill.
Insane.
Crazy.
Nahuhuli nila akong nagsasalita mag-isa.
Sa tingin ko...
Baliw nga talaga ako.
May nakikita akong mga nilalang na hindi nakikita ng iba. Mga nilalang na may ibang klaseng hitsura. Hindi ko mapigilang kausapin sila at sinasabing layuan nila ako. Minsan nanaginip pa ako na nakatayo ako sa harap ng isang palasyo.
Higit sa lahat, may naririnig ako nang paulit-ulit na iisa lang ang laging sinasabi.
"Mamatay ka na."
That was when I agreed to my parents that I should see a psychologist. Sinong hindi matatakot? Gusto nila akong mamatay at hindi ko alam kung bakit.
Ayon sa doktor na tumingin sa 'kin, may schizophrenia raw ako. Isang uri ng disorder o sakit sa pag-iisip na kung saan hindi normal na binibigyang kahulugan ng mga tao ang katotohanan o reyalidad. Ang schizophrenia ay maaaring magresulta sa ilang kumbinasyon ng mga guni-guni, maling akala, at labis na hindi maayos na pag-iisip.
Sa madaling salita, ang mga taong may schizophrenia ay nahihirapang tukuyin ang reyalidad sa hindi. Napagsasama nila ang totoo sa hindi.
At tingin ko, may schizophrenia nga talaga ako. Dahil nakikita ko mismo sa sarili ko ang ilan sa mga sintomas nang pagkakaroon ng schizophrenia.
Lalo na nang tumuntong ako sa kolehiyo.
Una, mga guni-guni at ilusyon. Alam kong ilusyon lang ang mga nakikita ko, pero ang hindi ko alam, pa'no sila nabuo sa utak ko. Pangalawa, maling akala. Akala ko totoo sila, pero hindi naman sila nakikita ng iba. Pangatlo, hindi maayos na pag-iisip. Hindi ako makapag-isip nang matino lalo na kung nagpapakita sila. Pang-apat, hindi maayos na pag-uugali. Minsan nasusungitan ko na ang mga kaklase ko. Kahit sina Mama ay hindi na rin nila maintindihan ang pagbabago sa ugali ko. Panglima, hindi naaangkop na mga reaksyon. Dahil sa kalagayan ko, nilalayuan na ako ng ibang tao. Kaya naiiwan akong mag-isa. Walang makausap. Kaya siguro nawalan na rin ako ng gana na ngumiti o makisaya. Pang-anim, phobia. Ayaw kong madilim ang kwarto ko. Takot ako sa madilim. Dahil, t'wing naiiwan akong mag-isa sa isang madilim na lugar, naririnig ko ang iba't ibang boses na iisa lang ang sinasabi...
"Mamatay ka na."
Dahil rin sa kondisyon ko ay nilalayuan ako ng mga tao sa paligid ko. I am a total outcast. Kahit sa klase, parang hangin lang ako. Hindi rin nabibigyang halaga ang talino at galing ko sa pag-aaral. Dahil para sa kanila, isa lang akong abnormal...
Baliw.
May topak.
Minsan natatawag pa akong may sapi, masamang espirito, at kung ano-ano pang mga pangalan na nakakawalang gana na lang mabuhay.
Pero sa awa naman na galing sa Diyos, nakapagtapos ako at ngayon ay may trabaho na rin.
Akala ko magaling na ako, dahil isang taon din silang hindi nagpakita.
Pero...
Prenteng nakaupo ang isang maliit na nilalang sa gilid ng computer ko. Nasa opisina ako at nakaharap sa mga file na dapat kong i-submit bukas sa head engineer namin.
Maliit lang ang opisina ko. Na-promote ako last year bilang project manager. Dahil nga naging maayos ang buhay ko kasi walang mga nilalang na nakasunod sa 'kin.
"Long time no see, Prinsipe Adriel!"
Isa pa 'yan sa lagi kong naririnig.
Prinsipe Adriel
Tsk! Kalokohan!
Tapos prinsipe pa? Mga maligno lang 'to sila na gusto lang mang-agrabyado.
Nagkunwari akong hindi s'ya naririnig at nag-focus sa ginagawa ko. Nasa iisang opisina lang kami ng sekretarya ko. Kaya hindi dapat ako magpaapekto sa berdeng nilalang na kinulilit ako.
Hindi naman s'ya matatawag na dwende kahit maliit s'ya. Hindi matutulis ang mga tainga n'ya at ang damit n'ya ay hindi pang-dwende. Isa pa may pakpak s'ya.
Baka naman fairy?
Imposible!
Sa pagkakaalam ko, magaganda at gwapo ang mga fairy. Pero ang isang 'to...
Mukhang piranha.
Mukha s'yang flying piranha.
Ang tutulis ng mga ngipin n'ya at wala s'yang ilong. May tatlong maliliit na guhit sa magkabilang pisngi n'ya. Parang katulad nang sa mga isda.
Napasandig ako sa swivel chair ko nang biglang lumitaw sa harapan ko ang isang ogre na kulay violet. Literal na dambuhala talaga s'ya. Para s'yang si Shreck, pero kulay violet. Sa sobrang pagkagulat ko ay ilang segundo ko ring napigilan ang paghinga ko.
"A-Ayos lang kayo, Sir?" gulat din na tanong ni Miya— ang sekretarya ko.
Naibuga ko tuloy ang hangin na kanina ko pa pinipigilan. Bumilis bigla ang t***k ng puso ko. Tumikhim ako bago sinagot si Miya, "I'm... I'm o-okay."
Naiilang s'yang ngumiti at binalik sa sariling laptop ang atensyon.
Lihim akong napahinga nang malalim.
"Kahit anong gawin mo, Riel, hinding-hindi kami maniniwala na hindi mo kami nakikita," sabi ng dwendeng piranha na ginawang higaan ang mouse pad ko, "Nandito kami ulit para sabihing tapos na ang isang taong palugit na binigay namin sa 'yo. Kailangan mo nang sumama sa amin, sa ayaw mo man o gusto."
Kaya ba nawala sila ng isang taon? Pero bakit nila ako kukunin? Ang sarap magmura at magsisisigaw!
"Magpaalam ka na sa mga maiiwan mo. Dahil ilang oras na lang at susunduin ka namin. Kahit saan ka pa magtago, wala kang kawala sa amin," sabi naman ng dambuhala at bigla na lang naglaho.
"Tanggapin mo na lang ang lahat. Na hindi ka para sa mundong ito at itinakda kang maging prinsipe," sabi naman ng mukhang piranha at nawala na parang bula sa hangin.
Naiwan akong hindi alam kung anong gagawin o iisipin. Pero bakit ko ba sila pagsasayangan ng oras? Mga maligno lang naman sila na nambubulabog.
Tinapos ko na ang lahat ng paper works ko at maagang nag-log out. Nakasanayan ko na ang dumaan sa paborito kong coffee shop. Magpapalipas ng ilang oras dito habang nakatingin sa kahabaan ng traffic sa kalsada. Nasa Roxas Boulevard kasi ang opisina namin kaya kita ko ang lawak ng karagatan mula rito sa coffee shop. Hinihintay ko talaga ang pagliwanag ng mga street light, gustong-gusto ko ang liwanag at ayaw ko sa madilim.
Halos maitapon ko ang iniinom na kape nang biglang may nagbanggaang dalawang sasakyan, mismo sa tapat ng coffee shop. Kitang-kita ko kung pa'no tumilapon ang katawan ng isang lalakeng galing sa loob ng sasakyan n'ya. Sobrang lakas ng impact.
Kasabay no'n ang mga boses na lagi kong naririnig...
"Mamatay ka na."
"Mamatay ka na."
"Mamatay ka na!"
Kusa ko na lang nabitawan ang hawak na tasa ng kape nang marinig ko ulit ang sinabi ng mga maligno kanina.
"Magpaalam ka na sa mga maiiwan mo. Dahil ilang oras na lang at susunduin ka namin. Kahit saan ka pa magtago, wala kang kawala sa amin."
"Tanggapin mo na lang ang lahat. Na hindi ka para sa mundong ito at itinakda kang maging isang prinsipe."
Papatayin ba ako ng mga malignong 'yon? Pinagtitripan ba nila ako?
"Sir Adriel?"
Nilingon ko si Juvy, ang waitres na laging nag-aasikaso sa 'kin sa t'wing nandito ako. Kilala na rin nila akong lahat. Ilang taon ba naman akong avid customer na nila.
"Bakit?" tanong ko kay Juvy na may nagtatakang tingin sa 'kin.
"Ahm... palitan natin 'yang kape mo, Sir..."
Saka ko lang napagtanto na nahulog pala at nabasag ang tasa na hawak ko kanina.
"Oh... sorry. Na-Nagulat kasi ako sa disgrasya sa labas..." Tiningnan ko ang kalsada kung sa'n may nagbanggaan na mga sasakyan.
Pero...
"Anong disgrasya, Sir?"
Sh*t! Pinagtitripan na naman ako ng mga malignong 'yon. Kung ano-ano na naman ang mga pinapakita nila sa 'kin!
Tumikhim ako at nag-isip ng palusot, "Ahmm... na-nasobrahan na 'ata ako sa ka-kape. Lagi na akong nininerbyos."
"Pahinga rin kasi, Sir."
Tipid lang akong ngumiti. Nakatingin lang ako sa kan'ya habang nililinis n'ya ang nagkalat na kape sa sahig, "Kukuha lang ako ng bagong tasa at kape, Sir."
Napapikit naman ako kaagad nang makarinig na naman ng salpukan sa labas. Nang-iinis talaga ang malignong 'yon. Pero napadilat kaagad ako ng mga mata nang marinig ang sigawan ng mga tao.
Nakatingin sila sa labas kaya sinundan ko naman kung anong tinitingnan nila.
Disgrasya...
'Yan 'yong nakita ko kanina. Nilingon ko ulit ang mga tao rito sa loob ng coffee shop. Nakikita nila?
Nilingon ko si Juvy na hawak-hawak ang isang tasa ng kape. Galing sa labas, nalipat sa 'kin ang tingin n'ya. Isang nagtatakang tingin ang ibinigay n'ya sa 'kin.
Oh sh*t!
Bago pa man s'ya may masabi ay kaagad na akong tumayo at nag-iwan ng pera sa mesa. Walang lingon-lingon akong lumabas ng coffee shop.
Pero...
Hindi ko mabitawan ang glass door ng coffee shop dahil natuod na ako sa kinatatayuan ko. Kitang-kita ko ang mukha ng lalakeng nadisgrasya...
Ako...
"Juvy... dalawang tasa ng kape na ang hinatid mo sa table na 'to, ah? Wala namang nakaupo rito..."
Kaagad kong nilingon ang kinaroroonan nina Juvy. Nanlalaki ang mga mata n'yang nakatingin sa 'kin at hindi nagtagal ay nahimatay s'ya.
"Ay, Juvy!"
Nabitawan ko na ang glass door at kitang-kita ko na ngayon ang repleksyon ko sa salamin.
Wasak ang kalahati ng mukha ko at naliligo na ako sa sarili kong dugo. Unti-unti akong nakakaramdam ng init sa buong katawan ko. At nanlaki na lang ang mga mata ko nang lumiyab na ang buong katawan ko.
Gustuhin ko mang sumigaw dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ay hindi ko man lang maibuka ang bibig ko. Hindi ko rin maigalaw ang buong katawan ko. Nasusunog na ako at damang-dama ko init na hatid ng apoy.
Isang pagsabog ang umagaw sa atensyon ko. Nasusunog na ang kotseng nadisgrasya at kitang-kita ko kung pa'no tinutupok ng apoy ang katawan ko na nakahandusay sa sementadong daan.
Hindi...
Hindi!
Anong nangyayari?
Ayaw ko pang mamatay!
Ayaw ko pa!
Tuluyan ng dumilim ang buong paligid.