Liwanag...
Walang katapusang liwanag ang nakita ko nang idilat ko ang mga mata ko.
Langit na ba 'to?
Pero ba't nakikita ko ang maliit na nilalang na mukhang piranha?
Pumikit ako ulit at pinakiramdaman ang paligid. Narinig ko ang pagtikhim ng mukhang piranha. Kaagad akong napadilat nang may pumitik sa tungki ng ilong ko.
"Lumilipad na piranha..." mahina kong nasabi.
"Anong piranha?" Halatang hindi n'ya alam kung ano nga ang piranha.
"Yang mukha mo, parang piranha."
Mas lalong kumunot ang noo n'ya. Bago pa s'ya makapagsalita ay biglang umihip ang malakas na hangin. Pakiramdam ko ay nakuryente ako nang tumama ang hangin sa balat ko. Napaatras ako nang biglang lumaki ang maliit na nilalang na mukhang piranha. Literal na lumaki ang mga mata ko.
Halos hindi na ako kumukurap habang pinapasadahan s'ya ng tingin. Napapiksi ako nang lumingon s'ya sa 'kin. Hindi nasagi sa isip ko o kahit ni sa panaginip na makakakita ako ng ganitong uri ng nilalang— matutulis ang mga ngipin at may hasang sa magkabila n'yang mukha. Naalala ko na. Kamukha n'ya 'yong isang anime character sa Naruto na miyembro ng Akatsuki. Nga lang, kulay berde ang balat at may pakpak ang nilalang na nasa harapan ko. Higit sa lahat, kaya n'yang paliitin at palakihin ang katawan n'ya.
Yumuko s'ya sa harapan ko na s'yang ikinagulat ko, "Ho-Hoy? Piranha with wings, ginagawa mo?"
Hindi na s'ya nakasagot nang may biglang nagsalita sa tabi ko.
"Maligayang pagdating sa Mundo ng Azaram, Prinsipe Adriel."
Nilingon ko naman s'ya at pinasadahan ng tingin. Sa isang tingin pa lang masasabi mong isa s'yang hari... o prinisipe... p'wede rin isang maharlika. Pero parang gano'n na rin 'yon. Ay ewan.
Pansin ko lang, parang may nagbago sa 'kin. Sa pananalita at pag-iisip. Parang...
Parang tânga.
Naalala ko...
Nawasak ang kalahati ng mukha ko. Hindi kaya naapektuhan ang utak ko? Pero...
Namatay ba talaga ako?
Hinarap ko ang lalakeng may korona sa ulo at may suot na mahabang kapa, "Anong nangyari sa 'kin?"
Sa halip na sagutin ako ay iba ang lumabas sa bibig n'ya.
"Ang mundo ng Azaram ay binubuo ng sampung imperyo na may tigwa-walong kaharian. Imperyo ng Arbus na sumisimbolo sa araw at kung saan tayo nabibilang. Imperyo ng Higus. Sinisimbolo naman nila ang dagat. Imperyo ng Rajus na sumisimbolo sa mga bituin. Imperyo ng Zelyus naman ang sumisimbolo sa buwan. Imperyo ng Mitus, sumisimbolo sa likas na yaman. Imperyo ng Zeshus, ang hangin naman ang sinisimbolo nila. Imperyo ng Selcus, sumisimbolo sa mga bulaklak. Imperyo ng Webrus, yelo at nyebe naman ang sinisimbolo nila. Imperyo ng Alkus ang sumisimbolo sa kalangitan. At Imperyo ng Tarus ang sumisimbolo sa mga kahoy."
Sa sobrang dami n'yang sinabi, ni isa ay walang pumasok sa utak ko.
"Ang mga sinisimbolo ng bawat imperyo ay iyon din ang kapangyarihan kung saan sila bihasa."
Kapangyarihan?
"Katulad natin, sinisimbolo natin ang araw. Bihasa tayo sa apoy."
Nabigla ako nang may apoy na lumitaw sa harapan ko.
Lumulutang na apoy... santelmo? Nawala naman 'yon kaagad.
"Pero tanging mga may dugong maharlika lang ang nagtataglay ng kapangyarihan ng bawat simbolo."
Tinawag nila akong prinsipe, ibig sabihin...
"Dalawa na lang tayo ang may kapangyarihan ng apoy."
Nangunot ang noo ko sa narinig. Hinarap n'ya ako. Nakakatakot ang awra n'ya pero nararamdaman ko namang hindi s'ya sa masamang tao o tao ba s'ya? Strikto s'yang tingnan na parang isang propesor na hindi naaawang mangbagsak ng estudyante.
"Si Kush na ang bahalang magpaliwanag sa iyo, dahil hindi ako p'wedeng magtagal dito sa labas." Binalingan n'ya naman ako, "Gusto lang kitang makita sa personal."
Unti-unting naglalaho ang katawan n'ya sa hangin. Nagsalita pa s'ya bago s'ya tuluyang nawala.
"Sa iyo nakasalalay ang lahat, mahal kong pamangkin."
Ilang segundo pa akong nakatulala bago ako kinausap ng mukhang piranha.
"Kailangan na nating umuwi sa palasyo at doon na tayo mag-usap."
"Ikaw ba si Kush?" naninigurado kong tanong. Ang hirap naman kasing laging bigkasain ang maliit na nilalang na mukhang piranha.
"Ako nga, Kamahalan."
Napangiwi ako sa narinig.
Kamahalan...
Nakakapanindig-balahibo!
Pumikit s'ya at may kung anong binubulong. Nang dumilat s'ya ay saka ako nagtanong ulit, "Anong pangalan no'ng lalake kanina?"
Tamad n'ya akong tiningnan, "Kung hindi ka lang isang maharlika, kanina pa kita nasuntok. Laging tatandaan, magbigay galang sa kapwa mo maharlika, kung gusto mo pang mabuhay nang matagal."
"Malay ko ba sa mga— teka nga!" sabi ko sa kan'ya, "Namatay ba talaga ako?"
Seryoso n'ya akong hinarap, "Namatay ang katawan mo at naging abo. Pero ang kaluluwa mo ay nalipat sa katawan na meron ka ngayon."
Nangunot ang noo ko sa narinig, "A-Anong i-ibig mong sa-sabihin?"
"Ang katawan na meron ka ngayon ay pag-aari ng tunay na Prinsipe ng Kaharian ng Erezna. Ayon sa propesiya, ikaw ang Itinakdang Prinsipe."
"Wala akong maintindihan..."
May isang kabayong may pakpak ang biglang dumating at lumapag sa harapan namin. Kulay puti ang balat n'ya at pinagsahalong itim at pula naman ang buhok n'ya.
"U-Unicorn?" gulat kong nasambit. Pero sa halip na isang sungay ang nasa ulo ng kabayo ay isang maliit na lumulutang na araw na kulay pula ang nasa uluhan n'ya. Kahit saang direksyon s'ya lumingon, sumusunod ang lumulutang na araw.
Nilingon ako ng kabayo na para bang may sarili itong pag-iisip. Luluwa na 'ata ang mga mata ko dahil kanina pa ito nanlalaki dahil sa mga nakikita ko. Bigla na lang yumuko ang kabayo sa harapan ko at nagsalita, "Maligayang pagdating, mahal naming Itinakdang Prinsipe."
Napalunok-laway pa ako at hindi makapaniwalang nagsalita, "May boses s'ya... nagsasalita... may boses..."
Pumikit ako baka sakaling panaginip lang ang lahat. Oo, baka nga panaginip lang. Magigising din ako mamaya kagaya nang laging nangyayari sa 'kin.
Oo...
Panaginip...
"Tanggapin mo nang ikaw ang Itinakdang Prinisipe, Kamahalan. Na ikaw ang uupo sa trono at ibabalik sa dati ang Erezna at pati na rin ang kaayusan sa buong Mundo ng Azaram."
Napahinga ako nang malalim.
Hindi ako nananaginip.
Totoo ang lahat.
Dumilat ako at nakitang nakatingin lang ng seryoso ang dalawang nilalang sa 'kin.
Yumuko ulit ang kabayo sa harapan ko, "Ako si Nahali, ang makakasama mo sa bawat digmaan."
"Asa s'yang Buhur, mga kabayong may pakpak. Bahar naman ang tawag sa mga kabayong walang pakpak. Lahat ng Argo o sa Mundo ng Azaram o tao kung tawagin sa mundo ninyo ay may simbolo sa mga kanang palad nila ayon na rin sa imperyong kinabibilangan nila. Madali mong matutukoy kung kakampi o kalaban," paliwanag ni Kush at pinakita sa 'kin ang palad n'yang may simbolo ng araw.
Kaagad ko namang tiningnan ang kanang palad ko at nakitang may simbolo nga ng araw. Parang drawing lang s'ya na parang tattoo at kulay pula.
"Ang mga nilalang na tulad ni Nahali ay sa ulo naman nila makikita ang simbolo nila."
Nanatili akong tahimik at iniintindi ang lahat nang mga sinabi nila.
"Marami ka pang makikitang mga nilalang sa Mundo ng Azaram," sabi pa ni Nahali. Ngayon ko lang napansin na boses lalake s'ya pero 'yong pangalan n'ya ay pangbabae.
"Sa ngayon, kailangan na muna nating umuwi sa palasyo. Doon na namin ipapaliwanag ang lahat." Kaagad na naging maliit si Kush at lumipad sa tabi ni Nahali.
Lumuhod sa harapan ko si Nahali, "Ikinagagalak kong muling masakyan ng prinsipeng aking pinaglingkuran."
Parang iba 'ata ang dating sa 'kin nang mga sinabi n'ya. Nalilito man ay kaagad na akong sumakay sa kan'ya.
Napahawak ako sa buhok n'ya nang ibuka n'ya na ang dalawang pakpak n'ya. Ipinagaspas n'ya anfg mga 'yon at tuluyan na nga kaming lumilipad sa himpapawid.
Ang pawang puti na nakikita ko ay isa pa lang ulap. Dahil paglabas namin do'n...
Isang nakakapigil-hiningang tanawin ang nakikita ko.
May mga bahaghari na meron 'ata lahat ng kulay. Mga punong hindi lang kulay berde ang mga dahon. May kulay pula, dilaw, dalandan, lila, asul, at puti. Nagmistula silang bahaghari sa kalupaan. Isama pa ang mga bulaklak na sumasayaw sa bawat ihip ng hangin.
May mga bundok na abot na 'ata ang kalangitan. May mga ibon din na may iba't ibang kulay na lumilipad sa himpapawid. May mga ilog pa akong nakita na may kulay ng pilak at ginto ang mga tubig na dumadaloy do'n.
Ibang klase!
Higit pa ito sa paraiso!
Mundo ng Azaram...
Hindi ko akalaing may isang mundong ganito kaganda!