Natapos ang salu-salo ay pinagpahinga muna nila ako. Magpapahinga rin daw saglit ang mga prinsipe at ang nag-iisang prinsesa na kasama nila— si Prinsesa Farrah, na ngayon ay hinihimas-himas ang paang nangalay kanina. Dinadampian niya 'yon nang maligamgam na tubig kanina habang papaalis ako sa silid-kainan.
Hindi kami nakapag-usap ng ibang naroroon dahil abala sila sa pagkain. Mukhang gutom na gutom. Ganoon siguro talaga kapag naglalakbay. Isa pa baka nakipaglaban pa sila bago umuwi rito.
Hinatid ako ng isa sa mga tagapagsilbi sa magiging kwarto ko. Siguro twenty minutes na kaming naglalakad. Tatlong araw siguro ang aabutin bago malibot ang buong palasyo.
Sa bawat portrait na madadaanan namin ay napapanganga na lang ako. Parang tunay na mga tao. Ang galing ng mga pagkakaguhit.
Tinawag ko ang atensyon ng tagapagsilbi at kaagad naman niya akong nilingon, "Ano po iyon, Kamahalan?"
"Sino ang gumuhit ng lahat ng 'to?" tanong ko sabay turo sa mga portrait.
"Si Prinsipe Gimero po, Kamahalan. Siya ang panganay na anak nina Reyna Amorya at Haring Ferum."
Napatango-tango ako at nagpatuloy sa pagsunod sa tagapagsilbi. Paliko kami sa isang pasilyo at bumungad ang isang portrait na may walong lalakeng magkaakbay sa isa't isa. Natigil ako sa paglalakad at hindi ko mapigilang titigan ang portrait.
"Sila ang walong hari sa Imperyo ng Arbus," sabi ng tagapagsilbi na ngayon ay nakatingin na rin sa portrait. Tinuro niya ang isang lalakeng parang pamilyar sa 'kin. "Siya si Haring Ebun ng Kaharian ng Erezna."
Nalipat ang tingin ko sa tagapagsilbi, "Ibig sabihin... siya ang ama ni Prinsipe Adriel?"
Tumango siya, "Siya nga, mahal na Prinsipe."
Binalik ko ang tingin sa portrait at sa tinawag niyang Haring Ebun. Pamilyar talaga siya. Hindi ko lang siguro masyadong matandaan gawa na rin sa makapal na balbas at bigote niya. Idagdag pa ang kasuotan niya at ang korona sa ulo niya. Makapal din ang kilay niya. Pero 'yong mga mata niya, pamilyar talaga.
Hanggang sa makapasok na ako sa magiging silid ko ay hindi pa rin maalis-alis sa isipan ko ang mukha ni Haring Ebun.
Inabala ko na lang ang sarili ko sa pagmamasid sa kabuuan ng kwarto ko. Sa sobrang laki nito, p'wede na yatang pagawaan ng tatlo pang kwarto.
Umupo ako sa kama at inalala ang lahat. Parang kailan lang at nasa opisina pa ako kaharap ang sandamakmak na paperworks. Napabuntonghininga ako. Sa isang iglap lang ay isa na akong prinsipe.
Baka nananaginip lang ako.
Kaya naman ipinikit ko ang mga mata ko. Hindi naglaon ay nakatulog nga ako.
"Kamahalan..."
"Mahal na Prinsipe..."
"Mahal na Itinakdang Prinsipe..."
"Kamahalan!"
Napabalikwas ako ng bangon. Dahil sa gulat ay nataranta ako at dire-diretso ang pagbagsak ko sa sahig.
Pambihira!
"Pasensya na po, Kamahalan. Naghihintay na po kami rito sa silid-aklatan."
Nagpalinga-linga ako. Sinong nagsasalita? Boses lalake.
"Ako po ito, Kamahalan, si Prinisipe Erod ng Kaharian ng Hizna. Kinakausap kita sa aking isipan, Kamahalan. Iyon ang isa ko pang. kakayahan."
Napahinga ako nang maluwag. Kung gano'n, anak siya ni Reyna Hirya. Akala ko ligaw na kaluluwa na. Ibig sabihin nito, hindi ako nananaginip at totoo ang lahat ng mga nangyari. Naalala ko tuloy ang sinabi ni Prinsesa Ahora.
Na may tatlong presensya siyang naramdaman sa akin.
Apoy.
Mahika.
Ano ang isa?
Hindi na siya nagsalita kaya naghanda na ako para puntahan sila. Ilang oras ba akong natulog?
Pagbukas ko ng pinto ay halos masuntok ko ang lalakeng nakaabang doon sa sobrang pagkagulat.
"Woohh, kumalma ka, Kamahalan!" Si Rizi lang pala. "Masyado naman kayong magugulatin, Kamahalan."
"Resulta ito sa palaging pag-inom ng kape." Nagsimula na akong maglakad at tumabi naman siya sa 'kin sa paglalakad.
"Anong kape, Kamahalan?"
"Ahmm..." Pa'no ko ba 'to ipapaliwanag? "I-Itim na tubig?"
Nakakunot na ngayon ang noo ni Rizi. "Itim na tubig?"
"Oo, tapos hinahaluan ng asukal."
"Asukal?" tanong niya ulit.
"Puting bagay na matamis."
Mas lalong nangunot ang noo niya. "Kakaiba naman pala ang mga tubig ninyo sa mundo ng mga tao."
Nakarating na kami sa silid-aklatan at kumpleto na sila roon. Nagulat ako at tumayo silang lahat mula sa pagkakaupo sa harap ng parihabang mesa sa pinakagitna ng silid-aklatan.
"Pagbati, mahal na Itinakdang Prinsipe." Pati sina Reyna Hirya at Reyna Amorya ay nakatayo rin. Pambihira! Special treatment yata ako rito!
"Kailangan na po ninyong umupo, Kamahalan. Baka mangalay sila kakayuko," bulong ni Rizi.
Kaya naman ay kaagad akong pumunta sa bakanteng upuan sa pinakagitna. Nang makaupo na ako ay umupo na rin sila. May napansin akong may ibang mga tao pa kaming kasama.
"Narito ang mga tagapayo ng tatlong kaharian," sabi ni Reyna Amorya. Napansin niya sigurong ang nagtataka kong tingin. "Ang isang kaharian ay binubuo ng hari, reyna, prinsipe, prinsesa, tagapayo— sila ang nagbibigay mg utos mula sa hari, tagahukom— sila ang nagbibigay ng parusa sa mga nagkakasala, at heneral— pinuno ng mga kawal."
Gano'n pala 'yon. Akala ko hari, reyna, prinsesa, prinsipe lang ang mayro'n.
"Pag-usapan natin ang pag-ordina sa Itinakdang Prinsipe."
"Ordina?"
"Deklarasyon," dagdag pa ni Reyna Amorya.
"Idedeklara kang pinakamataas sa lahat," sabi pa ni Reyna Hirya, "Kaya ihanda mo na rin ang sarili mo, dahil simula sa araw na maordina ka, maraming hari ang nais kang paslangin."
Nanlaki ang mga mata ko, "Ba-Bakit naman po gano'n?"
"Sa araw ng pag-ordina sa iyo, makakausap mo si Inang Likha. Siya ang magbibigay ng basbas sa iyo. Ibig sabihin niyon, mas magiging malakas ka pa. Kung sino man ang makapapatay sa iyo, malilipat sa nilalang na iyon ang kapangyarihan na ibinigay sa iyo ni Inang Likha."
Napalunok-laway ako. Mahirap pa pala ito kaysa sa inakala ko.
Nagsimula na silang mag-usap-usap at pagbibigay ng mga instruction sa akin kung anong gagawin sa oras ng pag-ordina.
Nakuha ko naman lahat. Iyon lang siguro ang masasabi kong kapantay ko kay Prinsipe Adriel— ang pagiging matalino.
Akala ko tapos na ang pag-uusap. Pero...
"Ngayon, pag-usapan naman natin ang iyong paglalakbay, Kamahalan," sabi ni Reyna Amorya.
Narinig ko na rin 'to kanina, "Paglalakbay?"
"Pupuntahan mo isa-isa ang mga kaharian. Kakausapin ang mga hari na ibalik sa ayos ang lahat. Iyon ang misyon mo, ang isaayos ang buong mundo ng Azaram," dagdag pa ni Reyna Amorya.
"Paano kung ayaw nila?" tanong ko.
"Daanin sa dahas."
Nanlaki ang mga mata ko. "Hindi ko yata kaya na magdala ng mga kawal at ipapalaban lang sila."
"Sinong nagsabing magdadala ka ng kawal?"
Nilingon ko ang isa sa mga prinsipe. Siya 'yong nagsabi sa 'kin kanina na sinubukan akong lasunin ni Prinsesa Farrah. "Anong ibig ninyong sabihin?"
"Sampu lamang kayong maglalakbay."
Kulang na lang mapanganga ako sa narinig.
Naloko na!
Sampu laban sa libo-libo?
Parang gusto ko na lang matulog habang buhay!