Chapter 8 - Farrah : Prinsesa ng mga Ilusyon

1809 Words
Isang engrandeng hapag-kainan ang sumalubong sa akin nang makapasok na ako sa kanilang silid-kainan. Pambihira! Parang isang buong bahay na ito, ah! Ang haba ng mesa ay kasya ang limampung katao. Gano'n kalaki at kahaba. Ang mga nakahain na pagkain naman ay parang may pyesta lang sa isang barangay. May lechon, 'di ko lang sigurado kung baboy at manok ba. May mga inihaw na isda na kasinglaki na yata ng aso. May mga nakita rin akong mga dahon-dahon, baka gulay nila 'yan dito. May mga prutas din, 'di ko lang talaga sigurado kung prutas ba o gulay. Basta isa lang ang masasabi ko... Parang may pyesta! Gayong kami lang ang nandito. Nagpalinga-linga pa ako para maghanap ng iba pang makakasalo namin, pero wala na talaga. Uupo na sana ako dahil umupo na sila sa magkabilang upuan nang magsalita si Reyna Amorya. "Simula ngayon ay riyan ka sa kabisera uupo, Mahal na Prinsipe." Tiningnan ko ang upuang tinuro niya. Sa pagkakaalam ko, ito palagi ang pwesto ng mga tatay— ang pinakagitna o ang kabisera ng mesa. Nangunot ang noo kong binalik ang tingin kay Reyna Amorya, "Pero, reyna o hari lang ang p'wedeng umupo sa pwestong 'yan, Reyna Amorya." Tiningnan niya ako. Bakas sa reaksyon ng mukha niya ang pagiging seryosong tao. Hindi mo kakikitaan ng takot ang mga mata niya. "Simula sa araw na ito, ikaw ang kikilalanin naming hari." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya ang bagay na 'yon, dahil akala ko ayaw niya sa 'kin. "Pero—" "Wala ng pero-pero, Mahal na Prinsipe," putol ni Reyna Amorya sa sasabihin ko, "Ikaw ang itinakda. Dadating ang araw na ikaw rin ang magiging hari ng Kaharian ng Erezna. Kaya ngayon pa lamang, sanayin mo na ang iyong sarili." Ngumiti naman si Reyna Hirya sa 'kin, "H'wag kang mag-alala, Kamahalan. Nariyan naman sina Kush at Nahali para tulungan ka. May mga maestro ding tuturo sa iyo." "At ipapadala ko kasama mo sa iyong paglalakbay ang kanang kamay ko at si Rizi na kanang kamay ng heneral ng inyong kaharian," sabi pa ni Heneral Mierbo na siyang nagpataka sa 'kin. "Paglalakbay?" nagtataka kong tanong. "Saka na natin iyan pag-usapan. Kumain na muna tayo." Nagsimula na ngang kumain si Reyna Amorya. Kaya naman naiilang akong umupo sa pwestong sinabi ni Reyna Amorya. Habang nilalagyan ng tagapagsilbi ng pagkain ang plato ko ay hinarap ko si Heneral Mierbo, "Nasaan po pala ang heneral ng Kaharian ng Erezna?" Mapait siyang ngumiti, "Malapit na kaibigan ko ang inyong heneral— si Heneral Berum. Kasama niyang namatay ang heneral ng Hizna na si Heneral Kaz. Kasagsagan iyon ng digmaan." "Ikanalulungkot ko po ang nangyari," paghingi ko ng paumanhin. "Wala iyon, Mahal na Prinsipe. Hinintay talaga namin ang pagdating mo. Dahil ikaw ang magbabasbas kay Rizi na maging heneral ng Kaharian ng Erezna. Pati na rin kay Jizim na kanang kamay ni Heneral Kaz. Silang dalawa na ang bahalang pumili ng magiging kanang kamay nila." Tumango-tango ako at nagsimula ng kumain. Nang may bigla akong naisip. "Nasaan nga po pala si Jizim at ang inyong kanang kamay?" "Sumama sa misyon na inatas sa mga kamahalan," sagot ni Heneral Mierbo. Iyon ang kanina ko pang naiisip. Kung dalawa na lang ba sina Reyna Amorya at Reyna Hirya ang mga maharlikang naiwan. May iba pa pala. "Ano pong misyon 'yon?" Kaagad na nalipat ang tingin ni Heneral Mierbo kay Reyna Amorya at Reyna Hirya. Kaya nabaling din ang atensyon ko sa kanila. Narinig ko ang malalim na paghinga ni Reyna Amorya bago siya nagsalita, "Mayroon akong limang anak. Apat na prinsipe at iisang prinsesa. Ako at ang apat na prinsipe ay nakaligtas sa sumpa ni Inang Likha. Kaya buhay kami ngayon pero wala na kaming kapangyarihan galing sa ating simbolo— ang araw. Si Prinsesa Ahora naman, ang nag-iisa kong anak na babae ay nakaligtas din pero malubha ang kanyang kalagayan." "Paanong malubha po?" kuryoso kong tanong. "Nabulag siya at hindi makalakad. Kaya naroon lang siya sa kanyang silid." Napanganga ako sa narinig. Si Reyna Hirya ang nagpatuloy nang mapansing nanahimik na si Reyna Amorya, "Kaya inatasan ng mga punong tagapayo ng Kaharian ng Erezna, Zewona, at Hizna ang mga natitirang prinsesa at prinsipe na may pahintulot galing sa amin ni Reyna Amorya. At ako na bilang babaylan, nagsaliksik ako kung anong dapat na lunas sa karamdaman ni Prinsesa Ahora." "At hindi ganoon kabasta-basta ang mga sangkap na kailangan para sa gamot ng karamdaman ng aking prinsesa." Puno ng lungkot ang boses ni Reyna Amorya. Ngayon ko napagtanto kung bakit ganyan siya. Mula sa kanyang plato ay nalipat ang tingin niya sa 'kin. "Maaari ba akong humingi ng pabor, Mahal na Prinsipe?" Walang pag-alinlangan akong sumagot, "Ano po 'yon, Mahal na Reyna?" "Hindi mabuo-buo ng mga prinsipe at prinsesa ang mga sangkap, dahil bukod sa pisikal na lakas, talino at kapangyarihan na natutunan lamang nila, ay wala silang kapangyarihan galing sa ating simbolo. Nais kong malaman... kung may kapangyarihan kayo sa simbolo ng araw." Tiningnan ko ang palad kong may simbolo ng araw. Naalala ko ang una naming pagkikita ni Haring Ezrom. "Pero, hindi ko alam kung pa'no." "Isipin mo lang na may apoy sa iyong palad, Kamahalan." Nabaling ang tingin naming lahat sa bagong dating. Kaagad na tumayo si Reyna Amorya at sinalubong ang isang kawal na may bitbit na isang batang babae. Puti lahat ang mga mata niya. Siya na kaya si Prinsesa Ahora? "Paumanhin, Inang Reyna. Nais kong mahawakan ang Itinakdang Prinsipe." Tumayo ako at kaagad silang nilapitan. Hinawakan ko ang kamay niya at napapikit naman siya. Ilang sandali pa ay ngumiti siya. "Naramdaman ko ang iyong lakas, Kamahalan." "Si Prinsesa Ahora ay may kapangyarihang makaramdam ng presensya ng isang nilalang. Tayong mga maharlika, bukod sa kapangyarihan ng simbolo ay may iba pa tayong kapangyarihan pero hindi kasinglakas nang sa simbolo," paliwanag ni Reyna Amorya. "Ibig sabihin may iba pa akong kapangyarihan?" Tumango si Prinsesa Ahora, "Tatlong presensya ng kapangyarihan ang nararamdaman ko sa iyo, Mahal na Itinakdang Prinsipe." "Tatlo?" hindi makapaniwalang tanong ko. "Isa sa mahika at isa sa ating simbolo. Hindi ko alam kung ano iyong isa," sagot naman ni Prinsesa Ahora. Hindi ko alam kung matutuwa ako. "Subukan mong ibuka ang iyong palad, Kamahalan," sabi pa ni Prinsesa Ahora, "Isipin mong may apoy sa iyong palad. Isipin mo ang araw. Isipin mo ang apoy." Napalunok-laway pa ako habang tintingnan ang palad ko. Apoy. Naaalala ko tuloy ang isang palabas na pangbata. May orasyon pa kayang dapat gawin? Gaya ng pagsasabi ng 'kame hame wave'? Kalokohan mo Adriel! Huminga ako nang malalim at itinutok ang atensyon ko sa palad ko. Araw. Apoy. Araw. Apoy. Hindi nagtagal ay may lumabas na maliit na apoy sa palad ko. Nanlaki ang mga mata ko nang hindi naglaon ay lumaki ang apoy. Nagulat pa ako nnag sabay silang lahat na yumuko. "Mabuhay ang Itinakdang Prinsipe!" Kaagad kong ibinaba ang kamay ko. Natatakot akong baka hindi ko makontrol ang apoy. "Ikaw na lang ang natitirang maharlika na may kapangyarihan pa sa ating simbolo. Nag-iisa na lang ang lumiliyab na apoy sa atin," sabi ni Prinisesa Ahora. "Hindi magtatagal at babalik na sa kaayusan ang lahat." Natigil kami sa biglaang pagsigaw ng isa sa mga kawal na nasa pintuan, "Narito na ang mga kamahalan!" Nabalik ang tingin ko kay Reyna Amorya nang magsalita siya, "Ilang buwan din silang naglakbay at naghahanap ng mga sangkap. Nang malaman nila ang balitang malapit na ang iyong pagbabalik ay kaagad silang naglakbay pabalik dito. Nangunot ang noo ko nang bigla silang nawala lahat. Ang paligid ay naging kagubatan. Anong nangyayari? "Kamahalan..." Nagpalinga-linga ako nang marinig 'yon. Boses ng isang babae. "Kamahalan..." Tumingin ako sa itaas. Mga nagtataasang puno lang ang nakikita ko. Sa sobrang kapal ng kanilang mga sanga at dahon ay hindi na kita ang kalangitan. "Kamahalan..." Kaagad akong tumalikod at nakita ang isang magandang babae. Nakasuot siya nang manipis na roba at kitang-kita ko ang malulusog niyang dibdib. Sa isang iglap lang ay nasa harapan ko na siya. "Kumusta, Kamahalan?" Inilahad niya ang kamay niya sa harapan ko, "Kainin mo itong mansanas, Kamahalan. Masarap ito..." Nangunot ang noo ko, "Pa'no naging isang masarap na mansanas ang isang ulo ng palakang wala ng buhay?" Nanlaki ang mga mata niya. Nag-iba ang anyo at hitsura niya. Napansin kong tumutulo na ang dugo sa ilong niya. Sa isang iglap lang ay bumalik sa dati ang lahat. Ang babae ay kaagad na nawalan ng malay ay natumba sa sahig. Kaagad naman siyang nasalo ng isang lalake. Napansin kong dumami ang tao rito sa loob ng silid-kainan. Mga nakasuot ng balabal. Sila na siguro ang mga prinsipe at prinsesa. Nasa tabi ko na si Heneral Mierbo. Lumapit si Reyna Hirya sa babaeng nawalan ng malay. Nakita kong may hawak siyang punyal. Nanlaki ang mga mata ko nang basta na lamang niyang sinugatan sa kamay ang babae. Pero mas nagulat ako nang magising ang babae at kaagad na lumuhod sa harapan ko. "Ipagpatawad ninyo ang kapangahasan, Kamahalan!" "A-Anong nangyayari?" naguguluhan kong tanong. "Sinubukan ka niyang lasunin sa pamamagitan ng kanyang ilusyon." Nilingon ko ang lalakeng nagsalita. May espadang nakakabit sa beywang niya. "Wala po akong planong lasunin kayo, Kamahalan! Nais ko lamang malaman kung gaano kayo kalakas! At higit pa pala iyon sa aking inaakala. Wala pang tatlong minuto at nakawala kaagad kayo sa aking ilusyon!" Ilusyon? "Ibigay po ninyo sa kanya ang nararapat na parusa, Mahal na Prinisipe," sabi pa ni Reyna Hirya. "Parusa kaagad? Wala naman pong masamang nangyari sa akin." "Kung patuloy kang magiging maawain, aabusuhin ka lamang ng lahat." Kaagad na tumalikod si Reyna Amorya kasama ang kawal na may hawak kay Prinisesa Ahora. Isa-isa kong nilingon ang mga naiwan. "Ayos lang iyan, Kamahalan," sabi ng isang lalakeng nakaasul na balabal, "Masyadong pilya rin kasi iyang si Prinisesa Farrah." "Ibigay mo na ang parusa sa kanya, Mahal na Prinsipe. Nais ko nang kumain," sabi pa ng isang lalakeng nakapulang balabal. Bumalik ang tingin ko sa babaeng nakaluhod pa rin sa harapan ko— tinawag siyang Prinsesa Farrah kung hindi ako nagkakamali. Nawala na ang sugat sa kamay niya. Pambihira! Ilang beses pa ba akong magugulat sa mundong ito? "Ahmm... squat na lang," sabi ko. "Ha?" sabay nilang lahat na tanong. Halatang nalilito sa sinabi ko. "Squat." Kaagad kong pinakita sa kanila kung anong posisyon ang squatting. "Nakakamangha naman iyan!" Sabay sabi ng ilan sa kanila. Kung ang apat sa kanila ay ang mga anak ni Reyna Amorya, may tatlo pang lalake natitira— mga anak siguro ni Reyna Hirya. "Magsimula ka na, Prinsesa Farrah," sabi ko, "P'wede na siguro ang isang oras?" "Oo naman, Kamahalan!" bulalas ng lalakeng nakaasul na balabal kanina, "Kumpara sa ikulong sa bilangguang may kasamang halimaw." Halimaw? Gano'n sila kalala magbigay ng parusa? Tumayo na si Prinsesa Farrah, "Maraming salamat, Kamahalan. Nais ko lang sabihin na... tunay ka ngang malakas."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD