Akala ko roon na nagtatapos ang pagkamangha ko. Pero hindi pa pala. Dahil simula pa lang pala iyon.
Nakababa na ako kay Nahali dahil kinailangan ko nang pumasok sa loob ng palasyo. Tanging mga argo lamang daw ang maaaring pumasok sa palasyo, iyon ang kautusan sa lahat na hindi maaaring suwayin. Mapaordinaryong argo o maharlika man. Nakikilala ang isang argo sa pamamagitan ng may dalawang paa at kamay. Higit sa lahat ang kulay ng balat. Kaya kahit si Kush na may berdeng kulay ng balat ay hindi maaaring pumasok sa loob ng palasyo.
May mga nilalang na kayang mag-anyong argo para lamang manlinlang o hindi naman kaya ay proteksyunan ang sarili. Malalaman lamang na sila ay hindi argo sa pamamagitan ng dugo. Lahat ng argo, ordinaryo man o maharlika ay kulay pula ang dugo. May mga nilalang na may iba't ibang kulay ng dugo. May berde, itim, asul, kayumanggi, lila, dilaw, at iba pa.
May dalawang kawal ang nasa harapan ng pintuan. Mas namangha ako nang buksan nila ang magarbo at malaking pinto ng palasyo. Kadiliman ang unang sumalubong sa akin. Pero nang pumasok na ako ay siya ring pagliwanag ng buong palasyo. Ganitong-ganito ang nakikita ko sa mga foreign movie. Hindi...
Mas maganda pa itong nakikita ko ngayon. Dahil nakikita siya mismo ng mga mata ko sa malapitan at hindi lang sa telebisyon.
Mga naglalakihang chandelier na sa tingin ko ay gawa sa tunay na ginto. Kahit malayo ay sinubukan kong tingnan ang mga ilaw niyon. At napagtanto kong tunay na mga apoy iyon. Hindi galing sa kandila kung hindi tunay na apoy talaga!
"Ginagamitan ng mahika ang mga apoy na iyan upang magsilbing liwanag sa buong palasyo. Hindi namamatay at hindi rin nakakasunog."
Kaagad na bumaba ang tingin ko sa nagsalita.
"Isang pagbati, Reyna Hirya."
Nilingon ko ang nakasunod pala sa akin na si Heneral Mierbo, na ngayon ay nakayuko na sa harap ng bagong dating. Bumalik ang tingin ko sa bagong dating na tinawag niyang Reyna Hirya. Kung ganoon, siya ang babaylan na gumawa ng paraan para mabuhay ako sa katawan na mayroon ako ngayon— sa katawan ng kinikilala nilang prinsipe Adriel. Nakasuot siya ng puting royal gown. Maganda siya kahit na may mga kulubot na ang mukha niya. Siguro nasa singkwenta na siya. Naalala ko pa na simula nang mag-iwan ng sumpa si Inang Likha, lahat ng nilalang sa mundo ng Azaram ay naging imortal na. Naisip ko tuloy kung magkasingedad lang ba tingnan ang mga anak sa mga magulang nila?
Isa pang ipinagtataka ko kung bakit wala siyang suot na korona? O baka hindi sila nagsusuot ng ganoon? Pero naalala ko rin na may korona si Haring Ezrom nang magpakita siya sa akin.
Yuyuko na sana ako para magbigay galang, iyon kasi ang sabi ni Kush nang una akong mapadpad dito. Kahit maharlika na ako ay hindi ko raw dapat kaligtaan na maging galang sa mga kapwa ko maharlika lalo na sa mga reyna at hari.
Pero naunahan akong magsalita at yumuko ni Reyna Hirya, "Nagagalak akong makita ang Itinakdang Prinsipe."
Naiilang akong yumuko at ginantihan siya ng pagbati, "Ma-Magandang u-umaga po."
Tumayo ako nang matuwid nang hindi ko marinig ang kanilang reaksyon. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa.
"Ma-May mali po ba sa sinabi ko?"
"Ngayon, masasabi ko na ngang ikaw at ang yumaong Prinsipe Adriel ay iisa."
Nakakunot ang noo kong nilingon si Heneral Mierbo. Hindi pa rin ba siya tapos sa kung anonng pinag-usapan namin kanina? At kailangan pang sabihin 'yon sa harapan ni Reyan Hirya. Pinaglalaban nito?
"Tama ka nga riyan, Heneral Mierbo."
Mas lalong nagsalubong ang mga kilay ko sa pagsang-ayon ni Reyna Hirya. May alam ba silang hindi ko alam o hindi ko dapat na malaman? Nakakaintriga naman ang dalawang ito.
"Wala naman, Mahal na Prinsipe. Ang ibig naming sabihin ay kung ano si Prinsipe Adriel na nakilala namin, ganoong-ganoon ka rin," sabi ni Heneral Mierbo.
"Sa katunayan, sa lahat ng mga prinsipeng nakilala ko, siya lang ang bukod tanging binabati ang lahat ng magandang umaga, hapon, o gabi," dagdag pa ni Reyna Hirya.
Nagbigay na ito ng palaisipan sa akin. Naisip ko, paano nga kung ako at si Adriel ng mundong ito ay iisa? Pero paano nangyari 'yon?
"May gusto po akong malaman, Reyna Hirya," sabi ko sabay yuko. Gusto ko na ngang pagtawanan ang sarili ko dahil hindi ko alam kung tama ba ang mga pinaggagawa ko.
"Ano iyon, Mahal na Itinakdang Prinsipe?"
Huminga ako nang malalim bago tumayo ulit nang tuwid saka nagsalita, "Nakatadhana bang mamatay ako sa mundo ng mga tao?"
Gusto ko lang malaman kung may kinalaman sila sa pagkamatay ko, kung sinadya ba nila na mamatay ako.
Ngumiti siya at tumango, "Nakatadhana kang mamatay sa mundo ng mga tao at nakatadhana kang mabuhay ulit bilang prinsipe naming lahat."
"Ayaw ko pong maging bastos—"
"Anong bastos?" sabay pa na tanong nina Reyna Hirya at Heneral Mierbo.
"Ahmm, ano po..." Saglit akong nag-isip kung ano nga bang ibang term ng salitang bastos. Parang nag-exam lang ako sa subject na Filipino, ah? Pambihira! "Ahmm, parang walang modo, walang respeto, ganoon po."
Napatango-tango naman sila.
"Kaaya-aya rin pala sa mundo ng mga tao, mas pinaiksi ang kanilang mga salita."
Tumango naman si Heneral Mierbo sa sinabing iyon ni Reyna Hirya.
"So ano na nga iyong sinasabi mo, Mahal na Prinsipe?"
"Ayaw ko pong maging bastos, pero gusto ko lang pong malaman kung ikaw po ba ang nagbigay sa akin nang magiging tadhana ko?" Nanatili akong nakayuko at hinihintay ang magiging sagot niya.
"Kaming mga babaylan ay may kinikilalang diyosa na pinuno sa lahat ng babayaran. Siya ang punong babaylan na si Diyosa Washrah. Isang beses lang namin magagamit ang kapangyarihan naming ilipat ang isang kaluluwa sa isang wala ng buhay na katawan. Hindi rin ganoon kadali kaya walang may nagtangkang gamitin ang kapangyarihan na iyon. Kailangan ng isang sakripsyo na ibibigay kay Diyosa Washrah. Isang sakripisyo na may kabuluhan lamang ang tinatanggap ni Diyosa Washrah."
Kaya pala...
Alam ko na ngayon kung bakit pinili ni Haring Ezrom ang isakripisyo ang sarili niya para lang mabuhay ako sa katawan ni Adriel.
"Hindi na ako nagulat nang nagprisinta ang aking mahal na asawang si Haring Ezrom na isakripisyo ang kanyang kalayaan alang-alang sa magiging kaayusan ng buong Azaram. Hindi masama ang budhi ng aming punong babaylan. Kailangan niya lang kumain ng kahit anong bagay na may halaga para manatili siyang humihinga. Kaya sa halip na kainin ng buhay si Haring Ezrom, isang patak ng dugo niya lang ang hiningi niya. Hindi niya iyon ininom. Ipinatak niya lamang ang dugo sa ugat ng punong kanyang tinitirhan. Kaya ang naging kapalit ay kalayaan ni Haring Ezrom. Nakakulong siya isang toreng walang nakakaalam. Sa t'wing nais niya akong makita ay nagpapakita siya ngunit saglit lamang. Dahil kapag nagtagal siya sa labas ng tore, baka ikamatay niya na."
Ganoon pala ang nangyari.
"At sa naging tanong mo, si Diyosa Washrah laamang ang makakasagot. Naalala ko ang sinabi niya na kung gusto mo siyang makita ay samahan daw kita sa kanya. Isa pa may nais siyang sabihin sa iyo."
Napatango-tango ako, "Pasensya na po kung kinailangan pang madamay ni Haring Ezrom."
"Wala kang kasalanan, Mahal na Prinsipe. Pinili iyon ng aking asawa at sumang-ayon ako, dahil hindi lang ito tungkol sa amin. Tungkol ito sa lahat ng mga nilalang na nakatira sa mundo ng Azaram."
"Ang tunay na hari ay kayang isakripisyo ang sarili para sa kanyang nasasakupan."
Sabay naming nilingon ang bagong dating. Kaagad na yumuko si Heneral Mierbo, "Pagbati, Mahal na Reyna Amorya."
Kung ganoon siya ang Reyna ng kahariang ito. Isa siya sa mga nakaligtas sa sumpa ni Inang Likha.
Kumpara kay Reyna Hirya na may malambot na awra, siya naman ay nakikitaan ko ng katapangan. Tindig pa lang at sa paraan ng pagtitig, maotoridad na siyang tingnan.
"Magandang umaga po, Reyna Amorya." Mariin akong napapikit nang matantong inulit ko lang ang sinabi ko kanina. Huli na para bawiin ko iyon dahil kaagad na siyang nagsalita.
"Tunay ngang muling nabuhay ang aming Prinsipe Adriel." Kahit ang pananalita niya ay puno ng awtoridad. "Natutuwa akong ligtas ang iyong pagparito. Nakahanda na ang hapag para sa salu-salo. Ang iyong silid ay nakahanda na rin pati na ang iyong mga gagamitin sa pagsasanay."
"Pagsasanay?"
Kaagad akong napayuko nang nalipat ang tingin niya sa akin.
Intimidating! Pambihira! Maiihi ako nito sa sobrang kaba!
"Sampung Imperyo. Apat sa kanila kabilang na ang aking kaharian, ay kailangan mong pag-isahin. Ang natitirang limang imperyo ay kailangan mong kalabanin. Kaya kailangan mong magsanay."
Tipid akong tumango.
"Balita ko ay may iniuwi kayong taga-Higus."
Mas lalo tuloy akong kinabahan.
"Maaari ko bang malaman ang iyong dahilan, Mahal na Prinsipe Adriel?"
Pakiramdam ko ay nakaharap ako sa isang terror naming professor. Unti-unti akong nag-angat ng tingin sa kanya bago kumuha ng lakas para sagutin ang tanong niya, "Dahil kapag hinayaan ko siyang mamatay sa kamay mismo ng mga kawal ninyo, magiging hudyat iyon para sa mga taga-Higus na magsimula ng digmaan laban sa atin. Kapag nangyari iyon, malalagay sa alanganin ang buong kaharian."
"Sinasabi mo bang mahina ang aking kaharian?"
Nanlaki ang mga mata ko, "Hindi po sa ganoon, Mahal na Reyna Amorya. Ang sa akin lang po, hindi solusyon ang pagpatay."
"Mahina ka."
Bulong lang iyon pero dinig na dinig ko.
Tinalikuran niya kami at nagsalita pa bago tuluyang naglakad papalayo, "Hindi sa lahat ng pagkakataon ay paiiralin mo ang awa. Ilagay mo sa lugar ang ugaling iyan. Ang kailangan namin ngayon ay isang mamumuno sa amin at ikaw iyon. Awa ba ang gagamitin mong sandata laban sa mga kalabang hindi naman nagpapakita ng awa?"
Pakiramdam ko ayaw niya sa akin. Hindi ko na tuloy alam ang gagawin. Parang gusto ko na lang umatras at mas piliing mamatay na lang.