Nakasakay na ako ngayon kay Nahali at nauuna kami sa mga kawal. Nasa tabi ko naman si Kush na nasa maliit niyang anyo na lumipad-lipad. Nasa kabilang tabi ko naman si Mierbo— ang pinuno ng lahat ng kawal o tinatawag nilang heneral. Nasa likod naman namin ang isang bahar— mga kabayong walang pakpak at hindi nagsasalita. Parang normal na kabayo lang naman sila. Hindi katulad ni Nahali na isang uri ng buhur— mga kabayong may pakpak at nakapagsasalita. Nakasakay sa likod ng buhur ang kalikas na nakita namin kanina. Mukha ngang nalason siya dahil hinang-hina siya. Bukod pa roon ay may sugat pa siya sa likod niya na galing sa panang bumaon doon. Nabigyan na rin siya ng paunang lunas pero hindi pa iyon sapat para tuluyan siyang gumaling. Pero sapat na rin iyon para malayo siya sa panganib. Tahimik lang silang nakasunod. Ilang minutong lakad na lang daw at mararating na namin ang Kaharian ng Zewona. Hindi nagtagal ay may naririnig na akong ingay sa unahan namin. Nilingon ko si Kush, "Anong ingay 'yon?" "Sasalubungin ka ng buong Zewona, Mahal na Prinsipe," sagot naman ni Kush. Hindi ko mapigilang kabahan, "Kailangan pa ba 'yon?" "Kailangan mo ng masanay, Itinakdang Prinsipe." Kaagad na nabaling ang tingin ko kay Heneral Mierbo na nasa kabilang gilid ko lang. Nakasakay rin siya sa isang buhur. "Asahan mo na rin ang ibang hari sa Imperyo ng Arbus na pupunta sa ating kaharian para lamang masilayan ka." Lihim akong napalunok. Mga hari ng iba't ibang kaharian sa Imperyo ng Arbus... ngayon pa lang, parang dinadaga na ang dibdib ko. "Hindi lang iyon!" Isang kawal ang sumulpot sa gilid ni Heneral Mierbo na nakasakay rin sa isang buhur, "May apat na imperyo pa! Hindi pa kasama ang limang imperyo na gusto ka ng mawala sa landas nila." Mas lalo tuloy akong kinabahan! "Umayos ka nga riyan, Rizi!" saway sa kanya ni Heneral Mierbo at binaling ang tingin sa akin, "Pasensya na po, Mahal na Prinsipe." "Paumanhin, Mahal na Prinsipe," mahinang sabi ng kawal, "Lubos lamang ang aking kasiyahan nang malamang narito ka na." Naiilang man ay sinagot ko pa rin siya, "Wala 'yon." "Isa pa malapit sila ng yumaong Prinsipe Adriel noon," sabi naman ni Nahali na kanina pa nakikinig, "Siya ang lagi naming kasama sa pagsasanay at sa kanya natuto ng mahika ang yumaong Prinisipe Adriel." "Hindi naman ganoon kalapit!" ngingiting-ngiti ang kawal. Lihim akong napangiti. Mabait din pala ang isang Adriel. Akala ko kasi kapag prinsipe, nagkakaroon ng malaking pader sa pagitan niya at ng kanyang nasasakupan. Pero sa nakikita ko, mahal na mahal siya ng mga kawal niya at mga taong nakapaligid sa kanya. Naisip ko tuloy kung kaya ko ba siyang higitan o pantayan man lang. Binalewala ko na lang ang kaisipang 'yon at nagsalita, "Marunong siyang mag-magic? Ang ibig kong sabihin, mahika." Si Heneral Mierbo ang sumagot. "Matalino ang yumaong Prinsipe Adriel. Mabilis niya lang natututunan ang mga itinuturo sa kanya." Mas lalo akong nanliit sa sarili ko. Matalino naman ako. Pero alam kong mas higit pa sa akin ang kinikilala nilang Adriel. Hindi na ako nagsalita at tumingin na lang sa unahan. Papalakas nang palakas ang ingay na naririnig ko. Ibig sabihin malapit na talaga kami. "H'wag po ninyong isipin, Mahal na Prinsipe na mas higit ang yumaong Prinsipe Adriel." Nilingon ko ulit si Heneral Mierbo. "Dahil ikaw at siya ay iisa." "Iisa man kami pero hindi ko naman alam ang mga alam niya. Hindi ko kayang gawin ang mga kaya niyang gawin. At alam kong hindi ko siya mahihigitan." "Para sa akin mas higit ka sa kanya." Nagulat ako sa sinabi ng kawal na tinawag na Rizi. Nilingon ko siya at nakitang nakatingin siya sa unahan. Kahit nakatagilid siya ay pansin pa rin ang malawak niyang pagkakangiti. "Kasama namin siya noong nasa mabuting kalagayan ang buong mundo ng Azaram. Ngunit ikaw itong nandito sa mga panahong nasa kadiliman ang buong mundo ng Azaram. Higit sa lahat, mas higit ka sa kanya dahil ikaw ang maghahatid ng kapayapaan at kaayusan sa buong mundo ng Azaram." "Tama si Rizi, Mahal na Prinsipe," sang-ayon ni Kush. "Oo, mananatili siya sa puso namin. Ngunit, mas mahalaga ang kasalukuyan kaysa sa nakaraan." Hindi na ako nakaimik pa nang magulat ako sa ingay na ngayon ay nasa harapan na namin mismo. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang mga tikbalang ang nagpapatugtog ng mga trumpeta. Nakahilera sila sa magkabilang gilid at may espasyo sa gitna nila. Para bang nakahanda ang espasyong 'yon sa pagdaan ko. Totoo ang mga tikbalang! At totoong malalaki sila. Bahagya pa akong napaatras nang may mga lumilipad na maliliit na kagaya ni Kush. Pero totoong mga diwata na sila. Mas maayos ang ayos nila kumpara kay Kush. Mas malaki lang ng kaunti si Kush. Para lang silang mga paruparo. Ang pinagkaiba lang ay katawan ng tao talaga sa kanila. Sa bawat paglipad nila ay may mga pixie dust na nakikita sa himpapawid. Lumipad-lipad sila sa palibot ko at namamangha ako sa mga pixie dust na naiiwan sa hangin. Itinaas ko ang kamay ko para saluin ang ilan sa mga pixie dust. Napangiti ako nang nasa palad ko na ang ilang pixie dust. Sa palabas ko lang ito nakikita, pero ngayon ay nahahawakan ko na. "Ang tawag sa kanila ay mga himawa," sabi ni Kush. "May lenggwahe silang sila rin lang ang nakakaintindi. Ang mga pikseya na nanggagaling sa mga pakpak nila ay p'wedeng maging gamot sa isang simpleng sugat lamang." May kumpol ng mga himawa ang papalapit sa akin. May bitbit silang bulaklak na hugis korona. Inilagay nila iyon sa ulo ko. Kasabay niyon ay ang mas lalo pang pag-ingay ng mga nilalang na nasa harapan ko. Ang mga kawal ay mga armas naman nila ang gamit nila at gumawa ng ingay. Marami pa akong nakitang mga nilalang na bago sa paningin ko. Sabay-sabay silang sumigaw. "Maligayang pagdating sa mundo ng Azaram, Mahal na Itinakdang Prinsipe Adriel!" Ilang beses pa nila iyong isinigaw nang paulit-ulit bago nagsiyuko ang lahat maliban sa mga tikbalang na abala pa rin sa pagtugtog ng mga hawak nilang trumpeta. Sinungaling ako kung sasabihin kong hindi ko gusto ang ganitong pagkilala. Niyuyukuan nila ako bilang respeto na kahit ni minsan man ay hindi ko naranasan sa mundo ng mga tao. Nagsimula nang maglakad si Nahali papunta sa gitna ng mga nakahilerang tikbalang. Gustuhin ko mang magtanong kung anong tawag sa kanila rito sa mundo nila, ay hindi ko na magawa. Dahil nakatingala na ako sa kanila at namamangha. Parang gusto ko na rito. Kahit pa sabihing hindi ko alam kung paano maging isang matapang na mandirigma, pero pakiramdam ko, ang lakas-lakas ko. May mga himawa na nagsiliparan sa magkabilang gilid ko. Mas lalo akong namamangha. Sana bukod sa mga bagay na kailangan kong ayusin dito, sana... Magkaroon din ako ng oras para sumaya naman. Malayo sa mga taong mapanghusga. Sana...