Chapter 4 - Dakilang Mandirigma

1131 Words
Binabagtas namin ang kahabaan ng kagubatan. Sa unang tingin pa lang, masasabing parang isa lang 'tong simpleng kakagubatan. May mga puno, may ilog sa gilid, mga nagtataasang d**o, at mga ligaw na hayop. Ang ganda pa ng liwanag dahil kumikinang-kinang ang sinag ng araw sa ilog. "Ba't hindi na lang tayo lumipad gaya kanina?" nagtataka kong tanong sa kanila. Isang linggo na ang nakalipas simula nang mapadpad ako rito. Sa buong linggong iyon ay nasa himpapawid kami, kaya nagtataka ako kung ba't naglalakad kami ngayon. Ang sabi nila ay uuwi na kami sa isang kaharian na malayo sa lahat— sa Kaharian ng Zewona, ito ang kaharian na nasa pinakadulong parte ng Imperyo ng Arbus. Doon lumikas ang mga Argo at iba pang nilalang na nakatira noon sa Erezna. Ayon kina Kush at Nahali, ang reyna ng Zewona ay kapatid ng yumaong Reyna Amores— si Reyna Amorya. Oo, namatay si Reyna Amores kasama ang asawang si Haring Ebun. Namatay silang nakikipaglaban sa Kaharian ng Hibeye. Namatay rin ang asawa ni Reyna Amorya na si Haring Ferum. Isa si Reyna Amorya sa mga nakaligtas sa sumpa ni Inang Likha. Pero, nawala sa kanya ang kapangyarihan ng apoy. Sa pagkakaalala ko rin sa mga kwento nina Kush at Nahali, ang mga nakaligtas sa sumpa ni Inang Likha ay mawawalan ng kapangyarihan sa kanilang mga simbolo. Kamatayan naman ang sinapit ng mga hindi nakaligtas sa sumpa ni Inang Likha. Kasamang naninirahan sa Zewona ni Reyna Amorya ang asawa ni Haring Ezrom— si Reyna Hirya, ang babaylan na gumawa ng paraan para mabuhay ako sa katawan ni Prinsipe Adriel. Lumikas din kasi ang buong Kaharian ng Hizna na siyang nasasakupan ni Haring Ezrom sa Kaharian ng Zewona. "Ang Kaharian ng Zewona ay napapalibutan ng kagubatan— Kagubatan ng Kasawian," sagot ni Nahali. Nakasakay pa rin ako sa likod niya. "Kagubatan ng Kasawian?" ulit ko sa sinabi ni Nahali. "Si Haring Ferum na asawa ni Reyna Amorya ay nagmula sa Imperyo ng Tarus na may simbolo ng kahoy. Bago siya namatay ay binuhos niya ang lahat ng lakas niya para mabigyan ng proteksyon ang buong Kaharian ng Zewona. Ang buong Kagubatan ng Kasawian ay galing sa kapangyarihan ni Haring Ferum." Woahhh! Literal na talaga akong napanganga sa narinig. Sobrang lakas niya kung gano'n! "Nagkasundo ang dalawang Kaharian— Zewona at Hizna na magsanib-pwersa, dahil wala na ang Kaharian ng Erezna sa mga oras na iyon. Si Reyna Hirya ay hindi isang maharlika kaya hindi siya naapektuhan ng sumpa. Siya ang nagbigay ng kapangyarihan sa buong Kagubatan ng Kasawian." Naalala ko pa, na tanging may dugong maharlika lang ang may kapangyarihan sa mga simbolo. Kaya hindi naapektuhan si Reyna Hirya sa sumpa ni Inang Likha dahil hindi siya maharlika o may dugong-bughaw. "Anong kapangyarihan?" kuryuso kong tanong. "Tumingin ka sa taas." Kaagad ko namang sinunod ang sabi ni Kush at halos lumuwa ang mga mata ko sa nakita. Binalik ko ang tingin sa paligid ng kagubatan at nakitang sobrang liwanag nito. Muli kong tiningnan ang taas at gano'n pa rin— ang dilim. Nakamamangha! Madilim ang kalangitan pero maliwanag ang paligid! Tiningnan ko ulit ang kalangitan. Mga itim na ulap iyon na para bang naging atip ng buong kagubatan. "Ang tawag sa mga itim na ulap na nasa itaas ng buong Kagubatan ng Kasawian ay Ulap ng Karimlan. Galing iyan sa kapangyarihan ni Reyna Hirya." Dati sa mga palabas lang ako nakakapanood ng mga ganitong mga nilalang na may mga kapangyarihan. Pero ngayon, sa sobrang pagkamangha ko sa nasasaksihan ay wala na akong masabi pa. "Isa iyang mahika na pinipigilan ang mga Argo na galing sa iba't ibang kaharian na may ibang simbolo at iba pang nilalang na makapasok sa loob ng Kaharian ng Zewona. Naging proteksyon ito ng buong kaharian. Kahit ang mga kakamping kaharian ay hindi rin basta-basta nakakapasok. Kailangan pa silang sunduin sa b****a ng Kagubatan ng Kasawian," dagdag na paliwanag ni Nahali. "Pero... bakit hindi p'wedeng sa taas dumaan?" tanong ko ulit habang nakatingala pa rin sa langit. "Dahil ang Ulap ng Karimlan ay nababalot ng lason. Isang dampi lang nito sa balat mo ay malalagutan ka na ng hininga." Wala na yatang ilalaki pa ang mga mata ko matapos kong marinig ang sinabi ni Kush, "Mayroon din Ulam ng Karimlan sa iba't ibang panig ng Mundo ng Azaram. Nagiging proteksyon ito mula sa mga masasamanh Argo o iba pang nilalang na may kakayahan sa paglipad." Wala na akong masabi sa sobrang pagkamangha. Pero... "Sandali." Pigil ko sa kanila. Tumigil din sa paglalakad si Nahali at nagtataka naman akong tiningnan ni Kush, "Sabi ninyo kailangan pang sunduin ang sino mang kakamping Argo ang papasok sa Kagubatan ng Kasawian." "Gumamit ako ng telepatiya." Si Kush ang sumagot, "Telepatiya rin ang ginamit ko nang tawagin ko si Haring Ezrom no'ng unang araw ng pagdating mo." Telepatiya? Telepathy ba 'yon? "Ahmm, ang telepatiya ba na tinutukoy ninyo ay ang pag-uusap gamit ang isipan lamang?" naninigurado kong tanong. "Mismo..." Ilang beses pa ba akong mamamangha? Hindi ko inakalang ang mga napapanood ko lang sa tv noon ay masasaksihan ko sa personal ngayon. "Ilang oras pa ba bago tayo makalabas dito?" tanong ko at luminga-linga. Puro prutas ang nakikita ko sa mga puno. Simula nang makarating ako rito, puro prutas lang ang kinain namin. Mga prutas na ngayon ko lang nakita at natikman. Ibang klase talaga ang lugar na ito. "Tatlong araw." "Ano!" gulat ko naibulalas, "Gano'n katagal?" "Masasanay ka rin sa mga mahahabang paglalakbay, mahal na Itinakdang Prinsipe." Naiilang pa rin ako sa t'wing naririnig ko ang tawag nila sa akin. "Hmmm, wala ba kayong kapangyarihan katulad nang kay Flash?" seryoso kong tanong. "Sinong Flash?" nakakakunot-noo na tanong ni Kush. "Iyong nasa Avengers." "Avengers?" sabay na tanong nilang dalawa. Ayss... Nakalimutan kong tagaibang mundo pala sila. "Palabas 'yon sa tv. Si Flash ay parang idlat sa sobrang bilis nitong tumakbo at kumilos." "Ahh, 'yon pala 'yon." "Flash pala ang tawag ng mga tao sa kapangyarihan na 'yon." Para silang mga batang may nakitang bagong laruan, dahil sa ekspresyon ng mga mukha nila. Ilang oras pa at unti-unti nang nagdidilim ang buong paligid. Maggagabi na pala. Katulad ng mga unang araw ng paglalakbay namin, tumigil kami para palipasin ang gabi. Kumain kami ng prutas na kung tawagin nila ay razi— hugis bilog at kulay puti. Matamis at walang buto. Kasingtigas ng mansanas at hindi ako nagsasawang kainin 'yon. Nakahiga na kami sa damuhan, ginawa kong unan ang tiyan ni Nahali. Nakatingala ako sa madilim na mga ulap sa kalangitan at bigla ko na lang naisip ang tunay na Adriel. "Kwentuhan naman ninyo ako tungkol sa tunay na Adriel..." "Magaling siya sa pakikipaglaban— sa espada, sibat, punyal, at ibang kagamitan sa pakikipaglaban. Dakilang mandirigma siya ng Kaharian ng Erezna." Parang ayaw ko na lang makinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD