26
Kahit alam kong hindi maganda ang trato sa akin sa eskwelahan, pinilit ko pa ring pumasok. Nagpakatatag ako. Matapos namin maayos ni Alex ang panandaliang lamat sa aming pagkakaibigan—malaking parte non ay dahil sa akin, tuluyan akong nagka-lakas loob.
Sabi niya ay tutulungan niya ako. Sisiguraduhin niyang walang magiging dahilan para ako ay matakot. At naniniwala ako sa kanya. Kung nakayanan niyang tuparin ang pabor ko dati, ano ang pinagkaiba ngayon?
"You had some guts to even return to school,"
Halata na hindi inaasahan ng grupo nina ate Lucy ang pagpasok ko. Matapos ang panay kong pag-absent, ang huli umabot pa sa apat na araw, akala nilang tuluyan na akong bumigay at nagtago. Pero hindi, nagkakamali sila.
Kinailangan ko lang magpahinga. Kinailangan ko lang uli ng lakas, alam kong babangon ako.
"Oh my!"
Nahinto ako sa paglalakad ng maramdaman ang maligamgam na tubig na dumapo sa aking likuran. Laking pasasalamat ko at hindi mainit ang starbucks na hawak ng isa sa mga alipores ni ate Lucy, kung hindi paniguradong lapnos ang aking balat.
"I'm sorry...dumulas kamay ko,"
Imbis magsalita, nagpatuloy na ako sa daan ng aking klase.
Habang tinatahak ang direksyon, unti-unti ay nararamdaman ko ang kanilang mga mata. Siguro tulad nina ate Lucy ay hindi nila inaasahan ang aking presensya. Tulad ng dati, napuno ng bulungan ang koridor ngunit pilit kong sinarado ang tenga at isipan. Kumakanta ako sa kaloob-looban. Baka kahit papaano mapagaan ang loob ko.
"Hey! Stop it!"
"Baka dumating na si mam, umayos nga kayo!"
"Sorry pres,"
Maingay na sa classroom nang datnan ko ito. Iilan sa mga kaklase ko ay nagsisitakbuhan at naghaharutan. Tuluyan lang silang natigil nang mapansin ako sa b****a ng pintuan. Kaunti na lang ay ngumanga sila sa gulat. Gustuhin ko man tignan sila isa-isa, ang pinagpukulan ko ng pansin ay ang silya ni Alex. Wala pa ito doon. Siguro malalate siya...
Wala na akong inaksaya pang oras at pinuntahan na ang desk ko, pero nang datnan ko ito, samu't saring sulat ang naroroon. May pokpok, may dukha, hampas lupa, liar, pretender at kung ano-ano pa. Halatang permanent marker ang pinangsulat dahil kahit punusan ko ng panyo ay nanatili itong nakaburda.
Iilang bungisngisan ang rumehistro sa aking tenga nang mapansin ng mga kaklase ko ang pagdadalawang isip kong umupo sa silya. Kahit napakarumi ng mga salita doon, tinakpak ko na lamang iyon ng panyo at umupo.
"I thought you're already expelled. Bakit nandito ka pa?"
Hindi ko pinansin ang nagsalita kong kaklase. Hindi ko naman siya kaclose sobra, pero naalala ko ang mukha niya. Isa siya sa mga taong todo ang suporta sa akin bago pa kumalat sa NI ang balita.
"Kaya ka iniwan ng unang pamilya mo dahil alam nilang ang pangit ng ugali mo. Ngayon pati mga De Luca ay isusuka ka na,"
Humigpit ang aking pagkakahawak sa dulo ng aking palda. Bagamat harap-harapan nila akong iniinsulto, nagpapanggap akong magisa lamang dito sa classroom. Base sa mga napanood ko, at sa aking training para sa pageant, para di kabahan, magpanggap kang ikaw lamang ang magisa sa enteblado at ang mga nanonood sayo ay pawang mga taga-suporta mo. Kaya ang mukha nina Dianna, Ford, Ysabel, Mother Elena...mga taong nasa bahay-ampunan ang sumilay sa akin.
"Bingi ka ba? O nagbibingi-bingihan lang?" Ani Samantha.
Walang lingap kong kinuha na lamang ang notes ko sa bag. Datapwat nalulungkot ako, at magisa lang ako sa bahay, hindi ko pa rin kinalimutan ang responsibilidad at pangarap ko. Pinagpukulan ko ng pansin ang math, biology at business subject, mga asignaturang alam kong mahina ako.
"She think she can play this game..."
"Umalis ka nga dito, pwede?"
Alam kong si Bernadette ang nagsalita kahit ang mata ko'y sa notebook ko nakatingin. Nanatili akong walang imik habang pilit binabalik ang konsentrasyon ko. Dala ng pagdating nila, tuluyang naudlot ang pagbabasa ko. Marahas na hinampas ni Poppy ang desk ko dahilan para bahagya itong umalog. Anumang pilit nila mag-react ako, nanatiling blangko ang ekspresyon ko.
"You're getting on my nerves," Inagaw ni Samantha ang notebook ko at marahas iyong binato sa pinakadulo ng classroom. "Pulutin mo,"
Hindi pa rin ako nagsalita. Sa halip kumuha na lang ulit ako ng panibagong kwadrado. Nadinig ko ang pagtikhim nila. Muli nilang inagaw sa akin ang notebook at tinapon iyon.
"Pulutin mo sabi!"
Inangat ko ang ulo. "Kayo ang nagtapon...kaya kayo rin ang pumulot,"
"T-this! This b*tch!"
Ambang susugurin na ako ni Samantha ngunit pinigilan siya ni Poppy.
"Sam not now...mamaya na. Mam Hyacinth is here,"
"Pero!"
"Mamaya na!" Saway nito kay Sam, bago ako harapin. "May oras ka din sa amin, Rose," Banta niya sa akin bago sila magsilayasan.
Sa totoo lang ay malakas ang kabog ng aking dibdib. Marami sila, kaysa sa akin.
Isa-isang nagsibalikan sa kinauupuan ang mga kaklase ko. Samantalang si Poppy ay dumaan sa likod ko. Saglit niya akong sinanggi sa balikat.
Dumating na si Mam Hyacinth na may dalang mga papeles. Nang igala niya ang mata, parang bahagya din siyang nagulat nang masilayan ako. Alam ko ang ekspresyong iyon, kabisadong kabisado ko gaya ng mga taong nakapaligid sa akin. Nginitian ko siya kahit pa mabigat rin ang loob ko sa kanya.
Bahagya siyang umubo. "Okay class...we will have a surprise quiz,"
Ilang mga pagmamaktol na daing ang nadinig ko. Ang iba naman ay pinaghalong gulat at kaba, katulad ni Poppy na top notcher. Ako naman malamang sa malamang ay kinakabahan rin. Kakapasok ko lang pero eto ngayon ang balita. Ang sabi ni teacher Hyacinth ay babalitaan niya ako pag absent ko, ngunit hindi iyon nangyari.
"Okay, please bring out your notebook,"
Tinaas ko ang kamay.
"Yes?"
"Mam kukunin ko lang notebook ko..."
Kunot noo niya akong binalingan, ngunit naunahan ko na siya ng tumayo ako at pumunta sa pinakadulo ng classroom. Doon pinulot ko ang notebook.
"Nagkakalat ka Ms. Rose. Please sit down!"
"Teacher...m-may nagbato nito,"
"Wala akong pakialam! Ang burara mo sa gamit!"
Panandalian akong naestatwa dala ng kanyang sinabi. Ramdam ko ang mga mata ng bawat tao dito sa classroom, alam kong sa likod ng kanilang isipan ay nagpipiyesta sila sa tuwing mapapahiya ako. Sa halip na magpakita ng reaksyon, nanatili akong kalmado at maayos ang tindig.
Kung kanina nakatingin sila sa akin, ngayon ay naagaw ang atensyon ng lahat matapos makarinig ng magmamadaling yabag. Sa bungad ng pintuan, nakita namin si Alex. Tila hinihingal pa matapos tumakbo kakamadali dito.
"Mr. Alexander Nixon. You're late,"
Imbis na sagutin si Mam Hyacinth, nakita kong nakatuon ang atensyon niya sa akin.
"Mr. Nixon. I'm talking to you,"
Naputol ang aming pagtitigan nang ipaling niya ang ulo kay Mam Hyacinth. Bahagya siya humingi ng tawad at wala ng imik na dumiretso sa kanyang upuan. Saglit niya akong tinapunan ng ngiti bago kami tuluyang makaupo sa aming silya.
Ilang minuto ay nagsimula na ang pagsusulit.
SA DI MAIPALIWANAG na dahilan, kinabukasan matapos checkan ang aming mga scores. Parang naging kasalanan ko pa na nakaperfect ako sa quiz.
"Naniniwala akong nagcheat yan si Rose..."
"Halata naman. Bobita yan dati diba. Tignan mo ngayon,"
"Yes, she definetly cheated,"
Hinampas ni teacher Hyacinth ang kanyang kamay sa kahoy na desk. Makahulugan niya akong pinagmasdan bago tawagin sa harapan. Tumayo ako sa kinauupuan, bahagyang may panginginig habang ramdam na ramdam ko ang bawat titig ng tao sa classroom. Nang makarating ako sa harapan, binigay niya sa akin ang paper ko.
"This is my first time seeing you ace a high score. Kaya it is doubtful Ms. Rose,"
Nasaktan ako sa tawag niya sa akin. Kung dati binabansagan niya pa akong De Luca ngayon ay halos nagiba ang kanyang pagtrato sa akin.
"You will have to retake the quiz,"
Hindi ko mapigilan ang mapa-angat ng ulo. "Po?"
"Don't make me repeat my words. Retake or get yourseld a zero score,"
"P-pero mam di naman po ata patas iy-"
"Kung aalma ka. Mas maniniwala akong guilty ka!"
Dahil tumaas ang kanyang tono, tuluyan akong nawalan ng boses at lakas para makasagot. Tahimik akong tumango bago bumalik sa aking silya.
"I will prepare your quizzes. But for now, focus on the pageant. Next monday na ang Aphrodite contest, kaya I expect na aayusin mo ang presentation mo. Or else mapapahiya ang buong klase sa gaya mo..." Anunsyo ni teacher Hyacinth habang binubura ang mga nakasulat sa whiteboard.
"If only I could remove you, then I'd will. Pero naipasa ko na ang pangalan mo months ago. That was my mistake I guess,"
Nakarinig ako ng ilang tawanan, ang iba pawang pagsangayon ang ginawa. Kahit alam kong pawang mga insulto ang binabato nila sa akin, ginawa ko ang makakaya maging tahimik. Palihim akong sumulyap kay Alex, ang partner ko sa contest, at laking gulat ko mg makitang nakatingin din siya sa akin. Mabilis kong iniwas ang paningin. Samantalang sa gilid ko, ramdam ko ang mapanuring titig ni Poppy.
Sa susunod kailangan kong magingat...
_____
LUMIPAS ang ilang araw, at wala naman masyadong ganap sa eskwelahan. Walang pinagbago sa pang-araw-araw kong nararanasan. Yun nga lang nababawasan ang pananakit ng iba lalo na ngayong kasama ko palagi si Alex. Para bang nagiging maamong tupa muli ang mga nambully sa akin. Kaya parang nahihirapan tuloy akong magsumbong sa iba, lalo na kung magagaling silang magbalat-kayo. Mabait pag may mga matang nakatingin, masama naman kung wala.
Kailan ko nga lang rin nalaman na kasama pala ang pamilya nila sa sampung kilalang angkan sa Pilipinas. Matapos ko marinig iyon, walang araw akong hindi nailang sa presensya niya. Isang rason kung bakit palagi kaming magkasama ay dahil sa Aphrodite contest, kalimitan naman ay dahil gusto niya lang akong makasama.
Pero ngayon, baka hindi na iyon pwede pa maging dahilan. Baka mabawasan na rin ang aming pagkikita.
"Welcome to the Grand Festival! The Neilson Integrated Institute! An elite school for the rich and famous is celebrating its 105th foundation day!"
Masigabong palakpakan ang kumalembang sa aking tenga.
Habang nagdidiwang ang iba, ako naman ay napakagat sa aking kuko.
Bagamat nasa likuran pa ako ng stage, pakiramdam kong nasa harapan na ako ng enteblado. Hawak-hawak ko ngayon ang aking kulay asul na gown, bagay na sadyang nagbigay depinisyon sa aking maitim na mata at buhok. Kung hindi dahil kay Alex, malamang sa malamang ay wala akong susuotin para sa okasyong ito. Laking pasasalamat ko at suportado ako ng pamilya niya kaya miski hair dresser at makeup artist ay sinagot na nila.
Ang mas nakakaantig pa dyan, datapwat narinig nila ang balitang ampon lang ako, buong galak akong binati at sinuportahan ng pamilya ni Alex.
Kanina pa ako patingin-tingin sa malaking orasang nakasabit sa dingding. Hanggang ngayon kasi wala pa ang partner ko. Ninenerbyos akong nagpalakad-lakad.
"How does it feel to be in my place?"
Mabilis pa sa alas-kwatro akong napalingon sa nagsalita. Mula sa dulo ng fitting room, bumungad sa akin si Poppy na nakasuot ng formal dress.
"Anong ginagawa mo dito?" Tanong ko sa kanya gayong tanging contestants, hair dresser at makeup artist lamang ang pinapapasok.
"You seriously question my capability and power?" Humakbang siya palapit sa akin, nakakrus ang kamay. "Pasalamat ka at maganda ang suot mo. Talagang tinago ng damit mo ang baho mo,"
"Poppy...pwede bang tigilan na natin to...hindi ko alam bakit ka ba galit na galit sa aki—"
"Hampas lupa ka. Isa kang dumi sa harapan ko. Isang basurang nangangarap. Kaya wag kang magmaang-maangan. Alam kong enjoy na enjoy mo to,"
Nagbabadyang lumabas ang luha sa aking mata, ngunit dahil sa takot matanggal ang aking makeup, pinilit kong pigilan ang sarili. Hindi ito ang tamang oras para kami'y magdrama dalawa. Ilang minuto na lang, ang unang seksyon ng contest ay magaganap—ang first walk at ang talent portion.
"Come to think of it...you don't deserve this dress. Where did you rob this dress?"
"A-ano? Binili to para sa akin..."
Ngumiti si Poppy. "All the better to destroy it..."
Nanlaki ang aking mata at bago pa ako makareact, nagulat ako nang sumulpot sina Bernadette at Samantha sa likod ng madilim na kabahagian ng fitting room. May dala silang batsa at bago pa ako makahingi saklolo, naramdaman kong binuhusan nila ako ng pulang pintura.
Napasigaw ako nang tumama sa aking mukha ang iilang butil ng pintura.
"That's more like it! Bagay na sa kanya. Mukha na siyang galing impyerno,"
Napapunas ako sa aking kasuotan. Pulang pula na rin ang aking kamay kakakuskos, ngunit kahit anong pilit kong linisin ang mantsa, talagang nakaburda na ito sa bughaw kong kasuotan.
Dugo...mukha siyang dugo...
Nanginig ako at bahagyang napa-balikwas. Natabig ko ang isang ring light dahilan para makalikha ito ng malakas na tunog. Paniguradong may mga taong nakarinig dahil sa umalingawngaw na pagkabasag.
"Girls. Let's go. Baka mahuli pa tayo," Alalang wika ni Poppy bago sila nagalisan.
Habang ako, gaya ng dati, nanatiling magisa, sa makulimlim at tahimik na silid.
"Hello. This is the emcee speaking..."
Napaangat ako ng tingin. Sa screen ng maliit na TV kung saan vinivideo ang mga kaganapan, kitang kita ko ang entablado. At tila pinagpapawisan ang taga-anunsyo.
"It is with our deepest sorrow that we inform you, a contestant, candidate 15, Mr. Alexander Nixon, was sadly caught in a car accident..."
Nanginginig akong napatakip ng aking bibig.
"—and although we are displeased to inform everyone of the situation and news. The event must go through. But for this occasion, the Neilson Integrated Institute would be donating and extending help to the Nixon's,"
Ring...Ring...
Minata ko ang aking cellphone sa harap ng aking dresser. Kapagdaka nanlaki ang aking mata sa nasilayang numero...
Pinulot ko ito at panandaliang nagalinlangan. Ilang saglit sinagot ko na rin ang tawag.
"You look stunning, Rose,"