XIV| THE SACRIFICIAL BLOOD:
The self-proclaimed saint’s pov
Nabunutan ako ng isang tinik sa lalamunan nang tuluyan nang umalis si Paulo dito sa seminaryo. Mabuti nga sa isang tulad niya. Pero dapat isinama na niya si kuya Rico dahil pareho lang sila. Pareho lang sila na may masamang hangarin. Baka nga magkasabwat sila eh, dahil minsan ko na rin silang nakitang nag-uusap ni Paulo bago mangyari ‘yong insidente kahapon.
Hindi tuloy ako mapakali simula nang malaman kong sya ang maiiwan dito para magbantay sa aming lahat. Wala kasi akong tiwala sa kanya lalo na't naaalala ko pa ‘yong mga ginawa niya dito noon. Sobrang kinikilabutan talaga ako kapag naaalala ko yun. Haays! Sinong normal na tao ang gagawa ng bagay na iyon?
Napatigil ako kakamasid sa mga kasama kong nag-dedecorate ng stage para sa tertulia bukas nang may biglang pumasok sa loob ng hall kung nasaan kami lahat ngayon, ang taong tinutukoy ko ay walang iba kundi ang isa pang tinik sa lalamunan ko, si kuya Rico.
"San ka galing kuya? Kanina ka pa namin hinahanap, hindi tuloy namin maikabit itong letterings." Tanong ni Koko na punong abala sa pag-dedecorate.
"Pasensya na, sumakit kasi ‘yong tiyan ko, mukhang nasira ata sa mga kinain natin sa hapunan." Sabi nito habang hawak-hawak ang tiyan.
"Haays. Halika na nga kuya, tulungan mo na lang kami dito." Sabi pa ni Koko saka sila nagpatuloy sa mga gawain. Tahimik kong inobserbahan si kuya Rico. Hindi ko alam kung masamang mainis sa tuwing nakikita ko siya, pero kung oo ay oatawarin nawa ako ng Diyos dahil ganun ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita ko siya.
Ilang minuto pa ang lumipas. 10:45 pm na. Pero hindi pa rin namin tapos ang pagdedecorate ng stage kaya naman nagrereklamo na ‘yong iba.
"Pwede bang bukas na lang natin tapusin? Inaantok na ako, brothers." Suhestiyon ni Anthony. Nakisali na rin ‘yong iba.
"Oo nga, bukas na lang." Dagdag pa ni Christian.
"Hindi pwede brothers kailangan na natin matapos ngayon 'to." Sabi naman ni Koko. Napasimangot ako. Hindi ba niya alam na napapagod din kami?
"‘Yong mga inaantok, matulog na." Narinig ko namang anunsyo ni kuya Rico dahilan para matuwa ‘yong iba. Pero si Koko, mukhang nainis sa sinabi niya.
"Hindi pwede, kuya. Kung matutulog na sila, sinong tatapos nito?" Tanong ni Koko.
"Ako. kaya ko pa naman, eh." Sagot niya.
"Kung ganun, sige. Tutulong na rin ako." wala itong nagawa. "Teka, sino ba ‘yong mga inaantok na?" Tanong pa ni Koko. lahat kami ay nagtaas ng kamay maliban kay Koko at ang pabidang si kuya Rico.
"Okay, sabi ni kuya Rico, tulog na raw ‘yong mga gustong matulog. Kami na bahala dito." Seryoso nitong sabi.
"Seryoso bok?" Tanong ni Railey na tila tuwang-tuwa sa narinig na balita.
"Oo. Patapos na rin naman, eh. Kaya na namin ito ni kuya Rico." Sagot pa ni Koko na tila naiinis.
"Okay, kung ganoon, exit na ako." Sabi ni Anthony saka tumayo.
"Ako rin, tinatawag na ako ng kama ko." Sagot naman ni Railey.
"Goodnight brothers!" Bati ni Christian. ‘yong iba naman ay tahimik lang na umalis ng hall kagaya ko. Bago ko nilisan ‘yong hall ay sumulyap ako sa kanilang dalawa sa huling pagkakataon.
The talented performer's pov
Bukas na ang Tertulia. At bilang entertainment beadle, feel na feel ko na ‘yong pressure na nakaatang sa akin. kami-kami lang naman ang makakasaksi pero ewan ko ba, gusto ko pa rin itong maging successful kahit wala si pads. Kaya kahit wala sila, todo-todo pa rin ang paghahanda namin. Lalo na kami ni kuya Rico dahil kami na lang ang naiwan dito sa loob ng hall. Pasalamat nga ako sa kanya kasi sinamahan pa rin niya ako dito kahit alam kong antok na antok na siya.
11:20 pm
Sa oras na iyan namin natapos ang pag-aayos ng hall. Sa wakas ay makakatulog na rin kami.
"Okay na ba sa’yo yan, Koko?" Tanong ni kuya Rico sa akin ng pinagmasdan namin ‘yong kabuuan ng hall.
"Opo, salamat sa pagtulong, kuya." Sabi ko sa kanya. Ngumiti lang ito sa akin saka siya tuluyang lumabas ng hall.
"Una na ako, kuya." Paalam ko sa kanya. Ngumiti naman ito
"Sige lang, iihi pa ako, eh." Sabi naman nito saka dumeretso sa cr na nasa dulo ng east wing.
Nang tuluyan akong makapasok sa kwarto ko ay humiga agad ako saka ko niyakap ‘yong unan ko. Grabe, nakakapagod! Nakakapagod pero iba ‘yong fulfillment.
Sana lang talaga ay maganda ang maging kalabasan ng tertulia bukas. Ilang minuto pa ang lumipas ng napatitig ako sa Krus na nasa paanan ko. Umupo ako saka ko kinuha yun at pinagmasdan. Bumuntong hininga pa ako saka nagsalita,
"Kayo na po ang bahala bukas, ah?" Sabi ko saka ko hinalikan ‘yong Krus. Pagkatapos nun ay binalik ko na iyon sa lamesa sa may paanan ko. Sinunod ko ring kinuha yung rosaryo ko para mag-novena. Isa ito sa nakasanayan ko bago matulog kahit noong nasa labas pa ako. Ipinangako ko dati sa sarili ko na hinding hindi ako matutulog nang hindi nagdarasal ng santo-rosaryo. Kaya naman ngayon, kahit inaantok na ako ay pinili ko pa ring makipag-usap kay inang Maria.
Ilang minuto pa ang nakalipas, matutulog na sana ako ng mga oras na iyon nang bigla akong tawagin ng kalikasan. Tila ba bumigat ang pantog ko kaya naman lumabas ako ng kwarto ko para umihi.
Habang palapit ako sa cr sa duko ng east wing ay napatigil ako sa paglalakad nang bigla akong may marinig na kaluskos galing mismo sa loob ng palikuran.
Parang may tao? Mayamaya pa ay nakarinig ako ng iyak ng isang batang tupa na para bang kinakatay.
Ha? Tupa sa loob ng cr? Paano naman makakapasok ‘yong tupa sa loob? 2nd floor kaya ito? Unless may magdala ng tupa sa loob ng cr? Pero ang tanong, ano namang gagawin n’ung taong yun sa tupa kung sakali? Weird ha?
Ilang segundo pa ay nawala rin ‘yong ingay na iyon. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Narealize ko kasi na baka guni-guni ko lang yun dala ng antok ko.
Nang makapasok ako sa cr ay wala naman akong masyadong nakitang kakaiba, wala namang tupa sa first four cubicle maliban dun sa dulong cubicle na nakasara. Haha! Ba’t ba ako naghahanap ng tupa dito sa loob ng cr? Ewan ko ba kung bakit nilapitan ko pa rin 'yong last cubicle para katukin. Nababaliw na ata ako sa sobrang antok.
"May tao ba diyan?" Tanong ko pero walang sumagot.
"May tupa ba diyan?" Tanong ko pero wala pa ring sumasagot. Haha! Medyo tanga rin ako minsan 'no? Ba’t nga ba sasagot sa akin ang tupa? Pero ang weird lang talaga? Ano ‘yong narinig ko kanina? Hindi kaya minumulto ako ng tupa na pinatay ni Paulo? Haays! Iba na talaga tong antok ko. Ang creepy na masyado!
Pero sino namang nagsara nito? Mukhang wala namang tao sa loob? Tss! Mabuksan na nga! Tinanggal ko ‘yong double lock dun sa taas dahilan para mabuksan ‘yong last cubicle ng cr. Napaatras ako bigla kong maaninag na may tao pala sa loob. Naka-itim na clerical iyon saka naka maskara, hindi ko tuloy siya makilala.
"S..sorry, a..akala ko walang tao. Hindi ka naman kasi nagsasalita." Sabi ko saka ko isinarado ‘yong cubicle na iyon. Bago ko maisarado ay bigla akong may naaninag na dugo... Duguan ‘yong kamay niya. Ha? T..tama ba ‘yong naaninag ko? May dugo sa mga kamay niya?