XII| IF
THE PRODIGAL SON’S POV
Sabi nila, the seminary will either make you or break you as a person. Make you, dahil pwede ka nitong tulungan sa paghahanap mo sa sarili mo. And break you, dahil pwede rin nitong salungatin lahat ng pinaniniwalaan mo.
Kaya dapat bago ka pumasok dito, alam mo sa sarili mo na kaya mong tanggaping ang pros and cons na maaring iparanas sa’yo ng seminaryo.
In my case, the seminary broke me on my first try. Hindi dahil sinalungat nito ang mga pinaniniwalaan ko kundi dahil sinira nito ang magandang reputasyon ko sa mga tao.
Tandang-tanda ko pa noon. Tandang-tanda ko pa lahat ng mga nangyari almost four years years ago. First year ako dito noon kasama ang labing dalawang seminarista. Hindi pa si Fr. Paul ang rector ng seminaryo n’ung mangyari ‘yong isang plot twist sa kabanata ng buhay ko sa seminaryo. Isang plot twist na, hindi ko alam, sisira na pala sa aking pagkatao. Tatlong taon pa lang ang nakakalipas pero andami ng pinagbago ng lugar na minsan ko nang tinuring na tahanan ko.
Kung ikukumpara ko ang kasiyahan na meron kami ngayon, walang wala iyon sa kasiyahan na meron ang seminaryo noon.
Akala nila masaya na ‘yong ganitong klase ng pamumuhay, pero hindi pala. Pero kunsabagay, iba-iba kami ng kahulugan ng tunay na kasiyahan. Ang kasiyahan kasi para sa akin ay ‘yong walang division ang buong grupo, ‘yong tipong kapag masaya ang isa, masaya ang lahat. Walang nabe-behind, walang napapag-iwanan. Pero ngayon, parang wala nang pakeelamanan. Wala ng brotherhood na tinatawag. Kung alam lang sana nila kung ano ‘yong feeling ng nagkakaisa. Kung alam lang nila ang ibig sabihin ng tunay na sama-sama. Ngayon kasi parang may kulang, eh. ‘yong bonding ng bawat isa, nawala na.
Ibang-iba na rin ngayon kasi dati may mga seminary workers pa kami na nakakausap, ngayon kami-kami na lang ang andito. Dati, halos araw-araw rin kaming binibisita ng mga pari ng Diocese pero ngayon, kahit isa, wala nang pumupunta. Dati, marami rin kaming bisita mula sa iba't ibang mga parokya at mga benefactors na tumutulong sa mga katulad naming seminarista, Pero ngayon, wala na silang suporta. Paano, nagsilabasan lahat nung nagkaroon ng isyu dito sa loob ng seminaryo.
Buti nga't marami pa rin tumutugon sa bokasyon sa pagpapari kahit ganoon ang nangyari, eh. Nakakalungkot lang dahil hindi na sila kagaya ng dati. Lahat kasi ng bagay na iyon ay binago ng isang trahedya: Trahedya na sumira hindi lamang sa buhay ko kundi pati sa buhay ng mga kasama ko.
Isang trahedya na "Ako' raw ang may gawa.
Isang trahedya na ako raw ang may sala.
Pero ako nga ba talaga?
Isang malaking HINDI.
Dahil kahit pagbali-baliktarin natin ang mundo, hindi ko pa rin kayang magnakaw ng pera at mga reliks na sinasabi nilang ginawa ko. Kahit naman siguro galling ako sa mahirap na pamilya ay wala sa bokabularyo ko ang magnakaw. At kahit na pagbali-baliktarin natin ang mundo, hindi ko pa rin kayang manglason. Hindi ko kayang gawin lahat ng mga bagay na binibintang nila sa akin.
Gusto ko sanang sabihin sa kanila na hindi ako ang gumawa noon pero huli na ang lahat. Na-frame up na ako ng kung sino. At hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung sino sa mga ka-batch ko ang gumawa noon sa akin.
Lumipas ang tatlong taon mula ng pinalabas ako ni Fr. Richard, kinalimutan ko ang lahat. Wala na rin naman akong magagawa dahil hindi ko na rin naman maiipaglaban pa sa iba na mali sila ng inaakala. Gusto mang patunayan, alam ko namang hindi na rin nila ako papaniwalaan.
Ngayon ay bumalik na ako sa seminaryo sa pangalawa kong pagkakataon, hindi para patunayan sa iba na hindi ako ang gumawa sa binibintang nila, kundi para ituloy ang bokasyong nasimulan ko na. Sa kabila kasi ng lahat ng nangyari ay gusto ko pa ring magpari. Ganito talaga siguro kapag tinawag ka. Kahit gaano kalubak ang daan ay pipilitin mo pa ring suungin, makamit mo lang ang nais ng puso mo. Iba kasi kapag gusto mo talaga. Walang magagawa ang kahit sino para pigilan ka.
Kaya sobra ang pasasalamat ko sa bagong rector ng seminaryo na si Fr. Paul dahil tinanggap niya ang application ko, nagpapasalamat ako sa tiwala niya sa akin. Isang tiwala na hinding-hindi ko sisirain.
Hindi ko nga inakala na may maniniwala pa sa akin, eh. O sadyang bukas lang talaga ang isip ni padre sa mga bagay na ganito kaya tinanggap niya ang pagbalik ko. Ang sarap sa feeling na kahit tinalikuran na ako ng daang-daang tao, may isa pa ring naniniwala sa pagkatao ko.
N’ung unang araw ng pagbabalik-loob ko dito sa seminaryo, hindi naging madali ang lahat sa akin. Naninibago ako dahil tila ba hindi ako sanay sa pinapakita nila sa akin. ‘Yung feeling na walang gustong lumapit o kumausap sa iyo? Ganyan ang naging senaryo ko. Ang masakit pa, pati ‘yong kabatch kong si Rjay na pinaka-close ko noon, hindi na rin ako pinapansin ngayon. Oo, magkaibigan kami ni Rjay noon, pero ngayon, parang hindi na kami magkakilala. Siguro galit pa rin siya sa akin dahil lumabas ‘yung ilan sa mga kasama niya dahil sa akin. Oo, technically akin pa rin ang sisi dahil hindi naman nalaman kung sinong may gawa ng lahat.
Kung alam lang nila na mali sila ng akala. Kung alam lang sana nila na biktima lang ako. Kung alam lang sana nila. Kaso wala silang alam kaya ganun na lang nila ako kung husgaan.
Napatigil ako sa kakaisip nang kung ano-ano nang tinapik ni Christian ‘yong balikat ko. Napatingin ako sa kanya, tila may sinasabi ata siya kanina pa.
"Sorry, ano yun?"
"P..paki-abot po n’ung kanin." Sabi nito sa akin.
"Ah, okay." Sagot ko saka ko kinuha ‘yong isang plato ng kanin na nasa harap ko.
Ika-limang araw na namin dito sa seminaryo. Nasa refectory kami ngayon at tahimik ang lahat na nag-aagahan. Nakakapanibago lang na ang tahimik nilang lahat. Hindi ako sanay na hindi sila umiimik. Hindi ako sanay na walang nag-uusap.
Pero hindi ko naman sila masisi, lahat sila ay hindi pa rin makapaniwala sa nangyari sa tupa. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nakita nila sa loob ng kwarto ni Paulo.
Katunayan, ako rin mismo ay hindi makapaniwala na magagawa ni Paulo ‘yong bagay na yun. At hanggang ngayon rin ay malaking tanong pa rin sa akin kung bakit nya ginawa ‘yong bagay na iyon.
Hindi ko alam pero parang bumabalik lahat sa dati. Parang may mali. Ayokong isipin pero sana hindi mangyari ‘yung kinakatakot ko. Paano kung mangyari uli ang mga bagay na gugulo sa mapayapa nang buhay ditto sa seminaryo?