HABOL ang paghinga nang umahon si Bella sa tubig. Nahahapong naupo siya sa batuhan at ibinagsak ang katawan. Pagod na pagod na siya at halos nahawakan na niya ang lahat ng sulok ng talon ngunit hindi niya nahanap ang perlas. Wala na siyang lakas na sumisid muli ngunit hindi niya bibigyan ng kasiyahan ang kaniyang ahpoy na makita siyang sumusuko. Pipilitin pa rin niya ang sariling hanapin ang perlas na ayon dito’y sangkap sa karmin-karmin na kailangan niya upang mapigil si Lara. Namumula na ang kaniyang mga mata dahil sa pagdilat sa ilalim ng tubig. May pagkakataon pang tumatama ang noo niya sa bato. Ang totoo’y nakaramdam nga siya ng hapdi sa kaliwang bahagi ng kaniyang noo at nang damhin niya iyon ng kaniyang daliri ay nakita niyang may bahid iyon ng dugo. Mariing napapikit si Bella dah

