"KUMUSTA KA? Tinawagan ako ni Tita at sinabi niya ang natuklasan ninyo tungkol kay Adalius," bungad ni Harrison pagkasagot niya ng video call nito.
"Pati ba naman ikaw bukambibig din siya. Kailan niyo ba ako patatahimikin, huh?" galit na sabi niya rito.
"Ang sungit, ha! Hindi naman ako ang kaaway mo!"
"Kung mang-iinis ka lang, mabuti pang i-end call ko na 'to."
"Huwag! Kaya nga kita tinawagan para madamayan ka sa problema mo, e," pigil nito sa kaniya.
"Tsk!" tanging sambit niya matapos irapan ito pero hindi niya pinatay ang video call.
Siguro nga kailangan din niya ng makakausap para may karamay siya sa pinagdadaanan niya ngayon.
"Hindi mo na ba talaga siya mapapatawad?" tanong nito na nagpahinto sa kaniya sa pag-inom niya ng beer sa lata.
Dinuro niya ito. "Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, hindi ka ba magagalit?" balik tanong niya rito.
"Magagalit syempre! Pero iisipin ko rin iyong mga magagandang bagay na ginawa niya para sa akin. At saka lahat naman nadadaan sa magandang usapan kaya intindihin mo rin siya. Siguradong may dahilan kung bakit niya nagawa iyon," mahabang sabi nito.
"Anong gusto mong palabasin, huh? Na dapat magpasalamat pa ako sa kaniya dahil naging katuwang namin siya ni Mama sa buhay?" sarkastikong tanong niya.
"Oo! At saka wala ka namang dapat ikabahala, e. Dapat nga magpasalamat ka dahil hindi kayo magkadugo na dalawa kaya walang incest na naganap sa pagitan ninyo. Ikaw lang itong nagbibigay ng problema't sakit sa sarili mo. Maghihilom lang 'yang sakit na nararamdaman mo kapag marunong kang makinig at magpatawad," pangaral nito.
Hindi siya nakaimik. Tinungga lang niya ng deretso ang hawak na beer in can.
"Alam ko na kung anong kailangan mo," sabi nito kapagkuwan.
Kunot-noong tinignan niya ito. "Ano?"
"Kailangan mo ng lumabas sa lungga mo. Lumanghap ka naman ng sariwang hangin. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa apat na sulok ng kwarto mo. At saka, tignan mo ang sarili mo sa salamin. Parang ibang tao kasi ang nakikita ko ngayon. Baka maging dahilan pa 'yan para hindi ka na talaga balikan ni Adalius," tudyo nito sa kaniya bandang huli.
Pinatay niya ang video call pagkatapos sabihin iyon ni Harrison saka isinara ang kaniyang laptop. Ilang araw na ba ang lumipas mula ng ikulong niya ang sarili sa apat na sulok ng kaniyang kwarto?
Bumangon siya sa kaniyang kama at pasuray-suray na naglakad patungo sa closet door niya na may nakadikit na full-size mirror para tignan ang kaniyang sarili para makita kung totoo ba ang sinasabi ng kaniyang kaibigan na ibang tao ang nakikita nito. Magulo ang kaniyang buhok. Tumutubo na rin ang balbas at bigote niya. Maitim din ang ilalim ng maga niyang mga mata dahil sa kakaiyak. Malayong-malayo sa Perry na nakasanayan niya.
"Ako ba talaga ang may gawa nito sa sarili ko?" tanong niya sa sarili habang nakatulala sa salamin.
KINABUKASAN, tulad ng sinabi sa kaniya ni Harrison ay inayos niya ang sarili. Maaga siyang bumangon para maligo. Inahit niya ang kaniyang bigote at balbas. Pagkatapos maligo ay mabilis niyang hinanap ang jogging clothes niya at rubber shoes. Naisip kasi niyang mag-jogging para ma-exercise naman ang katawan niya at para na rin makalanghap siya ng sariwang hangin.
Sunod niyang hinanap ang kaniyang cellphone at earphone para habang nagjo-jogging siya ay may music siya. Pagbaba niya ay nagulat pa ang kaniyang ina nang makita siya sa ganoong itsura.
"O?! Mabuti naman at lumabas ka na muna ng kwarto mo?" tanong nito habang nagluluto ng kanilang agahan.
"Magpapahangin lang po sa labas," kiming sagot niya.
Napansin naman niya ang biglang pag-aalala ng kaniyang ina. "Lalabas kang mag-isa?"
"Opo! Wala naman si Harrison dito para samahan ako."
"Nakalimutan ko kasing sabihin sa 'yo na bumalik na naman iyong bali-balita noon tungkol sa mga nawawalang mga lalaki na kinikidnap 'di umano ng mga sindikato. Nag-aalala lang ako para sa 'yo, anak."
"Huwag po kayong mag-alala sa akin, Ma. Kaya ko po ang sarili ko. At saka, sinong gagawa ng krimen sa taas ng sikat ng araw?" giit pa niya.
Tumango ang kaniyang ina. "Basta huwag ka masyadong lalayo, huh!" bilin nito na tinanguan niya saka inilibot ang tingin sa paligid na animoy may hinahanap.
Napansin naman iyon ng kaniyang ina. "Si Adalius ba ang hinahanap mo?"
Umiling siya. "H-hindi, Ma," tanggi niya.
Napailing-iling naman ang kaniyang ina. "Bumalik na siya ng Germany kahapon pa."
Nakaramdam siya ng pagkadismaya. Buong akala niya kasi makikita na niya ito ngayon. Halos araw-araw kasi itong dumadalaw sa bahay nila para kausapin siya pero hindi niya ito hinaharap. Kapag kumakatok ito sa kwarto niya lalo niyang nilalakasan ang music niya para hindi niya marinig ang boses o ang paliwanag nito. Pinanatili niyang sarado ang kaniyang taenga rito.
Pinatay din niya ang kaniyang cellphone para hindi nito siya makontak. Laptop ang gamit niya kagabi nang makausap niya si Harrison.
"Huwag kang mag-alala, anak. Babalik din siya kapag naayos na niya ang problema sa kompaniya nila," dagdag imporma ng kaniyang ina.
"Kahit ho hindi na siya bumalik, wala na akong pakialam sa kaniya," malamig na sabi niya.
"Pero, anak—"
"A-aalis na po ako," paalam niya.
"Hay! Basta bumalik ka kaagad, ha? Nagluto pa naman ako ng paborito mong almusal!" Tumango naman siya saka pinatugtog ang kaniyang music sa cellphone at dali-daling lumabas.
Paglabas niya ay agad niyang nalanghap ang malamig at sariwang simoy ng hangin dahil ala-sais pa lang ng umaga at magandang pagkakataon iyon para simulan ang kaniyang umaga.
NANG makaramdam siya ng pagod at uhaw matapos ang tatlong kilometrong tinakbo niya ay nagdesisyon siyang dumaan muna sa nadaanan niyang convenient store para bumili ng maiinom na malamig na tubig saka nagpahinga sa katapat na parke. Hindi niya alam na sa dami ng kaniyang iniisip ay napalayo ang takbo niya. Tinignan niya ang paligid at wala namang siyang napansin na kakaiba sa paligid kaya baka tsismis lang ang sinabi sa kaniya ng kaniyang ina tungkol sa sindikatong nangdadampot ng mga lalaki.
Pagkaupo niya sa isa sa mga bench doon ay agad na niyang binuksan ang one litter bottled water saka inisang lagok. Nang isang dangkal na lang ang natira sa kaniyang bottled water ay agad niya iyong ibinuhos sa kaniyang mukha na naghatid sa kaniya ng magandang pakiramdam. Matapos iyon ay inayos niya paitaas ang nabasa niyang buhok na animoy isa siyang modelo sa isang komersyal sa telebisyon.
Nang maramdaman niyang masakit na sa balat ang sinag ng araw ay nagdesisyon na siyang magtungo ng sakayan ng bus para umuwi nang bigla na lang may itim na van na huminto sa tapat niya.
Akala niya iyong simpleng Mazda van lang iyon na naghahanap ng pasahero pero nagulat na lamang siya nang basta na lang may ilang mga lalaki na nakabonet ang bumaba doon at mabilis siyang dinampot.
"Sino kayo?! Anong gagawin ninyo sa akin?" tanong niya ng tuluyan siyang maipasok sa loob ng van at mabilis na piniringan ang kaniyang mga mata.
Pumalag-palag siya sa pagkakahawak sa kaniya ng mga hindi niya kilalang mga lalaki. Nanginginig man sa takot ay nagawa pa rin niyang sumigaw at humingi ng tulong. "Pakawalan ninyo ako! Tulong!"
"Tumahimik ka!" bulyaw naman sa kaniya ng lalaking nagtatali ng kamay niya sa likod.
"Saan ninyo ako dadalhin?!" sigaw pa niya.
"Sinabi ng tumahimik ka, eh!"
"Tulong! Tulungan ninyo ako!"
"Talagang inuubos mo ang pasensiya ko, huh?! Mamili ka, tatahimik ka o papuputukin ko ang bungo mo?!" banta nito na kinatulos niya. Naramdaman kasi niya ang malamig na bagay na nakatutok sa sintido niya na alam niyang anumang oras ay maaaring tumapos ng kaniyang buhay.
Mukhang totoo nga ang sinasabi sa kaniya ng kaniyang ina. Na hindi iyon basta chismis lang dahil nasa kamay na siya ngayon ng sindikato. Ito na marahil ang mga kidnappers na kumuha ng mga nawawalang mga lalaki. Sana pala sinunod na lang niya ang sinabi ng kaniyang ina.
At hindi niya alam kung anong klasing sindikato nabibilang ang mga kumidnap sa kaniya ngayon. Bukod kasi sa balita na ibinebenta raw ang mga laman loob ay may ibang sindikato naman na ibinebenta ang mga lalaking nadudukot bilang aliw sa iba't ibang mga dayuhan. Ano ngayon ang kahihintnan niya? Kailangan niyang makaisip ng paraan para makatakas. Hindi siya pwedeng basta na lang maglaho sa mundo ng hindi man lang nakikipag-ayos kay Adalius.
"Relax, pare! Baka makalabit mo ang gantsilyo. Siguradong tayo ang mananagot kay boss niyan," singit ng katabi niyang lalaki na nasa kaliwang bahagi niya.
"Ang ingay, e! Akala mo hindi lalaki!" inis na sabi ng lalaki na nasa kanang bahagi naman niya.
Sino ang gagawa nito sa kaniya? Ano ang kailangan ng mga ito? Wala siyang alam na kaaway para gawan siya ng masama. At lalong wala silang pera kung hihingi ang mga ito ng ransom.
'Baby, where are you? I need you! Please, save me!'
Mga salitang isinisigaw niya sa kaniyang isip.
MAYAMAYA pa ay naramdaman na niyang huminto ang sinasakyan nila. Pagkababa nila ng sasakyan ay rinig niya ang alon at ang malakas na hangin.
"Saan ninyo ba talaga ako dadalhin? Kung hihingi kayo ng ransom, wala kayong makukuha sa akin!"
"Sinabi nang tumahimik ka, e! Baka gusto mong itulak kita sa tubig para mga pating ang makinabang sa 'yo!"
Hindi siya nakaimik at nagpatianod na lang sa mga ito. Ramdam niyang pasakay na sila sa barko dahil narinig na niya ang tunog nito.
Ano nang gagawin niya? Siguradong hinihintay na siya ng kaniyang ina. Paano siya mahahanap ng otoridad? Wala rin silbi kung tatakas siya dahil nasa kalagitnaan siya ng karagatan.
"Boss, nakuha na namin ang taong matagal mo ng ipinapahanap," rinig niyang sabi ng isa sa mga kumidnap sa kaniya saka siya pinaupo sa isang silya at doon itinali.
"Good job! Maaari niyo na kaming iwan," sabi ng isa pang lalaki.
Lalaki? Sino ang lalaking ito?
"S-sino ka? Anong kailangan mo sa 'kin?"
Narinig niya ang lagutok ng sapatos nito, indikasyon na papalapit na ito sa kaniya. Bigla din niyang inilayo ang mukha niya rito nang maramdaman niyang itinaas nito ang baba niya.
"Alam mo bang matagal na kitang gusto makuha, huh?" anito na nagbigay kilabot sa kaniya.
"Huwag mo akong hawakan!" suway niya nang hawakan nito ang balikat niya. Hindi niya gusto ang mga haplos nito. Nandidiri siya.
"Sino ka ba talaga, huh?" Wala talaga siyang ideya kung sino ba ang nasa likod ng pagkidnap sa kaniya. Hindi rin niya makita ang mukha nito dahil sa paniyong nakatakip sa mata niya.
Naramdaman niya ang hininga nito sa kaniyang kaliwang tainga na nagpataas ng kaniyang mga balahibo. "Ako lang naman ang may ari ng isang talent agency kung saan tinanggihan mo."
Talent agency?
Tama! Naalala na niya. Minsan siyang sinabihan ng adviser niya dati na may lalaking nais siyang kunin talent matapos mapanood ang ginawa nilang stage play noon sa kanilang foundation day. Tinanggihan niya iyon dahil hindi siya interesado.
Kung ganoon, ginagamit lamang nito ang talent agency nito para nakuha ang mga lalaking gusto nito. Mabuti na lang at tinanggihan niya iyon. Ngunit hindi rin pala siya makakaligtas dahil napasakamay pa rin siya nito. Ano na ngayon ang gagawin niya? Paano siya tatakas sa ganoong klase ng lugar? Hanggang dito na lang ba siya?
Magsasalita na sana siya nang biglang bumukas-sara ang pinto indikasyon na may pumasok sa kwartong kinalalagyan niya ngayon.
"Alendis! Ano'ng ibig sabihin nito?" rinig niyang sabi ng kapapasok na lalaki.
"Tsk! Hindi ba't may iniutos ako sa 'yo?" tanong nito ngunit hindi iyon sinagot ng bagong dating na lalaki.
"Anong ginagawa niya rito? Hindi ba't nag-usap na tayo tungkol dito na hindi siya madadamay?" giit pa ng galit na galit na lalaki.
Kumunot ang noo niya sa narinig. Sino ang lalaking iyon? Hindi pamilyar sa kaniya ang boses nito pero bakit sa mga salitang binibitawan nito ay tila kilalang-kilala siya?
Naramdaman niyang naglakad ng pabalik-balik sa kaniyang harapan ang tinawag nitong Alendis. "Ano naman sa 'yo ngayon kung hindi ako tumupad sa usapan natin, huh?"
"Wala kang karapatan sa kaniya! Labas siya sa kung anuman ang pagkakautang ko sa 'yo noon!"
"Tsk! Bakit? Hindi ka ba natutuwa na makita ang unico ijo mo, huh, Richard?"
Natulos siya sa kaniyang kinauupuan nang marinig niya ang pangalan na iyon. Hindi siya maaaring magkamali. Ito ang taong kailanman ay hindi na niya nanaisin pang makita muli.