KINABUKASAN ay nagising si Adalius sa sunud-sunod na tunog ng doorbell niya. Tamad na bumangon siya saka napakamot sa ulo. Kasalukuyan kasi niyang nakuha ang tulog niya nang bigla na lang may umistorbo. At dahil wala ng tigil sa pagtunog ang doorbell niya ay nagpasya na siyang tumayo at papungay-pungay na tinungo ang kabinet para kumuha ng damit dahil naka-boxer short lang siya matulog saka dali-daling tinungo ang pinto. Akala niya chamber maid lang pero nanlaki ang kaniyang mga mata nang makilala niya ang kaniyang bisita.
"A-Ate?" gulat na sabi niya
"Pwede ba tayong mag-usap?" seryosong tanong nito.
Bigla niya naalala ang sinabi sa kaniya ng pinsan. "P-pasok ka!" saka niluwagan ang bukas ng pinto.
Pinaupo naman niya ito sa sofa. "May gusto ka bang inumin? Juice, coffee or tea?"
Umiling ito. "Hindi ako nagpunta rito para makiinom. Nagpunta ako rito para makausap ka ng masinsinan. Gusto kong sabihin mo ang lahat kung bakit kailangan mong magtago sa mahabang panahon. At sa dinami-rami ng pwede mong ibigin, anak ko pa talaga? Nag-iisip ka ba? Pamangkin mo ang pinapatos mo!" galit na sabi nito.
Napayuko siya. "H-hindi pa rin pala sinabi ni Perry sa 'yo ang totoo."
"Pupunta ba ako rito kung alam ko ang dahilan? May pagkamatigas ang ulo ng batang iyon kung minsan. Ayaw akong kausapin kaya ikaw ang nilapitan ko," pamimilosopo nito na namiss niya sa kapatid. Palagi kasi siya nitong pinipilosopo noong kabataan nila.
"Alam mo namang hindi talaga tayo magkapatid, hindi ba?" pag-uumpisa niya.
"Pero magkapatid tayo sa papel!" giit pa nito.
"Oo, noong nabubuhay pa sina Mama at Papa pero ngayon hindi na. Napawalang-bisa na iyon matagal nang nakakalipas."
Kumunot ang noo nito. "A-anong ibig mong sabihin?"
"Noong nagkaroon ako ng pagkakataon na makapag-aral sa States ay nalaman ko na hinahanap pala ako ng tunay kong pamilya. Para mapalapit sa kanila at para hindi na maging pabigat sa 'yo ay sumama ako. Hindi ko sinabi sa 'yo dahil may nakapatong pala na malaking halaga sa ulo ko ng mga panahon na iyon sa kagustuhan ng tunay kong ama na makita't makasama na ako. Ayaw kitang mapahamak kaya itinago ko lahat sa inyo. Pati pangalan ko pinabago ko para hindi madikit sa pangalan mo," mahabang paliwanag niya.
"Kaya pala simula no'n hindi ka na nagpakita sa akin sa skype at puro emails na lang ang pinapadala mo?"
"Hmm! Alam ko kasing pareho tayong mahihirapan kaya naisip kong sumama dahil na rin sa pangako ni Dad na tutulungan ka niya sa lahat ng mga gastusin mo sa bahay at sa panganganak mo."
"Ibig mong sabihin, iyong mga pinapadala mo sakin noon ay hindi mo talaga allowance sa school at sahod sa trabaho?"
Tumango siya. "Iyon lang kasi ang tanging paraan na naisip ko para manatiling pribado ang angkan ng mga Meier. Sana mapatawad mo ko."
"Meier? Anong klase silang pamilya para itago ang tunay nilang pagkakakilanlan sa madla at para patungan ka ng malaking halaga sa ulo?"
"Kilala sila sa bansang Germany bilang makapangyarihang negosyante sa Hamburg ngunit nananatiling pribado ang mga tao sa likod niyon. Walang sinuman sa kanila ang nakakakilala sa itsura ng mga Meier. Nakapag-asawa si Dad ng Filipina noon. OFW si Mom at nagtrabaho siya sa mga Meier bilang kasambahay. Umibig sa kaniya si Dad ngunit tutol sina lolo at lola sa pag-iibigan nila kaya pilit silang pinaglayo lalo na nang malaman ng mga ito na ipinagbubuntis na ako ni Mom. At dahil ayaw akong mapahamak ni Mom, lumayo siya't umuwi ng Pilipinas. At dahil ayaw umuwi ni Mom ng disgrasyada sa kaniyang pamilya ay napilitan siyang sa ampunan na lamang tumuloy. At namatay siya nang ipanganak niya ako at doon sa ampunan na iyon naman ako natagpuan nina Mama at Papa natin. At nagpapasalamat ako dahil hindi ninyo ako itinuring na iba sa inyo. Inalalgaan at minahal ninyo ako na parang tunay na pamilya. Kung hindi dahil sa inyo, siguro wala rin ako sa kinatatayuan ko ngayon. At tatanawin kong malaking utang na loob iyon sa inyo," mahabang paliwanag niya.
Hindi unimik ang ate niya. Siguro'y pilit nitong ipinapasok sa isip lahat ng ipinagtapat niya.
"At kung tatanungin mo ako kung bakit ako umibig kay Perry? Simple lang. Simula noong ipanganak mo si Perry ay palagi mo na akong pinapadalhan ng mga litrato at short videos niya, hindi ba?" Tumango ito.
"Natutuwa ako dahil ang cute-cute niya noong baby pa siya. Siya ang naging stress reliever ko kapag pagod o kapag nangungulila ako sa inyo. Akala ko dahil lang sa anak mo siya at pamagkin ko siya kaya aliw na aliw ako sa kaniya. Hanggang sa nagbinata na siya. Hindi ko alam na, iba na pala iyong pagka-obssess ko sa kaniya dahil lumaki siyang masipag, maayos at matalino. Alam kong mali na pagnasaan ko ang sarili kong pamangkin, pero siya talaga ang tintibok ng puso ko. "
"Pinilit kong kalimutan ang nararamdaman ko sa kaniya dahil nga ayaw kong masaktan ka kaya binaling ko sa iba ang atensyon ko. Pero hindi iyon nagwork. Nangibabaw pa rin iyong kagustuhan ko na makita siya ng personal hindi bilang uncle niya kundi bilang si Adalius Meier," dugtong pa niya.
Sa sinabi niyang iyon ay may napagtagni-tagni ang kaniyang kinilalang kapatid. "Kung ganoon sinadya mong ipadala ang European ticket noon para masagawa ang kagustuhan mo?"
Muli siyang tumango. "Noong una, gusto ko lang siya makita kahit sa malayo lang. Pero hindi ko inaasahan na pagtatagpuin kami ng tadhana."
"Nabanggit nga sa akin ni Perry ang tungkol sa pagkikita ninyo noon sa cruise ship. Na iniligtas mo siya sa ilang mga dayuhan doon," anito na tinanguan niya.
"Gusto ko pa sana siya makasama noon pero hindi ko na nagawa dahil nagkaroon ng emergency sa kompaniya kaya umalis ako kinabukasan n'on nang hindi man lang nakakapagpaalam sa kaniya o nakapag-iwan kahit sulat man lang."
"Kaya sinadiya mo rin na sabihin sa akin na sa REI siya magtrabaho, ganoon ba?"
"Hmm! Gusto ko kasi talagang humingi sa kaniya ng pasensiya dahil sa pang-iiwan ko sa kaniya. Pero habang tumatagal ay lalo akong nahuhulog sa kaniya. Hinanap-hanap ko siya. Gusto ko palagi siyang nakikita at nakakasama kaya naman nag-utos ako ng tao para pasukin ang apartment na tinutulyan nito noon sa Hamburg para sa akin na siya tumira."
Napailing-iling ang kapatid niya. Hindi makapaniwala sa mga isiniwalat niya. "Hindi ko akalain na gagawin mo ang lahat, mamapalapit lang sa aking anak."
Hinawakan niya ang kamay nito. "Ate, sana mapatawad mo ako. Mahal ko si Perry. Mahal na mahal ko ang anak mo. Sana hayaan mo akong maging parte ng buhay ninyo. Ipinapangako kong aalagaan ko siya. Pero kung hindi mo na talaga ako mapapatawad, tatanggapin ko. Babalik nalang ako ng Germany at kakalimutan ang lahat sa amin ni Perry."
Naiyak ito. "G-gusto kong magalit sa 'yo. Gusto kong saktan ka dahil sa mga pinaggagagawa mo sa amin ng anak ko. Pero sa kabila n'on mas nangingibabaw sa puso ko ang mga kabutihang ginawa mo para sa amin ni Perry. H-hindi ko kaya na mawalan ng kapatid at lalong hindi ko kakayanin kong pati ang kaligayahan ng aking anak ay mawala."
"K-kung ganoon, p-pinapatawad mo na ako? Na t-tanggap mo na ako bilang nobyo ng anak mo at hindi bilang tiyuhin niya?"
Tumango-tango ito saka hinawakan ang magkabila niyang kamay. "G-gustuhin ko mang magalit hindi ko magawa kasi mas nalulungkot ako kapag nakikita ko ang anak kong miserable. H-hindi ko kasi kinaya kagabi na makita siyang nalulungkot. Wala siyang ibang ginawa kahapon kundi ang umiyak nang umiyak at magkulong magdamag sa kwarto niya, at mas nasasaktan ako dahil do'n. Kaya kung ikaw lang ang taong bubuo at magpapasaya ulit sa kaniya, tatanggapin kita ng buong puso," madamdaming sabi nito kaya namang nakangiting niyakap niya ito.
"Salamat, Ate!" pasasalamat niya.
Hindi niya inaasahan na ganoon lang siya kadali pinatawad ng kapatid, knowing her, kaya siya nitong pisikalin.
Hinaplos-haplos nito ang likod niya. "Basta huwag mo na ulit saktan ang anak ko. Alagaan mo siya at pakamahalin ng buong puso. Dahil kung hindi mo iyon magagawa. Ako mismo ang puputol ng kaligayahan mo!" banta nito.
Humiwalay siya rito at napanguso. "Si ate naman! Sayang naman ang lahi ko kung ipapaputol mo ang makakapagpaligaya sa anak mo— aray!" daing niya ng pingutin siya nito.
Inihampas nito sa kaniya ang throw pillow na nadampot nito sa sofa. "Bastos ka talagang lalaki ka! Huwag mong sabihin na nakuha mo na ang bataan ng anak ko?"
Namula siya sa sinabi nito. Gusto niya sana itanggi ngunit kilala talaga siya ng ate niya. "Walanghiya ka talaga, kawawa naman ang anak ko!" anito saka ang bag naman nito ang inihampas sa kaniya.
"W-wala ate. Wala pang nanyayari sa amin," pagde-deny niya saka hinarang ang kaniyang mga braso para sanggain ang mga hampas nito sa kaniya.
"Anong wala? Namumula ka nga diyan," giit pa nito.
"E, kasi piningot mo ako kaya natural lang na namula ako," pagdadahilan niya pa.
"Naku, naku, huh! Kilala kita, Jul—" natigil ito.
Natawa naman siya sa muntik nitong itawag sa kaniya.
"Kung saan ka mas komporatable, ayos lang sa akin dahil ako pa rin naman ang nag-iisang gwapo mong kapatid."
Inakbayan siya nito. "Kahit kailan talaga mahangin ka pa rin."
Mukhang wala na siyang poproblemahin sa kaniyang kapatid. Si Perry na lang ang susuyuin niya.
"Gusto mo bang sumabay sa akin pauwi?"
"Paano kung hindi niya ako harapin?" nag-aalangang sabi niya.
"At least makikita niyang nag-eeffort ka kaysa magmukmok ka rito."
Tumango naman siya saka dali-daling nagbihis.
"AKYATIN mo na siya sa taas," sabi nito sa kaniya nang makarating sila sa bahay ng kapatid.
Nag-aalangang tinapunan niya ng tingin ang kapatid. Mukhang nakuha naman nito ang nais niyang iparating kaya lumapit ito sa kaniya. "Walang mangyayari kung mag-aalangan ka. Tandaan mo, ikaw ang nagkasala kaya marapat lang na paghirapan mo ang pagsuyo sa kaniya. Sige na, nasa unang pinto sa kanan ang kwarto niya."
Nagpakawala muna siya ng malalim na buntong-hininga bago nagpasyang umakyat. Pagdating niya sa tapat ng pinto nito ay alam niya kaagad na gising ito dahil sa naririnig niyang music nito kaya nagdalawang-isip siya kung kakatok ba siya o hindi. Pero tulad nga ng sinabi sa kaniya ng kapatid, kailangan nilang mag-usap.
Kumatok siya. "Baby, it's me!"
Wala siyang narinig na tugon mula rito.
"C-can we talk?"
Still no response.
He sighed. Since he's awake, he decided to explain behind the door.
"Baby, I know that—"
Hindi niya natuloy ang pagpapaliwanag nang biglang lumakas ang tugtog mula sa loob ng kwarto ng binata.
Napakamot siya sa ulo. "Kaya mo 'to, Adalius," aniya sa sarili.
Kinundisyon niya ang boses. Kailangan mangibabaw ang boses niya sa tugtog.
"Alam kong mara—"
Napangiwi siya nang mas lalong itinodo ni Perry ang tugtong na halos bumasag sa lahat ng salamin sa bahay. Napatingin naman siya sa hagdan nang maramdaman niyang parang may nanunuod doon at nakita niya ang kapatid na nakasilip habang nakatakip ang mga kamay sa tainga habang umiiling. Nakuha naman niya ang nais nitong iparating na huwag ng magpumilit kung ayaw kaya naman bumaba na lang siya. Baka kasi kapag lalo siyang nagpumilit ay baka magiba na ng tuluyan ang buong kabahayan.
"Pagpasensiyahan mo na. Nasaktan, eh," hinging paumanhin ni Pearl habang pinagpapatuloy ang ginagawang pagluto ng tanghalian.
Umupo siyang tulala sa isa sa mga high chair na nasa kusina habang abala sa ginagawa ang kapatid. "Hihintayin ko na lang siguro magtanghali. Siguro naman baba iyon para kumain."
Tumigil sa paghihiwa ng mga sangkap si Pearl. "Hindi rin natin masabi lalo na't alam niyang naririto ka."
Saka ito umupo sa katapat niyang high chair. "Ang batang 'yan, kapag alam niyang siya ang may kasalanan, kung makalambing akala mo bata. Pero kapag ibang tao ang nakagawa sa kaniya ng kasalanan, daig pa ang may deperensiya sa tenga."
"Ano ba ang dapat kong gawin?" tanong niya kapagkuwan.
Bumuntong-hininga ang kapatid. "Just show him how sincere you are."
Tumango siya sa sinabi nito. Tama ito. Hindi siya dapat sumuko kaagad. Kailangan ipakita niya rito na nagsisisi siya sa lahat ng mga nagawa niya at higit sa lahat, kailangan niyang ipakita ang buo niyang sinseridad.