Nakailang hikab na yata ako. Aaminin ko na hindi ako nagkaroon ng matinong tulog kagabi. Marahil dahil sa kaba na magkikita na muli kami ni Kaden pagkatapos ng isang linggo. Oo, isang linggo lang pero pakiramdam ko ay ilang taon kami nagkahiwalay. Paano pa kaya kung dumating na ang panahon na kailangan ko mag-aral sa Canada? Ang lakas ng loob ko na sabihin noon na mabilis lamang ang apat na taon. Ngayon pa lang na isang linggo kami hindi nagkita ay tila napakatagal na. Pinitik ako sa noo ni Lila. "Ano iyan? Inaantok ka?" Taas kilay na pagtatanong niya habang pinagmamasdan ang aking mukha. "Ganyan ka ba ka-excited na makita muli ang mokong mong asawa?" Napanguso ako habang nakahawak sa noo ko na pinitik niya. "Anong pilit ko matulog ay hindi ako nakatulog." Pagpapaliwanag ko sa kanya.

