********
Sabay na naglalakad sina Meygan at Jai papuntang canteen sa loob ng eskwelahan ng araw na iyon. Medyo malungkot pa ang itsura ni Meygan at alam naman ni Jai kung bakit.
"Cheer up, Meygan. Huwag mong masyadong iniisip iyon. Sabi ko naman sa 'yo, hindi mo kailangang mangamba dahil nakakasigurado akong hindi ka—
"It's not what you think. Hindi ko pinoproblema ang manalo rito," mabilis na pigil ni Meygan sa mga sasabihin pa dapat ni Jai.
Nang matitigan ni Jai ang kaibigan ay napalabi ito. Parang bigla naman siyang nakonsensuya.
"Uy, binibiro lang kita ha?" medyo nagi-guilty na turan ni Jai.
Ngumiti lang naman si Meygan at niyakap si Jai.
Hinagod ni Jai ang likod ni Meygan at saka ito hinarap.
"Oy, oy!" naaalarmang sabi ni Jai, "bakit ka na umiiyak?''
Pinahid naman ni Meygan ang mga luha gamit ang likuran ng palad nito, "Naaawa lang kasi ako sa sarili ko at nakakaramdam ng hiya kina Cailer at Jayden," parang mapapahikbing sabi ni Meygan.
Hindi na nagtanong pa si Jai. Sa halip ay inakay na nito si Meygan patungo sa canteen at nang sa ganoon ay mapaupo na rin niya ang kaibigan.
Alam niya naman na kasi kung anong ibig sabihin ng kaibigan.
Naaawa si Meygan sa sarili nito dahil alam niyang matatalo lang ito sa pagtakbo bilang secretary ng SSG ng walang kalaban-laban. Oo, hindi niya gusto ang ideyang tatakbo siya bilang sekretarya, pero ang katotohanang halos lahat ay hindi rin siya gustong manalo, ay medyo masakit sa pakiramdam niya.
Nakakaramdam ng hiya si Meygan kina Jayden at Cailer dahil isipin pa lamang niyang malalaman ng mga ito ang magiging bilang ng mga boto niya ay nanghihina na siya. Sino ba namang admirer ang hindi makakaramdam ng hiya sa ina-admire nila kapag ganoong sitwasyon 'di ba?
********
Nagmamadali ang lakad ni Meygan papuntang library. May kailangan siyang tapusing research na hindi niya nagawa dahil sa sobrang pamomroblema sa sitwasyon niya at sobrang kaiisip kina Jayden at Cailer.
Nangunot ang noo ni Meygan nang pagpasok sa library ay wala ang bantay doon. Hindi na nagdalawang isip si Meygan na dumeretso na lamang sa loob. Importante ang gagawin niya at hindi niya na magagawa pang maghintay bumalik ang bantay doon. Magpapaliwanag na lamang siya mamaya.
Nang mapatapat na siya sa bookshelves na kinalalagyan ng librong pakay niya ay umabot talaga hanggang tenga ang mga ngiti niya. Madali niya lamang natanggal ang libro dahil halos sa tapat niya lamang ito. Laking pasasalamat niya at wala iyon sa pinakataas kung hindi'y mamomroblema pa siya kung paano iyon kukunin. Wala kasi siyang mahihingan ng tulong dahil napakatahimik sa loob. Walang mga estudyante.
Pero napasigaw siya pagkatanggal niya ng libro. Nagulat naman kasi siya ng may makita siyang ulo roon.
Pero hindi lang isang ulo ang nakita niya. Dalawa. Isang lalaki at isang babae na naghahalikan.
"S-sorry..." paghingi niya ng dispensa nang sabay na mapatingin sa kaniya ang dalawa.
Iyong babae ang unang nagsalita, "What the hell are you doing here? Hindi mo ba nabasa sa labas na sarado ang library ngayon?" naniningkit ang mga mata ng babae ng mga oras na iyon at pakiramdam ni Meygan ay lalamunin siya nito ng buong-buo.
Kilala ni Meygan ang babae at maging ang lalaki ay namumukhaan niya rin. Hindi niya lang masyadong matandaan. Pero hindi iyon ang importante sa ngayon. Kasalanan niya. Bakit ba kasi hindi niya nakitang "close" pa pala ang library.
"Sorry ulit," tanging naisagot niya at nagawa pa niyang i-bow ang ulo para ipakitang sincere ang paghingi niya ng paumanhin pero sadya atang minamalas siya ngayon. Tumama kasi ang noo niya sa mga libro pang nandoon dahil sa pag-bow niya. Rinig niya ang pagtawa ng babae na siyang bantay ng library na iyon. Hindi niya alam kung ano ang ekspresyon ng mukha niyong lalaki dahil hindi na siya nag-abala pang tignan at dali-dali na siyang lumabas sa library na iyon. Magkahalong inis at pagkapahiya ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Inis doon sa babae at hiya sa lalaki.
Habang nagmamadali sa paglalakad ng makalabas siya sa library ay saka rumehistro sa utak niya kung sino iyong lalaki.
'Hindi ba't siya 'yong....
..si T-third Lee?'
*********
Nanlalatang ibinagsak ni Meygan ang katawan sa malambot na kutson ng kama ni Jai.
Ngayon niya mas lalong kailangan ang kaibigan. Wala kasi si Jai at nagpaalam naman ito sa dean nila. Isang linggong mawawala si Jai dahil nagka-emergency doon sa kanila.
Nilingon ni Meygan ang bag nito saka binuksan habang nakahiga pa rin siya. Inilabas niya mula roon ang librong kinuha niya sa library. Sa sobrang taranta niya kanina ay hindi niya na nagawang ibalik sa kinalalagyan nito ang libro. Lagot siya kay Lilette. Baka sa inis nito sa kanya i-report nito na basta na lamang niyang kinuha ang libro. Si Lilette iyong babaeng nakita niyang kahalikan ni Third Lee sa library kanina. Si Lilette ay third year at working student sa Wellton Academy. Halos kilala siguro ito ng mga estudyante lalo na ang mga estudyanteng laman talaga lagi ng library.
Napabuntung-hininga siya. Parang madadagdagan na naman ata ang mga may galit sa kanya.
Nagpasya siyang bumangon at kinuha nito ang laptop niya saka pumwesto sa tapat ng tokador nila roon ni Jai. Sumulyap pa siya sa double deck na inookupa nina Anida at Brianna. Wala pa ang dalawa. Sabagay ay desisyon niya namang umuwi agad dahil wala naman si Jai na makakasama niya para mag-ikot-ikot o tumambay pa sa eskwelahan nila.
Binuksan nito ang f*******: niya at nagtungo sa messenger. I-me-message niya lamang si Jai saka matutulog na siya kahit maaga pa. Hindi online si Jai kaya naman itinext na rin niya ito.
Isasara na lamang niya ang laptop ng maalala nito ang ginawa ni Jai na i********: account niya. Napangiti siya. Malaya niyang makikita kung ano ang mga pinopost nina Jayden at Cailer dahil nga naka-follow na siya sa mga ito na kagagawan ni Jai.
Nakita niyang may nag-iisa siyang notification.
Wala siyang inaasahan o ideya kung ano ang laman ng notification. Pero siyempre, bilang account niya iyon, tama lang naman siguro kung titingnan niya kung ano iyon.
Hindi malaman ni Jai kung ano ang itsura niya nang makita kung ano ang notification niya.
Basta't ang pakiramdam niya ng mga sandaling iyon, parang may mga nagkakarerahang mga daga sa sikmura niya at ang lakas ng kabog ng dibdib niya.
Jayden Chi followed you.
'Oh my God! Umpisa na ba ng lovestory ko?' hiyaw ng isipan ni Meygan ng mga sandaling iyon.