AKIRA’S POV
“S-sino ka?” nauutal kong tanong sa lalaking nakatayo sa harapan ko ngayon.
Inilibot ko ang paningin ko sa buong lugar at nahintakutan ako sa lugar na kinatatayuan ko ngayon. Nasa isa akong gubat na wala nang buhay. Lahat ng mga puno ay natutuyo na at ang iba ay wala nang mga dahon o bulaklak. Tanging ang bilog na buwan lang din ang nagbibigay ng liwanag sa buong gubat. Nagkalat rin sa lupa ang mga natuyong dahon at mga maliliit na sanga na galing sa mga puno. Malamig rin ang hangin na dumadampi sa balat ko.
Muli kong ibinalik ang tingin sa lalaking nakatayo sa harapan ko. Nakangisi siya sa akin at ang mga pulang mata niya ay deretsong nakatingin sa akin na animo’y sinusuring mabuti ang buong pagkatao ko. Literal na nanindig ang balahibo ko dahil sa pangingilabot sa presensya ng lalaking ito.
“Ako dapat ang nagtatanong sa ‘yo niyan. Sino ka?” nakangising tanong niya sa akin.
Maski ang boses niya ay nakakatakot. Malagong ito at idagdag pa ang klase ng pagtingin niya sa akin. Sinubukan kong ilibot ang paningin ko upang hanapin si Shin ngunit kaming dalawa lang ng lalaking ito ang nandito.
“Tell me, Akira, sino ka?” pag-ulit ng lalaki sa tanong niya.
Marahan akong napailing. Hindi ko magawang makapagsalita at hindi ko rin magawang igalaw ang katawan ko. Gusto kong tumakbo at layuan ang lalaking ito ngunit may kung anong pwersa ang pumipigil sa akin. Wala akong ibang magawa kundi ang umiyak.
“Hindi mo pa ata nakikilala ang tunay mong pagkatao,” dugtong na sabi pa niya.
Unti-unting lumapit sa akin ang lalaki kaya mas lalong nadagdagan ang takot ko. Ramdam ko na ang panginginig ng buong katawan ko ngunit wala pa rin akong magawa. Hindi ko pa rin maigalaw kahit ang daliri ko.
“Sumama ka sa akin, Akira. Ipapakilala ko kung sino kang talaga.”
Pagkasabi niya noon ay hinawakan niya ako sa leeg ko. Ramdam ko ang pag-angat ko sa lupa at ang paghihirap ko sa paghinga.
“Ilabas mo ang tunay na ikaw, Akira,” galit na sabi sa akin ng lalaki.
“H-huwag! M-maawa ka,” nahihirapan kong sabi.
Mas lalong humigpit ang paghawak niya sa leeg ko at hindi na ako makahinga pa. Inipon ko ang lahat ng lakas ko upang sumigaw.
“Aaahhhhhhhhhh!”
“Akira, wake up!”
Napabalikwas ako ng bangon at agad na inilibot ang paningin sa lugar. Nasa kwarto na ako at nakita ko si Shin sa may tabi ko habang ang tatlong bodyguard at dalawang katulong ay nasa may gilid at dulo ng bed ko. Lahat sila ay may pag-aalalang nakatingin sa akin.
“Are you okay? You’re dreaming,” dugtong na sabi pa sa akin ni Shin.
Napabuntong hininga ako kasabay ng paghawak ko sa kwintas ko. Ramdam ko rin na naliligo na ako sa sarili kong pawis. Daig ko pa ang sumali sa isang karera dahil sa itsura ko ngayon. Agad namang lumapit sa akin ang isang katulong at iniabot sa akin ang isang basong tubig. Tinanggap ko naman iyon at mabilis na ininom.
“Salamat,” mahinang sabi ko sa katulong nang ibalik ko sa kaniya ang baso.
“Basang basa ka ng pawis, you need to change, Akira,” malumanay na sabi sa akin ni Shin.
Napatango naman ako. Tumayo ako sa bed at saka binalingan ang mga tao sa kwarto ko. “I’m okay now. J-just leave me, please. Thank you.”
Isa-isa silang nagsilabasan ng kwarto ko. Nang akmang lalabas na rin si Shin ay agad kong hinawakan ang braso niya. “Just stay here, Shin,” seryosong sabi ko.
“Okay sige. Magpalit ka muna ng damit. Dito lang ako,” seryosong sabi naman niya.
Lumapit ako sa cabinet ko upang kumuha ng pamalit na damit. Pagkatapos ay pumasok ako aagd sa CR para magpalit. Naghilamos muna ako upang mahimasmasan, nakailang ulit pa ako ng paghihilamos bago ako napatitig sa reflection ko sa salamin. Blurred ang paningin ko dahil wala akong suot na salamin sa mata ngunit naaaninag ko ang haggard kong itsura. Well, lagi naman akong haggard pero iba ngayon. Pakiramdam ko ay stressed na stressed ako nang dahil lang sa panaginip ko.
Muli akong napatingin sa kwintas ko at saka nagpakawala ng buntong hininga. Mabuti na lamang pala na nakuha ko na ang kwintas kong ito. Kahit papaano ay mabilis akong na-relax. Simula kasi pagkabata ay ito na talaga ang nagpapakalma sa akin sa lahat ng pagkakataon. Pakiramdam ko kasi ay nandito lang sina Mommy at Daddy kapag suot ko ang kwintas na ito.
Makalipas ang ilang minuto ay napagpasyahan ko nang lumabas ng CR. Pagkakita sa akin ni Shin ay marahan niya akong nginitian.
“Feeling better?” seryosong tanong niya sa akin.
Pabagsak akong umupo sa bed ko. “I think so,” maiksing sagot ko.
“Kung ano man ang napanaginipan mo, o kung anong bumabagabag sa isipan po, pwede mong sabihin sa akin,” sabi naman niya.
Humiga ako sa bed ko habang nakalaylay ang paa sa sahig. Si Shin naman ay nanatiling nakaupo sa bed ko at hindi niya inaalis ang tingin sa akin. Nagpakawala naman ako ng buntong hininga at ipinikit ko ang mga mata ko. Kusang nag-play sa utak ko ang panaginip ko kanina.
“May isang lalaking kulay pula ang mga mata. Nasa isang gubat kami na walang buhay. At pilit niyang tinatanong kung sino raw ako. Nakakatakot siya at pakiramdam ko ay hawak niya ang kalahati ng buhay ko,” mahabang sabi ko.
Narinig ko pa ang malalim na paghinga ni Shin. Hindi ko iminulat ang mga mata ko dahil ayokong makita ang reaksyon niya. Baka isipin na naman niya na nababaliw ako o nagha-hallucinate ako.
“Anong nararamdaman mo ngayon?” narinig kong tanong ni Shin.
Nagpakawala ako ng isang buntong hininga. “Gusto kong isipin na totoo ang nakita ko kanina. At ang panaginip ko, pakiramdam ko ay may malaking connection sa pagkatao ko,” seryosong sabi ko sa kaniya.
“Akira.”
“Shin, hindi na ako bata. At hindi ako ipinanganak kahapon para mapagsinungalingan mo ng ganoon kadali.” Iminulat ko ang mga mata ko at bumangon. Humakbang ako papunta sa may pinto at binuksan iyon.
“Kung wala kang balak na sabihin sa akin ang totoo, pwede ka nang lumabas ng kwarto ko,” walang emosyon kong sabi sa kaniya.
Napahawak naman siya sa may noo niya at nagpakawala ng isang malalim na hininga. “Akira, don’t make it hard for me,” malumanay niyang sabi sa akin.
“Sa tingin mo ba ikaw lang ang nahihirapan, Shin?” mangiyak-ngiyak kong sabi.
Tumayo si Shin at marahang humakbang palabas ng pinto. Nang magkatapat kami ay saka niya ako tiningnan. “Just take some rest Akira. May sinat ka pa.” Iyon lang ang sinabi niya at lumabas na siya ng kwarto ko.
Pabagsak ko namang isinara ang pintuan dahil sa inis na nararamdaman ko sa kaniya. Alam kong may itinatago siya sa akin tungkol sa nakita ko sa condo ko. Kung may Shin na may siyam na buntot ang nag-eexist sa mundo, hindi rin imposible na may mga nilalang na may pulang mga mata. Kaya malakas ang kutob kong totoo ang nakita ko at alam kong alam ni Shin kung anong nilalang iyon.
Ang kailangan ko lang gawin ay kung paano mapapaamin si Shin. Nagawa niyang ipakita sa akin ang tunay niyang anyo, kaya malaki ang pagtataka kung bakit inililihim pa niya sa akin ang tungkol sa nakita ko sa condo. Kahit naman anong gawin niya, involve na ako sa mundo niya dahil alam ko ang pagkatao niya. At ngayon, hindi ko alam kung ano na bang talagang nangyayari. Kailangan kong malaman iyon upang hindi naman ako masyadong inosente. Baka mamaya ay nasa panganib na pala ang buhay ko nang hindi ko alam.
SHIN’S POV
Pagkasara ni Akira ng pinto ng kwarto niya ay napabuntong hininga na lang ako. Nakita ko pa si Louie na nasa may hindi kalayuan. Seryoso siyang nakatingin sa akin kaya wala akong nagawa kundi ang lapitan siya.
“Ayos lang ba si Ms. Akira?” tanong niya sa akin ng makalapit ako.
“Okay naman na siya. Napanaginipan niya lang ang nakita niya sa condo kanina,” sagot ko naman.
Nagpakawala ng buntong hininga si Louie. “Sa tingin ko ay dapat sinabi mo na sa kaniya ang totoo. Tutal naman ay alam na niya ang pagkatao mo,” suhestiyon naman ni Louie.
Marahan akong napailing. “Kapag sinabi ko sa kaniya ang totoo, mas lalo lang siyang mapapahamak. Mas malalagay sa panganib ang buhay niya.”
“Kahit anong gawin natin, Kanji, nasa panganib pa rin ang buhay niya,” makahulugang sabi naman ni Louie.
Napaiwas na lang ako ng tingin dahil hindi ko na alam kung ano pang dapat sabihin. Mahigpit na ipinagbilin sa akin ng Hari at Reyna na huwag ipagsasabi kahit na kanino ang totoo kong pagkatao. Ngunit sa hindi sinasadyang pangyayari, nalaman ito ni Akira. Dumagdag pa ang mga itim na Nine-tailed na hindi ko alam kung paano nila ako natunton at kung paano nila nahanap si Akira. Sinabi naman na namin sa Hari at Reyna ang sitwasyon ngunit hindi no’n mababawasan ang panganib na nakaamba kay Akira.
“At isa pa pala, hindi magawang dagdagan ng Hari ang magbabantay kay Ms. Akira sapagkat magtataka ang mga kalaban kung bakit maraming Nine Tailed Fox ang nakpaligid sa kaniya. Hindi gugustuhin ng Hari at Reyna na matuon ang atensyon ng mga kalaban kay Ms. Akira,” mahabang paliwanag pa ni Louie.
Marahan naman akong napatango. Naiintindihan ko ang katwiran ng Hari at Reyna. Kaya sa ngayon ay wala akong magagawa kundi ang asahan si Louie at ang mga kasama niya sa mahigpit na pagbabantay kay Akira. Malalakas naman ang grupo ni Louie at naniniwala ako na magagampanan nila ang misyon nila kahit na wala akoo.
“Mas kailangan na lang natin talasan at higpitan ang pagbabantay kay Akira. Masyado nang agresibo ang mga kalaban. Kailangan ng mas ibayong pag-iingat,” seryosong sabi ko naman.
Napatango naman si Louie. Lumabas na siya ng bahay upang kausapin ang grupo niya. Ako naman ay pumasok na muna sa kwarto ko upang magpahinga. Pagkahiga ko sa kama ko ay nagpakawala ako ng buntong hininga. Ipinikit ko ang mga mata ko.
“I’m sorry, Akira,” sabi ko kay Akira gamit ang isip ko. Alam kong gising pa siya sa mga oras na ito at alam kong masama pa rin ang loob niya sa akin.
THIRD POV
“Nahanap niyo ba ang pinapahanap ko?” malagong na tanong ng lalaking nakaupo sa kaniyang trono sa mga kalahi niyang inutusan niya.
“Hinalughog po namin ang buong lugar ngunit hindi po namin nakita ang pinapahanap niyo,” magalang na sagot naman sa kaniya ng isa niyang kalahi.
Napakuyom ng kamao ang lalaki. Hindi ito ang inaasahan niyang magiging sagot ng kaniyang mga tauhan. Ang ine-expect niya ay may hatid nang magandang balita ang mga ito. Ngunit kabaligtaran ang nangyari.
“Imposible. Siguradong nandoon lang iyon,” galit niyang sambit.
“Ipagpaumanhin niyo po ngunit ginawa naman po namin ang lahat. Wala po talaga doon angg ipinapahanap niyo,” sabi pa ng isa.
Hindi na napigilan ng lalaki angg emosyon niya. Pinagtatapon niya ang mga bagay na nakapatong sa table sa gilid ng kaniyang inuupuan. Kaniya kaniya namang iwas ang mga kalahi niya sa takot na matamaan sila ng mga lumilipad na bagay.
“Manmanan niyo pa rin sila lalo na si Kanji. Naniniwala akong siya ang maghahatid sa atin sa hinahanap natin,” galit na sambit pa ng lalaki.
Agad namang nagsitanguan ang mga kalahi ng lalaki. Umalis na ang mga ito habang siya ay tumanaw sa kaniyang bintana. Ang tagal nang panahon na pinaghahandaan niya ang pagkakataon na ito. Ang buong akala niya ay matatagpuan na niya ang matagal niyang hinahanap ngunit bigo pa rin siya. Kailangan na niyang mahanap ito sa lalong madaling panahon, dahil palapit na ng palapit ang araw ng itinakda.