34

2090 Words
AKIRA’S POV Isang panibagong araw na naman ang dumating. At hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kinakausap o pinapansin si Shin. Naiinis pa rin kasi ako sa kaniya dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya sinasabi sa akin ang totoo. Alam ko naman kasing may itinatago siya sa akin. Nakasakay kaming dalawa ngayon sa sasakyan na minamaneho ni Tatay Damian. Habang ang sampung bodyguards ay nasa dalawang sasakyan na nasa unahan at hulihan nitong kotse. Hindi na ako nagreklamo pa tungkol sa mga bodyguard ko dahil mabuti na lang din na kasa-kasama ko sila. Napipigilan kasi nila ang pagdumog sa akin ng mga estudyante ng Academy. Pakiramdam ko ay nagkakaroon ako ng privacy sa school dahil takot nang lumapit pa sa akin ang lahat. Maski nga ang mga teachers ay ramdam kong iwas sila sa akin. Pagkarating namin sa school ay tahimik lang akong bumaba ng kotse. As usual ay pinagtitinginan pa rin ako ng lahat ngunit hindi na katulad ng dati na lahat sila ay galit sa akin. Ngayon ay inggit at paghanga na ang nakikita ko sa kanila. Ang iba ay parang kinikilig pa kapag nakikita ako. May narinig pa ako na ako raw ang real-life Cinderella, and seriously, hindi ko makita ang sarili ko sa sinasabi nilang iyon. Ang iba naman ay may bansag na sa akin. Ako raw ang “Heiress” at “Only Princess of Montenegro’s”. At sa totoo lang ay hindi na ako natutuwa sa mga naririnig ko. Parang mas gusto ko pa na tawagin nila akong commoner at nag-iisang scholar dito sa Academy. Pagkapasok namin sa classroom ay naiwan na ang sampung bodyguard sa labas habang kami ni Shin ay magkatabi pa rin sa upuan. Mabuti na lamang na tahimik lang din siya at hindi ako kinukulit. Alam niya siguro na masama pa rin ang loob ko sa kaniya dahil sa nangyari kagabi. Nawala na rin naman ang lagnat ko kaya nagawa kong makapasok na ngayon. At isa pa, hindi ko gugustuhin na magkaroon ng absent lalo na at alam na ng lahat ang pagkatao ko. Ayokong isipin ng lahat na may special treatment sa akin ang school kaya nagagawa ko nang hindi pumasok. “Akira, para sa ‘yo,” nakangiting sabi sa akin ni Miro habang iniaabot niya sa akin ang isang bouquet ng bulaklak at isang box ng chocolate. Tiningnan ko lang iyon dahil wala akong balak na tanggapin iyon. Hindi naman kasi ako nagpapaligaw sa kahit na sino lalo na dito kay Miro. Tiningnan ko rin ang mga kaklase namin na lahat ay nag-aabang sa gagawin ko. At nagsisimula na naman akong mailang dahil hindi ko talaga gusto ang atensyon na ibinibigay sa akin ng lahat. “Hindi pa ba malinaw sa ‘yo Miro? Totoong girlfriend ko na ang gusto mong ligawan,” singit naman sa amin ni Shin. At isa pa pala iyon. Ipinapagpatuloy pa rin namin ni Shin ang pagpapanggap para lamang tigilan ako ni Miro. Ngunit mukhang wala pa ring balak tumigil ang lalaking ito. Hindi ko alam kung anong espiritu ang sumapi sa kaniya at bigla na lamang siyang nagbago. Imposible namang nalaman niya in advance ang tunay kong pagkatao kaya bigla siyang nagbago. Paniguradong nagulat din siya noong ipinakilala akong anak ng may-ari ng Academy. Kaya wala akong maisip na dahilan kung bakit ginagawa niya ito. Imposible namang pagti-trip-an pa rin niya ako dahil alam kong hindi na niya gagawin iyon. Naagaw ni Miro ang atensyon ko dahil sa biglang pagtawa nito. “At sa tingin mo ba ay naniniwala ako?” nakangising tanong pa ni Miro kay Shin. Heto na naman sila sa pagtatalo nila. Ang aga-aga at umiinit lang lalo ang ulo ko. Pareho lang naman silang nakakagulo sa buhay ko at hindi ko alam kung paano sila mapapaalis sa buhay ko. “Wala ka na ba talagang pagrespeto sa buhay ng iba?” hindi makapaniwalang tanong naman ni Shin. “At wala na ba kayong ibang alam na gawin kundi ang magtalo?” pagsingit ko naman sa kanilang dalawa. Parehong natigilan sina Shin at Miro lalo na nang padabog akong naupo sa upuan ko. Halatang natakot ang mga kaklase namin sa ginawa ko sapagkat kaniya-kaniya silang balik sa mga upuan nila. Bigla ring tumahimik sa buong classroom na animo’y may dumaan na isang anghel. “Pasensya ka na, Akira,” seryosong sabi naman sa akin ni Miro. Umalis siya sa harapan ko bitbit pa rin ang mga gusto niyang ibigay sa akin. Pinagmasdan ko lang siya hanggang sa ibinigay na lamang niya ang bulaklak at chocolates sa isa naming kaklaseng babae. Kilig na kilig pa nga ang kaklase namin na ikinailing ko na lang. Samantala, narinig ko naman ang bahagyang pagbuntong hininga ni Shin. Naupo siya sa may tabi ko. “Mukhang tinamaan na talaga sa ‘yo si Miro,” hindi makapaniwalang sambit niya. Hindi ako nagsalita. Nakatingin pa rin ako kay Miro na laglag balikat na naupo sa upuan niya. Nakita ko pa ang bahagyang pagtapik ng mga kaibigan niya sa balikat niya. Nang tumingin sa gawi ko si Miro ay doon lamang ako nag-iwas ng tingin. “Ikaw ba? Ano nang nararamdaman mo para sa kaniya?” tanong pa sa akin ni Shin. Lihim akong napairap. “Huwag mo akong kausapin,” walang emosyon kong sabi sa kaniya. “Akira,” seryosong sabi naman niya. Nagpakawala ako ng buntong hininga. “Saka mo na ako kausapin kapag wala ka nang itinatago sa akin.” Hindi na nakapagsalita pa si Shin dahil dumating na ang teacher namin. Ngunit nakita ko sa peripheral view ko na pabagsak siyang sumandal sa upuan niya at napasabunot pa sa kaniyang buhok. Natapos ang morning class nang maayos. Hindi ako kinulit ni Shin habang nasa klase na ipinagpasalamat ko naman. Simula nang magkaroon ako ng mga bantay, kapag ganitong lunch time na ay mas pinipili ko nang sa room na lang kumain upang makaiwas sa crowd. Bumibili na lang ang isa sa mga bodyguards ng pagkain ko kaya hindi ko na kailangan pang lumabas. “Saan ka pupunta?” mabilis na tanong sa akin ni Shin nang makita niya akong tumayo sa upuan ko. “Mag-CR lang ako sa library. Under maintenance ang CR ng room,” walang emosyon kong sabi. “Sasamahan na kita,” pagprisinta naman niya. Napabuntong hininga naman ako. “No need. Baka naman pwede akong magkaroon ng privacy kahit sa CR man lang?” sabi ko naman. Nagkatinginan ang mga bodyguards ko at si Shin. Hindi ko na hinayaan pang makapagsalita silang lahat at mabilis na lumabas ng classroom. Tumakbo na ako ng mabilis upang hindi nila ako maabutan hanggang sa dinala ako ng mga paa ko sa may likod ng building. Habol hininga akong napaupo sa damuhan nang mapagtanto kong hindi ako nagawang sundan ng mga bodyguard ko at ni Shin. Hindi ko naman ginustong takasan sila ngunit gusto ko lang makahinga. “Akira, don’t do this. Where are you?” narinig kong tanong sa isipan ko ni Shin. Mababakas din sa boses niya na natataranta siya at naiinis. Mas pinili ko na lang na hindi siya sagutin. Ayoko muna siyang kausapin gamit ang isipan ko dahil baka matunton niya kung nasaan ako ngayon. “I’m just thinking about you and now you’re here.” Napalingon ako sa nagsalita at hindi ko napigilan ang mapairap nang makitang si Miro ang nagmamay-ari ng boses. Nasa ilalim siya ng isang puno at kagaya ko ay nakaupo rin siya sa damuhan. Tatayo na sana ako ngunit bigla siyang nagsalita na ikinatigil ko. “Don’t. Kung hindi ka komportable, ako na lang ang aalis,” seryoso niyang sabi. Tiningnan ko siya nang tumayo na siya. Seryoso ang mukha niya at nagsimula na niyang ihakbang ang mga paa niya. Napabuntong hininga naman ako. “Ano ba talagang trip mo Miro?” seryosong tanong ko sa kaniya. Natigil siya sa paghakbang at hindi makapaniwalang tumingin sa akin. Nagtaas naman ako ng kanang kilay kaya agad siyang naupo ulit at saka deretsong tumingin sa akin. “A-anong ibig mong sabihin?” nauutal niyang tanong. “Alam mo na nag tunay kong pagkatao. So definitely, hindi ka nagpapansin sa akin para ikagalit ng lahat ng estudyante ng Academy. So tell me, what is it this time?” walang emosyon kong tanong sa kaniya. Bahagya naman siyang napangiti. “I told you, ginagawa ko ito para patunayan sa ‘yo na seryoso ako,” deretsong sagot niya. Mapakla akong tumawa. “Wala ka na bang ibang dahilan? Iyon sanang mas kapani-paniwala,” sabi ko pa. “Wala naman na akong ibang dahilan pa Akira,” seryosong sabi naman niya. “Akira, please. Tell me where you are,” narinig ko na namang sabi ni Shin sa isipan ko. Napabuntong hininga na lang ako. Hindi ko pa rin pinansin si Shin at hindi ko na rin sinagot pa si Miro. Masyado nang magulo ang isipan ko ngayon at ayoko nang madagdagan pa ang mga iniisip ko. “Paniguradong nag-aalala na sa ‘yo ang mga bodyguard mo, pati na rin si Kanji,” dugtong na sabi pa ni Miro. Tumayo siya at saka bahagyang ngumiti sa akin. “Ibibigay ko na muna ang space na kailangan mo. At sana maisip mo na seryoso ako sa ‘yo. Hanggang sa muli, Akira.” Pagkasabi no’n ni Miro ay humakbang na siya palayo sa akin. Hindi ko naman napigilan ang mapangiti ngunit nang ma-realize ko iyon ay agad akong sumimangot. Bakit ba ako ngumingiti? “You’re here with Miro.” Napatayo ako nang marinig ko ang boses ni Shin. Hindi na iyon sa isipan ko kaya agad na lumingon ako sa pinanggalingan ng boses. Isang dismayadong Shin ang nakita ko at sa likod niya ay si Miro na papalayo na sa amin. Tumawa pa ng mapakla si Shin na ikinatingin ko sa kaniya. “Sana sinabi mo na lang na gusto mong makasama si Miro. Mas maiintindihan ko pa iyon kaysa sa tinakasan mo kami.” “Don’t assume Shin. Alam mong hindi mangyayari ‘yang iniisip mo,” walang emosyon ko namang sabi sa kaniya. Humakbang ako palapit sa kaniya hindi upang mas makausap pa siya kundi ang lampasan siya. Tutal naman ay nasira na rin ang privacy na hinahanap ko. Babalik na lang ako sa classroom. “So ano ‘to? Bakit mo kami tinakasan?” galit na tanong pa sa akin ni Shin. Hinila pa niya ako at pinaharap sa kaniya. “I just want to be alone. That’s all Shin,” galit ko ring sagot sa kaniya. Isa-isa na ring nagsidatingan ang mga bodyguards ko at lahat sila ay bakas ang pag-aalala sa mukha nila. Bigla akong nakaramdam ng guilt dahil sa nagawa ko. “Hindi mo ba talaga alam na masyadong delikado para sa ‘yo ang mag-isa?” sabi naman sa akin ni Shin. Marahas kong binawi ang braso ko sa kaniya at saka mapaklang tumawa. “Paano ko malalaman kung wala ka namang sinasabi?” deretsong tanong ko sa kaniya. Bahagyang natigilan si Shin pero kalaunan ay nakabawi rin siya sa pagkagulat. Umiwas siya ng tingin sa akin at saka nagpakawala ng malalim na hininga. “Na-expose na ang pagkatao mo sa lahat ng estudyante dito Akira. So malamang may magbabanta sa buhay ng kaisa-isang tagapagmana ng mga Montenegro,” seryosong sabi naman niya. Marahan akong napailing. Hindi ko akalain na ganito pala kagaling magsinungaling si Shin. Nagagawa pa rin niyang iligaw ang usapan at nakakaisip agad siya ng mga palusot. “Really?” sarcastic kong tanong sa kaniya. Humakbang na ulit ako palayo sa kaniya dahil mukhang hindi pa rin siya aamin. Bahala na siya sa buhay niya. “Akira, please,” malumanay na sabi sa akin ni Shin. Tumigil ako pero hindi ako humarap sa kaniya. “Buong buhay ko, pakiramdam ko ay isang malaking kasinungalingan ang buhay at pagkatao ko. At noong dumating ka, noong ipinagtapat mo sa akin ang totoong pagkatao mo, natuwa ako kasi sa wakas, may isang nilalang na naging totoo sa akin. Pero katulad ka lang din pala ng mga magulang ko Shin, katulad ka lang nila na marami pa ring nililihim sa akin.” Pinunasan ko ang mga luhang kumawala sa mga mata ko at saka muling humakbang palayo kay Shin. Ayoko nang marinig pa ang mga sasabihin niya kaya mabilis na akong naglakad patungo sa classroom. Pagkarating ko doon ay nakapatong na sa desk ko ang pagkain ko. Nawalan na ako ng gana kaya itinabi ko na muna ito at idinukdok ko ang ulo ko sa desk ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD