INAKI’S POV
“Ayan na ‘yong gustong umagaw sa boyfriend ni Princess Akira!”
“Buti hindi pa siya pinapatalsik sa school.”
“Grabe! Ang kapal ng mukha niya na pumasok pa matapos ang ginawa niyang pang-aakit kay Kanji!”
Napabuntong hininga na lang ako sa mga naririnig ko. Simula kasi nang malaman ng lahat na si Akira ang anak ng mag-asawang Montenegro ay nabaligtad na ang mundo. Ako na ngayon ang pinandidirihan at inaayawan ng lahat. Dahil kasi sa mga pictures namin ni Kanji na kumalat, iniisip nila na sinubukan kong agawin si Kanji kay Akira. Ang tawag na rin nila kay Akira ay princess dahil nga sa totoong pagkatao niya. Lahat ng estudyante ay biglang naging kakampi niya kaya ako ngayon ang lumalabas na masama sa paningin nila.
Pasalamat na lang ako na hindi naman ako sinasaktan ng mga estudyante dito sa Academy. Puro parinig at mga masasamang tingin lang ang ipinupukol nila sa akin at kahit papaano ay nasasanay na ako. Pero kahit gano’n, naaapektuhan pa rin ang pag-aaral ko dahil isa pa si Miro sa iniisip ko. Hindi niya ako kayang mahalin at balita ko ay itinuloy na niya ang panliligaw kay Akira.
Ilang araw na kaming hindi nag-uusap ni Miro dahil sa nangyaring pag-amin ko sa kaniya. Hindi na rin ako sumasabay sa kaniya papasok at papauwi dahil ako na muna ang umiiwas sa kaniya. Dahil baka sakaling ma-miss niya ako at ma-realize niyang ako pala talaga ang mahal niya. Ngunit sa paglipas ng mga araw, ako ang nakakaramdam ng pagka-miss sa kaniya. At hindi ko alam kung gano’n din ang nararamdaman niya.
Si Kanji naman ay ilang araw ko na ring halos hindi nakikita. Hindi rin niya ako kinukulit na bumalik sa mundo namin na ipinagtataka ko naman. Sa tingin ko ay mukhang nabaling na rin ng tuluyan ang atensyon niya kay Akira. Naiintindihan ko naman iyon ngunit minsan ay hindi ko maiwasan na mag-isip kung ano ba talaga ang tunay na dahilan, lalo na at nandito si Louie at ang grupo niya.
“Hindi ka pa rin pala nila tinitigilan.”
Bahagya akong napapitlag nang biglangn magsalita si Leo na kasabay ko na pala sa paglalakad. Saglit ko lang siyang tiningnan at ibinalik ko na rin agad ang atensyon ko sa dinadaanan ko.
“Hindi na nakakapagtaka iyon. Ako ang nakita nilang kapalit ni Akira,” walang emosyon kong sabi sa kaniya.
“Sinabihan na sila ni Miro na tigilan ka na pero mukhang nawalan na rin ng kapangyarihan si Miro sa Academy,” seryosong sabi naman ni Leo.
Mapakla akong napangiti. Nakakatuwa pa rin na may concern pa rin sa akin si Miro, iyon nga lang ay bilang younger sister niya. Nakakainis. Hindi ko tinalikuran ang lahi ko para lamang maging kapatid niya.
“Wala nang nakikinig kay Miro at naaapektuhan siya. Ayaw niya lang iyon ipahalata sa amin lalo na at focus siya sa pagkuha ng tiwala ni Akira,” dugtong na sabi pa ni Leo.
“Talagang seryoso na siya,” malungkot kong sabi.
Narinig ko ang mahinang buntong hininga ni Leo. “Naniniwala kasi siya na nagpapanggap pa rin sina Akira at Kanji kaya ayaw pa niyang sumuko.”
Bahagya naman akong napatawa dahil doon. “Sa tingin ba niya ay nagpapanggap lang talaga? I mean, hindi na kailangan ni Akira ang isang Kanji dahil siya na ang tinitingalang prinsesa ng Academy,” sabi ko naman.
“Exactly. Iyon ang pilit naming ipnaiintindi kay Miro pero hindi na siya nakikinig sa amin. Alam mo naman si Miro, kapag gusto niya, hindi siya titigil hanggang hindi niya ito nakukuha,” sabi naman ni Leo.
Bahagya akong natahimik. How I wish na sana ako na lang ang gusto ni Miro. Paniguradong hindi na siya mahihirapan pa sa akin dahil ang tagal ko na siyang gusto. Ngunit wala, hindi ako ang gusto niya.
“Teka pala, bakit hindi ka na sumasabay sa amin kapag lunch? At hindi ko na rin kayo nakikita ni Miro na magkasama?” pag-iiba naman ng usapan ni Leo.
“Hindi na kami katulad ng dati, Leo. Ang dami nang nagbago,” seryosong sagot ko naman.
Huminto na kami sa paglalakad dahil nandito na kami sa harap ng classroom ko. Sa haba ng napag-usapan namin ay nakarating na kami dito. Kailangan pa tuloy maglakad ulit ni Leo para makarating sa classroom nila.
“Anong mga nagbago?” nagtatakang tanong pa ni Leo.
Kumunot naman ang noo ko. Hindi niya yata alam ang nangyaring pagtatalo namin ni Miro at ang pag-amin ko. Mukhang hindi rin ikinuwento ni Miro ang mga nangyari. Ganoon na yata niya talaga kaayaw sa akin na maski ang pag-amin ko ay inilihim niya sa mga kaibigan niya.
Nginitian ko na lang si Leo. “Dito na ako Leo. See you around na lang,” pagkasabi ko no’n ay mabilis akong pumasok sa classroom ko. Hindi na rin naman ako tinawag pa ni Leo na sa tingin ko ay umalis na rin.
Hindi pa man ako nakakarating sa upuan ko ay may naapakan akong madulas na bagay kaya nag-slide ang paa ko. Dahil sa pagkabigla ay hindi na ako nakahawak pa sa kahit na saan kaya dere-deretso akong bumagsak sa sahig. Isang malakas na tawanan ang pumailanlang sa buong classroom. Nakakabingi iyon at parang gusto ko na lang na biglang maglaho.
“Nararapat lang iyan sa malanding katulad mo!” narinig kong sabi sa akin ng president ng section namin.
“A-anong naging kasalanan ko?” nalilitong tanong ko habang nanatiling nakaupo sa sahig. Hindi ako makatayo agad dahil bigla akong nakaramdam ng panghihina.
“Kasalanan? Noong una, si Prince Miro ang inaakit mo, ngayon naman ay si Kanji na boyfriend ni Princess Akira,” galit na sagot naman ng isa kong kaklase.
Marahan akong napailing. “Hindi ba’t si Akira ang sinasabihan niyo ng ganyan dati? Ang bilis talagang magbago ng pakikitungo ng mga tao,” hindi makapaniwalang sabi ko naman.
“Aba’t sumasagot ka pa!” galit na sambit ng president namin.
Susugurin na sana ako ng president namin ngunit natigilan siya sa kalagitnaan ng paglapit sa akin. Nakatingin siya sa may pinto ng classroom at mababakas sa kaniyang mga mata ang takot. Pati ang iba kong mga kaklase ay natahimik at lahat ay nakatungo. Dahil sa pagtataka ay lumingon ako sa may pintuan at maski ako ay nagulat nang makita si Louie na nakatayo doon.
“Anong kaguluhan ito?” kunot noong tanong niya sa buong section.
“S-si Inaki po. Siya po ang nagbalak na agawin si Mr. Kanji kay Princess Akira,” pagsusumbong naman ng president namin.
Tumingin sa akin si Louie at nginisian niya ako. Halos manigas ako sa kinauupuan ko dahil sa ginawa niyang iyon. Ramdam ko rin ang unti-unting panunumbalik ng lakas ko dahil sa presensya ni Louie. Special bond ng mga Nine-tailed.
“Ms. Inaki, maaari ka bang sumama sa akin?” makahulugang tanong sa akin ni Louie.
Lumapit siya sa akin at inalalayan akong tumayo. Narinig ko pa ang mahihinang tawa ng mga kaklase ko at may isa pang nagsabi na lagot ako sa bodyguard ni Akira.
“Ako na ang bahala kay Ms. Inaki kaya nakikiusap ako sa inyo na huwag niyo na siyang gagalawin pa. Maliwanag ba?” tanong pa ni Louie sa buong section.
“Yes po,” sabay sabay na sagot naman ng lahat.
Marahan akong hinila ni Louie palabas ng classroom. Maaga pa naman kaya may oras pa apra makapag-usap kaming dalawa kahit na hindi ko alam kung anong dapat naming pag-usapan. Simula kasi ng dumating din siya dito sa mundo ng mga tao ay ngayon lang kami nagkalapit ng ganito.
Tahimik lang siya habang naglalakad at hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isipan niya. Hindi ko rin alam kung saan niya ako dadalhin dahil nanatili lang akong nakasunod sa kaniya. Hanggang sa nakarating na kami sa field ng Academy kung saan wala nang estudyante ang naglalaro o nakatambay.
“Ganoon ba talaga ang trato sa ‘yo ng lahat?” panimulang tanong sa akin ni Louie.
Bahagya akong napangiti. “No. Nagsimula lang ‘yan nang malaman nila ang totoong pagkatao ni Akira kasabay ng pagkalat ng mga pictures namin ni Kanji,” seryosong sagot ko naman.
Marahang napatango si Louie kasabay ng pagpapalabas niya ng malalim na paghinga. “Ang dami na talagang nagbago. At marami pang magbabago.”
“What do you mean?” kunot noong tanong ko.
“Alam mo naman siguro na ikaw ang ipinunta ni Kanji dito. Ngunit nagbago na ang lahat. Mas focus na siya ngayon kay Akira lalo na at umaaligid ang mga itim na Nine Tailed Fox,” seryosong sagot naman niya sa akin.
“What?” hindi makapaniwalang tanong ko. Wala naman kasi akong nararamdamang presensya ng mga itim na Nine Tailed.
“Nagsisimula na silang kumilos Inaki,” makahulugang sabi ni Louie sa akin.
“Kaya ba nandito kayo?” tanong ko pa.
Marahang tumango si Louie. That’s explain all. Kaya pala biglaan ang pagdating din nila sa mundo ng mga tao. At kaya pala biglang nawala sa totoong misyon niya si Kanji. Naiintindihan ko na ang lahat at hindi ko maiwasan ang makaramdam ng pangamba at takot. Baka sa mga susunod na araw o buwan ay dumating na ang kinatatakutan naming digmaan sa pagitan ng dalawang lahi.
“Ano nang balak mo, Inaki?” tanong pa sa akin ni Louie.
Mapakla akong napatawa. “Sinabi mo ba sa akin ang mga ‘yan para makumbinsi akong bumalik sa mundo natin?”
“Oo,” deretsong sagot sa akin ni Louie habang nakatitig siya sa mga mata ko. Hindi ko kayang salubungin ang mga tingin niya kaya agad akong nag-iwas ng tingin.
“Ikaw na ba ang pumalit kay Kanji?” ang tanging nasabi ko na lang.
“Hindi naman kita pinipilit Inaki. Desisyon mo pa rin kung anong gusto mong mangyari sa buhay mo. You’re already weak, Inaki. Kaya sana pag-isipan mong mabuti kung worth it pa rin ba ang pag-stay mo sa mundong ito at ang pagtalikod mo sa lahi natin. Worth it pa ba ang taong minahal mo para danasin ang lahat ng paghihirap mo?”
Pagkasabi no’n ni Louie ay iniwan na niya akong mag-isa sa field. Agad ko namang pinunasan ang luhang kumawala sa mga mata ko. Ayoko na munang isipin ang mga sinabi sa akin ni Louie kaya bumalik na lang din ako sa classroom ko.