AKIRA'S POV
"Ms. Akira, ayos lang po ba kayo?" may himig na pag-aalalang tanong sa akin ni Louie nang makasakay ako ng sasakyan.
Ngumiti lang ako sa kaniya at marahang tumango. Hindi ko kasama si Shin ngayon at hindi ko alam kung nasaan siya. Nauna kasi akong lumabas ng classroom at isa pa, hindi kami nagpapansinan simula nang magtalo kami kanina.
"Si Mr. Kanji po ay sa kabilang sasakyan sasabay. Ako po muna ang kasama niyo," dugtong na sabi pa niya.
Muli ay hindi ako nagsalita. Wala na akong pakialam kung saan man sumakay si Shin. Naiinis pa rin ako sa kaniya at sa ngayon ay ayaw ko na muna siyang makita kaya mas mabuti na rin na hindi kami magkasama sa sasakyan ngayon.
Hindi na rin muna si Tatay Damian ang nagmamaneho ng sasakyan dahil mas mabuti raw na isa sa mga bodyguard ko ang pansamantala kong maging driver. Hindi na ako tumutol pa do'n dahil ayaw ko nang makipagtalo pa.
"Louie, daan muna tayo sa supermarket. May bibilhin lang ako," seryosong sabi ko kay Louie.
Alanganing lumingon sa akin si Louie. "Kabilin-bilinan po kasi ni Mr. Kanji na deretso na po tayo sa mansion."
Nagpakawala ako ng buntong hininga. Hindi na ako nagsalita pa at hahayaan ko na lang muna kung anong gusto nila. Wala ako sa mood makipag-usap ngayon.
Itinuon ko na lang ang atensyon ko sa labas ng sasakyan. Nang papasok na kami sa subdivision ay biglang pumreno ang sasakyan. Muntik pa akong mauntog at mabuti na lamang na nakahawak ako agad sa may upuan.
"Anong nangyari?" tanong ko agad sa driver.
Tumingin ako sa labas ng sasakyan at halos manigas ang katawan ko nang makitang may dalawang lalaki ang nakaharang sa harap ng sasakyan. Pula ang mga mata nito at nakangisi sila. At kung hindi ako nagkakamali ay ramdam kong sa akin sila pareho nakatingin.
"Sh*t!" narinig kong bulong ni Louie.
Napatingin ako sa kaniya at nakakuyom ang mga kamao niya. Maski ang driver ng sasakyan ay mahigpit ang pagkakapit niya sa manibela. Lumingon ako sa likuran namin at nakita ko ang si Shin kasama ang iba kong bodyguard na bumaba ng sasakyan.
Marahan akong napailing. Mabilis kong binuksan ang pinto ng sasakyan at agad na bumaba.
"Ms. Akira!" narinig ko pang tawag sa akin ni Louie ngunit hindi ko siya pinansin.
Agad na lumapit sa akin ang tatlong bodyguard at itinago nila ako sa likuran nila. Ngunit pinilit kong makita ang dalawang lalaki at hindi nga ako nagkamali, pula talaga ang mga mata nila.
"Akira, pumasok ka sa loob ng sasakyan," narinig kong sabi ni Shin sa isipan ko.
Tumingin ako sa kaniya at seryoso siyang nakatingin sa akin. Hindi ko siya sinunod at imbes ay tumingin ulit ako sa dalawang lalaki.
"Anong kailangan niyo?" malakas kong tanong sa dalawang lalaki.
Napaatras ako nang parehong tumingin sa akin ang dalawang lalaki. Agad namang lumapit sa akin si Shin at hinawakan ako sa braso ko.
"Akira, sakay!" galit niyang bulong sa akin.
"Totoo ang nakita ko sa condo, Shin!" galit ko namang sabi.
Nagpakawala ng buntong hininga si Shin. "Hindi ito ang tamang oras para pag-usapan ito. Sumakay ka na, please," seryosong sabi naman niya sa akin.
Nagsimula nang humakbang ang dalawang lalaki palayo sa amin. Naalerto naman ang iba ko pang bodyguard at akmang hahabulin sana ang dalawang lalaki. Ngunit bigla silang natigilan na animo'y may pumigil sa kanila na habulin ang dalawa.
Hindi man lang mababakas sa mga mukha ng mga bodyguard ang pagkagulat na makakita ng dalawang lalaking pula ang mga mata. Kaya malakas ang kutob kong kilala nila kung sino ang mga ito.
"Akira, sakay na," pag-ulit sa akin ni Shin.
Hindi na ako nagsalita pa. Tahimik akong sumakay ng sasakyan. Naiwan ang mga bodyguard ko sa labas na tila nag-uusap usap pa. Ipinikit ko na lamang ang mga mata ko hanggang sa maramdaman kong may sumakay na ulit sa sasakyan. Hindi na ako nagmulat pa ng mga mata.
Hanggang sa naramdaman kong huminto na ang sasakyan. Iminulat ko ang mga mata ko at bahagya akong nagulat nang makitang si Shin na pala ang katabi ko. Hindi ko na lang ipinahalata at tahimik na bumaba ng sasakyan.
Agad akong sinalubong ng mga katulong upang kuhanin sa akin ang mga gamit ko. Ang iba ko namang bodyguard ay pumalibot sa mansion at ang iba ay sa may gate pumwesto.
"Akira, let's talk," seryosong sabi sa akin ni Shin.
Tumingin lang ako sa kaniya at pagkatapos ay pumasok na ako sa loob ng bahay. Naramdaman ko namang sumunod sa akin si Shin ngunit hindi ko pa rin siya pinansin. Nagderetso lang ako sa kwarto ko at nang isasara ko na sana ang pinto ay agad na humarang si Shin.
Siya na ang nagsara ng pinto at agad siyang dumeretso sa may bintana upang isara ito. Pagkatapos ay saka siya humarap sa akin.
"Akira," seryosong tawag niya sa akin.
Umiwas ako ng tingin. Tumalikod ako sa kaniya at umupo ako sa bed ko.
"It's fine Shin. Wala naman na akong balak na tanungin ka pa. Just leave me alone," plain kong sabi sa kaniya.
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Shin. "Sila ang mga Black Nine-tailed Fox," seryosong sabi pa niya.
Black Nine-tailed Fox? Ibig bang sabihin no'n ay literal na itim ang mga buntot ng dalawang lalaking iyon?
"Sila ang mortal na kaaway ng lahi namin. Wala silang ibang hinangad kundi ang mga pansarili lamang nilang interes. Delikado sila, Akira."
Nagpakawala ako ng buntong hininga. "Bakit ngayon mo sinasabi sa akin ito?"
Naramdaman ko ang paggalaw ng bed ko kaya alam kong umupo rin dito si Shin. Sa kabilang side siya puwesto kaya magkatalikuran kami ngayon.
"Dahil mas lalo kang mapapahamak dahil sa pagiging curious mo. Kaya wala akong ibang choice kundi ang sabihin na sa 'yo. Agresibo na sila at desperado," sagot naman sa akin ni Shin.
"Bakit sila nandito?" deretsong tanong ko naman.
"Dahil nandito ako. Ako ang target nila. At dahil nakita nila na malapit ako sa 'yo, ikaw ang tina-target nila upang mapasuko ako sa kanila," sagot naman niya sa akin.
Napakunot naman ang noo ko. "Bakit ka nila tina-target?"
"Dahil inu-unti unti nila ang lahi namin. Nakikita nilang mas madali nila akong mapapatay dahil malayo ako sa mundo namin," sagot naman niya.
Mapakla akong napangiti. Sa lahat ng sinabi sa akin ni Shin, parang itong mga sinabi niya ang hindi ko kayang paniwalaan. Naniniwala akong kalaban nila ang mga nakita namin kanina, ngunit ang dahilan kung bakit sila nandito, iyon ang alanganin kong gustong paniwalaan.
Pakiramdam ko ay may mas malalim pang dahilan at ayaw niya lang sabihin sa akin. Hindi ko lang alam kung anong rason niya. Tutal naman ay sinabi na niya sa akin, bakit hindi pa niya nilahat?
"What about those ten bodyguards? Kalahi mo ba sila?" deretso kong tanong.
Hindi agad nakasagot si Shin kaya alam ko na kung anong sagot niya. Hindi naman na ako nagulat pa doon dahil malakas na ang kutob kong mga Nine Tailed Fox din ang mga iyon.
"Akira, hindi ko kayang madamay ka sa g**o ng lahi namin kaya ko ito ginagawa. We need to protect you," seryosong sabi pa niya sa akin.
Marahan akong napatango. "Iwan mo na muna ako, Shin."
"Akira," narinig ko pang tawag niya sa akin.
"Don't worry. Wala akong balak na tumakas. Gusto ko lang munang mapag-isa," seryosong sabi ko naman.
Narinig kong bumuntong hininga si Shin. Tumayo siya at humakbang papunta sa may pinto. Narinig ko na lamang ang pagbukas at pagsara ng pinto.
Pabagsak akong humiga sa bed ko at nagpakawala ng malalim na hininga. Parang biglang sumakit ang ulo ko dahil sa mga nalaman ko. Ipinikit ko na lamang muna ang mga mata ko at pinilit na ikalma ang buong sistema ng katawan ko.