AKIRA’S POV
Nagulat ako nang pagbukas ko ng pinto ng kwarto ko ay nandoon si Shin at agad na tinanong kung saan ako pupunta. Masama ang tingin niya sa akin kaya inirapan ko siya.
“Sa condo, kukuhanin ko ang ibang mga gamit doon pati ang kotse ko,” seryosong sagot ko.
Ngayon kasi talaga dapat kami dadaan doon para kuhanin ang mga gamit namin. Pero dahil sa mga nangyari at dahil sa sakit ko ay nakaligtaan na. Kailangan ko nang makuha ang mga gamit ko dahil karamihan ay nandoon pa sa condo. Pati ang kotse ko ay nandoon pa.
“Pwede namang ipagpabukas na lang iyon. Kailangan mong magpahinga,” seryosong sabi naman ni Shin.
“So pati ikaw, kokontrolin mo na rin ang buhay ko?” pagalit kong tanong sa kaniya.
Bahagya ko siyang itinulak at agad na bumaba. Mabilis naman siyang nakahabol. Hindi ko siya pinansin at nagderetso lang ako sa sasakyan na minamaneho ni Tatay Damian. Ayokong maging rude ngunit simula nang malaman ng lahat ang tunay kong pagkatao, hindi ko na mapigilan ang sarili ko na magsungit.
“Tatay Damian, sa condo po tayo please,” malumanay kong sabi kay Tatay Damian.
Sumakay ako sa sasakyan at isasara ko na sana ang pintuan pero naharangan iyon ni Shin. Sumakay rin siya at tumabi pa sa akin. Hindi na ako nakipagtalo pa dahil sumasakit na naman ang ulo ko. Hinayaan ko na lang na sumama siya pati ang sampung bodyguard. Panigurado naman kasi na hindi nila ako titigilan.
Tahimik lang ako buong biyahe hanggang sa makarating kami sa dati kong condo. Agad akong umakyat sa unit ko at si Shin ay kasu-kasunod ko lang. Parang noong unang beses lang na nagkakilala kami, ganoon siya katahimik.
Pagkabukas ko ng pinto ng unit ko ay nabitawan ko ang bag ko at napahawak ako sa bibig ko. Hinatak ako si Shin na parang pinoprotektahan ako. Ang bilis ng t***k ng puso ko at nanginginig ang mga kamay ko.
Sobrang g**o ng unit ko. Nagkalat ang mga basag na pinggan at baso. Pati ang mga throw pillow ay nagkalat sa sahig. g**o g**o rin ang mga upuan.
Mahigpit na niyakap ako ni Shin dahil hindi ko na napigilan ang mapaiyak. Ngayon lang nangyari sa akin na may nakapasok na magnanakaw sa unit ko. Sa sobrang higpit ng security ng building ay parang imposible na may makapasok sa unit ko. Dahil dito ay mas lalong lumakas ang kutob ko kung bakit biglang nagpadala ng sampung bodyguard ang mga magulang ko.
Dumating ang limang bodyguard ko at pumasok sa unit ko. Naiwan kasi sila sa baba kanina dahil hindi na papayagan ng security na marami akong kasama. Maya-maya pa ay lumabas sila at tumango kay Shin.
“Ano bang kailangan mo sa loob? Ako na ang kukuha,” malambing na sabi sa akin ni Shin.
“Hindi, ako na,” pagsalungat ko naman.
“Sigurado ka?”
Tumango ako at pumasok na sa loob ng unit ko. Medyo kalmado naman na ako kaya makakapasok na ako sa unit ko. Nakasunod lang sa akin si Shin at ang dalawa pang bodyguard ko. Dumeretso ako sa kwarto ko. Nagkalat sa sahig ang mga unan ko at mga teddy bear ko. Pati ang ibang damit ko ay nasa sahig na rin. g**o-g**o ang mga cabinet ko at basag din ang lampshade ko. Bukas din lahat ng cabinet ko at g**o-g**o rin ang bed ko.
“Shin, hintayin mo na lang ako sa labas ng kwarto,” seryosong sabi ko kay Shin.
Hindi na nakipagtalo pa si Shin at lumabas siya ng kwarto ko. Bumuntong hininga ako habang palapit sa isa kong cabinet. Itinulak ko palayo ang cabinet at sa likod nito ay kinuha ko ang kwintas ko. Mabuti na lang pala na naisipan ko itong itago dahil posibleng nakuha na rin ito ng mga magnanakaw.
Bata pa lang ako ay nasa akin na ang kwintas na ito. Regalo sa akin ito nina Mommy at Daddy noong 7th birthday ko. White gold ito na ang pendant ay half moon na may star sa gitna. Yung star ay may diamond na maliit. Noong pumasok ako sa Academy ay tinanggal ko na ito at piniling itago na lang. Ngunit dahil alam na ng lahat ang pagkatao ko ay isusuot ko na ulit ito.
Pagkatapos kong isuot ang kwintas ay inayos ko na rin ang mga damit ko. Inilagay ko ito sa maleta at isinama ko na rin ang iba kong teddy bear. Nakaramdam ako bigla ng hilo dahil siguro sa napagod ako pag-eempake. Naupo muna ako sa bed ko upang magpahinga.
Natigilan ako ng may maaninag akong lalaki sa likod ng kurtina ng bintana ko. Tiningnan ko siya ng mabuti at hindi ko alam kung nag-iilusyon lang ako dahil sa pagkahilo ko. Nakangisi sa akin ang lalaki at kulay pula ang mga mata nito. Bumaba ang tingin niya sa kwintas na suot ko kaya napahawak ako rito.
Hindi ako makapag-isip ng tama kaya tinawag ko si Shin sa isipan ko kahit hindi ako sigurado kung maririnig niya ako.
“Shin!”
Habang hinihintay si Shin ay hindi ko inaalis ang tingin sa lalaki. Mas lalo akong nahihilo pero pinilit kong titigan ang lalaki at kilalanin kung sino siya. Hanggang sa narinig ko ang mga yabag na palapit sa kwarto ko. At hindi ko na nakayanan pa. Everything went black.
KANJI SHIN’S POV
Nag-aayos ako ng mga naiwan kong gamit ng marinig ko sa isipan ko ang sigaw ni Akira. Agad akong nagmadaling tawagin sina Louie at nagtungo kami sa kwarto niya.
Nakita ko si Akira na nakahiga na sa kama niya at walang malay. Nakita ko rin ang itim na Nine Tailed Fox na nakangisi sa amin nang makita kami. Nag-teleport agad siya kaya hindi na namin siya nagawang mahabol. Agad kong nilapitan si Akira.
“Akira.”
Tiningnan ko ang pulso niya at normal lang ito. Pinakiramdaman ko rin kung may ginamit na mahika ang itim na Nine Tailed Fox at nakahinga ako ng maluwag na wala naman. Mas lalo lang uminit ang temperatura ni Akira at mas lalo siyang namutla.
“Shin.” Nagmulat ng mata si Akira at ngumiti ito nang makita ako.
“Sinabi ko naman sa ’yo hindi ba? Kailangan mong magpahinga pero ang tigas pa rin ng ulo mo,” naiinis kong sabi sa kaniya.
Kung hindi nakasigaw sa isipan niya si Akira, baka ngayon ay nasa kamay na siya ng mga Black Nine Tailed Fox. At iyon ang hindi ko matatanggap at hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nangyari iyon.
Sa halip na sagutin ako ni Akira ay tumingin siya sa may bintana. Huminga siya ng malalim at bumangon sa pagkakahiga.
“Alam mo bang may lalaking nakatayo diyan kanina?” kunot noong tanong naman niya.
Lihim kong naikuyom ang mga kamao ko. Nakita niya ang kalaban at alam kong sinadya iyon ng fox na ‘yon.
“Saan?” maang-maangan kong tanong.
“Hindi ako pwedeng magkamali. Nakatayo siya diyan kanina at pula ang mga mata niya,” pagkukwento pa ni Akira. Tumayo pa siya at lumapit sa may bintana niya.
“Nag-iilusyon ka na Akira. Ang kulit mo kasi e. Hindi ka marunong makinig. Tapos ka na bang mag-empake? Umuwi na tayo,” sunod sunod kong sabi.
Hindi na nakipagtalo pa si Akira. Itinuro niya kina Louie ang mga maleta na naglalaman ng kaniyang mga gamit. Nakita nina Louie ang kwintas na suot ni Akira at bahagya pa silang natigilan. Maski ako ay natigilan ng makita ko ang kwintas. Hindi na lang ako nagpahalata kay Akira.
Inalalayan ko si Akira hanggang sa pagbaba ng building. Hindi ko na hinayaan na siya ang magmaneho ng kaniyang sasakyan. Iniutos ko na lang ito kay Louie at pumayag naman siya. Sa sasakyan ni Tatay Damian ulit kami sumakay.
“Ayos ka lang Akira?” tanong ko sa kaniya.
Nagpakawala ng buntong hininga si Akira. “Iniisip ko ‘yong nakita ko kanina. Nakakasiguro akong hindi ko ilusyon ‘yon Shin.”
“Kung totoo ang sinasabi mo, sana nakita ko ‘yong lalaking sinasabi mo,” pagsisinungaling ko pa.
Nakokonsensya ako dahil nagsisinungaling ako kay Akira. Ngunit mas mabuti nang hindi niya alam ang totoo. Para rin naman sa kapakanan niya kaya ako nagsisinungaling sa kaniya.
“Bakit nandoon ka sa kwarto ko? Narinig mo akong sumigaw hindi ba?” sabi pa niya.
“Hindi kita narinig Akira. Pinuntahan lang kita ulit dahil ang tagal mong lumabas ng kwarto mo at nakita kita na nawalan ka ng malay dahil sa sakit mo.”
Ayokong magsinungaling kay Akira pero ayoko ring malaman niya ang tungkol sa mga Black Nine Tailed Fox. Hindi pa ito ang tamang panahon para malaman niya ang lahat.
“No. Sigurado ako sa nakita ko. Pula ang mga mata niya at tiningnan pa niya ang kwintas ko,” pagpupumilit pa niya.
Kinapa ni Akira ang kwintas niya at ipinakita niya ito sa akin. Bumuntong hininga ako at ipinakita ko sa kaniya na hindi na ako natutuwa sa mga sinasabi niya.
“Ilang beses ko bang dapat sabihin sa ’yo na ilusyon mo lang ang nakita mo? Tingnan mo nga ang sarili mo, mas lalo kang pumutla at tumaas na naman ang temperatura mo,” kunwaring naiinis kong sabi sa kaniya.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Akira at hindi na siya nagsalita pa. Tumingin lang siya sa bintana habang nilalaro laro ang kaniyang kwintas. Alam kong hindi naniniwala sa akin si Akira pero kailangan kong panindigan ang sinabi ko para unti-unti niyang makalimutan ang nakita niya kanina.
Pagkabalik namin sa mansion ay agad ko siyang pinaasikaso sa katulong. May nakahanda nang pagkain kaya sabay na kaming naghapunan. Halos hindi pa nakakain si Akira dahil masama ang pakiramdam niya. Pinainom ko na lang siya ng gamot at pinagpahinga na.
Gusto ko sanang manatili sa kwarto niya para mabantayan siya ngunit baka kung anong isipin ng mga katulong. At isa pa, hindi pa gaanong ka-komportable ulit si Akira na kasama ako. Paniguradong ipagtatabuyan niya lang ako.
Lumabas na lamang muna ako ng mansion at naabutan ko si Louie na nagmamasid sa paligid. Agad ko siyang nilapitan at nang makita niya ako ay agad siyang nagbigay galang sa akin.
“Paniguradong alam na nila na dito na kayo tumutuloy kaya nagawa nilang puntahan ang condo niya,” seryosong sabi sa akin ni Louie.
“Kailangan malaman agad ito ng Hari at Reyna,” sabi ko naman.
“Inutusan ko na sina Diego at Mateo. Papunta na sila sa kaharian upang iparating ang balita.”
Napatango naman ako. Sina Louie talaga ang naatasan ng palasyo na bantayan ng mabuti si Akira. Habang ako ay si Inaki pa rin ang nananatiling misyon ko. Ngunit habang nandito ako sa tabi ni Akira, gagawin ko ang lahat para mabantayan at maprotektahan siya. Hindi ako makakapayag na magtagumpay ang mga itim na Nine Tailed Fox sa mga plano nila. Hindi maaaring manaig ang kasamaan at hindi ko hahayaang mapahamak si Akira. Kahit buhay ko pa ang maging kapalit, mapanatili ko lang ang kaligtasan niya.
"Kumusta pala ang pangungumbinsi mo kay Inaki?" seryosong tanong pa sa akin ni Louie.
Nagpakawala ako ng buntong hininga. "Nahihirapan akong kumbinsihin siya dahil ayaw na niyang bumalik sa mundo natin," pag-amin ko naman.
"Mukhang nahumaling na talaga siya sa sinasabi niyang tao na minamahal niya," iiling iling na sabi naman ni Louie.
"Baka umaasa siya na magiging katulad ng love story ng Hari at Reyna ang love story niya," komento ko naman.
Mapaklang tumawa si Louie. "Hindi ba niya nakikita ang paghihirap ng Reyna para lamang maging kaisa natin siya? Gusto ba niyang danasin din ng mahal niya ang lahat ng iyon?" hindi makapaniwalang tanong naman ni Louie.
Nagkibit balikat ako. "Gano'n yata talaga siya magmahal. Wala akong magagawa. Kapag dumating ang oras na kailangan ko nang bumalik sa mundo natin, iiwan ko siya dito at hindi na siya muling makakabalik pa sa mundo natin kahit anong pagmamakaawa pa ang gawin niya. Ginawa ko ang lahat para mailigtas siya. Desisyon na lang niya ang hinihintay ko."
Hindi na nagsalita pa si Louie. Mahirap man para sa amin na mga kalahi niya ang talikuran siya, ngunit iyon ang patakaran sa amin. Sa oras na tuluyang talikuran kami ng isang kalahi, tatalikuran na rin namin siya at hindi na kikilalanin pa bilang isang Nine Tailed Fox.