30

2020 Words
KANJI SHIN’S POV Pagkaalis ni Akira sa opisina ni Tito Alejandro ay kinausap nila ako ng masinsinan. Halos tumagal din ng isang oras ang pag-uusap namin. Pagkatapos naming mag-usap ay pinuntahan nila si Akira para kausapin ulit ito dahil hindi daw sila makakaalis hanggang may samaan sila ng loob ng kanilang anak. Kailangan na raw kasi nilang umalis dahil marami pa silang dapat asikasuhin na naiintindihan ko naman. Sana lang ay maintindihan din ni Akira kung bakit ginagawa ito ng magulang niya. Kung pwede nga lang sana akong makialam pero wala akong karapatan na panghimasukan ang mga desisyon nina Tito at Tita. At alam kong may mas magandang plano sina Tito para sa kapakanan ng anak nila. “Louie.” Tinawag ko sa aking isipan ang mga kasamahan kong Nine Tailed din. “Yes Kanji, nakapalibot na kami sa buong bahay,” seryosong sagot naman niya sa akin. “Sige, balitaan niyo ako agad kapag may naramdaman kayong kakaiba.” Ito ang dahilan kung bakit umuwi ako saglit sa lahi ko ng ilang araw. Napag-alaman kasi ng Hari at Reyna na alam na ng mga Black Nine Tailed kung nasaan ako. Hindi lang sila makasugod sa condo ni Akira dahil mataas ang security ng building. Mataas din naman ang security dito sa mansion pero sabi ng Hari at Reyna ay kailangang mas higpitan ang pagbabantay dahil hindi lang ako ang puntirya ng mga itim na Nine Tailed. Target din nila si Akira kaya kailangan kong protektahan siya. Hindi pwedeng madamay sa ngayon sa g**o namin si Akira. At hindi rin nila pwedeng makuha si Akira dahil baka ito ang maging dahilan ng pagbagsak ng aming lahi. “Kanji, nakausap na namin si Akira. Ikaw na ang bahala sa anak namin,” malumanay na sabi sa akin ni Tita. “Opo Tito, Tita.” “Mag-iingat kayo dito ha. Nasabi ko na kay Akira na dito na kayo titira. Pumunta na lang kayo bukas sa condo para kuhanin ang iba niyo pang gamit,” utos naman sa akin ni Tito. “Masusunod po.” “Mauna na kami.” Umalis na sina Tito at Tita. Pinagmasdan ko naman ang mansion. Masyadong malaki ito kaya siguro ayaw ni Akira na manatili rito. Pero hindi naman kami nag-iisa rito dahil may mga katulong dito. Ngunit marahil ay mas nararamdaman niya ang absence ng mga magulang niya kapag nandito siya. Pinuntahan ko na lang si Akira sa kwarto niya. Kumatok ako ng tatlong beses sa pintuan at agad naman niya itong binuksan. “Ayos ka lang?” tanong ko sa kaniya. “Oo,” maikli niyang sagot sa akin. “Gusto mo bang maggala muna?” nakangiting tanong ko sa kaniya. “Hanggang ngayon, iyan pa rin ang nasa isip mo?” hindi makapaniwalang tanong niya. Ngumiti ulit ako sa kaniya at hinila siya palabas ng kwarto niya. Nakapagpalit na siya ng damit at balik na siya sa dati niyang style. Pabor naman sa akin iyon para hindi na siya pagtinginan ng mga lalaki. “Ako na lang ulit ang magda-drive ng kotse mo,” imbes ay sabi ko na lang. “Nasa parking lot ng condo ang kotse ko,” walang ganang sabi naman niya. “Oo nga pala ano. Sige, magpahatid at sundo na lang tayo kay Tatay Damian.” Hawak ko pa rin ang kamay ni Akira hanggang sa makarating kami sa itim na sasakyan na minamaneho ni Tatay Damian. Sakto naman na katatapos niya lang maglinis ng sasakyan. “Kailangan mong mag-unwind Akira,” nakangiti kong sabi sa kaniya. Hindi siya sumagot at tumingin lang sa labas ng sasakyan. Hindi na lang din ako nagsalita. Ang totoo ay inilayo ko lang siya sa mansion dahil kung tama ang kutob ko, ngayon aatake ang mga itim na Nine Tailed Fox. Ayokong malaman ni Akira na may banta ang buhay niya dahil dagdag pa iyon sa isipin niya. Hanggang maaari ay itatago ko sa kaniya ang tungkol sa mga Black Nine Tailed Fox. Nandoon naman sina Louie na nakapalibot sa buong mansion. At isa pa, mas mabuti na lang din na mamasyal muna kami upang mawala pansamantala ang mga bagay na nagpapalungkot sa kaniya. Buong biyahe ay tahimik lang si Akira na hinayaan ko na lang muna. Pagkarating namin sa mall ay napatigil ako dahil hindi ko alam kung saan ko siya pwedeng dalhin. Saan ba usually nagpupunta ang mga babae kapag nasa mall sila? “So anong plano mo?” inip na tanong ni Akira. “Nagugutom ka na ba? Kumain muna tayo?” sabi ko naman. “Pwede naman. Sa Jollibee na lang tayo kumain. Hindi pala pwede, walang gulay doon,” dere-deretsong sabi naman niya. Marahan akong napailing. Bumalik na naman ang boses niya na walang emosyon pati ang mukha niya. Hindi na ako sanay sa ganitong Akira, nakakapanibago. “May fries doon hindi ba? Iyong gawa sa patatas,” sabi ko naman. “Mayroon naman.” “Ayos na iyon. Tara na,” nakangiting sabi ko at hinila na ulit si Akira. AKIRA’S POV Lihim akong napangiti. Alam ko namang nililibang lang ako ni Shin kaya nagyaya siya rito. Nagkausap naman na ulit kami nina Mommy at Daddy. Maayos na ang pag-uusap namin, iyon nga lang ay hindi na nila ako pinayagan na tumira sa condo. Ibebenta na lang daw nila ang condo at sa mansion na kami titira ni Shin. Siguro ay kailangan ko na lang tanggapin na nabago na ng tuluyan ang buhay ko. Bukas na lang siguro namin kukuhanin ang mga naiwang gamit sa condo pati na rin ang kotse ko. Nawala na kasi ako sa mood na mag-ayos pa. Kung hindi nga lang sa pagpupumilit ni Shin ay hindi ako sasama sa kaniya ngayon. Pumunta na kami sa Jollibee at nag-order ng pagkain. 2-piece chicken spaghetti ang in-order ko habang si Shin ay french fries ang in-order niya. Tahimik lang kaming kumakain pero napapansin ko ang madalas na pagsulyap sa akin ni Shin. “Ang creepy mo Shin, may sasabihin ka ba?” mataray kong tanong sa kaniya. “Gusto ko lang masigurado na ayos ka lang,” seryoso naman niyang sagot. “Mukha ba akong hindi okay?” pagsusungit ko pa sa kaniya. “Tingnan natin. Nalaman ng lahat ang tunay mong pagkatao, nalaman ng magulang mo na nagpapanggap ka, at nawala sa iyo ang condo mo. So okay ka nga lang ba talaga?” dere-deretso niyang sabi. “Alam mo Shin, hindi ko alam kung concern ka ba talaga sa akin o nang-aasar ka lang.” “Well, pwedeng both?” nakangiti niyang tanong sa akin. “Ewan ko sa iyo Shin,” inis kong sabi sa kaniya. “Pero infairness, ang ganda mo kanina. Halos lahat ay natulala sa angking kagandahan mo,” seryosong sabi pa niya. “Hindi mo ba talaga ako titigilan?” may pagbabanta kong tanong sa kaniya. “Seryoso ako. Ang ganda mo kanina. Bagay sa iyo.” Pakiramdam ko ay namula ako sa sinabing iyon ni Shin. Masyadong transparent si Shin. Alam na alam ko kaagad kapag seryoso siya at kapag nagbibiro siya. Uminom na lang ako ng softdrinks dahil pakiramdam ko ay umiinit ang mga pisngi ko. Hindi na ako nagsalita at ipinagpatuloy na lang ang pagkain ko. Hindi na rin naman nangulit pa si Shin dahil nae-enjoy na niya ang french fries niya. Pagkatapos naming kumain ay nag-grocery na rin kami. Tutal naman ay nandito na lang din naman at wala halos stocks sa mansion ay namili na kami. As usual, puro gulay ang nasa push cart ni Shin habang ako naman ay puro chocolates, chips at biscuits. Hindi muna ako namili ng mga karne dahil baka dramahan na naman ako ng kasama ko. Bumili na rin ako ng ibang neccessities. Pagkatapos naming mamili ay nagpasya na kaming magpasundo kay Tatay Damian. Nagyaya na rin kasi bigla si Shin kaya pinagbigyan ko na lang. Pagkarating namin sa bahay ay may sampung lalaki ang sumalubong sa amin. Hindi ko sila kilala at ngayon ko lang sila nakita. “Sino sila Kanji?” seryosong tanong ko. “Hindi ba nabanggit sa iyo ni Tita na nagpadala rin siya ng mga bodyguards para sa iyo?” kunot noong tanong naman niya. “Ano? Bodyguards?” gulat kong sambit. “Magandang hapon Ms. Akira. Ako po si Louie, ang in-charge sa seguridad mo,” bati sa akin ng isa sa sampung lalaki. Nagpakawala ako ng buntong hininga at tumingin ako kay Shin. “Shin, ang OA nang sampung bodyguards,” seryosong sabi ko pa. “Paumanhin Ms. Akira, pero iyon po ang utos sa akin. Kailangan ng sampung tagabantay para sa inyo,” singit pa ni Louie. “Akira, hayaan mo na sila. Sumusunod lang sila sa utos,” sambit ni Shin. “Teka, huwag niyong sabihin na kasama ko rin kayo sa school?” kinakabahan ko namang tanong. Sabay-sabay na tumango ang sampung lalaki. Pati nga si Shin ay nakitango rin. “Wala silang magagawa Akira dahil iyon ang utos sa kanila,” sabi pa ni Shin. Napailing ako. Hindi pwedeng kasa-kasama ko ang sampung ito. “Tatawagan ko si Mommy.” “I doubt you can call her. Baka nasa flight na ang mga magulang mo,” seryosong sabi pa ni Shin. Napatapik na lang ako sa noo ko. Oo nga pala, paniguradong nasa eroplano pa lang ang mga magulang ko. Muli kong tiningnan isa isa ang sampung lalaki na nakahilera sa unahan ko. Matitipuno ang kanilang mga katawan at makikita mo na kayang kaya nilang makipaglaban. Kung sasama sila kapag papasok ako, panigurado na matatakot ang mga kaklase ko. Bumuntong hininga ako at tahimik na pumasok sa bahay. Sinalubong ako ng mga katulong at kinuha nila ang gamit ko. Ito rin ang ayaw ko sa mansion. Lahat sila ay nakatutok sa akin at todo asikaso. Kahit ultimo pagtimpla ng juice ay sila pa ang gumagawa para sa akin. Kung ituring ako sa bahay na ito ay parang prinsesa. Umakyat na lang ako sa kwarto ko. Hindi ko na rin naman maaayos ang mga pinamili ko dahil paniguradong inaayos na iyon ng mga katulong. Hindi rin nila kasi ako hahayaan na gumawa ng mga gawaing bahay dahil iyon ang mahigpit na utos ng magulang ko kapag nandito ako sa mansion. “Akira, ayos ka lang?” Narinig kong tanong ni Shin sa isipan ko. Nakakailang tanong na sa akin si Shin sa maghapon kung ayos lang ba ako. “Ano sa tingin mo?” balik tanong ko sa kaniya. “Masyado mo na namang inii-stress ang sarili mo. Papangit ka niyan.” Pabagsak akong humiga sa kama ko at wala sa sariling tinitigan ang kisame. “Alam mo, hindi ko na talaga alam kung concern ka o nang-aasar ka lang.” “Syempre concern ako dahil ngayon lang kita nakita na ganyan kaproblemado,” seryosong sabi niya sa akin. “Ayos lang ako Shin. Siguro ito lang ang consequence ng pagpapanggap ko,” seryosong sabi ko naman. Ito na siguro ang karma ko dahil sa pagsisinungaling ko sa lahat lalo na sa mga magulang ko. Hindi ko rin naman masisisi sina Mommy. Paniguradong ayaw lang nilang maulit ang p*******t sa akin ng mga estudyante noon. “Huwag mong isipin na parusa ang lahat ng nangyayari sa iyo ngayon. Matagal mo na dapat nararanasan ang ganitong buhay kung sa una pa lang ay nagpakatotoo ka na. Hindi ito isang consequence, itinama lang at inilugar ka kung saan ka talaga nararapat.” Bahagya akong napangiti sa sinabing iyon ni Shin. Medyo gumaan ang pakiramdam ko at nabawasan ang guilt sa puso ko dahil sa sinabi niyang iyon. “Thank you Shin,” sincere kong sabi. “Para saan?” nagtatakang tanong pa niya. “Thank you dahil nandyan ka at lagi mo akong tinatanong kung ayos lang ako. I really appreciate it,” sincere kong sabi sa kaniya. Marahil kung wala si Shin ngayon, baka halos mabaliw na ako sa mga sunod-sunod na nangyari. Baka hanggang ngayon ay umiiyak at nagmumukmok pa rin ako sa kwarto ko. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at hinayaan ang sarili na makatulog ng may ngiti sa mga labi ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD