29

2080 Words
KANJI SHIN’S POV “Kanji, mag-usap tayo.” Hindi na ako nakasagot kay Akira dahil biglang lumapit sa akin si Inaki. Nakita ko pa na nakatingin sa amin si Miro pero ipinasawalang bahala ko na lang iyon. Alam ko namang iniisip niya na may namamagitan sa amin ni Inaki. At humahanap siya ng tyempo para patunayan iyon kay Akira. Tumango ako kay Inaki at sabay na kaming lumabas ng gymnasium. Mahaba-haba pa naman ang programme kaya may oras pa kami para mag-usap. Busy sa panonood ang lahat ng estudyante kaya walang nakapansin sa amin, maliban na lang siguro kay Miro. “Anong kailangan mo?” panimula kong tanong kay Inaki. “Tama ka nga. Si Akira ang anak ng mga Montenegro,” malumanay na sabi niya sa akin. “Gusto mo bang makausap sila? Panigurado ay nakarating na rin sa kanila ang ginawa mo sa anak nila,” seryosong sabi ko naman. Tumingin sa akin si Inaki. “Ikaw ba ang nagsabi sa kanila kaya nalaman nila ang pangbu-bully ng lahat kay Akira?” “Hindi ko magagawa iyon kay Akira. And I’m sure hindi rin ikaw ang nagsabi,” sabi ko naman. Malaki ang tiwala ko kay Inaki na hindi siya ang nagsabi kina Tito sapagkat alam kong hindi niya ipapahamak ang sarili niya. Bumuntong hininga naman si Inaki. “May hinala ako kung sino,” seryosong sabi niya sa akin. “Sino?” kunot noong tanong ko naman. “Si Miro,” maiksing sagot niya. Napailing ako. “Hindi niya alam ang tunay na pagkatao ni Akira.” Sa lahat ng estudyante dito sa Academy, si Miro ang least expected kong tao na magsusumbong sa mga magulang ni Akira. Lalo na at siya ang numero unong nambu-bully noon kay Akira. Kaya mahirap paniwalaan ang sinasabi ni Inaki ngayon. “One time, narinig ko siyang may kausap sa telepono, isang private investigator,” sabi naman ni Inaki. Napaisip ako sa sinabing iyon ni Inaki. Hindi malabo na paimbestigahan ni Miro ang pagkatao ni Akira kung ganoon. Ang imposible ay siya mismo ang magsasabi kina Tito nang katotohanan. “Kahit na malaman ni Miro ang katotohanan, hindi niya ito masasabi sa magulang ni Akira,” sabi ko naman. “Iyon din ang akala ko pero Kanji, desperado na si Miro na patunayan kay Akira na seryoso siya,” mangiyak ngiyak na sabi naman ni Inaki. “What do you mean?” naguguluhan kong tanong. “I think kinausap ni Miro ang mga Montenegro para ipaalam ang panliligaw niya kay Akira,” malungkot na sabi ni Inaki. “Sa tingin mo ay aabot siya sa ganoon?” paninigurado ko naman. Marahang tumango si Inaki. “Ngayon lang nagmahal ng totoo si Miro. At gagawin niya ang lahat para kay Akira.” Naikuyom ko ang mga kamao ko. Sa oras na malaman ni Akira na si Miro ang nasa likod ng lahat ng ito, paniguradong mas lalo siyang magagalit kay Miro. Mas lalo niya lang inilagay sa alanganin ang sarili niya. “Bakit mo pala ito sinasabi sa akin?” biglang tanong ko naman. “Kapag nalaman ni Akira na si Miro ang may pakana ng lahat ng ito, paniguradong magagalit si Akira kay Miro. Mas magkakaroon ng dahilan para itigil na ni Miro ang nararamdaman niya kay Akira.” Napatawa ako sa sinabing iyon ni Inaki. Lumalabas na siya ang desperada at hindi si Miro. Hindi ko akalain na maiisip pa niya iyon. Talaga yatang hindi ko na kilala pa ang Inaki na kaharap ko ngayon. “Aminin mo nga sa akin Inaki, ikaw ang nagsabi sa magulang ni Akira at plano mong ituro si Miro para tuluyang magalit sa kaniya si Akira. Tama ba?” nagdududa kong tanong. “Kanji?” hindi makapaniwalang tanong niya. “Hindi na talaga kita kilala Inaki. Masyado kang mapusok at wala ka nang pakialam kung makasakit ka ng iba. Hindi na healthy ang pagmamahal mo. Obsess ka na,” dere-deretsong sabi ko naman. “Sinabi ko naman sa iyo 'di ba? Gagawin ko ang lahat, mahalin lang ako ni Miro,” umiiyak na sabi naman niya. Ibig sabihin ay si Inaki nga ang nagsabi kina Tito ng totoo. Nagkamali ako na sinabi ko sa kaniya ang totoo. Hindi ko akalain na magagawa niya iyon para lang sa kagustuhan na mapapunta sa kaniya si Miro. At hindi ko alam kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob upang kausapin pa ang mag-asawang Montenegro. “Malala ka na Inaki,” ang tanging nasabi ko na lang. Umiling ako at tinalikuran si Inaki. Pagbalik ko sa gymnasium ay saktong tapos na ang programme. Nakikipag-usap na lang sina Tito sa mga Faculty Members habang si Akira ay tahimik na nakaupo pa rin sa upuan niya. Halos lahat ng estudyante ay nagsialisan na rin dahil wala nang klase ngayong araw. Lumapit ako kay Akira na nakatulala lang. “Ayos ka lang?” seryoso kong tanong. “Saan ka galing?” imbes ay tanong niya. Hindi ako kaagad nakasagot. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba kay Akira ang nalaman ko. Hindi ko kasi alam kung anong magiging reaksyon niya kapag nalaman niyang si Inaki ang may pakana ng lahat. Tinanggal ko na lang ang jacket ko at ipinatong ito sa balikat ni Akira. “Baka nilalamig ka na,” pagdadahilan ko. Hindi naman malamig pero wala kasing manggas ang damit niya at hindi ko gusto ang mga tinging ipinupukol sa kaniya ng ibang estudyante. Mabuti na nga lang at nagkataon na may dala akong jacket ngayon dahil kasama ito sa outfit ko para sa performance ko kanina. “Hindi naman malamig Shin,” pagsalungat pa niya. “Basta isuot mo na lang iyan,” inis na sabi ko sa kaniya. “Bakit nagagalit ka? May nangyari ba?” kunot noong tanong naman niya. “Nakausap ko si Inaki,” maiksing sabi ko. “Kaya pala baritono ka tapos sa akin mo ibubunton ang inis mo,” pairap niyang sabi sa akin. “Akira, kapag ba nalaman mo kung sino ang nagsumbong sa magulang mo, anong gagawin mo?” pag-iiba ko ng usapan. “Hindi ko alam Shin. Sa ngayon, iniisip ko lang ay ang pag-uusap namin nina Mommy mamaya pagkauwi,” problemadong sagot naman niya. Hindi na lang ako nagsalita. Hindi ko na muna sasabihin kay Akira na si Inaki ang may pakana ng lahat. Ayoko munang dagdagan ang mga iniisip niya. Ayokong madagdagan ang problema niya sa ngayon. AKIRA’S POV Pagkatapos mag-usap nina Mommy at ng mga teachers ay umuwi na kami sa mansion. Tahimik lang kami sa sasakyan kaya mas lalo akong nakakaramdam ng kaba. Hindi ko alam kung paano mag-uumpisang magpaliwanag sa kanila. Pagkarating namin sa mansion ay nagderetso agad kami sa opisina ni Daddy. Kasama rin namin si Shin na hindi ko alam kung kinakabahan din ba siya o hindi. “Siguro naman Akira, alam mo na kung bakit kami biglaang napauwi rito sa Pilipinas,” panimula ni Daddy. Kapag sa pangalan na ako tinawag ni Daddy, galit siya sa akin. At kapag sa opisina kami nag-uusap, ibig sabihin ay malaking topic ang pag-uusapan. “Yes Dad, and I’m sorry,” mahinang sabi ko naman pero sapat na para marinig iyon ng mga magulang ko. “Anak, gusto lang namin malaman kung bakit kinailangan mo pang magpanggap. Tiniis mo ang mga p*******t nila maitago lang ang pagkatao mo,” disappointed na sabi ni Mommy. “Hindi namin ipinatayo ang Academy na iyon para maliitin ka lang ng mga estudyante doon. Itinayo namin ang eskwelahan na iyon para maranasan mo ang buhay estudyante na tinitingala at nirerespeto ka,” seryosong sabi naman ni Daddy. “Kailangan pa po bang maging mayaman ako at maging anak niyo ako para galangin ako ng iba?” hindi makapaniwalang tanong ko. “Akira!” galit na saway sa akin ni Daddy. Hindi ko na napigilan ang mapaluha. Minsan ko na lang makasama ang magulang ko at ganito pa ang nangyari. “Mom, Dad, kilala niyo ako. Introvert na tao ako at sa tingin niyo po ba ay magiging komportable ako sa buhay na gusto niyong mangyari sa akin?” hindi ko na napigilang itanong pa. “Akira, gusto naming ibigay sa ‘yo ang buhay prinsesa kaya namin ito ginagawa,” sabi naman ni Mommy. “Pero Mommy, hindi ako isang prinsesa,” deretsong sabi ko naman. “Akira, sumasagot ka na sa amin na magulang mo,” sabi naman ni Daddy. Marahan akong napailing. “Paano ako magiging prinsesa kung walang hari at reyna na gumagabay sa akin?” umiiyak kong sabi. All this time, akala ko ayos lang sa akin na hindi ko kasama lagi ang mga magulang ko. Akala ko ayos lang na mamuhay na mag-isa. Pero sa school na iyon, doon ko naramdaman kung gaano kahirap ang mag-isa. Kapag may mga Family Activites ang school, ako lang ang walang madalang magulang dahil lagi silang busy. Kapag pirmahan ng card, si Tatay Damian or minsan siTito June pa nga ang pumipirma para sa akin. Mabuti pa nga ang iba, mayaman din sila pero hindi sila nawalan ng magulang. Samantalang ako? Kailangan ko pang mamalimos ng oras sa kanila para lang makasama sila. Magulang ko nga ang may-ari ng school pero ni minsan ay hindi ko naramdaman ang pagiging magulang nila habang nasa ako ay nasa school na iyon. “Akira anak.” “Naiintindihan ko naman po na malaki ang kasalanan ko sa inyo, and I’m sorry about that. Hindi ko rin naman ginusto ang magsinungaling. Pero ayoko rin namang ipagyabang na kayo ang magulang ko dahil wala naman kayong oras kapag kinailangan ko kayo sa school. Hindi rin naman ako isang Montenegro para ipagkalat sa kanila na anak ako nina Mr. Alejandro at Mrs. Rachell Montenegro dahil ang apelyido ko ay Reyes. Ayoko nang maraming issue kaya itinago ko na lang ang pagkatao ko katulad ng pagtatago niyo sa akin hindi ba?” mahabang litanya ko. Sikat sina Mommy at Daddy sa buong Pilipinas pero ni minsan ay hindi nila ako ipinakilala bilang anak nila. Alam ng lahat na may anak sila pero hindi nila alam kung sino ito dahil never akong dinala ng magulang ko sa mga interviews at photoshoots nila. Ni pangalan ko ay hindi nila binabanggit sa iba. “Akira, all this time, I thought you’re okay with it. Hindi ba’t ipinaliwanag ko na sa iyo na ipapalipat ko ang pangalan mo kapag nag-18 ka na,” sabi naman ni Daddy. “Magiging hands-on parents na rin po ba kayo sa akin kapag nag-18 na ako?” punong-puno ng hinanakit na tanong ko. Nagkatinginan sina Mommy at Daddy. Hindi ko ginustong maging bastos pero gusto ko lang malaman nila ang saloobin ko. Ang tagal ko nang kinikimkim ang lahat ng ito at gusto ko nang iparating sa kanila iyon. “Akira, tama na.” Hinawakan ni Shin ang braso ko pero iwinasiwas ko iyon kaya napabitaw ulit siya. Umiiyak na rin si Mommy. “Akira, alam kong may hinanakit ka sa amin ng Mommy pero alam kong maiintindihan mo rin ang lahat kung bakit namin ginagawa sa iyo ito. Do you trust us right?” mahinahong sabi naman ni Daddy. “I’m sorry kung nagsinungaling po ako sa inyo. Gusto ko na muna pong magpahinga.” Lumabas ako ng opisina ni Mommy at nagderetso agad ako sa kwarto ko dito sa mansion. Alam kong rude na walk-out-an ang mga magulang ko ngunit hindi ko na kayang magsalita pa. Hindi ko na rin alam kung ano pang sasabihin sa kanila dahil naba-blangko na ang utak ko. Tapos na ang pagpapanggap ko at kailangan ko nang tanggapin ang magiging pakikitungo sa akin ng ibang estudyante. Paniguradong magkakaroon na ako ng special treatment. Hindi ko rin napigilan ang sarili ko na pagsalitaan ang mga magulang ko. Ang plano ko ay hihingi lang ako ng tawad sa kanila pero nadala na ako ng emosyon ko at nasabi sa kanila ang matagal ko nang hinanakit sa kanila. Medyo gumaan naman ang pakiramdam ko pero nandoon pa rin ang guilt sa puso ko. Ayokong mag-open sa kanila dahil ayaw kong sisihin nila ang sarili nila kung bakit ako nagkaganito. Pero nangyari na ang nangyari. Sana lang sa puntong ito ay naintindihan nila ako kung bakit nagawa kong magsinungaling. Masyado nang madaming nangyari ngayong araw. Pagod na pagod ang utak ko kaya pabagsak akong humiga sa kama ko. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko. Sana paggising ko ay maayos na ang lahat. Or sana panaginip na lang ito lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD