28

2006 Words
KANJI SHIN’S POV Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang programme. Kinausap ko si Akira gamit ang isip ko at tinanong ko kung ayos lang siya. Medyo nakonsensya kasi ako dahil iniwan ko siya doon na problemado. Kinailangan ko kasing pumunta rito para sa final meeting namin para sa performance mamaya. Hindi kasi ito ang schedule nang pagbisita ng mga Montenegro kaya talaga namang nataranta na ang lahat. Maski ako ay kinakabahan hindi dahil sa performance ko kundi dahil sa mabubunyag na sa lahat ang tunay na pagkatao ni Akira. Panigurado ay alam na rin nina Tita ang pagpapanggap ng kanilang anak. Hindi naman ako natatakot na mapagalitan nila, ang ikinatatakot ko ay ang pagbabago sa buhay ni Akira at hindi ko alam kung handa ba siya doon. “Good morning students!” Lahat ay napatingin sa stage. Nakatayo doon ang principal ng Kitsune Academy na si Mr. June Martinez. Sa pinakaunahan sa harap ng stage ay mayroong apat na upuan at sa pangalawang row ay mga upuan ng Faculty members at sa pangatlong row ay kaming mga estudyante na magpeperform. Nakagayak din ang stage at napapalamutian ng iba’t ibang kulay ng bulaklak. Maayos ang lahat at hindi mahahalata na biglaan lang ang pagsasaayos ng lahat. “Alam kong ang lahat sa atin ay nabigla dahil sa pagdating ng pamilya Montenegro. Supposedly ay sa Friday pa sila bibisita pero dahil masyado silang busy at ngayon lang ang pagkakataon na makabisita sila kaya ngayong araw na natin isinagawa ang pagdiriwang na ito. Hindi ko na patatagalin pa ito. So students, let us welcome Mr. Alejandro and Mrs. Rachell Montenegro!” Napuno nang palakpakan ang buong gymnasium. Lumabas sina Tito at Tita pero hindi nila kasama si Akira na ipinagtaka ko naman. Hindi kaya tinakasan niya ang mga magulang niya? Pero imposible dahil hindi niya magagawa iyon. “Akira, nasaan ka?” pagtawag ko kay Akira sa isipan ko. Wala sana akong balak na ipaalam kay Akira ang kakayahan ko na kausapin siya sa isipan ko ngunit sa pagkakataong ito ay alam kong kailangan niya ako. “Nandito ako sa backstage, hindi ako pinalabas ni Mommy dahil mamaya raw nila ako ipapakilala,” sagot naman niya sa akin. Mababakas sa boses niya ang pagkabalisa at pagkataranta. Tumingin ako sa stage at kasalukuyang nasa unahan si Mr. Alejandro at mag-uumpisa na siyang magsalita. Ramdam ko ang tensyon sa gymnasium dahil sa seryosong aura ni Tito. Kung hindi ko nga lang siguro siya kilala ay maski ako, matatakot sa kaniya. “Good morning students!” malkas na bati niya. “Good morning Mr. Montenegro!” sabay sabay na sabi ng mga estudyante. “Lahat sa inyo ay hindi kami kilala dahil pribadong pamilya ang mayroon kami. Maaaring kilala niyo kami sa mga pangalan pero hindi sa itsura. Biglaan ang pagbisita namin sa Academy dahil may nakarating sa amin na hindi magandang balita.” Napuno ng bulungan ang buong gymnasium. Nakatingin lang ako kay Tito dahil sa sobrang seryoso niya. Kinakabahan ako pero parang alam ko na kung anong masamang balita ang sinasabi niya. Ito siguro ang dahilan kung bakit hindi na sila nakapaghintay pa ng Friday. “Nakarating sa amin ang pagpapanggap ng aming kaisa-isang anak bilang isang mahirap at scholar ng school na ito.” Mas lalong napuno ng bulungan ang buong lugar. Iisa lang naman kasi ang kilala ng lahat bilang scholar at mahirap na estudyante dito sa Academy. “Akira?” nagtatakang tanong ko kay Akira. “Yes Shin, alam na nila lahat at hindi ko alam kung paano nila nalaman,” malungkot na sabi ni Akira. Muli akong tumingin sa stage at nakita ko ang iritableng mukha ni Tito. Alam kong galit na siya sa pagkakataong ito at walang pwedeng sumalungat sa lahat ng sasabihin niya. “Wala namang problema sa amin ang magpanggap ang aming anak. Ang hindi lang namin matanggap ay ang pangbu-bully ng halos lahat ng estudyante sa kaniya.” Mas lalong lumakas ang bulungan pero agad silang natahimik nang itinaas ni Tito ang kaniyang kamay. Lahat ay natatakot kay Tito dahil sa boses pa lang niya ay maawtoridad na. Halos lahat ng estudyante ay agad na nagsitunguhan at hindi makatingin ng deretso kay Tito. Marahil ay na-realize na nila kung sino ang tinutukoy na anak ni Tito. “I want to introduce to you, our one and only daughter, Akira Reyes.” Nahawi ang kurtinang nasa backstage at bumungad si Akira na nakatungo. Inakay siya ni Mr. June at inihatid sa tabi ni Tito Alejandro. Lahat ay natulala sa itsura ngayon ni Akira. Wala siyang salamin at nakaayos ang mukha at buhok niya. Naka-dress din siya na ngayon ko lang nakita. Nangibabaw ang ganda ni Akira na maski ako ay bahagyang natulala. “Ipinakikilala ko sa inyo ang aking anak na si Akira at ngayong kilala niyo na siya ay naniniwala akong hinding hindi niyo na siya sasaktan. Nasa prestihiyosong paaralan kayo at mga respetadong personalidad ang mga magulang niyo pero nagagawa niyong mang-apak ng kapwa niyo. I am very disappointed with all of you students. Sana ay maging aral sa inyo ito. Huwag na huwag kayong manghahamak ng inyong kapwa lalo na kung hindi niyo kilala ang mga ito. Kayo ang kumakatawan sa paaralang ito kaya sana ay mapatunayan niyo na karapat dapat kayong tawaging estudyante ng Kitsune Academy. Sa oras na may mabalitaan pa ako na nananakit kayo ng ibang estudyante, ako na ang makakaharap niyo. Ginagawa ko ito hindi lang para sa anak ko, kundi para rin sa mga estudyanteng magiging scholar ng school na ito. Magkakaiba kayo ng estado sa buhay pero pagdating sa eskwelahan na ito, pare-pareho lang kayong mga estudyante. Nagkakaintindihan ba tayo students?” “Yes Mr. Montenegro.” Tumingin ako kay Miro na ilang upuan lang ang agwat sa akin. Inaasahan ko na magugulat siya pero kalmado lang siya na animo ay alam na mangyayari ang mga ito. Nakatitig lang siya kay Akira na nakaupo na sa upuan niya katabi ang mga magulang niya. “Okay students, I believed you learned your lessons. Kaya umpisahan na nating ipakita sa pamilya Montenegro ang iba’t ibang talento ng Kitsune Academy,” sabi ni Mr. June. Nag-umpisa na ang mga hinandang performance ng mga estudyante. Tumingin ako kay Akira na nanonood sa unahan and I tried to talk to her. “Okay ka lang?” nag-aalalang tanong ko. “I think so,” malumanay na sagot naman niya. “Sa tingin mo, sino ang nagsabi sa kanila?” seryosong tanong ko naman. “Hindi ko alam Shin. Imposibleng si Tito June dahil maski siya ay nagulat na alam nina Mommy.” Tumingin ako kay Inaki na nasa bandang likod ng gymnasium. Kahit alam na niya ang pagkatao ni Akira, imposibleng siya ang nagsabi dahil wala siyang lakas ng loob na kausapin sina Tito. Sino kaya ang posibleng nagsabi sa kanila? “Isa sa mga nandito ang nakakaalam ng tunay mong pagkatao,” seryosong sabi ko pa. “Hindi kaya ikaw Shin ang nagsabi kina Mommy?” nagdududang tanong pa niya. “Sabi ko naman sa iyo, wala akong balak na isumbong ka.” “I know. Kaya malaking palaisipan sa akin ngayon kung sino ang nagsabi kina Mommy.” Hindi na ako nakasagot kay Akira dahil ako na ang susunod na magpeperform. Pumunta ako sa stage at inayos ang gitara ko. Tumingin ako kay Akira na kasalukuyang nakatingin din sa akin. Ang ganda ni Akira ngayon at natutulala pa rin ako kapag napapatingin ako sa kaniya. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit tinatago niya ang itsura niya sa likod ng mga klase ng pananamit niya. AKIRA’S POV Buong pag-perform ng mga estudyante ay doon lang ako nakatingin. Hindi ko kasi kayang tingnan ang buong crowd na sa tingin ko ay sa akin lahat nakatingin. Ilang saglit pa ay nasa unahan na si Shin at inaayos niya ang gitara niya. Tumingin pa siya sa akin at bahagyang napangiti. “Sa tingin ko ay close na kayong dalawa ni Kanji,“ bulong sa akin ni Mommy. “Sakto lang po Mommy,” sagot ko naman. Ayoko nang masyadong mag-open kay Mommy dahil baka bigyan niya ng ibang meaning ang pagiging magkaibigan namin ni Shin. “Para sa iyo ang kantang ito Akira.” Natigilan ako sa sinabi ni Shin sa isip ko. Hindi na siya nakatingin sa akin kaya hindi ko makita kung seryoso ba siya. Mukhang pinagtitripan niya lang ako. Hanggang sa nagsimula na siyang mag-strum at kumanta. Pagkatapos kumanta ni Shin ay nagpalakpakan ang mga estudyante. Hindi rin kasi maitatanggi na maganda ang boses niya. Idagdag pa na magaling siyang tumugtog ng gitara at pogi rin siya. Paniguradong nadagdagan ang mga babaeng humahanga sa kaniya. “Hindi ko akalain na magaling kumanta at maggitara si Shin,” sambit ni Mommy. “Hindi niyo pa po ba siya naririnig na tumugtog?” tanong ko naman. “Hindi anak. Mahiyain kasi iyang si Kanji. Simula pagkabata ay mahiyain na iyan.” Hindi ko alam kung maiinggit ba ako. Pakiramdam ko kasi ay nasubaybayan ni Mommy ang paglaki ni Shin. Hindi kaya kapatid ko siya? No. Imposible. Kasi kung kapatid ko siya, edi sana may siyam na buntot na rin ako. Sana pala ay hindi na lang ako nagtanong pa. “Mukhang nasubaybayan niyo ang paglaki niya Mommy.” Pinilit kong pasiglahin ang boses ko dahil ayokong maging bitter sa kaniya. Pinilit ko ring ngumiti upang ipakita na ayos lang ako. Parang biglang natigilan naman si Mommy. At noong makabawi siya ay ngumiti siya sa akin. “Hindi naman anak. Kapag kasi nagkikita kami ng magulang ni Kanji, wala silang ibang bukambibig kundi ang anak nilang si Kanji.” Tumango at ngumiti na lang ako kay Mommy. Ibinalik ko na lang ang tingin ko sa harap ng stage. At kasalukuyang si Miro na ang tumutugtog. Buong pagkanta ata ni Miro ay sa akin lang siya nakatingin. Maski si Mommy ay nakahalata na rin ata dahil hinawakan niya ang kamay ko at marahang pinisil. Paniguradong mahaba habang usapan ang mangyayari mamaya pagka-uwi namin sa bahay. “I think I love you better now. Ayos!” biglang sabi ni Shin sa isip ko. Ginaya pa niya ang huling lyrics ng kinanta ni Miro.Tumingin ako sa kaniya sa likuran at nakita ko siyang nakasimangot. Lihim akong napangiti dahil sa itsura niya, para siyang batang naagawan ng candy. “Anong problema mo?” Ayos din pala na may ganitong kakayahan si Shin. Hindi na namin kailangang mag-usap ng malapitan dahil nagagawa niya akong kausapin gamit ang mga isip namin. Hindi na kailangan ng cellphone o kahit na anong gadgets. Kapag kaya nasa mundo na niya si Shin, magagawa pa rinn kaya niya akong kausapin sa isipan ko? “Pasikat din si Miro ano. Ang lakas ng loob niyang kantahan ka sa harap ng mga magulang mo,” inis na sabi pa ni Shin. “Wala naman siyang sinabi na para sa akin ang kanta niya,” pagdepensa ko naman kahit wala akong ginawang mali. “Pero buong pagkanta niya, sa iyo lang siya nakatingin,” giit pa ni Shin. “Nakokonsensya lang iyon dahil nalaman niyang ako ang anak ng may-ari ng Academy,” palusot ko pa. Ayokong isipin na para sa akin talaga ang kanta ni Miro dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ako naniniwala sa mga sinasabi niya sa akin. “Sa tingin mo iyon lang ang dahilan? Mukhang hindi nga siya nagulat ng makita ka niya sa stage kanina,” seryosong sabi pa ni Shin. “Nagulat iyon panigurado ako. Hindi lang siguro siya nagpahalata dahil sa ego niya.” Hindi na sumagot si Shin kaya muli akong tumingin sa kaniya. Kaya pala hindi na siya nakasagot dahil kausap niya si Inaki. Ibinalik ko na lang ang tingin ko sa unahan at nag-focus na lang sa mga estudyanteng nagpe-perform. Hindi dapat ako naaapektuhan kung makita man silang magkausap dahil in the first place, si Inaki naman ang dahilan kung bakit nandito si Shin. At paniguradong si Inaki rin ang magiging dahilan para bumalik si Shin sa mundo nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD