AKIRA’S POV
“First date as a couple?” nakangising tanong sa amin ni Miro.
Tiningnan ko si Shin, nakatingin siya kay Inaki habang si Inaki ay sa akin naman nakatingin. Hindi ko masalubong ang tingin ni Inaki dahil pakiramdam ko ay aawayin niya rin ako. Sinubukan kong hawakan ang kamay ni Shin pero inilayo niya ang kamay niya. Medyo nakaramdam ako ng paninikip sa dibdib ko pero hindi ko na lang ininda iyon. Pakiramdam ko kasi ay nabalewala ako dahil sa inasta ni Shin. At hindi ko maintindihan ang sarili ko dahil para akong maiiyak. Marahil ay nai-stress ako sa sitwasyon ko ngayon.
“I guess, ang liit talaga ng mundo para magkita pa tayo dito,” sabi ni Shin.
“Bakit ba naman kasi sa dinami dami nang lugar, dito niyo pa naisipang pumunta?” Bumaling naman sa akin si Miro. ”Akira, anong pakiramdam na nakakarating ka na ngayon sa mga ganitong klaseng lugar? Sa tingin mo ba ay mahal ka talaga nang kasama mo? O baka naiisip mo lang ‘yan dahil nadadala ka niya sa mga ganitong lugar? Tell me Akira, is that your definition of love?”
Napatingin ako kay Miro dahil sa sinabi niyang iyon. Hindi ko maintindihan ang pinupunto niya. Gustong gusto kong mag-react sa sinabi niya pero mas pinili ko na lang manahimik dahil ayoko nang lumaki pa ang g**o. Pero nagulat ako sa ginawa ni Shin. Inilapit niya ako sa kaniya at inakbayan ako. Hindi ko magawang makapalag dahil ang higpit ng kapit niya sa balikat ko. Hindi ko rin alam kung namalik-mata lang ba ako pero nakita ko si Inaki na ngumisi.
“Hinay lang pare, girlfriend ko ang kausap mo,” seryosong sabi pa ni Shin.
Ramdam ko sa boses ni Shin ang galit niya. Napapahigpit na rin ang kapit niya sa balikat ko. Medyo nasasaktan na ako kaya pasimple kong siniko si Shin. Mukhang na-gets naman niya iyon dahil lumuwag ang pagkaka-akbay niya sa akin.
“Girlfriend? As far as I know, pinaglalaruan mo lang siya ‘di ba?” nakangising tanong naman ni Miro.
Pinaglalaruan? Anong sinasabi nitong si Miro? Tumingin ako kay Shin at nakangisi na rin siya kay Miro. Ito ba ang pinag-usapan nila noong time na sinuntok siya ni Miro? Hindi kasi sinasabi sa akin ni Shin kung anong pinag-usapan nila nang time na ‘yon. Na-curious ako bigla kung anong mga sinabi niya kay Miro nang oras na iyon. Pakiramdam ko ay may hindi magandang sinabi itong si Shin kaya galit na galit itong si Miro.
“Ano bang pakialam mo kay Akira? Bakit ka ba nangingialam sa amin? Naiinis ka ba dahil hindi mo na siya mapapagtripan dahil may magtatanggol na sa kaniya? O nagagalit ka dahil may isang ako na handang ipagsigawan sa lahat na mahal ko siya?”
Ang sarap sanang pakinggan ng mga sinasabi ni Shin pero alam ko sa sarili ko na walang totoo sa mga sinasabi niya. Parte lang ito ng pagpapanggap niya kaya hindi dapat ako nadadala sa mga sinasabi niya.
Who knows? Baka sinasabi niya lang ito para pagselosin si Inaki. And I can’t take it anymore.
“Shin, let’s go,” seryosong sabi ko.
“No Akira. Gusto kong malaman ni Miro na hinding hindi ka na niya mapapagtripan pa,” mas seryosong sabi naman ni Shin.
“Huwag kang mag-alala dahil hindi ko na siya pangtitripan. And I will save her from you,” seryosong sabi naman ni Miro.
Kitang kita ko ang pag-irap ni Inaki sa akin dahil sa sinabi ni Miro. Lihim akong napabuntong hininga dahil paniguradong pati si Inaki ay galit na rin sa akin. Hindi ko naman kasi maintindihan itong si Miro. Bakit gano’n ang mga lumalabas sa bibig niya. Nakakpanibago at nakakawindang.
“Really Miro? Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo? Sa tingin mo, sino ang mas paniniwalaan ni Akira sa ating dalawa? At sa tingin mo, sino ang totoong concern sa kaniya?” nanghahamong tanong naman ni Shin.
Sumasakit na ang ulo ko sa mga pinagsasabi nilang dalawa. Kaya ayokong makipag-interact sa mga tao, nagiging komplikado at magulo lang ang buhay ko. Sa halip na nakahiga lang ako ngayon sa kwarto ko ngayon ay nandito ako at hindi malaman ang gagawin.
“That’s enough! Miro, let’s go!” singit ni Inaki sa kanilang dalawa.
Hinawakan ni Inaki ang kamay ni Miro at hindi nakatakas sa paningin ko ang muling pagkuyom ng kamao ni Shin. Hinila ni Inaki si Miro palabas ng restaurant. Tinanggal ko naman ang pagkakaakbay ni Shin sa akin at lumayo nang bahagya sa kaniya.
“Really Shin? Dito pa talaga sa public place ka nakipagsagutan kay Miro? At hindi lang basta public place ito, pag-aari ng mga magulang ko ang lugar na ito,” galit na sambit ko sa kaniya.
“Iniinsulto ka na nga niya, wala ka pa ring salita,” galit na sabi rin sa akin ni Shin.
Bahagya akong napaatras. Ngayon ko lang nakita si Shin na nagalit sa akin at hindi ko alam kung paano magre-react. Napabuntong hininga na lang ako at napairap sa kaniya.
“At sa tingin mo nakatulong ‘yang pagpatol mo sa kaniya? Oh yes, nakatulong nga siya. Mukhang napagselos mo si Inaki e,” imbes ay sabi ko na lang.
“Anong pinagsasabi mo?” naguguluhang tanong naman niya sa akin.
“Totoo naman ‘di ba? Kaya nga siguro nagprisinta kang magpanggap na boyfriend ko dahil gusto mo ring pagselosin si Inaki,” deretsong sabi ko pa.
Pagkasabi ko noon ay mabilis akong lumabas ng restaurant. Hindi na ko nag-abalang lingunin pa si Shin kung sinusundan ba niya ako o hindi. Bahala siya sa buhay niya. Bahala na rin kung paano ako makakauwi ngayon. Ang dami nang nangyari at wala na rin sa tamang pag-iisip ang utak ko. Magpapahangin na lang siguro muna ako at magpapalamig ng ulo.
MIRO’S POV
Balak ko lang sanang mahiga buong maghapon ngayong weekends pero kinulit ako ni Inaki na samahan ko raw siyang mag-mall. Knowing her, hindi niya ako tatantanan hanggang hindi ko siya pinagbibigyan. Kaya kahit ang bigat ng katawan ko ay sinamahan ko na lang siya. Mas gusto ko nang samahan siya kaysa maghapon akong kulitin ni Inaki.
Pero maling desisyon pala ang pagsama kay Inaki dahil sa restaurant na kinainan namin ay nagkataong nandoon din pala sina Akira at Kanji Shin. Nagtatawanan pa kami ni Inaki nang mapadako ang tingin ko sa dalawa. Bigla akong nawala sa mood at ang gusto ko na lang ay umuwi na. Hindi ko na sana sila papansinin pero hindi ko gusto ang mga tinging ipinupukol sa amin ni Kanji. Kaya napagdesisyunan ko nang lapitan silang dalawa. Hindi naman ako manggugulo. Kakausapin ko lang sila at sisirain ko rin ang araw nila. Tutal naman ay sinira na rin nila ang araw ko.
Ngunit sa pag-uusap namin ay nagkainitan pa kaming dalawa ni Kanji at kung hindi ako hinila ni Inaki ay baka nasapak ko pa siya. Ang lakas ng loob niyang ipagmalaki kung gaano niya kamahal si Akira kahit ang totoo ay pinaglalaruan niya lang ito. Padabog akong sumakay sa kotse ko.
“Anong nangyayari sa ’yo Miro? Hindi mo na ma-kontrol ang sarili mo kapag si Akira na ang pinag-uusapan. Nasa public place ka pero ang lakas ng loob mong manghamon ng away. At bakit ba galit na galit ka sa Kanji na 'yon?” tanong sa akin ni Inaki nang makasakay na rin siya.
“Hindi ko alam Inaki. Naguguluhan din ako,” pag-amin ko sa kaniya. Kaibigan ko si Inaki at sa tingin ko ay siya ang makakatulong sa akin. Kapag kasi kina Leo at Richard ang sinabihan ko ay paniguradong pang-aasar lang ang aabutin ko sa dalawang iyon.
“Baka nga tama ako, nahuhulog na ang loob mo kay Akira,” malungkot na sabi naman ni Inaki.
“Imposible. Kilala mo ako Inaki. Never akong na-inlove sa kahit na sino,” seryosong sabi ko naman sa kaniya.
“Really? So you’re saying na hinding hindi ka maiinlove?” may halong lungkot pa rin na tanong ni Inaki.
Nagpakawala ako ng malalim na hininga. “Ano bang pakiramdam nang inlove?”
Wala sa isipan ko ang mga ganito ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ko mapigilang magtanong na kay Inaki. Marahil ay natatawa na siya sa akin ngayon ngunit bahala na. Hindi ako patutulugin ng mga gumugulo sa isipan ko kaya kailangan ko na ng makakausap.
“Lagi mo siyang iniisip. Lagi mo siyang hinahanap. Nag-aalala ka sa kaniya. At higit sa lahat, gagawin mo ang lahat para sa kaniya,” dere-deretsong sabi naman ni Inaki.
Napaisip naman ako. Nag-umpisa lang naman akong isipin si Akira simula nang aminin sa akin ni Kanji na pinaglalaruan lang niya si Akira. Nagsimula lang akong mag-alala sa kaniya dahil nalaman kong niloloko lang siya ni Kanji. Pero imposible pa ring mainlove ako sa babaeng iyon. Walang panama si Akira sa mga naka-fling kong babae. She’s not my type. At hindi ko na yata kayang ipagpatuloy pa ang usapang ito.
“Teka, bakit yata ang dami mong alam tungkol dyan. Na-inlove ka na ba?” pag-iiba ko ng usapan.
Umirap lang siya sa akin. Ini-start ko na ang kotse ko. Sumulyap pa ako kay Inaki at mababakas sa kaniya ang lungkot. Hindi na rin siya nagsalita at nakatingin lang sa may bintana.
“May nagpapaiyak na ba sa ’yo? Bakit hindi mo sinasabi sa akin? Kailangan kong makilala kung sino mang lalaki ‘yan,” sunod-sunod kong tanong pa sa kaniya.
“Para saan pa Miro?” sarcastic niyang sabi.
Bahagya akong nagulat sa sinabing iyon ni Inaki. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang tono ng boses niya. Pakiramdam ko ay ang laki ng galit niya sa akin kahit wala naman akong ginawa sa kaniya.
“Kung ganoon, mayroon nga? Bakit hindi mo sinasabi sa akin? Sino ‘yan?” imbes ay tanong ko na lang.
“Alam mo Miro, manhid ang lalaking iyon. Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko, hindi pa rin niya maramdaman na mahal ko siya,” pag-amin niya sa akin.
“Sino ba kasi ‘yan nang maupakan ko,” matapang ko pang sabi.
Hindi ko akalain na may minamahal na pala itong si Inaki. At hindi ko alam na nasasaktan na pala siya.
“Nakakatawa ka Miro,” tatawa tawang sabi pa niya.
“Bakit? Sa ganda mong iyan Inaki, mabait pa, palaban. Sino bang lalaki ang hindi magkakagusto sa ’yo? Napakamanhid naman ng lalaking ‘yan, bulag pa.”
“Sa ‘yo pa talaga nanggaling yan ha?” iiling iling na sabi niya.
“Bakit? Totoo naman ang sinabi ko a. Kaya kailangan kong malaman kung sino ang nagpapaiyak dito sa little sister kong ito,” sabi ko pa.
Sa oras na makilala ko kung sino ang lalaking iyon ay baka hindi ko mapigilan ang sarili ko. Kapatid na ang turing ko kay Inaki at hindi ako papayag na paiiyakin lang siya ng ibang lalaki.
Ginulo ko ang buhok ni Inaki na lagi kong ginagawa sa kaniya kapag nanggigigil ako sa kaniya. Agad naman niyang pinalo ang kamay ko na ikinatawa ko naman.
“Ewan ko sa ’yo Miro,” galit na sabi niya sa akin.
“O? Bakit nagagalit ka sa akin? May mali ba akong nasabi?” hindi ko na napigilan pang itanong.
“Bilisan mo na lang dyan dahil gusto ko nang umuwi,” masungit na sagot niya sa akin.
“Teka, bakit ba bigla ka na lang nagagalit dyan?” naiinis ko na ring tanong.
Minsan ay hindi ko na rin maintindihan itong si Inaki. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang siyang nagagalit sa akin. Hindi na rin niya ako sinagoti. Pabagsak siyang sumandal sa upuan habang nakahalukipkip ang mga kamay niya. Napailing na lang ako. Kapag ganito ang inaakto niya, galit talaga siya at hindi siya pwedeng kulitin dahil baka sumabog na lang siya. Hindi na lang din ako nagsalita pa at nag-focus na lang sa pagda-drive.
Hindi na rin nabigyang linaw ang mga gumugulo sa isipan ko. Sasarilinin ko na lang siguro ito at hindi na ako mag-oopen pa kay Inaki. Ayokong marinig ang iba pa niyang sasabihin dahil pakiramdam ko ay hindi ko kayang tanggapin ang mga sasabihin pa niya.