AKIRA POV
Bigla akong naalimpungatan at agad tiningnan ang orasan. Alas nuwebe na pala ng gabi. Hindi ko na namalayan na nakatulog pala ako. Bumangon ako at kinusot kusot pa ang mga mata ko.
Naisip ko naman agad si Shin. Kumain na kaya siya? Kaya naman na niya sigurong alagaan ang sarili niya? Malaki naman na siya at sa tingin ko naman ay nabuhay din siyang independent.
Lumabas ako ng kwarto at naabutan si Shin na nakasandal sa sofa. Patay ang ilaw kaya hindi ko maaninag kung tulog ba siya o ano.
“Shin," pagtawag ko sa kaniya.
“Inaki, please.”
Natigil ako sa paglalakad nang biglang magsalita si Shin. Ako ba ang kinakausap niya? Pero hindi naman pangalan ko ang tinawag niya.
Binuksan ko ang ilaw at nakitang natutulog na pala siya. Nananaginip siguro kaya nagsasalita siya. Baka sa pagod niya sa byahe kaya nagkakaganito siya. Hindi rin naman kasi biro ang oras ng byahe mula US hanggang dito sa Pilipinas.
Napatingin ako sa mukha niya. Ngayon ko lang napagmasdan ang mukha niya at parang nakita ko na siya dati. Hindi ko lang maalala kung saan at kailan. Pamilyar ang mukha niya pero wala naman akong maalala na nagkita o nagkausap na kami dati. Wala rin namang akong nakilalang Kanji Shin noong bata pa ako.
Ipinilig ko na lang ang ulo ko at lumapit sa kaniya para gisingin siya.
“Shin, gising!” Kahit naiilang ay sinubukan kong alugin ang balikat niya para magising siya.
“Inaki.”
Nagulat ako nang biglang hawakan ni Shin ang mga kamay ko. Sinubukan kong hilahin ito ngunit hindi ko mahila ang mga kamay ko dahil mahigpit ang pagkakahawak niya rito. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Teka, nananaginip ba siya o pinagtitripan niya ako?
Tumingin ako sa mukha niya hanggang sa unti unti siyang nagmulat ng mata niya. Ilang saglit pa ay para siyang natauhan dahil bigla niyang binitawan ang kamay ko at tumayo. Muntik pa niya akong mabunggo dahil sa ginawa niyang iyon.
“Sorry," mahinang sabi niya sa akin.
Pumunta siya ng kusina at uminom ng tubig. Sinundan ko siya doon at agad na kinompronta. Hindi pwedeng gano'n gano'n na lamang matapos niyang guluhin ang isipan ko.
“Sino si Inaki?” deretsong tanong ko sa kaniya.
May kilala kasi akong Inaki, lower year siya sa Academy. Hindi ko lang alam kung ang Inaking binanggit niya kanina ay si Inaki na kilala ko. Pero paano naman niya makikilala si Inaki samantalang sa ibang bansa siya lumaki?
Hay naku Akira, maraming Inaki sa mundo.
“Wala. Teka, bakit pala gising ka pa?” pag-iiba naman niya sa usapan.
“Gusto sana kitang kausapin ng seryoso," deretsong sabi ko sa kaniya.
“Wow. Si Akira, gusto akong kausapin,”
hindi makapaniwalang sabi sa akin ni Shin.
“Shin,” may pagbabantang sabi ko.
“Okay sige. Anong pag-uusapan natin?” seryoso niyang tanong sa akin.
Huminga ako ng malalim at uminom din muna ng tubig dahil ang bilis ng t***k ng puso ko. Hindi ko alam kung anong katatakbuhan ng usapan namin ngunit kailangan ko siyang kausapin. Wala akong choice kundi sabihin sa kaniya ang lahat.
“Hindi alam ng mga estudyante sa Kitsune Academy na anak ako ng may-ari," kinakabahan kong sabi.
“O tapos?” kunot noong tanong naman niya.
Napabuntong hininga naman ako. Hindi ko akalain na may pagka-slow itong si Shin.
“I want to keep it a secret hanggang sa gumaraduate ako. So kailangan ko nang cooperation mo," deretsong sabi ko sa kaniya.
“Teka, bakit hindi mo sabihin sa kanila ang totoo?” nagtatakang tanong naman niya.
Isang buntong hininga ulit ang pinakawalan ko. “Dahil ayoko ng special treatment. Kaya please, huwag na huwag mong ipagsasabi kahit kanino.”
“Alam ba ito ng magulang mo?” deretsong tanong pa niya sa akin.
“No," mabilis kong sagot.
“Paano mo naitago ang pagkatao mo? I mean Montenegro ka,” curious na tanong pa niya.
“Reyes ang gamit kong apelyido. Noong ipinanganak kasi ako, hindi pa kasal sina Mommy kaya isinunod ang pangalan ko sa kaniya. Sabi ni Daddy ay isusunod niya ang pangalan ko sa pangalan niya kapag nag 18 na ako," pagkukwento ko naman.
Napipilitan na talaga akong magdaldal ng mahaba sa kaniya. Simula yata nang ipinanganak ako, ito na ang pinakamahabang nasabi ko sa isang tao.
“I see," tatango-tango niyang sabi sa akin.
Mukhang naiintindihan naman niya. Wala na siguro akong magiging problema sa kaniya.
“At may isa pang dapat kang malaman," sabi ko pa.
“Ano iyon?”
“Nagcocommute lang ako kapag pumapasok,” seryoso kong sabi.
“Akala ko ba may kotse ka?” kunot noong tanong niya.
“Oo mayroon nga. Pero hindi ko ginagamit iyon kapag pumapasok ako. Ang alam ng lahat ay mahirap lang ako at kaya ako nakakapasok sa academy ay dahil scholar ako.”
And there it goes. Nasabi ko na ang pinaka-highlight ng sikreto ko.
“Alam mo ba kung ano itong pinapasok mong g**o?” seryosong tanong niya sa akin.
“I know. Pero dalawang taon na lang naman at makakagraduate na ako," ang sabi ko na lang.
“Naaawa ako sa mga magulang mo. Nagpapakahirap sila na mapalago ang business niyo samantalang ikaw na kaisa isang anak nila, heto nagpapanggap na mahirap at itinatago ang tunay niyang pagkatao.”
Mukhang nagkamali ako. Mukhang magiging problema si Shin sa pagpasok ko sa school.
“Shin, sinabi ko sa iyo ito para sa cooperation mo, hindi para husgahan ako sa mga desisyon ko. Isang maliit na pabor lang ang hinihiling ko sa iyo. Iyon lang," seryosong sabi ko sa kaniya.
Tumayo ako at pumasok na sa kwarto ko. Alam ko namang mali ang ginagawa ko pero ito lang ang alam kong paraan para hindi ako pagkaguluhan ng mga tao. I’m an introvert person and I need my personal space.
Lumaki akong mag-isa dahil laging wala ang parents ko. Isa na rin iyon sa dahilan kung bakit introvert ako. Kaya kahit mali, kahit na alam kong masasaktan sina Mommy, mas pinili ko pa rin na itago ang totoo kong pagkatao.
Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at pinilit ko na lang ulit matulog. Hindi na talaga ako kakain ng dinner dahil nawalan na ako ng ganang kumain.
Kinabukasan ay maaga akong bumangon. Agad akong lumabas ng kwarto at naabutan ko pa si Shin na naghahanda ng almusal. Akala ko ay maaga na ako ngunit mas maaga pa ring nagising ang lalaking ito.
“Good morning. Ano palang breakfast mo?” masayang tanong niya sa akin.
“Hindi ako nag-aalmusal," plain kong sabi sa kaniya.
“Sure ka? So hindi ko na pala kailangan magluto. Pero hindi ka rin kumain ng dinner kagabi," sabi pa niya.
Kumuha siya ng carrots sa ref at hinugasan iyon saka umupo sa dining. Enjoy na enjoy siya sa pagkain niya na para siyang bata.
Hindi naman na bago sa akin ang makakita ng taong kumakain ng hilaw na carrots dahil si Daddy ay mahilig doon. Hindi ko nga alam kung bakit hindi ako nagmana kina Mommy at Daddy na parehong vegetarian. Hindi na rin naman kasi nila ako naturuan noon dahil lagi silang wala sa bahay.
“Regarding doon sa mga sinabi mo kagabi, ililihim ko rin ang sikreto mo. Pero hindi ko maipapangako na pagtatakpan kita sa oras na malaman nila ang totoo," narinig kong sabi ni Shin.
Tumingin ako sa kaniya na patuloy pa rin sa pagkain ng carrots niya. Hindi ko rin napigilan ang mapangiti dahil sa sinabi niya.
“Okay na sa akin na wala kang pagsasabihan ng sikreto ko. Salamat. Sige na, maliligo na ako. Pagkatapos mo niyan, maghanda ka na rin dahil kailangan mo pang dumaan sa Principal’s Office.”
Pagkasabi ko noon ay bumalik na ako sa kwarto ko para magready. Medyo nakahinga ako ng maluwag dahil sa sinabi ni Shin. Pansamantalang nabawasan ang problema ko. Sa ngayon ay wala akong dapat isipin na baka bigla na lamang niya akong isumbong sa mga magulang ko. Or worst, baka ibulgar niya sa lahat ang totoong pagkatao ko.
Mabilis lang din na nag-ayos si Shin. Pagkalabas ko ng kwarto ko ay nakahanda na rin siya at hinihintay na lang niya ako.
“Kung gusto mo, pwede mong gamitin ang kotse ko para hindi mo na kailangang sumabay sa akin pagcommute.”
Nandito na kami sa abangan ng jeep at nagprisinta na akong ipahiram ang kotse ko sa kaniya para naman hindi siya ma-hassle kung sakaling sumabay siya sa akin pagpasok. At para na rin hindi kami sabay na dumating sa school dahil panigurado malaking issue iyon. Kapag nakita nila kaming magkasama ay paniguradong malaking usapin iyon lalo na sa katulad kong wala namang kaibigan sa school.
“Okay lang. Gusto ko rin maranasang magjeep," nakangiti niyang sabi sa akin.
“Okay," maiksing sabi ko.
Hindi ko naman siya mapipilit na huwag sumabay sa akin dahil baka maligaw pa siya. Ihahanda ko na lang siguro ang sarili ko sa pwedeng mangyari. Mabilis na lang sigurong lusutan iyon.
Pumara na ako ng jeep at sumakay na kaming dalawa. Halatang hindi siya sanay sumakay ng jeep pero mukhang okay lang naman sa kaniya. Hindi naman siya nagrereklamo at tahimik lang siya.
Patanaw tanaw siya sa bintana ng jeep. Hanggang sa may isang lalaki na nag-abot sa kaniya ng bayad at hindi niya alam kung anong gagawin niya. Kaya ako na ang kumuha ng bayad sa lalaki at inabot iyon sa driver ng jeep. Nasa may dulo kasi kami nakaupo. Tumingin pa sa akin si Shin at tumango na lang ako sa kaniya.
Tahimik lang kami buong byahe hanggang sa makarating kami sa Kitsune Academy.
“Bakit may kasamang gwapo ang babaeng iyon?”
“Tranferee ba siya? Ang pogi naman niya!”
“Amo ba niya ang gwapong lalaking iyon?”
“Ano kayang pangalan ng poging lalaking iyon?”
Ilan lang iyan sa mga pinagsasabi ng mga schoolmate ko nang makita nila kaming dalawa ni Shin. Sinasabi ko na nga ba at pagkakaguluhan siya. Mas lalo pa siyang napansin dahil kasama niya ang isang commoner na katulad ko.
“Alam ko namang pogi ako pero bakit kailangan pa nilang ipagkalat iyon.” mayabang na sabi ni Shin.
“Ang yabang mo. Bilisan mo na nga diyan," naiinis kong sabi.
Inihatid ko si Shin kay Tito June, ang Principal ng Academy, bago ako pumunta ng classroom. Mabuti na lang at wala pang masyadong tao sa classroom kaya magkakaroon ako ng pansamantalang katahimikan.
Mabuti na lang din na hindi ko nakita si Miro kanina. At least ay hindi nakita ni Shin kung paano ako pag-tripan ng mga estudyante dito.
5 minutes bago magstart ang klase ay isa isa nang nagdatingan ang mga kaklase ko. Nakita ko pa si Miro na palapit sa akin. Lihim na lang akong napairap dahil paniguradong may sasabihin na naman siya.
“Balita ko may kasama ka raw lalaki kanina. Sino iyon? Amo mo?” tanong niya sa akin.
Pero katulad nang dati ay hindi ko siya pinansin. Nakatitig lang ako sa unahan.
Narinig ko na lang ang mapaklang tawa ni Miro. Isang eraser na naman ang lumipad sa akin at tinamaan ako sa may noo ko.
“Hoy nerd, tinatanong ka ni Prince Miro," sigaw ng isang babae.
Hindi ko alam kung paanong naging mayaman ang mga estudyante ng Academy. Puro pambu-bully at pang aapak ng mga mababang tao lang ang alam nila. I’m sure sa oras na malaman ito ng mga magulang nila, madi-disappoint sila lalo na sa school dahil ganito ang mga asal ng anak nila. Pero hindi rin naman kasalanan ng school kung ganito sila when in the first place, sa mga kaniya kaniyang tahanan sila unang natuto. Hindi na kasalanan ng school kung lumaking spoiled brat ang mga anak nila.
Kapag ako na ang nagmamanage ng Academy, sisiguraduhin kong hindi lang matututo ang mga estudyante, tuturuan ko rin sila ng magandang asal at tamang pakikipagkapwa-tao.
“So sino nga 'yong kasama mo kanina?” naiinip na sabi ni Miro.
“Boyfriend niya.”
Agad akong napatayo nang makilala ko kung sino ang nagsalita. Nasa may pinto ito at nakapamulsa pa. Medyo agaw atensyon ang pag-entrance niya sa classroom dahil maski ako ay aaminin kong pogi nga siya. Naka-pantalon lang siya at plain na t-shirt at rubber shoes pero ang lakas ng dating niya. Lalo na nang ngumiti siya sa akin.
Ipinilig ko ang ulo ko at lakas loob na nagsalita.
“Teka. Anong ginagawa mo rito?”