MIRO’S POV
Nagulat ako nang biglang tumayo at magsalita si Akira. Bahagya akong natigilan dahil ngayon ko lang nakita si Akira na mag-react ng ganito. Halatang halata ang pagkagulat sa mukha niya. Tumayo pa talaga siya at ang lakas pa ng boses niya.
Tumingin ako sa lalaking nasa pinto ng classroom. Nakatayo siya doon at nakangiti kay Akira. Siya siguro ang sinasabi ng mga kaklase namin na kasama ni Akira kanina. Dahil base sa reaksyon ni Akira, kilala niya ang lalaking bagong dating. Ibinalik ko ang tingin kay Akira. Halata ang pagkagulat sa mga mata niya, bagay na ngayon ko lang nakita sa kaniya. Kahit nakasalamin siya ay ngayon ko lang nakita na nagkaroon ng emosyon ang mga mata niya.
“Dito rin ang section ko, magkaklase tayo.” nakangiting sabi naman ng lalaki kay Akira.
Hindi na sumagot pa si Akira pero hindi nakatakas sa paningin ko ang pag-irap niya. So marunong din palang mainis ang babaeng ito. Pero bakit sa lahat ng pang-iinis ko sa kaniya, hindi ko man lang siya nakitang umirap sa akin. Bakit sa lalaking ito ay gano’n lang kadali na magpakita siya ng emosyon niya?
“Hi classmates! Ako nga pala si Kanji Shin. And boyfriend ako ni Akira,” proud na sabi noong lalaki.
“Shin! Are you out of your mind?” inis na inis na saway ni Akira.
Napuno ng mga bulungan ang buong classroom. Namumula ang mukha ni Akira dahil sa inis, o baka dahil sa kilig. At ngayon ko lang na-realize na maputi pala siya. Tiningnan ko ang mga braso niya at napagtanto na makinis iyon at hindi mo masasabing nabuhay siya sa kahirapan. Bigla akong na-curious kung anong klaseng buhay nga ba ang mayroon siya. Simula kasi ng makilala ko ang babaeng ito ay wala akong nalalaman tungkol sa kaniya kundi ang pagiging scholar niya sa school na ito.
“Excuse me. Makikiraan.”
Naputol ang pag-iisip ko nang dumaan sa harap ko si Kanji Shin. Pinulot niya ang eraser na ibinato kay Akira kanina. Pumunta siya sa harapan at inilagay ang eraser sa teacher's table. Pagkatapos ay umupo ito sa tabi ni Akira. Hindi na lang ako nag-react at tahimik na pumunta sa upuan ko.
“Ayan na ang sinasabi ko! Ang taong makakapagpabago sa manhid na si Akira,” tuwang tuwa na sabi ni Leo.
“Oo nga. Akalain mo iyon, nakitaan na natin siya ng emosyon,” sabi naman ni Richard.
“Hindi na ako magdududa na boyfriend niya nga iyang transferee. Kasi sabi nga nila, love will change you. Ayan na o, kitang kita mo na ang pagbabago kay Akira,” komento pa ni Leo.
“So anong pakiramdam Miro?” baling naman sa akin ni Richard.
Hindi ako nagsalita. Muli akong sumulyap kina Akira na nag-uusap at mukang naiinis pa rin itong si Akira. Hindi ako makapaniwala sa mga nakita ko. Ilang taon kong pinagtripan si Akira pero ni minsan ay hindi ito nag-react sa mga ginawa ko. Samantalang sa tranferee na iyon, iba’t ibang emosyon na agad ang naipakita niya. Weird. Ang hirap namang paniwalaan na boyfriend niya ang lalaking iyon. Imposible. Sa pagkatao ni Akira, alam kong wala siyang panahon para sa mga gano’ng bagay.
AKIRA’S POV
“Nasisiraan ka na ba Shin? Bakit sinabi mo na boyfriend kita?” bulong ko kay Shin nang makaupo siya sa tabi ko.
“Baka ikaw ang nasisiraan ng ulo, anak ka ng may-ari tapos pumapayag ka na ginaganoon ka lang nila?” balik tanong naman niya sa akin.
“Wag ka ngang maingay. Baka may makarinig sa 'yo,” inis na inis na sabi ko naman.
“Akala ko simpleng pagpapanggap lang ang ginagawa mo. Pero binu-bully ka na pala sa sarili mong school,” seryoso niyang sabi sa akin.
“Shin,” kinakabahan kong pagtawag sa kaniya.
Ngumiti lang siya sa akin at bigla niyang hinawakan ang kamay ko. Hinihila ko ang kamay ko sa kaniya pero hinihigpitan niya lang ang hawak dito. First time na may ibang tao na humawak sa kamay ko kaya sobrang bilis ng t***k ng puso ko at pakiramdam ko ay namumula ang mukha ko. Hindi ako komportable at kapag nagpatuloy si Shin na ganito ay baka hindi kami magkasundo sa mga susunod na araw.
“Shin, ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo?” galit kong sabi sa kaniya.
“Lubus lubusin mo na ang pagpapanggap mo Akira,” seryosong sabi ni Shin na ikinakaba ko naman.
“What do you mean?” naguguluhan kong tanong.
“Well, it’s either papayag kang magpanggap na tayo or sasabihin ko sa kanila ang totoo.” seryosong sabi niya sa akin.
“Is this blackmailing?” hindi makapaniwalang tanong ko.
“No. It’s my own way of protecting you from them,” seryoso pa rin niyang sabi sa akin.
Hindi agad ako nakapagsalita dahil sa sinabi niyang iyon. Daig ko pa ang nakalunok ng dila dahil kahit isang word lang ay wala akong nabigkas. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga sinasabi ni Shin. At hindi ko alam kung bakit niya ito ginagawa.
“This is the least I can do for your parents, by protecting their only daughter.”
Okay. Iyon naman pala ang dahilan niya, pagtanaw ng utang na loob sa mga magulang ko. Ano nga bang aasahan ko? Hindi ko naman siya kaibigan. Ang nagkokonekta lang sa amin ay ang mga magulang ko. Kaya kahit labag sa loob niya ay kailangan niyang gawin ang dapat niyang gawin para sa magulang ko.
Dumating na ang teacher namin kaya s*******n kong hinila ang kamay ko kay Shin. Binitawan na rin naman niya ang kamay ko kaya medyo nakahinga ako ng maluwag. Hindi ko gugustuhin na mahuli kami ng teacher na nag-PDA sa loob ng classroom at ang mas malala pa doon ay hindi naman talaga kami ni Shin.
Since bago lang si Shin sa Academy, nagpakilala siya sa harap ng klase. Habang nagsasalita siya ay halos lumuwa ang mga mata ng mga kaklase naming babae. Ang iba pa ay halatang nagpapapansin sa kaniya pero straight lang ang tingin niya. Lihim akong napatawa. Akala mo ay napakatino nitong si Shin. Tingnan natin kung matatanggihan niya ang lahat ng babaeng lalapit sa kaniya.
Mabilis na natapos ang morning class. Mabuti na lamang na tahimik lang sa klase itong si Shin. Nagawa ko namang mag-concentrate pero paminsan-minsan ay sumasagi sa isipan ko ang mga sinabi niya kanina. Malaking issue ang sinabi niya na boyfriend ko siya. At paniguradong mas lalong magiging magulo ang pag-aaral ko sa school na ito.
Pagkatapos ng morning class ay agad akong nag-ayos nang gamit ko. Hindi ko na gugustuhin pang makasabay o makasama itong si Shin. At baka marami na ring babae ang naghihintay sa labas. Kailangan kong makaiwas agad sa g**o.
“Tara na Akira,” masayang sabi sa akin nii Shin.
Hindi ko pinansin si Shin dahil naba-badtrip pa rin ako sa kaniya. Nagmadali akong lumabas ng classroom at ang lalaking ito ay sunod naman ng sunod sa akin. Sa sobrang inis ko ay humarap ako sa kaniya na ikinagulat naman niya. Muntik pa nga kaming magkauntugan.
“Hindi mo ba ako titigilan? Lubayan mo nga muna ako, please,” seryosong sabi ko sa kaniya.
“Sa nakita ko kanina, hindi magandang hayaan kang mag-isa,” seryoso naman niyang sabi sa akin.
“Pwede ba? Hindi ka inutusan ng Mommy at Daddy na bantayan ako. Ngayon, kung gusto mong tumanaw ng utang na loob, sa kanila mo gawin, huwag sa akin,” iritableng sabi ko.
“Kung gusto mong lubayan kita, aminin mo sa lahat na ikaw ang anak ng may-ari ng school na ito. Kapag nagawa mo iyon, hinding hindi na kita guguluhin pa,” seryosong sabi niya sa akin.
Pinagmasdan ko ang mukha ni Shin at mukhang seryoso nga siya sa mga sinasabi niya. Huminga ako ng malalim para mapakalma ang sarili ko. Inirapan ko siya bago ako tumalikod at maglakad ulit. Hindi ako makapag-isip ng ayos ngayon. Hindi ko alam kung anong dapat gawin o sabihin.
“So saan nga tayo pupunta?” masayang tanong sa akin ni Shin habang nakasunod pa rin siya sa akin.
Sa sobrang inis ko ay hindi ko na napansin na nakalabas na pala kami ng Academy. Ayoko namang bumalik sa loob at kumain sa cafeteria. Panigurado kasi na pagtitinginan lang kami doon. At baka maisipan pang i-bully ni Miro itong si Shin. Ayoko namang madamay siya sa mga problema ko kahit na ipinagsigawan niya na boyfriend ko raw siya. Ipinagpatuloy ko na lang ang paglalakad ko at itong si Shin ay pirming nakasunod lang. Kapansin-pansin din ang pananahimik niya pero hindi ko na lang iyon pinansin. Mas mabuti nang tahimik lang siya upang hindi na madagdagan pa ang pagkainis ko sa kaniya.
Hanggang sa napahinto ako dahil may tumigil na puting van sa harap ko. Dahil sa pagkagulat ay hindi agad ako nakalayo. Walang kahirap hirap na binitbit ako ng lalaki at isinakay sa van. Ganoon din ang ginawa nila kay Shin. Hindi nanlaban si Shin dahil may nakatutok na b***l sa amin kaya hindi rin ako makakibo. Pero naramdaman ko ang kamay ni Shin na hinawakan ang kamay ko. Tumingin ako sa kaniya at nginitian naman niya ako. Ang kalma ng itsura niya at weird mang sabihin pero unti-unti na rin akong kumakalma. Though, hindi nawala ang bilis ng t***k ng puso ko, pero biglang nawala ang takot at mga isipin sa utak ko.
Paano kaya nagagawang ngumiti ni Shin sa sitwasyon na katulad nito?
KANJI SHIN’S POV
Hinawakan ko ang kamay ni Akira para pakalmahin siya. Kung tutuusin ay kaya ko namang makaalis dito at iligtas siya pero ayaw kong makita niya ang tunay kong anyo. Kailangan kong umisip ng paraan kung paano siya ililigtas nang hindi niya makikita ang anyo ko. Ngunit paano?
Armado ang mga lalaki at imposibleng makaalis kami nang hindi ko ginagamit ang kakayahan ko. Baka mas lalong mapahamak si Akira kapag hindi ko pinag-isipang mabuti ang gagawin ko.
Tiningnan ko ang limang lalaki na dumakip sa amin. Halatang hindi sila sanay sa ganitong gawain. Nakita ko pa ang panginginig ng kamay ng isa habang hawak niya ang b***l niya. Ngunit kahit hindi sila sanay sa ganito, alam kong kayang kaya nilang gamitin ang mga b***l nila kapag nanlaban ako sa kanila.
Sa dinami-dami naman kasi ng estudyante, kami pa ang napili ng mga mokong na ito. Sikat kasi ang Kitsune Academy dahil dito nag-aaral ang mga mayayaman kaya hindi na nakakapagtaka na may mga ganitong insidente. Nagkataon lang siguro na kami ang nasa labas ng school kaya kami ang natyempuhang dakpin ng mga lalaking ito. Mabuti na lang at hindi ko nilubayan si Akira dahil kapag nagkataon, siya lang ang makukuha ng mga lalaking ito.
Imposible naman kasi na si Akira talaga ang sadya nila dahil base na rin sa pananamit ni Akira, mukhang hindi siya estudyante ng Academy. Wala rin namang nakakakilala kay Akira na siya ang anak ng mag-asawang Montenegro. Kaya wala akong ibang nakikitang dahilan ng pangingidnap kundi ang katotohanang kami lang ang napag-abutan ng mga kidnappers.
Muli kong tiningnan si Akira at mukhang relax naman siya kahit na nanlalamig ang mga kamay niya. Hindi naman siya umiiyak. Tahimik lang siya na katulad ng kung sino talaga siya. Isang babae na walang kaibigan at may sariling mundo.
Ipinikit ko na lang ang mga mata ko. Maaga pa masyado para malaman ni Akira ang totoo kong pagkatao. At wala rin naman akong balak magpakita sa kaniya sa totoo kong anyo. Ngunit wala akong magagawa sa ngayon. Mas mahalaga ang kaligtasan niya. Ang kailangan ko na lang isipin ay kung paano ako ako magpapakita sa kaniya nang hindi siya nagugulat o natatakot. Kailangan kong pag-isipan ng mabuti kung paano ko ililigtas si Akira.