AKIRA'S POV
Pagkamulat ko ng mga mata ko ay mukha ni Shin ang bumungad sa akin. Nakaramdam ako ng hiya at pagkailang dahil sobrang lapit ng mukha niya sa mukha ko. Mabuti na lang at mahimbing pa ang tulog niya dahil kung hindi ay sobrang hiya ang mararamdaman ko. Paniguradong hindi ko magagawang kausapin si Shin kapag nagkataon.
Nakayakap pa rin siya sa akin at hindi ko akalain na makakatulog din ako. Ang kaibahan nga lang ngayon ay magkaharapan na kami kaya malaya kong napapagmasdan ang mukha niya.
Sinalat ko ang noo niya at wala pa rin itong pinagbago, may lagnat pa rin siya. Marahil nga ay mawawala lang ang lagnat niya kapag nag-full moon na. Alam naman ni Shin na ganito pala ang mangyayari sa kaniya kapag nababasa siya ng ulan pero nagpakabasa pa rin siya.
Dahan dahan kong tinanggal ang kamay niya na nakayakap sa akin. Halos pigilin ko ang paghinga ko habang unti-unting inaangat ang kamay niya. Natanggal ko naman ito nang hindi siya nagigising. Mahimbing pa ang tulog niya na ipinagpasalamat ko naman.
Tahimik akong lumabas ng kwarto niya at napabuntong hininga na lang. Halos sabunutan ko pa ang aking sarili dahil sa nangyari. Ang bilis ng t***k ng puso ko at kulang na lang ay lumabas ito sa dibdib ko.
Ang galing mo talaga Akira, natulog ka lang naman sa tabi ni Shin, si Shin na kailan mo lang nakilala. At ang mas malala, pumayag kang yakapin niya magdamag. Paniguradong lagot ka sa magulang mo kapag nalaman nila ito.
Ipinilig ko na lang ang ulo ko. Pumunta ako sa may ref at tiningnan kung anong pwedeng ipaalmusal kay Shin. Sa lahat ng nangyari, nagagawa ko pa rin talagang asikasuhin siya. Mas inuuna ko pa ang pagkain niya kaysa sa pagkain ko. Ang hirap talagang maging mabait. Hindi ko magawang tiisin si Shin dahil sa ngayon, ako lang ang mayroon siya.
Delikado ka na Akira. You need to think straight.
Nakita ko ang petchay sa chiller at iyon na lang ang kinuha ko. Ini-steam ko na lang ito. Siguro naman ay hindi na magrereklamo si Shin dito, tutal naman ay gulay din ito. Hindi ko na kasi kayang magluto pa ng matagal dahil baka ma-late ako sa school.
Bago ko ihatid ang almusal ni Shin sa kwarto niya ay naligo muna ako para deretso pasok na lang ako. Mabilis lang akong naligo at agad na lumabas. Naabutan ko si Shin na nasa kusina at inaamoy ang niluto kong petchay.
“Ikaw anong almusal mo?” tanong niya sa akin nang makita niya ako.
“Hindi ako nag-aalmusal. Kumain ka na lang dyan. Kaya mo naman na siguro ang sarili mo.”
Kahit may lagnat siya ay nagagawa naman niyang tumayo at gumagala gala dito sa loob ng unit. Mukhang hindi na rin naman siya nanghihina. Mataas lang ang temperatura ng katawan niya.
“O, nasaan na ang maalaga kong girlfriend?” pabiro niyang sabi sa akin.
“Pwede ba Shin, hindi na ako natutuwa sa mga biro mo. At isa pa pala, kapag magaling ka na, ikaw na lagi magluluto ng pagkain mo,” seryoso kong sabi sa kaniya.
Lumapit naman siya sa akin at pinagmasdan ang mukha ko. Poker face lang na nakatingin din ako sa kaniya. Hanggang sa pinisil niya ang dalawa kong pisngi.
“Shin!” galit kong sigaw habang hinihimas ang magkabilang pisngi ko.
“Hindi na ako sanay sa dating ikaw Akira," parang batang sabi niya sa akin.
Pinindot pindot pa niya ang ilong ko kaya tinampal ko ang kamay niya. Napaaray naman siya dahil napalakas masyado ang pagtampal ko.
“Ewan ko sa iyo. Bahala ka na dyan. Kailangan ko nang pumasok," ang tanging nasabi ko na lang.
“Teka, papasok din ako," biglang sabi naman niya.
“Huwag kang pabida Shin. May sakit ka na nga, papasok ka pa," mataray kong sabi sa kaniya.
“Alam mo, kahit ganyan ka na ulit makipag-usap sa akin, nararamdaman ko pa rin ang pagiging caring at concern mo," nakangiti niyang sabi sa akin.
“Ewan ko sa 'yo," kunwaring naiinis kong sabi sa kaniya.
Lumabas na ako ng unit dahil ayoko nang humaba pa ang usapan namin. As much as possible, ayoko na munang makipag-interact sa kaniya.
“Umuwi ka kaagad a,” pahabol niyang sabi.
Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang sarili ko. Ayokong mas mapalapit pa kay Shin kaya ibabalik ko na lang ang dating pakikitungo ko sa kaniya. Hindi ko alam kung hanggang kailan lang siya mananatili rito. At the end of the day, iiwan niya rin ako so better to stay away from him. Ayoko nang masiyadong conflicts. I just need to save myself.
Pagkalabas ko ng building ay agad akong pumara ng jeep. Napakiusapan ko kasi si Tatay Damian na huwag na muna akong ihatid sa school. Hindi alam ni Shin iyon kaya walang naging problema.
Tutal absent si Shin so dapat naka-commute lang ako. Kailangan kong panatilihin ang status ko sa school. Kailangang manatili ang pagiging mahirap at scholar ko sa Academy hanggang sa maka-graduate ako.
Pagkarating ko ng school, as usual, pinagtitinginan pa rin ako ng mga estudyante pero wala akong naririnig na kahit ano sa kanila. Tahimik lang silang nakasunod ng tingin sa akin. Binilisan ko na lang ang lakad ko at agad na nagpunta ng classroom ko.
Pagpasok ko sa classroom ay natahimik ang mga kaklase ko na ipinagtaka ko naman. Weird. Hindi ko alam pero kinakabahan ako sa ikinikilos ng lahat ngayon. Hindi ko maiwasan ang mag-isip kung anong meron sa lahat.
Umupo ako sa upuan ko at nag-eexpect nang kung anong klaseng pangti-trip nila pero walang nangyari. Bumalik lang sila sa kani-kanilang ginagawa. Maya maya pa ay dumating na rin si Miro. Tahimik lang siyang umupo sa upuan niya. Himala? Wala ata siya sa mood na bully-hin ako. Pero ayokong magpaka-kampante dahil alam kong may pinaplano si Miro. Knowing him, hindi lilipas ang isang araw na hindi niya ako pinagtitripan.
"Good morning class!" bati sa amin ng teacher namin.
"Good morning Miss."
Inilibot ng teacher namin ang kaniyang paningin sa buong classroom. At nang makarating ang tingin niya sa pwesto ni Shin ay umangat ang kilay nito.
"Ms. Akira, alam mo ba kung bakit absent na naman si Mr. Kanji?" deretsong tanong niya sa akin.
Sabay sabay na lumingon sa akin ang buong klase maliban lang kay Miro. Lahat sila ay naghihintay ng sagot ko kaya napilitan akong tumayo. Alam na rin siguro ng teacher na "boyfriend" ko si Shin kaya ako ang napili niyang tanungin.
"May sakit po siya Miss," mahinang sabi ko habang nakatungo.
"Sakit na naman? Noong nakaraan ay sabay kayong absent dahil pareho kayong may sakit," komento naman ng teacher.
Napahawak ako sa laylayan ng damit ko. Hindi na ako komportable sa mga tingin na ibinibigay sa akin ng lahat. Maski ang teacher ko ay masama ang tingin sa akin. Hindi ko magawang makapagsalita dahil hindi ko na alam kung ano pang sasabihin ko. Naubusan ako ng salita sa utak ko dahil sa tensyon na nararamdaman ko ngayon.
"Bueno, pakisabi na lang kay Mr. Kanji na kailangan niyang mag-provide ng Medical Certificate kapag papasok na siya," dugtong na sabi pa ng teacher namin.
Marahan naman akong tumango at dahan dahan na umupo. Ibinalik na rin ng mga kaklase ko ang tingin nila sa unahan. Napahinga ako ng malalim at saka tumingin na rin sa unahan. Hindi ko sinasadya na mapatingin sa pwesto ni Miro. At hindi ko alam kung sa akin ba siya nakatingin ngayon. Hindi na lang ako nag-react pa at itinuon na lang ang atensyon sa teacher namin.
Nagsimula na ang klase namin at nakakapagtaka dahil halos lahat ng kaklase ko ay tahimik na nakikinig sa teacher. Hindi ganito ang araw-araw na senaryo sa section na ito. Kapag kasi oras ng klase, mababakas sa lahat na wala silang ganang makinig. Ngunit ngayon ay naka-focus lang sila sa teacher namin. Nakakapagtaka.
Lunch time, bumili lang ako ng pagkain at nagtungo ako rito sa rooftop ng building namin. Ayokong mag-stay sa cafeteria dahil hindi ko kayang tagalan ang mga tinging ipinupukol sa akin ng ibang estudyante. Ang weird nilang lahat. Nakatingin lang sila at walang sinasabing kahit ano. Mas natatakot ako sa mga ikinikilos nila ngayon kaysa noon na kung ano ano ang mga sinasabi nila sa akin. Dati kasi kapag pinagbubulungan nila ako, alam ko kung anong nasa isip nila. Pero ngayon, tahimik lang sila pero nandoon pa rin ang galit nila kaya hindi ko alam kung anong tumatakbo sa mga isipan nila. Kaya hindi ko maiwasan ang kabahan para sa sarili kong kaligtasan. Hindi ko alam kung may binabalak ba sila na mas malaki kaya ganito ang mga ikinikilos nila.
Natapos naman ang buong maghapon na walang nangyari sa akin. Hindi ko iyon gusto kaya agad akong lumabas ng school pagkatapos ng klase. Nakakaramdam ako ng takot at gusto kong makauwi na lang agad. At isa pa, iniisip ko rin si Shin na baka kung ano nang ginawa sa buong maghapon. Pero sa kasamaang palad ay wala pang jeep na dumadaan kaya mas lalong nadadagdagan ang kabang nararamdaman ko. Sa tagal ko nang nagco-commute, ngayon lang ata nangyaring wala agad dumadaan na jeep.
Nakatayo lang ako at naghihintay nang may isang sasakyan ang tumigil sa harapan ko. Hindi ko na kailangang manghula pa dahil kilalang kilala ko na kung kanino ang kotseng ito.
“Wala ka bang sundo?” mahinahon na tanong sa akin ni Miro.
Lihim akong napabuntong hininga.
Hindi ko siya pinansin. Wala pa rin akong natatanaw na jeep na parating. At lihim akong nagngitngit nang makita kong bumaba si Miro at binuksan niya ang kanang pintuan ng kotse niya.
“Sakay. Ihahatid na kita Akira," seryoso niyang sabi sa akin.
Nagulat ako sa narinig ko pero hindi ko na lang pinahalata. Tumingin ako sa kaniya. Medyo napaatras pa siya pero alanganin naman siyang ngumiti sa akin. Ito siguro ang pinaplano niya ngayong araw. Saan niya kaya ako dadalhin para pagtripan?
Tumalikod na lang ako sa kaniya at akmang maglalakad palayo pero hinawakan niya agad ang braso ko na ikinagulat ko.
“Akira, I told you, ihahatid na kita sa inyo," mariin niyang sabi sa akin.
“Ihahatid? Saan? Sa lugar na malaya mo akong mapapagtripan at masasaktan?” puno ng hinanakit na sabi ko.
And there it is. Pagkatapos ng ilang taon na pangti-trip sa akin ni Miro ay hindi ko na napigilan ang magsalita.
“Akira, ihahatid lang kita. That’s all," giit naman niya.
“Do you ever think na magpapahatid ako sa 'yo? Baka nakakalimutan mo kung anong status nating dalawa?” plain kong sabi sa kaniya.
Dahan dahan siyang napabitaw sa braso ko. Bumuntong hininga ako at pinakalma ang sarili ko. Hindi dapat ako nagpadala sa kaniya. Hindi dapat ako nagsalita. But I already did.
Nag-iiba ka na talaga Akira simula nang makilala mo si Shin. Come on Akira! Come back to your senses!
Saktong may dumaan na jeep kaya agad ko itong pinara. Sumakay ako at iniwan si Miro na nakatayo lang sa tapat ng kotse niya. Sana lang ay hindi niya ako sundan dahil malaking problema ang mangyayari kapag nagkataon. Kapag sinundan pa niya ako ay kailangan ko pa siyang iligaw para lamang hindi niya malaman kung saan talaga ako nakatira. Ang hassle pa namang mag-commute ngayon dahil rush hour.
Tumingin ako sa likuran ng jeep at nakahinga ako nang maluwag nang hindi ko nakita ang kotse ni Miro. Mabuti na lamang na hindi niya naisipan na sundan ako.
Gusto ko na lang umuwi ngayon dahil ang daming nangyari. I need to clear my mind. Ayokong mapuno ng mga isipin ang utak ko pero dahil sa nangyari, ang dami na namang mga tanong ang tumatakbo sa isipan ko. Simula kay Shin hanggang kay Miro, pinapagulo lang nila ang isip ko at hindi ko na nagugustuhan iyon.