12

1947 Words
AKIRA'S POV Pumunta muna ako sa kusina para magluto ng pwedeng kainin ni Shin. Nag-search na lang ako ng mga vegetarian recipe. First time ko lang kasing magluluto ng gulay at buti na lang at may stock pa siya ng mga gulay. Hindi ko na kailangang lumabas pa para bumili. Malakas pa rin kasi ang ulan hanggang ngayon. Mabilis ko lang naluto ang vegetable soup kaya pagkain ko naman ang lulutuin ko. Ang hirap kapag magkaibang luto ang pagkain namin, doble effort at pagod. Pag gumaling na itong si Shin, hindi ko na siya ipagluluto ng pagkain niya. Tutal naman ay kumakain siya ng hilaw na gulay. Pagbibigyan ko lang siya ngayon dahil may sakit siya. “Ano 'yan?” “Ay kabayo! Shin naman!” galit kong sambit sa kaniya. Muntik ko pang mabitawan ang sandok na hawak ko dahil sa pagkagulat ko. “Bakit?” tatawa tawa niyang sabi sa akin pero mahahalata naman sa mata niya na malungkot siya. “Lagi ka na lang nanggugulat diyan. Nakakainis ito," pagmamaktol ko. Hindi naman ako magugulatin talaga. Marahil ay nasanay lang akong mag-isa dito sa condo ko kaya kapag bigla siyang nagsasalita ay nagugulat ako. “Hindi ko na kasalanan kung magugulatin ka,” tatawa tawa pa niyang sabi sa akin. Nagpakawala na lang ako ng buntong hininga at ipinagpatuloy ko na lang ang ginagawa ko. “Teka bakit bumangon ka na? Bumalik ka na sa kwarto mo. Pinapalamig ko lang ng bahagya ang soup mo,” pag-iiba ko ng usapan. Sa halip na bumalik sa kwarto niya ay naupo siya sa dining. Nakahalumbaba siya habang tinitingnan ang mga ginagawa ko. Mukhang wala siyang balak bumalik sa kwarto niya kaya sumandok na lang ako ng soup niya para makakain na siya. Tahimik na pinapanood niya lang ang ginagawa ko. “Salamat. Napaka caring talaga ng girlfriend ko,” pang-aasar pa niya. Pinipilit ni Shin na ipakita sa akin na ayos lang siya. Ngunit ang hindi niya alam ay bakas na bakas sa mga mata niya na nasasaktan siya. "Baka gusto mong bawiin ko 'yan?" pananakot ko sa kaniya. "Hindi ka na talaga mabiro ano?" nakangiting tanong niya sa akin. Inirapan ko lang siya. Ipinatong ko ang kamay ko sa noo niya at pinakiramdaman kung may lagnat pa rin siya. “Ang taas pa rin ng lagnat mo. Ipa-check up na kaya kita?” wala sa sariling sabi ko. “Hindi pwede,” mariin niyang sabi. Napaiwas ako ng tingin at napakagat ako sa labi ko. Oo nga pala. Hindi nga pala siya tao. Minsan talaga sa sobrang pag-aalala ko, nakakalimot ako ng mga bagay bagay. “Full moon na bukas. I will be alright then,” dugtong pa niya. Bigla akong napatingin ulit sa kaniya at pakiramdam ko ay nabuhayan ako ng loob. “You mean mawawala na ang lagnat mo kapag nag-full moon na?” “Yes,” maikling sagot niya. "Ang galing naman. Hindi niyo na kailangan ng doctor,” komento ko naman. "Pero kapag nilalagnat lang kami dahil sa ulan. Bawal kasing mabasa ng ulan ang mga katulad ko," seryosong sabi naman niya. Naningkit ang mga mata ko dahil sa sinabi niya at hindi ko na napigilan na pingutin ang tainga ni Shin. "Aray! Akira, ano ba?" Gulat niyang sabi sa akin. "Bawal ka palang mabasa ng ulan, tapos tumayo tayo ka lang doon kanina. Pasaway kang fox ka," inis kong sabi sa kaniya. Kung kanina ay nag-aalala ako sa kaniya, ngayon naman ay gigil na gigil ako. Wala naman pala akong dapat ipag-alala dahil kasalanan naman niya kung bakit may sakit siya ngayon. Nakakainis. "Hindi ko kasi agad na-realize na umuulan na pala," malungkot niyang sabi. Oo nga pala, heartbroken nga pala siya. So kapag pala nasasaktan, hindi na naiisip ang sariling kapakanan. Gusto ko siyang intindihin ngunit hindi ko lubos maisip na ganoon ang epekto ng pag-ibig sa isang nilalang. "Pero bukas pa ang full moon, wala bang ibang paraan?" pag-iiba ko na lang ng usapan. “Concern ka ba talaga?” seryosong tanong niya sa akin. Napatingin ako kay Shin. Seryoso siyang naghihintay ng sagot ko. Since tapos na rin akong magluto ng pagkain ko, sumandok na rin ako at umupo sa tapat niya. “Oo naman,” naiilang kong sabi. Kahit naman kasi hindi kami gano’n ka-close, hindi naman ako manhid para hindi mag-alala sa kaniya. May pakiramdam pa rin naman ako at may pakialam sa mga taong nasa paligid ko. “Buti ka pa. Si Inaki kaya, nag-alala kaya siya sa akin? Alam niyang babagsak ang ulan pero iniwan niya lang ako basta doon. Nakita niya kayang nagpakabasa ako sa ulan?” wala sa sariling tanong niya. Si Inaki na naman. Minsan nakakarindi na ring pakinggan kapag binabanggit niya si Inaki. Well, nag-umpisa lang naman akong mainis simula noong makita ko kung paano siya I-reject ni Inaki. Ayokong ma-involve sa kanilang dalawa pero ewan, naiinis talaga ako kay Inaki. At isa pa, ako ang kasama ni Shin sa bahay kaya malamang, may pakialam na rin ako kahit papaano sa love story nilang dalawa. “Base sa nakita ko kanina, mukhang hindi mo siya nakumbinsi,” seryosong sabi ko sa kaniya. “Ayaw na raw niyang bumalik sa amin. Ayaw na niyang bumalik sa akin,” malungkot niyang sabi sa akin. Nagpakawala ako ng isang buntong hininga. “Ano nang plano mo?” Tumingin siya sa akin at bahagya akong nginitian. “Hindi ko siya susukuan.” Kusang tumaas ang kilay ko dahil sa sagot niya. “Kahit paulit-ulit ka niyang ipagtabuyan?” “Nine Tailed Fox Love Code. If your love is worth fighting for, fight for it,” deretsong sabi niya sa akin. “Ang tanong Shin, worth it ba?” deretso kong tanong. Buntong hininga lang ang isinagot niya sa akin. Tiningnan ko siya. Wala naman sigurong masama kung sabihin ko sa kaniya ang saloobin ko. Payong kaibigan na lang din tutal mukhang kailangan niya ng payo ko. Tutal din naman ay nagpapakadaldal ako sa kaniya, lulubusin ko na lang. “Hindi masamang sumunod sa Love Code niyo. Pero siguro naman, hindi rin masamang minsan na sumaway dito lalo na kung alam mong wala nang natitirang pagmamahal sa ‘yo. Sorry Shin pero I think I need to say this. Loving yourself is the greatest love you will ever feel. At sana huwag mong ipagkait sa sarili mo iyon Shin. Kung hindi kayang ibigay ni Inaki ang pagmamahal na kailangan mo, baka pwedeng ang sarili mo na lang ang magbigay ng pagmamahal na hinahanap mo. Hindi lang dapat kay Inaki umiikot ang mundo mo. Huwag mong gawing mundo ang isang babae na dapat ay parte lang,” seryosong sabi ko sa kaniya. “Paano kung ma-realize niya na pwede pala niya akong mahalin once na hindi ko siya sinukuan? Paano kung magbunga ang mga sakripisyo ko Akira?” wala sa sariling tanong niya sa akin. Napairap ako sa sinabi niyang iyon. Sa hinaba haba ng sinabi ko, parang wala pa rin siyang na-absorb sa mga sinabi ko. Ganoon na ba talaga niya kamahal si Inaki? Nagiging martyr na siya at binabalewala na niya ang sarili niya. “Hindi pa ba sapat ang ilang taon Shin para patunayan sa kaniya na karapat-dapat kang mahalin? Ilang taon pa ba ang kailangan niya para ma-appreciate ka niya?” deretso kong tanong sa kaniya. “Hindi ko alam Akira. Ginawa ko naman ang lahat pero wala pa rin,” seryosong sabi niya. “Exactly, ginawa mo na ang lahat pero wala pa rin sa kaniya. Baka oras na para kalimutan siya.” Hindi na nagsalita pa si Shin. Hindi ko alam kung anong iniisip niya ngayon, galit kaya siya o ano. Halos nangangalahati na rin siya sa kinakain niya nang bigla siyang mapahawak sa ulo niya. “Okay ka lang?” nag-aalalang tanong ko. “Sumasakit ang ulo ko.” “Teka, may gamot ako diyan. Umeepekto ba sa ‘yo iyon?” halos natatarantang tanong ko. “No. Kailangan ko lang ipahinga ito,” sagot naman niya. Tumayo na siya pero muntik na siyang matumba. Kaya wala akong nagawa kung hindi ang alalayan siya papunta sa kwarto niya. Agad naman siyang nahiga at ipinikit ang mga mata niya. Muli kong inilagay ang basang towel sa noo niya. Iminulat niya ang mga mata niya at hinawakan ang kamay ko. “Sa tingin mo ba talaga gagaling ako sa ginagawa mo?” nakangiting tanong niya sa akin. Heto na naman siya sa mga ngiti niya. Kahit na masakit ang ulo niya ay hindi pa rin niya nakakalimutan na ngumiti. Pero ang mga ngiting iyon ay hindi man lang umabot sa mga mata niya. “Mas mabuti na ito kaysa wala akong gawin,” sabi ko na lang sa kaniya. “Alam mo kung paano ako gagaling?” seryoso niyang tanong sa akin. “Paano?” kunot noong tanong ko naman. Hinigit niya ako pahiga sa tabi niya at agad na niyakap ako. Hindi ako nakagalaw dahil ang higpit ng yakap niya. Sa pagkabigla ko ay hindi ako nakapalag sa ginawa niya. At halos mapigil ko ang paghinga ko dahil sa nangyari. “S-shin, tsansing ka na. Ano ba?” Pinilit kong patarayin ang boses ko ngunit nauutal naman ako. Ang bilis ng t***k ng puso ko at nagsisimula nang mamawis ang mga kamay ko. Pilit kong tinatanggal ang kamay niya pero ginagamit niya ang lakas ng isang Nine Tailed Fox. Hindi naman ako nakakaramdam ng sakit sa pagkakayakap niya ngunit hindi ako komportable sa pwesto namin ngayon. Mas hinigpitan din niya ang yakap niya sa akin kaya ramdam ko kung gaano siya kainit ngayon. “Gusto mo akong gumaling 'di ba?” narinig ko pang sabi niya. “Kahit huwag ka nang gumaling,” masungit kong sabi. Hindi pa rin niya ako binibitawan kahit anong gawin kong pagpalag. Hindi ko na alam ang gagawin dahil napapagod na rin ang kamay ko. Nanghihina rin ako dahil sa bilis ng t***k ng puso ko. Nararamdaman ko na namamawis na rin ang noo ko. “Just for tonight Akira, please stay by my side,” mahina niyang sabi sa akin pero rinig na rinig ko pa rin. Pasalamat ka Shin na may sakit ka at heartbroken ka, kundi naitulak na kita pabagsak mula sa bed. Or worst, baka pinalayas na kita sa sarili kong condo. Isang buntong hininga ang pinakawalan ko. Ito ba ang gamot sa pusong sugatan? Ginawa pa niya akong manggagamot niya. Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob ko upang masabi sa kaniya ang nasa isip ko ngayon. Kailangan kong masabi ito dahil pakiramdam ko ay anumang oras ay maaari akong sumabog. “As much as possible, ayokong ma-attach sa'yo Shin. Ngayon lang ako nakipagkaibigan at ngayon ko lang binuksan ang sarili ko para sa iba. Natatakot ako dahil darating ang araw na iiwan mo ako. Kaya hanggang maaari, ayokong mapalapit sa iyo. Pero bakit mo ito ginagawa? Nahihirapan ako.” Sa halip na sumagot ay tanging hilik lang ang narinig ko sa kaniya. Nakatalikod ako sa kaniya kaya hindi ko makita kung tulog nga ba talaga siya. Mahigpit pa rin kasi ang yakap niya. Napabuntong hininga ako. Tinanggal ko ang salamin ko at ipinikit ko na lang ang mga mata ko. Ngayon ko nare-realize na inilalagay ko ang sarili ko sa alanganin. I shoud be distant to him. Dapat hindi ko binago ang pakikitungo ko sa kaniya nang malaman kong siya iyong batang nakita ko noon. Dapat hindi ako nagpaka-kampante sa kaniya. Kung hindi ko siya binigyan ng pagkakataon na makipaglapit sa akin, hindi siya makakampante na magkaibigan na kami. And now Akira, you’re in great trouble. Napasok ako sa isang sitwasyon na hindi ko alam kung paano makakalabas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD