KANJI SHIN’S POV
5 minutes na lang at tapos na ang afternoon class namin. Sinabi sa akin ni Akira kanina na bilisan ko raw pumunta sa room ni Inaki. Kapag daw kasi kasama ni Inaki si Miro, mahihirapan na akong kausapin siya. Baka hindi lang daw suntok ang abutin ko kay Miro. Ayoko rin namang makipag-away kaya abang na abang na akong mag-bell para mapuntahan ko kaagad si Inaki. Kailangan kong maunahan si Miro. Kailangan ko nang makausap si Inaki.
Pagka-bell ay sumulyap ako kay Akira. Tumango naman siya kaya lumabas na ako kaagad ng classroom. Itinuro na rin sa akin ni Akira kung saan ang room ni Inaki kaya hindi na ako maliligaw. Saktong pagkarating ko sa room ni Inaki ay palabas naman siya.
Natigilan siya nang makita niya ako. Hindi na siya gaanong nagulat nang makita niya ako ngunit mababakas sa kaniya ang pagkabahala. Marahil ay narinig na nga niya na ako ang bagong lipat dito sa Academy. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at agad ko siyang nilapitan pero medyo lumayo siya sa akin.
“Huwag dito,” seryosong sabi niya sa akin. Mababakas sa boses niya ang pagkabalisa at galit. Alam naman na niya siguro kung anong sadya ko sa lugar na ito.
Iyon lang ang sinabi niya at dali dali siyang naglakad. Sumunod naman ako sa kaniya dahil ito na ang tamang pagkakataon para makausap siya. Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang sundan siya. Ang laki nang ipinagbago ni Inaki. Pumayat siya at halatang nanghihina ang katawan niya. Ang putla rin ng mukha niya pati ng balat niya. Unti unti nang lumalabas ang epekto ng paglayo niya sa lahi namin. At hindi ko alam kung napapansin pa ba niya iyon.
Dinala niya ako sa rooftop kung saan kaming dalawa lang ang nandoon. Luminga-linga pa siya sa paligid at sinuguro niyang walang ibang tao na maaaring makarinig ng pag-uusapan namin. Naka-distansya rin siya sa akin at nirerespeto ko iyon.
“Anong ginagawa mo dito?” punong puno ng inis at galit ang mga mata niya.
“Gusto ko lang ipaalala sa 'yo Inaki, isang taon ka nang hindi umuuwi. Alam mong delikado sa ‘yo iyon ‘di ba?” seryosong sabi ko sa kaniya.
“Ayoko nang umuwi Kanji. Bumalik ka na doon. Wala kang mapapala sa akin.” Umirap siya at padabog na tumalikod sa akin.
Nagulat ako sa iniasta niyang iyon. Hindi gano’n ang Inaking kilala ko. Hindi siya umiirap o nagmamaldita. Pero mukhang binago na siya ng mundong pilit niyang gustong bagayan.
“Bakit ba ang dali-dali para sa ‘yo na talikuran ang lahi natin? Pumayag na nga ang Hari at Reyna na bumisita ka sa atin upang hindi ka manghina. Pero tuluyan mo na kaming tinalikuran. Bakit ang dali para sa ‘yo na talikuran ako?” sunod-sunod kong tanong sa kaniya. Hindi ko na napigilan pa ang emosyon ko.
Umiwas siya ng tingin sa akin at nagpakawala siya ng buntong hininga. “Hindi ko tinalikuran ang lahi natin. Sinunod ko lang kung anong gusto ng puso ko. Patawad Kanji, pero hindi ikaw iyon,” seryosong sabi niya sa akin.
“Inaki,” hindi makapaniwalang tawag ko sa kaniya.
“Kanji, bumalik ka na. Hindi na ako babalik doon. I will stay here,” matigas niyang sabi sa akin.
Pagkasabi niya noon ay umalis na siya. Naikuyom ko na lang ang kamao ko. Hindi ako papayag na mauwi sa wala ang sakripisyo ko. I will save her no matter what. Kung pwede ko siyang kidnapin na lang ay gagawin ko, maisalba lang ang buhay niya. Wala nang problema sa akin kung hindi man niya ako kayang mahalin. Ang mahalaga ay maiuwi ko siya.
Mabilis kong sinundan si Inaki. Naabutan ko siya sa may hallway. Hinigit ko siya at mahigpit na niyakap. Wala na akong pakialam kung may makakita man sa amin. Ang mahalaga ay makumbinsi ko siya.
“Inaki, please. Bumalik ka na,” pagmamakaawa ko sa kaniya.
“Kanji, ano ba!”
Pilit kumakawala sa pagkakayakap sa akin si Inaki. Pero mas lalo ko lang hinigpitan ang yakap ko sa kaniya. Gusto kong iparamdam sa kaniya na hindi niya kayang mabuhay ng wala ang lahi namin. Ipinadama ko sa kanya ang Special Bond ng Nine Tailed Fox kaya alam kong nanunumbalik ang kaniyang lakas.
Dumidilim na at tila babagsak pa ang malakas na ulan pero wala na akong pakialam. Baka sakaling mabago pa ang isip ni Inaki. Baka sakaling makumbinsi ko pa siya.
Ilang saglit pa ay ginamit na ni Inaki ang lakas niya bilang isang Nine Tailed Fox. Sa lakas ay nawalan ako ng balanse at napaupo sa damuhan. Hindi ko rin ine-expect na gagamitin niya iyon laban sa akin. Hindi ako agad nakatayo dahil para akong biglang nanghina. Hindi ko na rin napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. And for the nth time, I am hurting and crying because of one girl that can’t love me back.
“Get lost Kanji! Hinding hindi ko magagawang mahalin ang katulad mo. So just please, leave me alone!” galit niyang sabi sa akin.
AKIRA’S POV
Agad lumabas si Shin para maabutan si Inaki at makausap na niya ito. Ako naman ay nag-ayos muna ng gamit ko bago lumabas. Sana ay makausap na ni Shin si Inaki para matapos na ang problema niya. Sana ay makumbinsi na niya ito upang hindi na maging kumplikado pa.
“Do you really love Kanji?”
Hinarangan ako ni Miro nang palabas na ako ng classroom. Nakatayo siya sa may pinto at nakalagay ang mga kamay niya sa magkabilang gilid ng pinto. At dahil hinarangan niya ako, nanatili lang akong nakatayo malapit sa may pinto. Ano na naman kayang trip ng lalaking ito?
“Sa tingin mo ba mahal ka niya talaga?” tanong pa niya.
Lumapit siya sa akin. Hindi ko nagawang umatras kaya tumungo na lang ako at itinuon ang atensyon ko sa sahig. Hindi naman ako natatakot sa inaakto niya. Ang ikinatatakot ko ay baka hindi ko mapigilan ang sarili ko na mag-react sa mga ginagawa niya.
“Sa bagay, ano bang pakialam ko sa ‘yo? Hindi ko na kasalanan kung nagpauto ka sa lalaking iyon. Sana mapanindigan mo 'yang desisyon mo na iyan.”
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay umalis na siya at ako na lang mag-isa ang naiwan dito sa classroom. Hindi ko alam kung anong gusto niyang iparating sa akin. Naguluhan ako bigla sa mga pinagsasabi niya. Napailing na lang ako. Nababaliw na ata itong si Miro. Bakit ba ang kumplikado ng mga taong nasa paligid ko?
Lumabas na lang ako ng classroom. Medyo dumidilim dahil mukhang uulan pa. Nasaan na kaya si Shin?
Naglakad lakad muna ako hanggang sa matanaw ko si Inaki sa may hallway. Nasa likod niya si Shin at bigla niya itong hinigit at niyakap. Hindi ko naririnig ang pinag-uusapan nila pero base sa reaksyon ng mukha nilang dalawa, parang hindi maganda ang kahahantungan ng pag-uusap nila. At nakaramdam ako bigla ng takot para kay Shin.
Ilang saglit pa ay buong lakas na itinulak ni Inaki si Shin. Napaupo sa may damuhan si Shin at napansin kong umiiyak na siya. May sinabi pa si Inaki bago niya tuluyang iwanan si Shin.
Kasabay naman ng pagtayo ni Shin ang pagbuhos ng malakas na ulan. Pero si Shin ay nanatili lang na nakatayo doon. Hindi ba niya nararamdaman na basang basa na siya ng ulan? Wala ata siyang balak na sumilong.
Nabasa ko na ang mga ganitong scenario sa mga libro. Masasaktan ang character at magpapakabasa lang sa ulan. Napailing na lang ako. Mala-teleserye ba ang lovelife ng lalaking ito at kailangan pa niya akong idamay sa mga drama niya.
Hindi na ako nag-isip pa at sumugod na lang din ako sa ulan para puntahan si Shin dahil mukhang wala siyang balak umalis doon. Kung bakit ba naman kasi ngayong araw ko pa nakalimutan ang payong ko. Pati tuloy ako ay basang basa na.
“Shin, basang basa ka na. Halika na,” nag-aalalang sabi ko sa kaniya.
Hinawakan ko ang kamay ni Shin at sobrang lamig nito. Naramdaman ko pang bahagyang nanginginig ito.
“Tanggap ko naman na pero masakit pa rin pala kung siya mismo ang magtaboy sa akin palayo,” umiiyak niyang sabi sa akin.
"Pwede ba mamaya ka na magdrama dahil basang basa na rin ako,” prangkang sabi ko sa kaniya.
Hindi ko siya nais sungitan ngayon pero kung hindi ko gagawin 'yon ay baka abutin kami ng kinabukasan dito. Ayokong magkasakit dahil ayokong ma-ospital.
Ngunit ramdam na ramdam ko ang sakit na nararamdaman ni Shin. Nakaramdam ako ng awa sa kaniya. Sana nakikita ni Inaki kung gaano kakumplikado ang buhay ni Shin dahil sa kaniya. Ngunit sa nakita ko, mukhang wala nang balak pa si Inaki na bumalik sa mundo nila.
Hinila ko si Shin papunta sa gate at buti na lang nandoon na si Tatay Damian. Agad kong binuksan ang pinto ng kotse at pinasakay si Shin. Doon na ako sumakay sa unahan.
“Basang basa kayong mga bata kayo. Dapat hinintay niyo na lang ako sa classroom niyo. May payong pa naman akong dala dahil alam kong uulan,” puna ni Tatay Damian.
“Bilisan na lang po natin para makapagpalit kami ng damit,” magalang kong sabi sa kaniya.
Tumango naman si Tatay Damian at pinaandar na ang kotse. Pinahinaan ko rin sa kaniya ang aircon dahil pareho na kaming nilalamig ni Shin. Tumingin naman ako kay Shin na nakatulala lang. Hindi na siya umiiyak pero wala naman siya sa sarili niya. Buong biyahe ay wala siyang kibo at hindi ko alam kung ano nang iniisip niya ngayon. Kinakabahan ako dahil ngayon ko lang nakitang ganito si Shin.
Pagkarating namin sa unit ay agad na pumasok sa kwarto niya si Shin. Dumeretso na lang din ako sa kwarto ko para magpalit ng damit. Pagkapalit ko ay lumabas na ulit ako. Nagdadalawang isip ako kung kakatukin ko ba si Shin o hahayaan ko muna siya. Sa mahabang pag-iisip ay napagdesisyunan ko nang puntahan siya. Nag-aalala ako na baka kung anong gawin niya.
Kumatok ako sa pintuan niya pero hindi siya sumasagot. Pinihit ko ang doorknob at napag-alaman na hindi iyon naka-lock. Huminga muna ako ng malalim bago pumasok sa kwarto niya.
Nakita ko si Shin na nakahiga sa bed niya at balot na balot siya ng kumot. Agad ko siyang nilapitan at sinapo ang noo niya.
“Mahal na mahal kita Inaki,” nanghihinang sabi ni niya.
Nagsasalita na naman siya habang tulog. Napailing na lang ako. Namumutla siya at nanginginig sa lamig. May lagnat din siya kaya pumunta ako sa kusina at kumuha ng palanggana at towel. Nilagyan ko ng malamig na tubig ang palanggana. Bumalik ako sa kwarto ni Shin at saka nilagay ko sa noo niya ang basang towel. Mabuti na lamang na nakapagpalit na siya ng damit dahil isa pang malaking problema kung hindi.
Hindi ko napigilan ang maalala ang mga sinabi niya sa akin. Sobrang nasaktan ang isang Kanji Shin dahil sa isang babae na hindi siya kayang mahalin.
Paano ko kaya mapapagaan ang loob niya?
Napatitig ako sa mukha ni Shin. Hindi ko rin naman maitatanggi na gwapo siya. Ano kayang iniayaw ni Inaki sa kaniya? Kung tutuusin, ang swerte ni Inaki dahil may isang Shin na handang gawin ang lahat para sa kaniya. Pero bakit hindi niya magawang mahalin si Shin? Bakit nagawa niyang talikuran ang lahi niya para mahalin ang isang tao? Bakit ba ang kumplikado nila?
Totoo pala talaga ang kasabihan na, "Kahit gaano mo kamahal ang ang isang tao at kahit gawin mo ang lahat para sa kaniya, kapag hindi ka niya mahal, hindi ka niya mahal."
Sobrang sakit siguro sa side ni Shin iyon. Ang dami na niyang isinakripisyo ngunit lahat ng iyon ay nauwi lang sa wala.