AKIRA’S POV
“Balitang balita ka sa buong school Akira,” pagbasag ni Shin sa katahimikan.
Nandito pa rin kami sa classroom at hindi pa nagsisimula ang afternoon class. Kumpleto na kaming lahat ngunit hanggang ngayon ay hindi pa dumadating ang teacher namin. May ilang mga kaklase kami na nagsisimula nang mainip.
“May bago pa ba 'don? Ikaw, anong balita sa 'yo?” balik tanong ko naman sa kaniya.
“Na-miss mo naman agad ako,” pang-aasar pa niya sa akin.
Napairap na lang ako. Magkaaway nga pala kami bago siya umalis pero parang wala naman na sa kaniya 'yon. Ayoko na rin namang ungkatin iyon dahil masyado nang madaming nangyari. Nawala na rin sa isipan ko ang mga dapat ko sanang sasabihin sa kaniya.
“Na-miss mo rin akong asarin ano,” ganti ko naman sa kaniya.
“Namiss kita,” seryoso niyang sabi sa akin.
Bigla na lang may kung anong sumundot sa puso ko at bumilis ang t***k nito. Sinamaan ko na lang siya ng tingin para maitago ang hindi ko maipaliwanag na pakiramdam. Ayokong isipin na baka namumula na naman ang buong mukha ko at baka asarin lang niya ako lalo.
Heto ka na naman Shin. Nasanay na ulit ako na wala ka sa tabi ko pero heto ka na naman.
“Pero may isang malaking balita akong narinig kanina pagpakapasok ko pa lang ng school,” seryosong sabi niya ulit.
Napatingin ako kay Shin. Seryosong seryoso siya at walang bakas nang kalokohan ang makikita sa kaniya.
“Ano 'yon?” kinakabahan kong tanong. Wala naman dapat akong ikakaba pero ang bilis na naman ng t***k ng puso ko.
“Akala ko malaking balita na sa akin ang narinig ko kanina sa rooftop na nagtapat sa 'yo si Miro. Pero may mas malaki pa palang balita doon. Ipinagsigawan niya pala sa lahat na mahal ka niya?” hindi makapaniwalang sabi niya.
Umiwas ako ng tingin kay Shin. Pakiramdam ko ay nagkamali ako sa kaniya at kailangang kong ipaliwanag ang sarili ko sa kaniya. Weird. Daig ko pa ang totoong girlfriend na nahuli ng boyfriend na nagpapaligaw sa iba. Napailing na lang ako sa naiisip ko.
“Sinadya niya 'yon para magalit sa akin ang lahat ng babae dito sa school. Wala na siguro siyang maisip na ibang way para pagtripan ako kaya iyon na lang ang naisip niyang gawin,” pagdadahilan ko naman.
“Sa tingin mo iyon talaga ang dahilan kung bakit ginawa niya 'yon?” tanong pa niya sa akin.
“E ano pa bang pwedeng maging dahilan? Imposible naman kasing totoo na mahal niya ako. Magugunaw muna ang mundo bago mangyari 'yon,” masungit kong sabi pa.
“Sige, ipagpalagay natin na ginawa niya 'yon para magalit sa 'yo ang mga babae. Pero bakit hanggang ngayon, wala pa ring sumusugod sa 'yo?” seryosong tanong naman niya sa akin.
Napaisip naman ako sa sinabi niyang iyon. May punto si Shin. Kung ang purpose nga ni Miro ay ang magalit sa akin ang lahat ng babae at saktan nila ako, bakit wala ngang sumusugod sa akin? Hanggang masasamang tingin lang ang ibinibigay nila sa akin. Ni masasamang salita at panlalait ay hindi nila magawa.
“See? Minsan kasi, kailangan nating tingnan ang isang bagay sa mas malalim na kahulugan. Baka kasi nabubulagan ka lang sa panlabas na anyo nito,” makahulugan niyang sabi pa.
“Ano?” naguguluhan kong tanong kay Shin.
Nagpakawala ng buntong hininga si Shin at saka siya deretsong tumingin sa akin. “Alam mo bang pinagsabihan ni Miro ang lahat ng estudyante na huwag ka nang pagtripan at lalong huwag kang sasaktan?”
“Teka, ginawa niya 'yon?” hindi makapaniwalang tanong ko.
“Yes. Kaya wala nang nagtatangka pa na saktan o pagtripan ka,” seryosong sagot naman niya.
Bakit gagawin ni Miro 'yon? Napaka-imposible na ata ng mga sinasabi ni Shin. Masyado nang hindi kapani-paniwala.
“Paano kung seryoso na talaga si Miro sa 'yo Akira? Paano kung na-inlove na nga siya sa 'yo?” deretsong tanong pa niya.
Hindi ako nakapagsalita dahil hindi pa masyadong naa-absorb ng utak ko ang mga sinabi ni Shin. Bago lang sa akin ang lahat ng ito kaya hindi ko alam kung may dapat ba akong gawin o babalewalain ko na lang.
“Akira,” pagtawag sa akin ni Shin.
“Hindi ko alam Shin. Hindi ma-absorb ng utak ko ang mga nangyayari,” pag-amin ko sa kaniya.
“Kailangan mong maging handa. Baka anytime ay ligawan ka na ni Miro,” seryoso niyang sabi sa akin.
“Hindi niya gagawin 'yon lalo na at alam niyang boyfriend kita,” pangungumbinsi ko naman sa kaniya pati na rin sa sarili ko. Kailangan ko ring kumbinsihin ang sarili ko dahil nagsisimula na akong makaramdam ng takot sa mga posibilidad na mangyari.
“Gagawin niya 'yon. Maniwala ka sa akin. Kaya ngayon pa lang, maghanda ka na,” seryosong sabi naman niya.
“Magugunaw muna ata ang mundo bago mangyari ang iniisip mo Shin,” tatawa tawa kong sabi sa kaniya.
Hindi ko maintindihan kung binabalaan niya ba ako o kung nagagalit siya sa akin. Napakaseryoso ni Shin at ngayon ko lang ata siya nakita na ganito kaseryoso.
“Good afternoon class. I’m sorry for being late. Nagkaroon lang kami ng biglaang meeting. And I have a very special announcement.”
Sa sobrang pag-iisip ay hindi ko na namalayan na nandito na pala ang teacher namin. Kaniya kaniya namang ayos ng upo ang mga kaklase namin habang si Shin ay seryosong nakatingin na sa unahan.
“Kailangan nating maghanda dahil dadating sa Friday ang may-ari ng Academy kasama ang kanilang unica hija,” nakangiting sabi ng teacher namin.
Agad akong napahawak sa braso ni Shin. Tumingin naman siya sa akin na may pag-aalala. Walang nabanggit sa akin ang parents ko na uuwi sila this Friday at bibisita sila sa school.
“5 years na ang huling pagbisita ng Montenegro Family sa Academy kaya paghahandaan talaga natin ito. Kailangan natin silang I-welcome lalo na at ipapakilala na nila sa atin ang kaisa-isa nilang anak.”
Bigla akong nanghina at parang nahihilo pa ako. Nanginginig din ang mga kamay ko at namumuo ang pawis sa noo ko. Hinawakan ni Shin ang kamay ko para pakalmahin ako pero hindi iyon nakakatulong. Once na pumunta sina mommy dito, malalaman ng lahat ang tunay kong pagkatao at may posibilidad din na malaman nina mommy ang pagpapanggap ko.
“Ma’am, ano pong gagawin namin?”
“Good question. May nakalatag nang programme sa Friday. Miro, you will have a solo performance. Then ang mga member dito ng dance club, may meeting kayo mamaya sa gym. Yung ibang clubs din, ang alam ko ay may meeting din kayo mamaya.”
Wala akong sinalihang kahit na anong club sa school kaya hindi ako mamomroblema dun. Ang malaking problema ko ay ang mismong pagbisita nina Mommy sa Academy at ine-expect din na kasama ang anak nila which is ako.
“Ma’am, pwede ba akong tumugtog ng gitara at kumanta rin?” pagprisinta ni Shin.
Sinamaan ko sya ng tingin pero nginitian nya lang ako.
“Can you sing?” tanong naman ng teacher namin.
“Of course Ma’am,” proud na sabi naman ni Shin.
“Can you show us then?”
Proud na pumunta sa harapan si Shin. Humiram pa sya sa isa naming kaklase na laging may dalang gitara.
“This song is dedicated to the girl I love.”
Nagtinginan ang lahat sa akin. Hindi naman ako nag-react dahil hindi naman ako ang tinutukoy niyang mahal niya. Nagsabi pa siya ng ganoon samantalang wala naman dito si Inaki. Mga pakulo rin nitong si Shin e.
Nakatingin sa akin si Shin habang kumakanta siya. Inilibot ko naman ang paningin ko sa mga kakalase ko. Lahat sila ay nakatitig lang kay Shin habang tumutugtog siya. Now I understand kung bakit may pa-dedication pa siya kanina. Part lang ito ng pagpapanggap niya as boyfriend ko.
Buong pagkanta ay nakatingin lang siya sa akin. After nyang tumugtog ay nagpalakpakan ang lahat except me. Hindi naman maitatanggi na maganda ang boses niya at magaling siyang maggitara. Paniguradong mas lalo siyang nagustuhan ng mga babae dito.
“Okay Mr. Kanji, I will suggest to the faculty to give you also a solo performance.”
“Thank you Ma’am,” ngiting tagumpay na sabi naman ni Shin.
Bumalik si Shin sa upuan na may malawak na ngiti. Kumindat pa siya sa akin na ikinakilig ng mga babae. Napairap na lang ako. Kikiligin din sana ako kung hindi ko alam na pagpapanggap lang ang lahat.
“Napaisip tuloy ako. Anong talent ni Miro?” tanong niya sa akin nang makaupo siya.
“Naggigitara rin siya at kumakanta,” maikli kong sagot.
“Sinong mas magaling sa aming dalawa?” parang batang tanong naman niya.
“Malay ko sa inyong dalawa,” masungit ko namang sabi.
Wala naman akong pakialam sa mga talent nila. Wala akong pakialam kung sino ang mas magaling. At wala akong oras para alamin pa iyon.
“Gusto kong higitan si Miro,” seryosong sabi sa akin ni Shin.
Tumingin ako sa kaniya. Deretso siyang nakatingin sa unahan na kunwaring nakikinig sa teacher namin. Marahan akong napailing kasabay ng pagpapakawala ng buntong hininga.
“Gusto mo siyang higitan dahil alam mong may possibility na siya ang tinutukoy ni Inaki na mahal niya,” mahinang bulong ko.
First time kong makipagdaldalan habang nagtuturo ang teacher sa unahan. Mahirap pala dahil kailangan ko pang makipagbulungan kay Shin para hindi kami mahuli.
Tumingin naman siya sa akin na nakakunot pa ang noo niya. Ilang saglit pa ay ngumiti siya at huminga ng malalim. Ibinalik niya ang tingin sa unahan.
“Gusto ko siyang higitan para ipakita sa 'yo na ako ang karapat-dapat sa 'yo at hindi si Miro.”
Natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Tama ba ang pagkakarinig ko? O nabingi lang ako?
Mas karapat dapat siya para sa akin? Baka namali lang siya ng sinabi. Baka ang ibig niyang sabihin ay mas karapat dapat siya kay Inaki. Kasi si Inaki ang mahal niya at si Inaki ang dahilan kung bakit nandito siya.
Tama Akira. Mali ka lang ng narinig mo. Si Inaki ang tinutukoy niya at hindi ikaw.
Mabilis na natapos ang afternoon class at nagpaiwan muna kami ni Shin sa classroom. Nang kami na lang dalawa ang naiwan ay saka kami lumabas. Tahimik lang si Shin kaya hindi na lang din ako nagsasalita. Hanggang sa makarating kami sa may hallway. Marami pang estudyante ang nakatambay doon dahil may meeting pa ang mga club nila mamaya.
“Ang swerte swerte siguro ng anak ng mga Montenegro. Siya na yata ang pinakamayamang tagapagmana.”
Halos matigilan ako sa narinig ko. Usap-usapan ngayon ang pamilya Montenegro at hindi ko alam kung anong dapat na maramdaman. Naiilang ako at naa-awkward dahil sa ilang taon kong pag-aaral dito, ngayon lang naging main topic ng lahat ang pamilya ko.
“Kaya nga girl, naku dapat natin siyang kaibiganin. Alam mo naman.”
Napapailing na lang ako. Ganito naman sila e. Mabait sila kapag alam nilang mayaman ang tao pero kapag akala nilang mahirap, aalipustahin nila at lalaitin dahil hindi raw nila ka-level.
Naputol ang pag-iisip ko nang biglang hawakan ni Shin ang kamay ko. Napatingin ako sa kaniya habang siya ay deretsong nakatingin lang sa dinadaanan namin. Hihigitin ko na sana ang kamay ko ngunit mas hinigpitan pa niya ang hawak dito.
“Shin,” kinakabahan kong tawag sa kaniya.
Lumingon naman siya sa akin. “Nate-tense ka Akira at baka mahalata ka ng lahat. Kailangan mong mapanatili ang pagiging poker face mo, hindi ba?” nakangiting sabi niya sa akin.
Umiwas ako ng tingin. Akala niya siguro ay mare-relax ako kapag hinawakan niya ang kamay ko. Ang hindi niya alam ay mas lalong nagwawala ang puso ko dahil sa pagkakadikit na naman ng mga kamay namin. Idagdag pa na nalipat din sa amin ang atensyon ng lahat. Tahimik lang sila ngunit alam kong kating-kati na ang mga bibig nila upang laitin ako.
Lihim akong napailing. Nagawa ba talaga ni Miro na pagbawalan ang lahat na pag-tripan ako? Dahil wala na akong ibang nakikitang dahilan kung bakit ganito ang inaakto ng lahat.