Chapter 1
KANINA pa nakatitig si Althea Jane o Alj sa monitor ng kanyang laptop. Isang e-mail ang natanggap niya mula sa isang hindi inaasahang tao at siyang nagpapatulala sa kanya ngayon. Normal lang sana ang araw niya; Lunes, balik-opisina. Maaga pa siyang nagising at pumasok para makaiwas lang sa traffic.
Madalas ay sinisimulan niya ang oras ng pagta-trabaho sa pagbabasa ng mga mensahe sa kanyang e-mails. Labin-limang minuto ang kadalasang ginugugol niya para rito. Pagkatapos ay ang naging sales sa nagdaang araw at mga buwan na ng departamento na kaniyang hinahawakan ang kanyang pag-aaralan. Kabuuang imbentaryo naman ang susunod niyang titignan.
Kapag nakuha na niya ang lahat ng datos na kailangan niya ay gagawa na siya ng report at konklusyon para sa araw na iyon. Pati ang mga kailangang gawin o deadlines ng mga tauhan niya ay gagawan niya ng buod upang i-follow up sa mga ito mamaya.
Dahil araw ng Lunes, magkakaroon sila ng maikling pagpupulong tungkol sa nakalipas na linggo ng kanilang naging trabaho. Lahat ng pending at deliverables ay ifa-follow up niya.
Ibabahagi rin niya sa kanyang mga tauhan ang report na nagawa niya at ano pa ang maaaring magawa para mas mapataas pa nila ang benta at mapababa naman ang imbentaryo sa mga warehouse nila. Kung may iba pang mga problema o concerns ay tatalakayin din nila ito sa meeting na iyon.
Sa isang tanyag na clothing company nagtatrabaho si Alj bilang Sales Department Manager. Mayroon siyang sampung tauhan na siyang humahawak ng iba’t ibang kategorya ng sangay nila.
Pagkatapos ng meeting na iyon ay tutungo na siya sa opisina ng kanilang Vice President upang doon naman mag-report at mapag-usapan ang mga importanteng bagay o plano para sa departamento na hawak niya. Ilalahad din niya sa kanilang VP ang lahat ng concerns ng mga empleyado na nasa ilalim ng pangangasiwa niya.
Matatapos ang lahat ng ito ng alas-dose kung saan sumasakto sa lunch break.
Pagkatapos ng lunch break ay babalik siya sa kanyang lamesa upang tapusin naman lahat ng e-mails na hindi pa niya nabubuksan o nababasa at para pumirma sa mga mahahalagang dokumento na nasa lamesa din niya.
Madalas na nagagambala siya sa kanyang mga ginagawa ng mga tauhan niyang lumalapit sa kanya upang may idulog na problema o concern. Minsan naman ay ang mga business partners nila ang tumatawag sa kanya.
Matatapos ang araw niya sa oras na ala-singko. Eksakto siyang umuuwi at ito rin ang ipinapatupad niya sa kanyang mga tauhan. Aniya, mahalaga ang oras ng pamilya at oras para sa sarili. May tatahakin pa silang traffic at rush hour pag-uwi kaya naman mas mabuti na ang umuwi ng sakto sa oras para mas marami pang oras para sa tahanan.
Sa nakalipas na siyam na taon ay sa ganito umiikot ang buhay opisina ni Alj. Papasok siya sa ika-walo ng umaga at uuwi naman sa ika-lima ng hapon. Mayroon siyang sariling apartment at mag-isa lamang siyang nakatira doon. Ang nanay at kapatid niya ay nakatira sa Laguna. Umuuwi siya roon dalawang beses sa isang buwan.
Bahay-trabaho lamang ang karaniwan niyang routine.
Pero iba ang nangyari para sa araw ng trabaho niya na iyon. Lunes ang dapat sana’y pinaka-abala niyang araw pero heto at wala pa siyang nagagawa. Pinatay din niya ang telepono upang hindi siya magambala ng kung sinuman sa pagkakatulala niya at sa kung anu-anong itinatakbo ng isip niya.
Sinimulan niya ng alas-otso ng umaga ang araw niya para magbasa ng e-mails at alas-onse na ay nakatitig pa rin siya sa kanyang monitor.
Ipina-cancel rin niya ang meeting nila para sa araw na iyon at mabuti na lamang ay naka-leave ang VP nila para sa araw na iyon kaya hindi niya ito kailangang puntahan sa opisina nito.
Napatingin siya sa kanyang relong pambisig at nagulat pa siya sa oras na nakita. Napamura rin siya. ‘s**t! Three freakin’ hours? At wala pa akong nagagawa?’
Pinagalitan niya ang sarili. ‘Problema mo, Alj? E-mail lang yan! May trabaho ka pa!’
Pero nagtaka din siya. ‘Pero bakit apektado pa rin ako?’
Matagal na niyang binura sa kanyang sistema ang lalaking iyon.
Oo, isang lalaki ang nagpadala ng mensahe sa kanya. At ang lalaking iyon ay ibinaon na niya sa limot ng kanyang nakaraan. Bangungot ang tingin niya rito na kailangan niyang iwasang mangyari. Ayaw pa niyang mamatay. Marami pa siyang gustong gawin sa mundo. Bukod dito ay marami pa rin siyang responsibilidad na kailangang tugunan.
‘Kapal ng mukha!’ Inis pa rin siya. Hindi siya sigurado kung ang nararamdamang inis ay para ba talaga sa lalaki o para sa kanyang sarili. Hindi niya naiintindihan kung bakit ganito ang ginagawa niya ngayon, kung bakit ganito ang nagiging reaksiyon niya. Bakit hindi siya makapag-isip ng tama? Bakit wala pa siyang desisyon na nagagawa?
Muli na namang nanariwa sa kanyang alaala ang ginawa ng lalaking iyon na itatago na lamang natin sa pangalang Joben Buenavista o Jobz for short.
Ilang beses niyang paulit-ulit na binasa ang mensaheng ipinadala ni Jobz para sa kanya.
“Hi, Alj. It’s me Jobz. Kumusta ka na? I just want to tell you that Kyron sent our song to Himig Musica and it was selected as one of the final candidates. Please believe that I didn’t have any idea that Ky will actually send it as an entry. The organizers want to talk to us. Sana pumayag ka na isali yung kanta natin. And…I miss you. Again, I’m sorry for what I did.”
Kyron is Jobz’ best friend. Hindi niya alam na naibahagi pala ni Jobz ang kantang ginawa nila sa matalik nitong kaibigan. Aminin man niya o hindi ay kabisado pa rin niya ang awiting iyon kahit pa ilang taon na ang lumipas.
Siya ang nagsulat ng liriko ng awiting tinutukoy nito.
At si Jobz naman ang naglapat ng musika rito. Ito rin ang kumanta nang i-record nila iyon.
Alam niya ang tungkol sa songwriting competition na nabanggit ni Jobz. Minsan na nilang napag-usapan iyon pero ni sa hinagap ay hindi nila ibinalak isali ang awiting ginawa nila.
“This is our song and I want to treasure this forever.” Naalala pa niyang sinabi noon ni Jobz sa kanya.
Na sinang-ayunan naman niya. Noon. “Exactly. And I don’t want other people to make it as their theme song.” Segunda niya.
Papayag ba siya na ilahad sa publiko ang awiting napakalapit sa kanyang puso at naging bahagi ng buhay niya? At mapait na buhay pag-ibig…?
Nag-search siya sa internet tungkol sa nasabing songwriting competition. Nanlaki ang mata niyang natural nang bilugan dahil sa halaga ng pabuya sa kung anong awitin ang mapagpapasyahang mananalo para sa taong ito, “One million pesos?!”
Malaking halaga ‘yon! Kung paghatian man nila ni Jobz ang mapapanalunan ay malaking tulong pa rin iyon para sa kanyang pamilya. Matutubos na niya ang lupa’t bahay na isinanla nila noon nang magkasakit at pumanaw ang kanyang ama. Three hundred fifty thousand ang halaga ng pagkakasanla. May sobra pa para sana pan-dagdag puhunan sa magiging negosyo ng kaniyang ina.
Lumaki si Alj sa hindi kaalwahang buhay. Nangangatulong ang kaniyang ina at ang kanyang ama naman ang siyang nagpapatakbo noon ng maliit nilang tindahan. Nakapagkolehiyo siya dahil sa scholarship na kanyang natanggap at kahit scholar siya ay nagtrabaho pa rin siya upang may panggastos para sa kanyang allowance at mga bayarin sa school. Tumutulong din siya sa mga gastusin sa bahay. Mayroon siyang dalawang nakababatang kapatid na tinutulungan din niya.
Nalubog sila sa utang noong bago siya magtapos sa kolehiyo dahil nagkasakit ang kanyang ama. Nagpasiya silang isanla ang lupa kung saan nakatayo ang kanilang tindahan upang matustusan ang pagpapalibing sa kaniyang ama nang mamatay ito mula sa sakit sa puso. Nabayaran rin nila ang ilan sa mga utang nila mula sa pagkakasanla ng lupa nila.
Pagka-graduate niya ay kaagad siyang naghanap ng mas maayos na trabaho sa Maynila para mas makatulong sa kanilang pamilya. Bilang panganay ay inako niya ang salitang, ‘breadwinner’. Tumigil na rin sa pangangatulong ang kanyang ina dahil sa iniinda nitong mga sakit sa katawan. May kaedaran na rin ang kanyang ina kaya marapat lamang na tumigil na ito sa pagtatrabaho. Nasa kolehiyo pa sa kasalukuyan ang dalawa niyang kapatid at siya rin ang tumutustos sa mga ito.
Isinantabi niya ang pangarap niyang makapagsulat ng mga libro o para sa pelikula noon. Kung praktikalidad ang paguusapan, para lamang sa mayayaman ang pangarap na ito. Kailangan niya ng stable na income na bubuhay at magraraos sa kanilang buong mag-anak.
Mula sa pagiging secretary ay dahan-dahan siyang umangat patungo sa posisyon niya ngayon. Pinursige niya ang pagta-trabaho at ang kumita nang mas malaki.
Paminsan-minsan ay nakakapagsulat pa rin naman siya. Kapag walang traffic at maaga siyang nakakuwi ng bahay ay hinaharap niya ang mga pending niyang manuscripts upang dugtungan o tapusin. Nakakapag-update rin siya sa blogs niya ng mga tula o mga saloobin na isinasatitik niya.
Tuwing Sabado at Linggo naman ay suma-side line siya sa pagsusulat ng articles para sa isang online magazine. Dagdag kita din ‘yon sa kada maaaprubahang content na magagawa niya.
May mga naaprabuhan na rin siyang mga manuscripts pero iilan lamang iyon. Aminado siyang mabagal siyang makatapos ng isang nobela o kung makakatapos man ay madalas na-re-reject at hindi na niya inaayos para subukang ipasa muli.
Takot siya sa salitang ‘rejection’. Masyado niyang dinidibdib ang salitang iyon. Kaya naman madalas ay nawawalan siya ng ganang magsulat ng nobela kahit pa nga na ito naman talaga ang first love niya sa larangan ng pagsusulat. Paborito niyang genre ang romance at adventure.
Mas madali para sa kanya ang makasulat ng mga short contents at ito rin ang mas madalas at mas mabilis na maaprubahan sa kanya kaya naman dito na lamang siya mas tumutok.
‘Kalahating milyon is kalahating milyon!’ Ito ang paulit-ulit na tumatakbo sa isip niya. Hindi pa ganun kalaki ang ipon niya kaya naman napakalaking tulong talaga niyon para matubos na niya ang lupa nila na mag-iisang dekada nang nakasanla. Tatlong tao na ang napaglipatan ng pagkakasanla. Panahon na siguro upang mabawi na nila ang lupang ipinundar ng kanilang ama.
Ngunit sa kabila ng pagpayag niya na isali sa kumpetisyon ang kantang ginawa nila noon ay siya ring muli nilang paghaharap ng taong minsan niyang naging kaibigan…minahal…ngunit pinagtaniman rin ng galit at kalaunan ay piniling patawarin para tuluyan nang makalimutan.
Hindi man ito humingi ng sinserong patawad sa kanya ay pinatawad na rin niya ito sa puso niya. Nang sa gayon ay makalaya na siya mula sa pait ng kahapon at umabante na sa kanyang buhay.
Limang taon na ang lumipas pero maliwanag pa rin sa kanyang ala-ala ang mga naging pinagsamahan nila noon. Siguro isa rin sa mga dahilan kung bakit nasa isipan pa rin niya ang lalaki ay dahil sa walang naging maayos na wakas ang kwento nila.
Naiwan siyang nakabitin sa ere. Marami pa rin siyang tanong na ‘Bakit?’ na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan.
Hindi na niya hinanap ang mga sagot sa tanong niya dahil wala rin namang magbabago sa mga nangyari.
Naiwan pa rin siya. Nasaktan. Nadurog. Wala nang saysay kung masagot man lahat ng Bakit niya.
Ang malinaw lang sa kanya ay nagtapos ang lahat sa pagitan nilang dalawa sa pamamagitan lamang ng isang maikling palitan ng text.
Isang silip sa nakaraan ang bumalik sa alaala niya…
“Alj….” May nagpadala ng mensahe sa kanya galing sa isang di kilalang numero. Pero alam niya kung sino ito. Oo nga at binura na niya ang numero nito pero malakas ang pakiramdam niya kung sino itong nagpadala ng mensahe sa kanya.
“Who are you?” Tugon niya.
“You know that it’s me, Jobz. Binura mo na pala number ko. Sorry…”
“K.” Maikli niyang naging tugon. Tila ba pinaparamdam niya sa taong iyon na wala na siyang pakialam dito at hindi ito isang malaking kawalan sa buhay niya. Tuluyan na nga niyang binura sa buhay niya ang taong iyon. Tinanggal na rin niya ito sa lahat ng social media accounts niya. At simula noon ay wala na silang naging komunikasyon pa.
Nagsimula sa “Hi!” ang masaya nilang pagkakaibigan at nagtapos sa “K.” ang kwento nilang wala naman talagang naging maayos na wakas.
‘Kailangan ‘bang magkaroon ng maayos na wakas?’ tanong niya sa sarili.
Pinakita man niyang naging matapang siya sa paglisan ng lalaking ito sa buhay niya ay ilang linggo rin siyang umiyak sa mga kaibigan niya dahil sa ginawa nga nito sa kanya.
“Ang tanga-tanga ko, Jade! Bakit ba ako nagpaloko ulit?” Kausap niya sa telepono ang isa sa mga matalik niyang kaibigan. Nasa terrace siya ng kaniyang munting apartment habang may hawak na beer sa isang kamay. Kahit na may hawak na bote ng alak ay nagagawa pa rin niyang pahirin ang mga luha niya sa kaniyang pisngi.
Bumuntong hiningan muna si Jade bago siya nito tinugunan, “Hindi mo man lang nga siya binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag eh. Paano kung may mas malalim naman pala siyang dahilan kung bakit niya nagawa ‘yon. Baka may hindi lang siya masabi. Give him the benefit of the doubt.”
“Gago ba siya? Ang dami niyang oras para sana-”
Pinutol ni Jade ang mga sasabihin pa sana niya, “Oo, gago siya. Sabi mo eh. Kasing-gago ng ex mo. Ha-ha-ha!”
Napangiti na rin siya sa tinuran ng kaibigan. “Jade naman eh. Magkaiba sila. But yes, pareho silang gago. Just listen first, please. Huwag mo na akong sermunan dahil alam ko naman na naging tanga ulit ako at alam ko rin na gago talaga siya, sila. Huwag mo muna akong agawan ng moment. Nag-da-drama pa yung tao oh. Pagbigyan mo na.” Aniya habang mapait na nangingiti. Kasing-pait ng iniinom niyang beer na hindi malamig. She’s convincing herself to stay light despite the darkness she’s experiencing right at that moment; and that kind of moment she would never forget for the rest of her life.
“Oh sige, magsalita ka lang diyan na parang tanga. Kunwari wala kang kausap. Tutal tanga ka naman talaga, eh ‘di, panindigan mo na!” Muli siyang tinawanan ni Jade at muli niyang tinungga ang hawak na bote ng beer. “Sayo’ng sayo na ang korona ng katangahan, Althea. Parang kailan lang, ngumangawa ka sa akin dahil sa ibang lalaki, ngayon ngumangawa ka na naman. Ang malas mo naman sa pag-ibig. Ha-ha-ha!”
“Jade naman eh! Kaibigan ba talaga kita?”
“Ahmm, oo? Kasi wala kang choice.”
Isang kamay ang pumalo sa lamesa niya na siyang nagpabalik ng kanyang ulirat sa kasalukuyan.
“Althea Jade! Ang layo nang nililipad ng utak mo! Anyare, ‘te?” Hindi niya namalayang nasa harapan na pala niya ang isa rin sa mga matalik niyang kaibigan na si Vanni, taga-kabilang departamento ito. Malamang ay lumapit na ito sa kanya dahil nga sa nakapatay ang telepono niya at hindi siya nito matawagan. “Lunch na tayo, gutom na ako.” Yaya nito sa kanya. Mag-aalas dose na pala at napakagaling niya talaga dahil wala pa siyang nagagawang trabaho maliban sa isang nagpapirma ng rush document sa kanya kanina.
Hindi niya sinagot ang tanong ng kaibigan. Ipinakita na lamang niya dito ang monitor ng kanyang laptop at gaya ng kanyang inaasahan ay nanlaki ang mga nito. “Shemay! Buhay pa pala ‘yan si Buenavista mo?!” Eksaherada nitong reaksyon. Inilapit pa nito ang mukha sa kanyang monitor at paulit-ulit na binasa ang email na natanggap niya ng umagang iyon. Kilala ni Vanni si Joben Buenavista. Minsan na rin niyang iniyakan ang kaibigan dahil sa lalaking ito. “Baka scam lang ‘to, ha.”
“He’s not mine. He never became mine. Alam mo ‘yan.”
“Whateva.” Pinaikot ni Vanni ang mga mata at muling tumitig sa kanya, “So, kumusta ka ngayon? Ano’ng nararamdaman mo? Na-gets ko na kaagad kung bakit ka tulala kanina paglapit ko. Ingat lang ‘te baka ma-scam ka ulit.” Pasaring pa ng kaibigan niya sa kaniya. Oo na, siya na ang tanga, siya na ang madaling maloko, siya na lahat!
“I don’t know,” Kibit-balikat niyang sagot. Tinanggal na niya sa airplane mode ang telepono.
Hindi talaga niya alam kung ano ang dapat maramdaman. Hindi nga rin niya alam kung ano ang isasagot sa natanggap na e-mail. Kung alam niya lang ang isasagot kanina pa ay hindi na sana siya nagsayang ng ilang oras na pagkatulala at oras kakaisip.
“Gusto ko yung cash prize pero hindi ko alam kung paano ko siya haharapin. Hindi ko nga ma-replyan itong e-mail niya sa akin. Ano’ng i-re-reply ko? Hindi ‘to scam, Besh. Siya lang naman ang nag-iisang scam sa buhay ko pero yung songwriting competition, legit.”
“Sabihin mo happily married ka na.” Suhestyon ng kaibigan niya.
“Gaga!” Natawa siya sa sagot ng kaibigan dahil wala iyong bahid ng katotohanan. “And has two wonderful kids, ganon?” Pagsakay niya rito.
“Oo! Tapos sabihin mo mayaman ka na at hindi mo na kailangan ng isang milyon. End of story.”
“Baliw ka talaga. Kailangan ko ‘yon.” ‘Kailangang-kailangan.’ At hindi pa tapos ang kwento namin.
“Eh ‘di replyan mo ulit ng ‘K’,” ani Vanni at tumawa. Nakitawa rin siya. “Tutal doon ka naman magaling. Sa pag-reply lang ng ‘K’ kahit sa totoo naman ay ang dami-dami mong gustong sabihin. Alam mo, ngayon ko lang naisip, sana pala lahat ng pinag-da-drama mo sa akin noon, ni-record ko ‘no, tapos pinadala ko sa kanya para nakunsensya siya. Baka nobela pa ang natanggap mong e-mail ngayon. Hindi ‘yung ganyan na parang telegrama lang ang peg. ‘Apakatipid sumulat, akala mo ang liit lang ng kasalanan sa’yo.” Litanya ng kaibigan niya.
Napa-iling na lamang siya sa tinuran ng kaibigan. Muli niyang hinarap ang sariling laptop sa kanya at sinimulan na niya ang tumipa. Isang letra lang naman ‘yon, “Okay, sige. Re-replyan ko na ng ‘K.’ nang makakain na tayo.” Yun nga ang ginawa niya. And she pressed the send button. Pagkatapos ay isinara na niya ang laptop.
Nag-handa na siya para kumain. Kinuha niya sa kanyang bag ang baon niyang pagkain at nagbitbit rin siya ng wallet sakali mang may magustuhan siyang bilhin sa canteen, na hindi madalas nangyayari dahil mas nangingibabaw sa kanya ang pagtitipid. Tumayo na siya at inakay na siya ng kaibigan patungo sa cafeteria.
Malapit na sila ni Vanni sa cafeteria nang mag-ring ang telepono niya at isang unknown number ang remehistro. Napamura na lamang siya, “s**t!” kasabay nang mabilis na pagtibok ng puso niya. Parang bilang nagkaroon ng ilang libong batch ng marathon sa loob ng dibdib niya. Tamang hinala lang siya kung sino ang tumatawag sa kanya.