“KUMUSTA ang mama mo, hija?” tanong kay Bianca ni Lola Alicia.
Tuwang-tuwa ang kanyang lola sa pagdating niya. Kulang na lang ay ito pa ang maghakot ng mga dala niya sa labis na pag-asikaso sa kanya. Tatlong taon na rin ang nakalilipas nang tuluyang mamaalam ang kanyang lolo. Gusto sana nila ng mama niya na pumisan na ito sa kanila, pero mas gusto nitong manatili sa probinsiya. Paminsan-minsan, nakukumbinsi nila ito na magbakasyon sa Maynila. Pero wala pa mang isang linggo ay nagyayaya na itong umuwi sa Sierra Carmela.
“Okay lang, Lola. As usual, busy sa negosyo,” sagot ni Bianca pagkatapos yumakap at humalik dito. “Ano ang merienda? Mayroon bang ginataang bilo-bilo?” malambing na tanong niya.
“Hindi ka naman nagpasabi na darating ka, Sana’y nakapagluto ako. Tinapay at keso ang mayroon diyan. Dadalawa lang kami ni Mila kaya nakakatamaran na naming maghanda pa ng merienda.” Si Tita Mila ay pamangkin nito sa isang malayong kamag-anak at kasa-kasama nito sa bahay. “Pero kung gusto mo, magpapagiling ako ng malagkit. Mga dalawang oras ang hihintayin mo bago ko maluto ang bilo-bilo.”
“Huwag na, Lola,” nakangiting sabi ni Bianca. “Akala ko kasi, mayroon. Siyempre, hindi ako nagpasabing darating ako. Para surprise. Na-surprise ka ba, Lola?”
Ngumiti ang matanda. “Siyempre naman. Miss na miss na kita, apo. Napakadalang nating magkita. Mabuti at nauwi ka rito.”
“May class reunion kami bukas. Iyong batch namin sa Sierra Carmela.”
“Ah. Pero huwag mong sabihing uuwi ka agad? Dumito ka muna nang ilang araw para magkasama tayo nang matagal-tagal. Ipagluluto kita ng mga paborito mo.”
“Talaga? Magluluto kayo ng kalderetang bibe?” biro niya.
“Lahat ng gusto mo, iluluto ko,” sagot nito.
“Sige, dito muna ako. Pero, Lola, kapag nainip ako, luluwas din ako, ha? Alam n’yo namang mas sanay ako sa buhay sa Maynila kaya huwag kayong magtatampo kapag nagpaalam na ako.”
“Alam ko naman iyon.” Tinawag nito si Tita Mila na nang mga sandaling iyon ay natapos na rin sa paghahakot ng mga gamit niya. “Ipaghanda mo nga ng sandwich at maiinom itong apo ko. Initin mo sa oven ang tinapay.”
“Lola, `eto nga pala ang pasalubong ko sa inyo,” sabi niya at inilabas ang isang bote ng pabango. Tea Rose iyon, paborito nito.
“Naku! Hindi ko pa nga nababawasan man lang iyong huling ibinigay mo,” anito pero halatang natuwa sa dala niya.
“Hindi n’yo naman yata ginagamit, paano mababawasan? Ipamigay mo na iyon. Baka expired na,” nakangising sabi niya. Isang lipstick naman ang inilabas niya. Nang ihain ni Tita Mila ang sandwich at juice, ibinigay niya iyon dito. “Pasalubong ko sa iyo.”
“Ay, thank you. Kasali rin pala ako.”
“Siyempre naman. May mga damit akong dala riyan. I’m sure kasya sa iyo ang iba.”
“Thank you na agad. Sige, may inililigpit ako sa kusina,” paalam nito.
“Mabuti at hindi nag-aasawa si Tita Mila,” sabi niya sa abuela habang sinisimulang kainin ang merienda. “Paano kung mag-asawa siya? Eh, di sasama ka na sa amin sa Maynila? Doon ka na titira, Lola. Magsa-shopping tayo nang magsa-shopping.”
Umiling ito. “Hindi na mag-aasawa iyan,” parang sigurado na sigurado na sagot nito. “Forty-one na si Mila. Kung may interes siyang mag-asawa, sana’y noon pang bata-bata siya.” Bumuntong-hininga ito. “Bianca, apo, kahit ano ang sabihin mo, ayaw ko sa Maynila. Wala akong hilig sa mall. Giniginaw ako sa aircon. Napapagod ako sa kakalakad.”
Napabungisngis si Bianca. Alam niya na kahit na ano ang sabihin niya ay hindi nito iiwan ang buhay sa probinsiya.
“Siya, doon ka na muna sa kuwarto mo at magpahinga ka na. Ipapahuli ko kay Mila iyong isang bibe nang makatay. Mamayang hapunan, kalderetang bibe ang ihahain ko sa iyo.”
Napangisi siya. Hindi lang siya sa ina spoiled, kahit sa abuela ay sunod din ang lahat ng kapritso niya. “Lola, sarapan n’yo ang luto, ha. Iyong maanghang.”
Tumango ito. “Pauusukin ko ang bibig mo sa anghang.”
LATEST collection ng Terranova na pang-itaas at designer jeans ang isinuot ni Bianca nang gumayak papunta sa reunion. Nine West na boots ang sapin niya sa mga paa, katerno ang bag na ganoon din ang tatak. Manipis lang ang makeup na in-apply niya sa kanyang mukha, natural look, sabi nga. Binigyan lang niya ng emphasis ang mga labi at glossy lipstick ang ipinahid niya sa mga iyon. At dahil na-master na niya ang tamang paglalagay ng makeup, ang hitsura niya nang mga sandaling iyon ay para bang sa naghihintay na mahalikan.
Maganda siya, walang magsasabing hindi. Pero likas na mapustura siya kaya nagtatagal siya sa harap ng salamin bago tuluyang lumabas ng silid. Siguradong walang mali sa bihis niya dahil nang lumabas siya, kulang na lang ay malaglag ang mga panga ni Tita Mila nang makita siya.
“Bianca, ang ganda-ganda mo!” bulalas nito. “Bakit hindi ka nag-artista?”
“Hindi puwede,” nakangiting sabi niya. “Matanda na ako para mag-artista. Saka wala akong talent.”
“Saka hindi ka talaga dapat mag-artista,” sabad ng kanyang lola na mababakas din sa mga mata ang paghanga sa hitsura niya. “Masisira lang ang buhay mo. Uusisain ng kung sinu-sino ang personal mong buhay. Mawawalan ka ng privacy.”
Natawa siya. “Si Lola, nag-serious naman. Aalis na po ako. Baka magkasarapan ang kuwentuhan sa reunion, umagahin na ako ng uwi.”
“`Maryosep naman!”
“Lola, kina Alejo Sampana ang party. Sigurado na kilala ninyo siya. Wala kayong dapat ipag-alala. Matagal kaming hindi nagkita-kita kaya hindi n’yo kami masisisi kung hindi agad kami maghiwa-hiwalay kapag nagkita-kita kami finally.”
“Oo, kilala ko iyon. Sikat na arkitekto iyon dito. Siya, mag-iingat ka sa pagmamaneho. Baka may inuman doon, magpakalasing ka.”
“I won’t.” Humalik na siya sa pisngi ng abuela. “Aalis na ako. Tita Mila, ikaw na muna ang bahala sa lola.”
Inihatid si Bianca ng dalawa sa labas hanggang sa makasakay siya sa pickup. Bago tuluyang pinaandar ang sasakyan ay nakangiting kumaway siya sa mga ito.
Nang nasa main road na siya ng Sierra Carmela ay kinonsulta niya ang location map na kasama ng invitation card para sa reunion. Tatlong barangay ang layo ng bahay nina Alejo mula sa kanila. Pero madali na lang hanapin iyon.
Ni hindi siya nahirapan. Palibhasa ay maluwag ang kalsada, saglit lang ay nasa tapat na siya ng bahay nina Alejo. Luminga-linga siya para maghanap ng mapagpaparadahan nang salubungin siya ni Alejo.
“Bianca Arciaga?” anito na parang hindi pa siya nakilala agad.
Nagtaas siya ng isang kilay at saka ngumiti nang maluwang. “Yup! No one else.”
“Kumusta?” nakangiting tanong nito. “Wala kang kasama? Boyfriend or husband?”
Natawa siya. “I’ve never been married! And as of the moment, wala ring boyfriend. Sandali, saan ba ako puwedeng mag-park? Okay lang ba kung dito na lang?”
“Napakaluwang ng parking area. Umabante ka pa nang kaunti at may daan diyan sa kabila ng puno ng akasya. Dito ako dadaan, ia-assist na nga kita.” Tinawid nito ang mga tanim na santan sa harap ng bahay.
Pagliko nga ni Bianca ay nakaabang na ang lalaki sa kanya. Sumesenyas pa ito kung saan niya dapat ipuwesto ang sasakyan. May mga sasakyan nang nakaparada roon. Pero ang nakatawag ng pansin niya ay ang isang bagung-bagong itim na BMW sports car.
Napasipol siya. “Wow, Alejo! Big time ka na talaga. Ang gara ng kotse mo!” aniya nang makaibis ng pickup.
“Sana nga. Kaso, hindi ko sasakyan iyan. Van ang gamit namin ni Ting lately. Alam mo na, papalaki na ang pamilya. She’s pregnant.”
“Really? Congratulations! So, kanino ito?” pangungulit pa rin niya, tinutukoy ang BMW. “Let me guess. Kay Lemuel? Sikat na iyon, ah. Napapanood ko siya sa TV.”
“You’re wrong again. Kay Rusty iyan. Still remember him? Ang laki ng ipinagbago niya.”
“Oh, Rusty,” aniya. Nabuo sa isip ni Bianca ang imahe ng bruskong kaklase nila. Mukhang siga, magaspang kumilos, at maingay. Pero sikat din ito, pagdating nga lang sa basag-ulo.
His full name was Rustico Madlang-awa. Kung record sa guidance at principal’s office ang titingnan, parang ang guidance counselor at principal na ang nagmamakaawa rito. Palaging ang pangalan ni Rusty ang mababasa sa logbook. Hindi yata lumilipas ang buwan na hindi naipapatawag ang nanay nito dahil nasangkot ito sa g**o.
Rusty was the bad boy of their batch. Hindi na pinag-uusapan kung sino ang nagpasimuno ng isang away, basta nasangkot ang pangalan nito, ang unang konklusyon ay naghanap na naman ito ng basag-ulo.
“So, the bad boy is a big shot now,” kaswal na sabi niya. “The question is, good boy na kaya siya ngayon or bad boy pa rin?”
Ngumiti ito. “He’s out there. Kapag nakita mo siya, baka magkaroon ka na rin ng sagot sa tanong mo. Tara doon. Marami na tayong mga kaklaseng dumating. Nagsisimula na nga ang kainan. Mayamaya lang nang kaunti, uumpisahan na natin ang program.”
“Exciting ba?” tanong ni Bianca habang papunta sila sa kinaroroonan ng party. Natatanaw na niya ang mga nakakalat na mesa. Nalalanghap na rin sa hangin ang mabangong amoy ng barbecue.
“Gawin nating exciting,” sagot nito. “Pinaghandaan namin ito. Kami ni Ting saka nina Joel at Amor. It’s been twelve years. Nakakasabik ding magkita-kita tayong lahat.”
“Right! That’s why I’m here. Kung alam mo lang, I hate the dull life of this town. Pero pansamantalang kakalimutan ko muna iyon para sa reunion na ito.” Binuntutan niya iyon ng tawa. “Oh, great! Sina Elsie iyon, `di ba?” sabi niya. Bigla rin siyang may naalala. “By the way, kumusta si Miguel?”
“Nandiyan na rin. Kasama niya ang asawa niya.”
“Alejo, puwedeng patingin ng program?”
“Naroon kay Ting. Doon tayo sa kanya. Bakit?”
“I have an idea. Malay mo, baka mas makasaya iyon sa reunion na ito?” Ngumiti siya nang pilya.