4

1942 Words
KALAHATI sa mga kaklase ni Bianca na dumalo sa reunion na iyon ay nakahalubilo na niya sa loob lang ng maikling sandali. Sanay na sanay siya sa ganoong party. Nagagawa niyang makipagsosyalan nang hindi inaabot ng gutom. Isa pa, hindi naman de-numero ang kilos ng mga tao roon. Mas malakas ang tawanan, mas masaya ang paligid. Kinalimutan na rin niya ang pag-iwas sa karne. Tulad ng ibang naroroon, nag-enjoy siya sa pagkain ng barbecue. Kung nakakailang stick na siya ay hindi niya alam. Nabusog na siya na tanging iyon lang ang kinakain gayong marami pang ibang pagkain na nakahain sa buffet table. Luminga siya at hinanap ang waiter na umiikot sa bawat mesa. She needed something to drink. At hindi juice o soft drink ang hinahanap ng lalamunan niya. Humakbang siya papunta sa kinaroroonan ng natanaw na waiter na may dalang tray ng alcoholic beverage. “Bianca!” Bigla siyang napalingon sa tumawag. Nakita niya si Elsie. Kumakaway ito sa kanya at parang niyayaya siyang makisalo sa mesang kinaroroonan nito at ng iba pa nilang kaklase. “Sandali lang!” sagot niya na may kasama ring pagsenyas. Sa muling paghakbang ay bumangga siya sa isang malapad na dibdib na parang pader. Kumunot agad ang noo ni Bianca sa nadamang iritasyon. Pero mas nangibabaw ang mabangong amoy na nanuot sa kanyang ilong. It was definitely a masculine scent—the fragrance of musk and bergamot. Nagmistulang balsamo ang amoy na iyon sa maingay na paligid. “I’m sorry.” Nang dumilat siya ay noon lang din niya na-realize na napapikit pala siya. At bahagya pa siyang nagtaka. Bakit ngayon lang niya napansin ang lalaking ito? He had a domineering stance. His face demanded authority. Taglay nito ang tiwala sa sarili at buong loob. Imposibleng makalampas sa pansin niya ang hitsurang taglay nito. “Okay ka lang?” tanong nito sa baritonong boses. Tumango agad siya. “Yeah. Pasensiya ka na. Hindi kasi ako nakatingin sa dinadaanan ko.” Sumilay ang isang matamis na ngiti—a killer smile, she should say—sa mga labi nito. Pagkatapos ay bahagyang tumango at nilampasan na siya. Naiwan si Bianca na parang namatanda. Sinundan niya ng tingin ang lalaki habang palayo sa kanya. Maong na pantalon ang suot nito. Ang polo ay may mahabang manggas pero itinupi hanggang sa siko. Maging ang paghakbang nito ay may taglay na karakter. Nahigit niya ang hininga. Bihira siyang makaramdam ng ganoong emosyon, pero nakakasiguro siya at hindi puwedeng magkamali: she was definitely attracted to him. And she had to find out who he was. TAHIMIK na nakaupo si Bianca sa isang mesa na malayo sa karamihan. Nakatitig siya sa isang grupo na umookupa sa isa pang mesa na di-kalayuan sa kinaroroonan niya—ang grupo ni Rusty. Hanggang nang mga sandaling iyon ay hindi siya makapaniwala na ito ang lalaking nakabangga niya kanina; ang lalaking nagmamay-ari ng kotseng hinangaan niya nang dumating siya. May ilang sandaling nawala sa isip niyang hanapin mismo si Rusty kahit ito ang pakay niya kanina nang malamang ito ang may-ari ng naturang sasakyan. Napukaw lang ang curiosity niya rito. Pero ang aristokratang bahagi ng kanyang pagkatao ay mas matindi ang kuryosidad. Parang mahirap paniwalaang ang basagulerong si Rustico ay di-hamak na mas kagalang-galang pagmasdan kaysa sa ibang kaklase nila. Hindi kaya involved ito sa mga ilegal na gawain? Baka d**g lord ito o kaya ay sangkot sa jueteng. O baka naman pinuno ito ng isang kidnap-for-ransom g**g? Pero sino ang lolokohin niya? Mas nangingibabaw sa dibdib niya ang paghanga sa lalaki. Mabilis niyang isinantabi ang mga negatibong opinyong sumalit sa isip. Mula sa kinaroroonan ay lihim niyang pinag-aaralan si Rusty. Ibang-iba na ang personalidad nito ngayon. Hindi na mababakas ang pagiging basagulero nito noong high school sila. Kung hindi pa pumapailanlang ang malakas na tawa nito sa gitna ng pagkakatuwaan sa reunion na iyon, iisipin niyang produkto ito ng isang boarding school sa Europa. He was refined. He was polished. “Bianca, bakit ka nag-iisa diyan?” tanong ni January na hindi niya namalayang lumapit sa kanya. “N-nothing.” Ngumiti siya. “Medyo napagod lang sa pakikipagkuwentuhan. You know, nakakangawit din ng panga ang salita nang salita.” Tumawa siya nang bahagya. “Nagre-recharge lang ako nang kaunti.” “Ah, okay. So mamaya na tayo magkumustahan?” tanong nito. “Puwede rin namang ngayon na.” Tumayo na siya. Naisip ni Bianca na hindi na siya dapat na mag-stay sa mesang iyon. Magiging kapansin-pansin na sa lahat ang pag-iisa niya. “Hindi ka pa rin nagbabago, January. Pinakinggan kong mabuti ang kanta mo kanina. Maganda pa rin ang boses mo. Hindi mo ba naisip mag-audition? Baka iyan ang mag-aakyat ng yaman sa iyo.” Naglakad sila palapit sa grupo ng kanilang mga kaklase. Sa sulok ng kanyang mata, muli niyang sinulyapan ang mesa nina Rusty. Nagkakatuwaan din ang mga ito roon. Ngumiti si January. “Kung alam mo lang. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong sumali sa mga singing contests. Minsan nananalo, minsan talo. Overage na ako para sumali.” “Parlor games na!” aniyang napansin ang pagtatawag ni Alejo sa mga married couples ng batch nila. Naging animated siya. Naalala niya ang ideyang naisip at sinabi kay Alejo kaninang kadarating lang niya. Nagkaingay ang lahat nang tawagin ang pangalan nina Miguel at Elisa. Alam niyang nagtataka ang karamihan sa mga ito. Nagkatinginan sila ni Alejo. Ngiting-ngiti na lumapit si Bianca sa entablado at kinuha ang mikropono mula sa lalaki. “Hindi n’yo ba alam na si Elsie ang first dance ni Miguel? Noong prom night natin noong fourth year tayo, ako pa mismo ang nagyaya kay Miguel na isayaw ako pero tinanggihan ba naman ako?” aniyang kunwari ay na-offend sa pangyayaring iyon. “Iyon pala, si Elisa ang hinihintay niyang mabakante. At kung napansin lang ninyo noon, daig pa ni Miguel ang hitsura ng estudyanteng pumasa sa Physics nang pumayag si Elsie na makipagsayaw sa kanya.” Umugong ang tuksuhan. “I wonder why,” sabi pa ni Bianca. “They look so perfect together. Ang sweet pa nga nila. Akala ko, ligawan na ang kasunod.” Nagkibit-balikat siya. “Kunsabagay, marami talagang nangyayari sa buhay ng tao. Anyway, Miguel is married now. Congrats, Miguel. And also to you, Precy.” nilingon din niya ang asawa ng lalaki. “And to you, Elsie, mag-asawa ka na. Huwag ka nang gumaya sa akin na single pa rin.” Nagpalakpakan ang mga naroon, palakpak na nanunukso. Pero napansin ni Bianca na parang biglang nailang si Elsie kahit nakangiti pa rin. Napatingin tuloy siya sa asawa ni Miguel. Nakangiti rin ito pero halatang matalim ang tinging ipinukol kay Elsie. Hindi alam ni Bianca kung dapat siyang mag-alala o hindi, pero naisip niyang katuwaan lang naman iyon. Nakaraan na iyon, hindi naman siguro masamang pag-usapan. “Okay, ito ang game mechanics,” narinig ni Bianca na sabi ni Alejo habang palayo na siya ng stage. Patuloy sa panunukso ang mga nanonood. Sa halip na tunguhin ang grupo ng mga kaklase ay sa loob ng bahay nina Alejo siya tumuloy. Isang katulong ang nakita niyang nasa kusina. “Hi! Makiki-CR sana ako,” aniya. “Diyan ho, Ma’am. Iyong pinto paglagpas ninyo sa ref. May tao pa po. Pakihintay na lang.” “Okay. Salamat.” Matiyaga naman siyang naghintay. Nagulat pa siya nang makita ang lumabas doon. “Lea!” “Hoy, bruha!” nakangising sabi nito. “Ano ba iyong pinagsasabi mo sa mic kanina? Totoo ba iyong kina Miguel at Elisa?” Natawa siya. “Hindi ka pa rin nagbabago. Tsismosa ka pa rin.” “Ano nga? Totoo ba?” “Well, sabihin na nating sa tagal ng hindi natin pagkikita-kita, alangan namang kasinungalingan pa ang sasabihin ko? Besides, I revealed it for fun. Kita mo naman, lalong nabuhay ang crowd.” “Hala ka, mukhang nabuhay rin ang hasang ng asawa ni Miguel. Sa kanya ako nakatingin kanina. Mukhang napikon, ayaw lang magpahalata.” Umirap si Bianca. “So? It was just a part of the past. Wala namang malisya ro’n. Saka `pag ganitong reunion, ganyan talaga. May mga tuksuhan.” “Wala ka pa ring pakialam hanggang ngayon,” anito. “At bakit naman ako maaapektuhan? Malinis ang konsiyensiya ko. Sandali nga, kailangan ko nang mag-CR.” “I’ll be here, hihintayin na kitang lumabas,” sabi nito. “Bahala ka.” Nang bumalik sila sa party ay nagkakasayahan pa rin ang lahat. Marami pa silang pinagkuwentuhan ni Lea pero mas pinagtuunan ni Bianca ng atensiyon ang kinaroroonan ni Rusty. Naroon pa rin ito sa mesa ng mga kabarkada. “Big-time na pala si Rusty,” kaswal na sabi niya. “Sinabi mo pa. Nakita mo ba iyong kotse niya? Ang gara!” “Yeah. Magkatabi kami ng sasakyan.” “So, sa iyo pala iyong F-150? Sabagay, hindi na ako dapat magtaka. Balita ko, milyonarya ka na sa Maynila.” “Luka-luka! Gastador ako, paano ako magiging milyonarya?” “Dapat pala isama mo ako palagi. Sasamahan kitang gumasta!” Nagkatawanan sila. “Ano’ng trabaho mo ngayon, Lea?” “Wala. Minsan, natutulog maghapon sa bahay, minsan, puro lakwatsa.” Napangisi siya. “Nakaka-relate ako. Ganyan din ako dati. Hindi ka pa nagsasawa?” “Ano bang hindi? Ang hirap ng buhay ngayon. Hindi ako makakita ng matinong trabaho. Mas mabuti pang sa bahay na lang.” “Ano bang katwiran iyan? Bakit hindi ka mag-business? Wala ka talagang aasahang malaking suweldo sa panahon ngayon. Pinaka-okay ang magnegosyo. Amo mo pa ang sarili mo.” “As if may puhunan ako. Ganda ko lang ang puhunan ko, `no!” Tumawa na naman ito. “Ewan ko sa iyo. Hindi ko alam kung maniniwala ako sa iyo. Teka, ano ba iyong mga cottage na iyon?” “Ipinatayo ni Alejo. Para daw sa atin kung gusto nating mag-overnight. Eh, feeling ko naman, walang mag-o-overnight dito. Mas gusto pa rin nilang umuwi. May mga dala namang sasakyan ang iba. Makiki-hitch na lang iyong mga walang wheels na gaya ko.” “Eh, sayang naman ang cottages na iyan kung hindi mapapakinabangan,” aniyang may nabubuong ideya sa isip. “What do you mean?” “Dito tayo mag-overnight. Tamang-tama, may dagat, di mag-swimming tayo.” “Mag-overnight puwede, pero iyong mag-swimming, hindi puwede. Nakainom na ako. Baka mamaya, mahilo ako sa dagat, malunod pa ang beauty ko.” “Pero game ka na mag-overnight tayo rito?” “Why not?” Napangiti si Bianca. “Sandali, baka naman tayong dalawa lang ang mag-o-overnight dito. Mukha naman tayong tanga n’on,” sabi nito mayamaya. “Of course not. Yayain mo ang iba nating classmates. Puwedeng i-extend ang party hanggang bukas. Kung nakainom na ang iba, di bukas na lang mag-swimming. Maganda nga iyon, para na ring morning exercise.” “Wala akong dalang damit.” “Marami akong damit sa sasakyan,” maagap na sabi niya. “Pahihiramin kita.” “May swimsuit?” “Two-piece pa kung gusto mo.” Napangiti si Lea. “All right! Rumampa tayo bukas. I heard may mga single guys pa sa mga classmates natin. Baka magkaroon na ako ng love life. How about you, Bianca? Wala ka bang iniwang boyfriend sa Manila?” “Kahit saang lupalop ng mundo, wala.” “We’re both available!” nakangising sabi nito. “At hindi natin dapat sayangin ang pagkakataon! Kakausapin ko ang boys. I’ll ask them kung gusto nilang mag-overnight. Kapag reluctant, di pilitin!” Tumawa pa si Lea nang malakas pagkasabi niyon. “Tingnan ko nga kung mapipilit mo sila,” nakangiting hamon niya. “Ako pa?” nagmamalaki namang sabi nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD