12

782 Words
TULAD ng dati, nainip si Bianca sa paghihintay sa tawag ni Rusty. Naiintindihan niya ang trabaho nito pero hindi dahilan iyon para mawala ang kanyang pagkainip. Kung hindi ka makukuha sa santong-paspasan, kukunin kita sa santong-dasalan, aniya sa isip. Kabisado na niya ang clinic schedule ng binata. Ni hindi na niya kailangan pang konsultahin ang calling card na ibinigay nito sa kanya. Bago tumuloy sa clinic nito sa Cardinal Santos, dumaan muna siya sa isang bakeshop at bumili ng cake. “Hi, Neri! Nandiyan si Doc?” bati niya sa sekretarya nito pagkarating sa clinic. “Nasa OR siya, eh. May sini-CS,” sagot nito. Nakadama si Bianca ng disappointment pero hindi nagpahalata. “Kanina pa? Gaano ba katagal ang CS operation?” “Karaniwang dalawang oras. Pero depende rin sa nanganganak. Minsan kasi, kahit CS, mas tumatagal kaysa karaniwan. Minsan naman, mabilis lang, lalo na kung walang komplikasyon sa mommy at sa baby. Kaaalis lang niya, eh. Malamang by this time, nag-i-scrub pa lang iyon.” Wala siyang balak na maghintay nang dalawang oras. “Ganoon ba? Pakibigay mo na lang ito sa kanya.” Iniabot niya rito ang cake. “Sure, Ma’am. Birthday ninyo?” “No. Sige, aalis na ako.” Kinagabihan ay nagulat siya nang tumawag si Rusty. “Thanks for the cake,” sabi agad nito. “It’s nothing,” aniya, biglang sumigla. “Nasa OR ka kanina nang dumaan ako, eh.” “Yeah, ginabi na nga ako roon. May inalis din kasi akong cyst sa matris n’ong nanganak kaya mas tumagal ang operasyon. How are you? Pasensiya ka na kung hindi ako nakakatawag noon gaya ng sinabi ko—” “Utang-na-loob, huwag mong sasabihin sa aking may emergency cases ka,” pabirong sabi niya. Tumawa ito. “Pero iyon ang totoo.” “So, mabuti naman at nakatawag ka ngayon. Tapos na ba ang mga emergency cases?” tukso pa niya. “Pauwi na ako, actually. Dinala ko na nga itong cake na bigay mo. Malamang ito na ang hapunan ko. Teternuhan ko na lang ng kape.” “Wala ka bang kasama sa bahay kahit maid man lang?” “I live alone. My choice.” “Pero walang nag-aasikaso ng pagkain mo, Rusty. Baka sa susunod na magpaanak ka, duling ka pala sa gutom at iba ang magawa mo.” Tumawa uli ang binata. “Hindi naman. I don’t skip meals. Minsan nga lang, ganito. Sa halip na regular meal, nagkakasya na ako sa kung ano na lang na puwedeng makain. I’m tired. Bukas na lang ako babawi ng pagkain sa almusal. For now, ang gusto ko ay makauwi na. Kakain sandali at magpapahinga na.” “Baka pati pagtawag mo sa akin ay nakakaabala pa sa iyo?” “Of course not.” “Ano’ng balak mo bukas?” tanong niya. “As far as I know, wala kang clinic schedule bukas.” “Community service. May association kaming mga doktor at dentista na nagbibigay ng libreng serbisyo sa mga urban poor. Tomorrow, sa Payatas area kami.” “Really? Puwedeng sumama?” “Nasa sa iyo iyon. Pero sasabihin ko na rin sa iyo na karamihan sa pasyente namin, lumalapit sa amin nang hindi pa naghihilamos at nagsesepilyo. Baka hindi ka sanay sa ganoon.” Yuck! Muntik nang maibulalas ni Bianca iyon kung hindi lang niya napigilan ang sarili. “Sobra ka naman. Tell me, paano ba ako makakatulong? Hindi ko pa nae-experience na sumali sa ganyang public service. Maybe it’s about time I get involved.” “Kung gusto mo talaga, ipapakilala kita sa presidente ng NGO na kinabibilangan ko. Siya ang magpapaliwanag sa iyo ng misyon ng grupo at kung paano makakapagbigay ng tulong ang mga interesadong tumulong.” “Anong oras tayo magkikita bukas?” Mas interesado siya sa muli nilang pagkikita kaysa sa sinasabi nitong NGO. Kailangan lang niyang gawing dahilan iyon para magkita sila. “Alas-sais ng umaga ang assembly namin sa dental clinic ng kasamahan namin. Nasa Commonwealth Avenue iyon. Pero hindi naman kailangan na nandoon ka rin sa oras na iyon. Puwedeng dumeretso ka na sa Payatas kung hindi ka magigising nang maaga. Maghapon naman kami doon. Sa barangay hall.” “I’ll try to wake up early. Saan sa Commonwealth ang sinasabi mong dental clinic?” Sinabi nito ang pangalan ng clinic at ang landmark na malapit doon. “I’ll try to be there,” aniya. “I’m home, Bianca. Walang signal sa basement parking kaya baka maputol itong tawag ko sa iyo.” “Okay. Bye for now. See you tomorrow.” Nang mawala si Rusty sa kabilang linya ay nag-set agad siya ng alarm clock para magising nang maaga bukas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD