13

1220 Words
HINDI kasing-snob si Bianca ng mga socialite pero hindi rin naman siya kasingmasa na kagaya ng nakikita niyang kilos ni Rusty, parang bale-wala rito kung umabot man sa magkabilang tainga ang uhog ng batang akay-akay ng babaeng pasyente nito na sa hula niya ay ina ng bata. Alam niya na lugar ng mahihirap ang Payatas. Napapanood niya sa TV na bundok ng basura ang kapiling ng mga tagaroon sa araw at gabi. Pero mayroon din namang mga pasyente na kahit mahirap ay malinis at presentable ang hitsura. Iyon nga lang, karamihan sa lumalapit kay Rusty ay parang hinahabol ng suklay, tubig, at sabon. Pero ano ang magagawa niya? Gusto niyang mapalapit sa binata kaya nagtitiis siya. Hindi rin niya ipinahahalata ang pagkailang. Nagagawa pa nga niyang ngumiti sa iba. Nakilala na rin ni Bianca kanina ang presidente ng organisasyon at nangako siyang magdo-donate ng mga gamot at pagkain sa susunod na community service ng mga ito. Parang magsasakripisyo lang naman siya ng isang blouse at pantalon sa halagang kailangan niyang itulong sa kawanggawa. Alam niya sa sarili na hindi siya napipilitan lang na mag-alok ng tulong. Nang araw na iyon ay nabuksan ang kanyang mga mata sa kalagayan ng mahihirap. Naisip niyang habang wala siyang tigil sa paggastos sa kung anu-anong mga bagay, may mga taong halos walang maisuot na damit at kapos na kapos sa pagkain. “Mabuti at hindi ka naiinip,” ani Rusty sa kanya nang kaunti na lang ang mga dumarating na pasyente. “Sa dami ng mga tao sa paligid, paano ako maiinip? Nakakatuwa rin sila. Kapag binibigyan ay marunong magpasalamat.” Ngumiti ang binata. “Hindi naman komo mahihirap ay masasama na ang ugali. Karamihan sa mga barangay na sineserbisyuhan namin, pinag-aaralan din namin ang galaw ng mga tao. Hindi kami tumutulong sa mga taong alam naming ginagawa na lang na dahilan ang pagiging mahirap para makahingi ng tulong sa iba. Dito, halos lahat ng mga tao ay alam naming nagsisikap na mabuhay sa sarili nilang kayod. Ang mga ganitong tao ang mas masarap tulungan,” sabi nito. “Yes, I agree with you.” Bahagyang kumunot ang kanyang noo nang makitang nagliligpit na ito ng mga gamit. “Tapos na ba ang service?” “Hindi pa. Pero nagpaalam na ako sa grupo kanina. `Sabi ko, lilibre na ako bago mag-lunch. Ito lang ang nakikita kong pagkakataon para makabawi sa iyo, Bianca. Baka kapag ipinagpaliban ko pa, lalong hindi ako makabawi.” Nginitian niya nang matamis ang binata. “You surprised me.” “Come on,” anito at tumayo na. “Dapat pala ay hindi na ako nagdala ng sasakyan kung may balak kang ganito,” aniya nang papunta na sila sa kinapaparadahan ng kanya-kanyang kotse nila. “Hindi ko rin naman ito pinlano. Naisip ko lang bigla kanina. You also surprised me. Hindi ko nga inaasahan na darating ka—at on time—sa assembly namin.” “Maaga kasi akong nagising kanina. Naisip kong pumunta na rin sa meeting place ninyo,” katwiran niya. “Saan tayo magla-lunch?” “Ikaw, saan mo gusto? Marami na akong utang sa iyo.” “Bumabawi ka na ngayon kaya huwag mo nang banggitin pa ang utang kuno na iyan.” “So, saan nga tayo magla-lunch?” “Familiar ka ba sa Sonia’s Garden?” “Sa Tagaytay?” parang nagulat na sabi nito. “Hindi kaya merienda na kapag nakarating tayo roon?” “Nami-miss ko kasi ang pagkain nila,” kaswal na sabi niya. “Okay, kung doon mo gusto,” sang-ayon nito. Akmang bubuhayin na nito ang makina ng sasakyan nang parang may maalala. “Bianca, magkahiwalay na sasakyan pa rin ba tayo pupunta roon?” Napangiti siya. “Mayroon akong puwedeng pag-iwanan ng sasakyan ko sa gawing Cubao.” “Good. Susundan na lang kita papunta roon, `tapos, lumipat ka na lang dito sa sasakyan ko mamaya.” “Okay.” KAKAIBANG saya ang nararamdaman ni Bianca nang mga sandaling iyon. Papunta na sila ni Rusty sa Tagaytay. Kahit malayo iyon para lang sa isang tanghalian, bale-wala iyon sa kanya. Natutuwa pa nga siya dahil matagal pa niyang makakasama si Rusty. Hanga siya sa binata. Kahit mabilis ang takbo ng sasakyan nila ay maingat pa rin ito sa pagmamaneho. “I really didn’t expect you to be a doctor. Nang makita ko itong sasakyan mo noong reunion natin, iba ang pumasok sa isip ko.” “Na car racer ako?” Umiling siya. “Huwag mo nang itanong. Baka magalit ka pa sa akin.” Nilingon siya nito. “Bakit naman? Hindi natin hawak ang opinyon ng ibang tao. Besides, hindi ko dinala ang sasakyang ito noong reunion para lang ipakita sa lahat na iba na ang katayuan ko ngayon sa buhay. Sabihin na lang natin na ito lang kasi ang sasakyan ko. Binili ito ng stepfather ko para sa akin nang makapagsara siya ng isang malaking business deal.” “Mahal na mahal ka ng stepfather mo.” “Yeah, itinuring niya akong isang tunay na anak. Ang dati kong sasakyan... you wouldn’t believe it. Isang sixties model na Volkswagen. Hindi pa aircon.” Natawa si Bianca. “May grupo na rin ng Volks enthusiasts ngayon, baka hindi mo alam? May mga kakilala nga ako na gumagastos nang malaki sa pagre-restore ng kotseng kuba.” “Ako naman, kaya ganoon ang dati kong kotse ay dahil iyon lang ang kaya ng budget ko. Noong una ko ngang hawakan ang kotseng ito, parang naiilang pa ako. Pero ayoko namang tanggihan ang isang bagay na alam kong sadyang ibinibigay sa akin. Ayoko ring tanggihan ang stepfather ko. Ibinenta ko na lang iyong Volks. Nag-iisa lang ako, hindi ko kailangan ng maraming sasakyan.” “Sa bahay, maraming sasakyan,” kaswal na sabi niya. “Pero ako, dalawa lang ang pinagpapalit-palit kong gamitin. Iyong kotse kanina saka iyong gamit kong pickup noong reunion. Kapag malayuan ang biyahe, mas tiwala ako sa pickup ko.” “Curious ako kung ano ang inisip mo nang makita mo itong sasakyan ko,” anito. “Huwag na, Rusty. Baka magalit ka pa sa akin.” “Promise, hindi. Ano nga?” “Nakakahiya, eh.” “Sabihin mo na,” pamimilit pa rin nito. “Are you sure hindi ka magagalit?” Umiling ito. “Come on, tell me.” “d**g lord, jueteng lord, kidnap-for-ransom g**g leader.” “Talaga?!” bulalas ng binata, saka tumawa nang malakas. Natawa na rin siya. “Hindi ka galit?” Umiling si Rusty at lalong tumawa. “I’m just amused. Kunsabagay, hindi kita masisisi. Kilala akong bad boy noong high school tayo.” “Saka may kasama ka pang barkada noong um-attend ka ng reunion. Mukhang goons mo sila,” kantiyaw pa niya. “Ganoon, ha? Actually, ang mga kaibigan kong iyon ang mapilit na sumama. Kung ako lang, gusto ko nga ay mag-isa lang na pumunta. Pero hindi ko naman sila matanggihan. Iyong dalawa kasi roon, sa kabila ng San Esteban ang hometown. Bago kami nagpunta sa reunion, dumalaw kami sa San Luis.” Tumangu-tango si Bianca. “Huwag mong sabihing mga doktor din ang mga iyon.” “Hindi,” mabilis na sagot nito. “Sila ang mga d**g lord, jueteng lord at—” “Rusty!” Nagkatinginan sila at muling nagkatawanan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD