MASAYANG pinagsaluhan nina Bianca at Rusty ang tanghalian kahit halos alas-dos na ng hapon nang makarating sila sa Tagaytay. Mahigit isang oras din sila sa Sonia’s Garden. Naaliw silang mag-stay roon, lalo at nagkataong nagte-tape doon ang isang magazine show sa TV nang araw na iyon.
“Sa TV ko rin nalaman ang tungkol dito,” kuwento ni Bianca sa binata. “They featured organic plants. Saka mga halamang hindi pamilyar sa akin pero edible pala. The first time I came here, ako lang mag-isa. Curious na curious talaga ako. Kulang na lang order-in ko ang lahat ng nasa menu. Medyo mahal pero okay lang. Healthy eating naman. Walang guilt feeling kahit na maparami ako ng kain.”
“Naririnig ko na rin ito sa mga kasamahan ko. Isinasama nga nila ako rito pero hindi naman ako makasama. You know, so—”
“Sobrang busy,” pagtutuloy ni Bianca sa sasabihin nito.
Naabala ang kuwentuhan nila nang lumapit sa kanila ang isang crew ng TV program. Magalang na nagtanong ito kung puwedeng hingin ang kanilang opinyon tungkol sa restaurant. Pumayag naman siya.
“Ikaw na ang magsalita mamaya sa video, para sumikat ka sa mga pasyente mo,” biro niya kay Rusty.
“Naiilang ako sa limelight,” natatawang sabi nito. “Ilaw lang sa tapat ng operating table ang hindi ko kinatatakutan.”
Sa bandang huli ay si Bianca rin ang nagsalita nang itutok sa kanila ang camera. Ilang sandali pa, nagkayayaan na rin silang lumabas.
“Ang sarap dito,” sabi niya. “Lampas alas-tres pa lang ng hapon pero ang lamig na ng hangin. Kung nasa Manila tayo, hindi mo ako mapapalabas nang ganitong oras dahil sa sobrang init!”
“Eh, di huwag muna tayong umuwi. Malapit na lang dito ang picnic grove. Doon na muna tayo magpalipas ng oras,” suhestiyon nito.
Napangiti si Bianca. Iyon naman talaga ang balak niya. Ipinagpasalamat niyang si Rusty na ang naunang nagyaya.
Maraming tao sa picnic grove, karamihan ay mga magkakapareha. Ang iba nga ay hantaran ang pagyayakapan at paglalambingan. Hindi nakalagpas iyon sa paningin niya. Isang pilyang ideya ang pumasok sa isip.
Rusty was a gentleman. Kanina pa niya napapansin iyon. Hinahawakan nito ang kamay niya pero hindi para makapag-holding hands sila kundi para alalayan siya kapag kinakailangan.
“Gusto mong umarkila tayo ng kabayo?” tanong nito.
Nanlaki ang mga mata niya. “I hate horses!”
Mukhang nagulat naman ito sa reaksiyon niya.
“The truth is may mga alagang kabayo ang mama ko. Race horses. Noong unang beses akong nagkainteres sumakay sa kabayo at nahulog ako, kinalimutan ko nang sumubok uli. Wala akong balak na mabalian ng buto sa susunod,” paliwanag niya.
“Okay, maglalakad-lakad na lang tayo.”
Nagpunta sila sa mga souvenir shop. At natuklasan nilang pareho silang madaling makumbinsi ng mga tindera. Halos lahat ng madaanan nilang shops ay binibilhan nila. Bago nila marating ang dulo ng hilera niyon ay marami na silang T-shirts, key chains, at kung anu-anong souvenir items na napamili.
“Dito ka muna,” sabi nito. “Ilalagay ko lang sa kotse itong mga binili natin para wala tayong bitbit.”
“Sige.”
Hindi nainip si Bianca sa paghihintay dahil bumalik din agad si Rusty. Lakad-takbo pa nga ang ginawa nito habang palapit sa kanya.
“Nagpapagutom ka na ba agad?” biro niya.
“Hindi naman. Masarap kasi ang hangin kaya masarap ding tumakbo.”
“Jogging in the afternoon?” natatawang tanong niya. “Doon tayo.” Itinuro niya ang isang bakanteng cottage na malapit sa railing. Ang lugar na iyon ang pinaka-viewpoint para tanawin ang Taal Volcano.
Naghari ang katahimikan sa pagitan nila habang nakamasid sa bulkan na halos nakalubog na sa dagat.
“Mas lumalamig ang paligid. Ang ginaw,” pagbasag ni Bianca sa katahimikan. Pinagkrus pa niya ang mga braso sa tapat ng dibdib. Totoong maginaw sa paligid pero kaya pa naman niyang i-tolerate. Gusto lang niyang malaman ang magiging reaksiyon ni Rusty.
“Pang-summer kasi ang damit mo,” komento nito.
Gusto niyang mapangiwi. Hindi ganoong reaksiyon ang inaasahan niya. Hindi siya kumibo at ikiniskis na lang ang mga palad sa mga braso.
“Maybe this will help,” anito at inilapit ang katawan sa kanya. “I hope you won’t mind kung gagayahin natin ang ibang nasa paligid.”
“Yayakapin mo ako?” tanong ni Bianca, pilit itinago ang excitement sa boses, kahit kulang na lang ay magtatalon siya sa tuwa. “Effective na pantanggal ng ginaw `yon.”
Nang pumuwesto ang binata sa likuran niya at ipinulupot ang mga braso sa baywang niya ay isinandig niya ang katawan dito. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at ninamnam ang sensasyong dulot ng pagkakalapit nila.
“Still cold?” mayamaya ay tanong nito.
“Hindi na masyado.”
Nakangiting nag-angat si Bianca ng tingin. Naramdaman niya ang pagtama ng mainit na hininga nito sa kanyang mukha. Hindi niya inaasahan ang bahagyang pagyuko nito kaya halos maglapat na ang kanilang mga labi.
Ibinuka niya ang bibig pero wala siyang maapuhap na sasabihin. Napako ang tingin niya sa mga labi ni Rusty na parang kay sarap humalik. Parang nag-aanyaya rin ang mga iyon.
Bahagya siyang tumiyad para mag-abot ang kanilang mga labi.
Hindi niya sigurado kung kaninong mga labi ang mas malamig dahil sa hangin sa paligid. Idiniin pa niya ang pagkakalapat ng kanilang mga labi. At naramdaman din niya ang pagkilos ng mga labi nito.
Sa mga sumunod na sandali ay ang mga labi na ng binata ang mas gumawa ng pagkilos, parang gusto pang mas malasap ang tamis ng halik na pinagsasaluhan nila. At parang tuluyan nang napawi ng pagkakalapat ng kanilang mga labi ang anumang lamig sa paligid.
Sa isang pag-udyok ay lalo niyang ibinuka ang mga labi. Hinayaan niyang maging mas mainit at malalim ang halik na iyon.
Hindi iyon ang unang beses na nahalikan si Bianca ng isang lalaki, pero kakaiba ang epekto ng halik na iyon sa kanya.
Kung hindi pa nagkaingay sa paligid ay hindi pa nila pakakawalan ang mga labi ng bawat isa. At saka lang niya na-realize na nasa isang pampublikong lugar sila. Ang ingay na narinig nila ay gawa ng mga batang naglalaro sa paligid.