“BIANCA...”
“You don’t have to say anything kung wala kang maisip sabihin,” malambing na sabi ni Bianca kay Rusty.
Nagtatakang tinitigan siya nito.
Ngumiti siya. “Let’s not talk about it. It just happened. Hayaan na lang natin na ganoon.”
Hindi niya alam kung pinaglalaruan lang ba siya ng kanyang imahinasyon o totoo ang nakita niyang parang pagtutol sa mga mata ng binata.
“Past four na. Gusto mo na bang umuwi? Mabuti sigurong bumiyahe na tayo. Baka ma-traffic tayo kung magpapagabi pa tayo,” sabi na lang nito.
“Sige,” pagsang-ayon na lang niya.
Pareho silang tahimik habang biyahe. parang mas piniling itutok ni Rusty ang buong atensiyon sa pagmamaneho kaysa magbukas ng usapan. Komportable naman siya sa katahimikang iyon. Kahit paano ay masaya siya sa mga nangyari. Ang dapat niyang gawin ay isipin ang susunod na gagawing hakbang.
Binasag ng pagtunog ng cell phone nito ang katahimikan sa loob ng sasakyan. Mabilis na sinagot nito iyon.
“Hello?” Kumunot ang noo nito pagkatapos. “Matindi na ba ang hilab? Okay, dederetso na ako sa ospital. I’ll be there in thirty minutes. Relax, hindi pa naman agad lalabas iyan. Medyo pahihirapan ka pa ng baby na mag-labor,” parang biro pa nito sa kausap bago pinutol ang linya.
Nang tumingin ito sa kanya ay kaswal siyang tumango. “Emergency,” aniya.
“Kailangan kong dumiretso sa ospital.”
“Okay lang. Magta-taxi na lang ako pauwi.”
“Paano ang kotse mo?”
“Walang problema. Ipapakuha ko na lang sa driver.”
Tumango ito. “Kailangan kong bilisan ang pagmamaneho.” parang nagpapaalam sa kanyang sabi nito.
Napangiti si Bianca. “Yeah. At ang ganyang emergency ang advantage nitong kotse mo.”
“Kung walang traffic.”
Mas naging halata ang pagmamadali sa kilos ni Rusty nang pumasok sila sa compound ng ospital. Nang ganap na maiparada ang sasakyan ay inabot agad nito ang medical bag na nasa backseat. Hindi na niya hinintay na ipagbukas pa siya nito ng pinto at nagkusa na siyang bumaba nang makababa ito.
“Bianca,” tawag nito.
“Okay lang, Rusty. Dumiretso ka na sa labor room.”
Tumango ito, saka bumaling sa kanya. Walang babala na inabot nito ang kanyang batok at kontrolado siyang kinabig. Isang mabilis na halik ang iginawad nito sa kanyang mga labi.
Nagulat si Bianca kahit wala siyang balak na magreklamo. Nagtama ang kanilang mga mata. Isang matipid na ngiti ang ibinigay nila sa isa’t isa bago sila tuluyang naghiwalay.