“AKALA ko ba, magtatagal ka rito,” nagtatampong sabi ng lola ni Bianca habang nakamasid sa pag-eempake niya.
“Pasensiya na kayo, Lola, kailangan ko na talagang lumuwas. Sumama na lang kasi kayo sa akin para matagal tayong nagkakasama.”
Umiling ito. “Huwag na, mag-aaksaya lang tayo ng gasolina. Alam mong hindi ako makakatagal sa Maynila. Hindi ka na ba talaga mapipigil, apo?”
Nasa Maynila ang misyon ko, gusto sana niyang isagot. “Hayaan n’yo, Lola, dadalasan ko na lang ang pagtawag sa inyo.”
Malungkot na tumango ito. “Ikumusta mo ako sa mama mo.”
“Of course, I will.” Binitbit na ni Bianca ang bag. Mabilis na ring dinampot ni Tita Mila na nasa pintuan na ang iba pa niyang gamit.
Nakasunod ang lola niya hanggang sa isakay niya sa pickup ang mga bag.
“Mila, baka nakalimutan mo iyong ulam,” sabi pa nito.
“Hindi po, Tiya. Nasa unahan po ng sasakyan.”
“Bianca, ipainit mo na lang iyan sa kusinera ninyo. Tatagal pa iyan hanggang bukas.”
Tumango si Bianca. “Salamat, Lola. I’m going to miss you.” Yumakap siya rito at humalik sa pisngi nito. “`Love you, `La.”
Namuo ang luha sa sulok ng mga mata nito. “Kung bakit naman kasi nagmamadali kang umuwi.”
Nakangiting muli niyang niyakap ito. “Bye, `La.”
“YOU’RE here!” gulat na sabi ng mama ni Bianca. “I thought you were not coming back soon?”
Tumawa lang si Bianca, saka humalik dito. “Para namang hindi ninyo ako kilala na pabagu-bago ng isip.”
“Sana nga ay ganoon lang,” sabi nito. “Baka mamaya, may kalokohan ka na namang iniisip, Bianca? You’re not getting any younger, baka nakakalimutan mo. It’s about time na magseryoso ka sa buhay mo.”
Pasalampak siyang naupo sa tabi nito. “I’m not forgetting. Besides, serious naman ako, `di ba? I have my own business. At alam ninyo na kumikita ang mga iyon. Mana yata ako sa inyo, magaling ang mga kamay pagdating sa negosyo.”
Bumuntong-hininga ito. “When will you get married, darling?”
Exaggerated siyang umubo, at saka tumawa. “Who knows? Maybe sooner than anyone expects.”
“Sana nga.”
Nakataas ang isang kilay na tinitigan niya ito. “Serious ka yata, Mother? Something wrong?”
“Nothing. Nitong mga huling araw ay mas naiisip kong nagkakaedad na ako. At ikaw rin. It’s about time na magkaroon na ng munting anghel sa bahay na ito.”
“Dati nang may anghel dito, `Ma. Ako.” Ngumisi pa siya.
“Tumawag ang Tita Marissa mo. Confirmed nang darating sila para dito mag-spend ng holiday. May reservation na raw sila sa eroplano. She was asking about you. May ipapakilala raw siya sa iyo na kaibigan ng asawa niya. A thirty-five-year-old software executive. Half American-half Filipino. Baka raw magkagustuhan kayo.”
Bianca rolled her eyes. “I hate matchmaking.”
“Then find a man for yourself.”
Namilog ang mga mata niya. “Actually, I’ve already found him.”
Umaliwalas ang mukha ng mommy niya. “Who’s he?”
“One of these days, you’ll meet him. I’ll just iron out things first.”
Kumunot ang noo nito. “Baka naman kalokohan iyan, Bianca?”
“Of course not. This is serious. I know he’s the right man for me.”